Chapter 2 Taming A Grumpy Girl
Nang makarating si Eliza sa comfort room, humarap siya sa salamin at pinakatitigan ang sarili. Bakit sa dinami-dami ng lalaki na ipapakilala sa kaniya ng ama ay ang lalaking iyon pa?
"Nakakainis! At nagsinungaling pa siya! Bwisit talaga! Napaka-antipatiko!" aniya at huminga ng malalim saka pinakalma ang sarili bago nagpasyang lumabas ng CR. Kung pwede nga lang umalis na ay ginawa na niya pero nakakakahiya naman kay Mr. Clavier.
"Wala ka bang GMRC?" muntik ng atakihin sa dibdib si Eliza dahil sa gulat ng may magsalita sa gilid niya. Tiningnan niya ang nagsalita. Walang iba kung hindi si Shane. Ang antipatikong lalaki na nagnakaw ng halik sa kaniya!
"At anong ginagawa mo rito?" Nakataas ang kilay niyang tanong. Naglakad palapit sa kaniya ang binata na may ngisi sa mga labi.
"So ayaw mo akong makilala?" nakataas ang sulok ang labi nitong tanong. Nagtapang-tapangan siya kahit na kahibla na lang ang layo nila sa isa't-isa.
"Sino ba naman ang gusto makilala ang kagaya mo? Antipatiko! Mayabang!" sigaw niya rito. Mabuti na lang at silang dalawa lang ang naroon. Kapag may makakakita sa kanila iisipin na para silang magkasintahan na may hindi pagkakaunawaan. Nanindig ang balahibo niya ng ilapit nito ang labi sa kaniyang taenga.
"Palalampasin ko ito, Ms. Marquez. Tandaan mo ito, sisiguraduhin ko na magkakagusto ka rin sa'kin," kompiyansang wika nito saka lumayo sa kaniya at umalis na sa kaniyang harapan. Doon lang kumalma ang naghuhurumentado niyang puso pagkaalis ng lalaki.
"Napaka-yabang talaga! Hindi ako magkakagusto sa iyo!" inis niyang sabi sa sarili at nagtungo na rin sa mesa nila.
"Basta kapag may time ka iho, pwede kang bumisita sa opisina para makakwenttuhan kita," wika ng ama ni Eliza kay Shane nang matapos silang kumain.
"Sure po, Mr. Marquez," tugon ni Shane at binalingan siya. Inirapan niya ito at nag-iwas ng tingin.
"Naku, madami akong ikwekwento sa iyo, iho," masiglang wika ng kaniyang ama. Nagpatuloy ang usapan ng tatlo. Paminsan-minsan ay tinatanong siya ni Mr. Clavier. Natapos ang araw na iyon at pakiramdam niya sira na ang araw niya dahil kay Shane.
Mag-aalas-onse na ng umagang iyon at patapos na si Eliza sa pag-review ng mga dokumento na nasa kaniyang mesa nang bumukas ang pintuan ng kaniyang opisina at pumasok ang Sekretarya niya na si Monette.
"Ma'am, nandito po si Sir Wilbert po," pagbibigay-alam nito sa kaniya. Ano naman kaya ang sadya ni dad?
"Okay," tugon niya at muling ibinalik ang tingin sa mga dokumentong hawak.
Napakunot-noo siya ng marining na may isa pang yabag. Nagtaas siya ng tingin at nakita ang kaniyang ama kasama si Shane. Nanlalaki ang mga mata niya sa gulat na naging dahilan para mapatayo siya.
"Dad bakit kasama mo siya?" inis niyang tanong sa kaniyang ama saka binalingan ang lalaki na may masuyong ngiti sa labi. Inirapan niya ito. Alam naman niyang aasarin lang siya ng binata kaya ito naroon.
"Ipinagpaalam ka niya sa'kin anak na kung pwede ka daw ba niyang makasabay sa lunch," wika ng kaniyang ama.
"Pwede ba?" tanong nito at itinaas pa ang hawak na paper bag na marahil ay pagkain ang laman niyon. Binigyan niya ng masamang tingin ang binata. Ginamit pa talaga nito ang ama niya para sirain ang araw niya!
