Chapter 8
Gamit ang kotse ng kakambal niya ay sinundo na ni Niam ang pamangkin para dalhin ito sa dentista. Nasa post-it nakasulat ang pangalang Dr. Maranan at ang address ng clinic nito. Nakadikit iyon sa ibabaw ng dashboard.
Isinara na ng katulong ang gate nang makapasok na sa sasakyan si Benjamin. Ang stay-in na trinangkaso pa ring si Yaya Luming ay nagpapahinga. Inayos niya ang seatbelt ng bata kahit naglilikot ito habang hawak ang iPad. Naglalaro kasi ito ng isang fantasy game na hindi niya alam laruin nang masilip niya.
“Ibigay mo sa ‘kin ‘yan kapag nandoon na tayo sa clinic,” sabi niya rito nang tumatakbo na ang sasakyan.
“Ano’ng gagawin natin pagkatapos bunutin ang ngipin ko, Tita?”
Sumulyap siya rito. “