"Paano kung ayaw ko? Pwede ba kung sisirain mo lang ang araw ko mas mabuti pang umalis ka nalang," pagsusungit niya habang nakataas pa ang kilay hindi alintana na naroon ang kaniyang ama.
"Elizzzaaaa!" matigas at maawtoridad na bigkas ng kaniyang ama. Napakagat-labi siya. Kapag ganoon na ang termino ng kaniyang ama alam niyang galit na ito.
"Sorry, dad," hinging-paumanhin niya.
"Say sorry to him, Eliza," matigas nitong sabi at binalingan si Shane.
"No, hindi ako hihingi ng sorry, dad," pinal niyang sabi. Buntong-hininga ang kaniyang ama na wari'y sumusuko na sa kamalditahan niya.
"Pasensiya ka na sa inasal ng anak ko," hinging-paumanhin ng kaniyang ama kay Shane.
Ngumiti si Shane na naging dahilan para mapatitig siya. Mas nadagdagan ang kagwapuhang taglay ng binata dahil sa pagngiti nito. Sinita niya agad ang sarili. Bakit ba niya pinupuri ang kumag na ito?
"Okay lang po, Tito. Naiintindihan ko po si Eliza," saka binalingan siya. Ipinaikot niya ang mga mga mata. "Alam ko po na hindi maganda ang una naming pagkikita kaya gusto ko pong bumawi sa kaniya," paliwanag nito. Sa galing nitong umakting sa harapan ng kaniyang ama ay pwede na itong bigyan ng titulong Best Actor!
"Oh, sige maiwan ko na kayong dalawa," pamamaalam ni Wilson at binalingan si Eliza. "Be nice to him," anito sa nagbabantang boses. Tumango na lamang siya. Nang makalabas ang kaniyang ama ay pumalapak siya.
"Best actor of the year! Pang-famas ang acting!" aniya na may ngisi sa mga labi. Napakunot-noo si Shane at dahan-dahang lumapit sa kaniya habang titig na titig sa kaniya.
"Totoo ako ang mga sinabi ko sa iyong ama. Hindi ako umaarte lamang, Eliza," anito habang matamang nakatitig sa kaniya.
"So sincere ka ng sabihin mong babawi ka?" tanong niya.
Tumango ito at bigla na lang hinawakan ang kaniyang kamay at iginiya siya sa mesa na nasa opisina niya. Hindi niya alam pero wala siyang naramdamang pagtutol sa ginawa nito. Ipinaghila siya nito ng upuan.
"Sit," utos nito na sinunod naman niya.
Siguro mas mainam na huwag muna niya itong sungitan. Titingnan niya kung totoo na babawi ito sa kaniya. Baka sabi lang nito iyon para makuha ang loob niya.
Kinuha na nito sa loob ang laman ng paper bag na dala at ipinatong iyon sa mesa. Nakatitig lamang siya lalaki habang ginagawa iyon hanggang sa bigla itong nag-angat ng tingin at nagtama ang kanilang mga mata.
"Ahem! Nagluluto ka pala," komento niya. Ngumiti ito dahilan para lumabas ang pantay-pantay at mapuputi nitong ngipin. Napakamot ito sa batok.
"Hindi, niluto ito ni Aling Teresa, ang kasambahay namin," tugon nito habang binubuksan ang takip ng isang tupperware. Naamoy niya ang mabangong aroma ng Pork Menudo. Umupo na rin si Shane sa katapat niyang upuan matapos lagyan ng kanin ang kaniyang plato.
"Salamat," wika niya at ngumiti.
"Ayan! Mas lalo kang gumaganda kapag nakangiti," puri nito sa kaniya. Sinamaan niya ito ng tingin.
"Huwag mo nga akong binobola! Gusto mo bang sungitan ulit kita?" pagtataray niya na nakataas pa ang kilay. Natawa naman si Shane sa inasal niya at itinaas ang dalawang kamay.
"Hindi na. Kain na tayo," anyaya nito sa kaniya. Natawa naman siya.
"Biro lang," sabi niya na natatawa pa rin pagkuwan ay tumitig siya sa binata. "Salamat," aniya at nagbaba na ng tingin para doon ituon ang atensiyon sa pagkain dahil hindi niya kayang tagalan ang titig ng binata. Ano bang nangyayari sa kaniya?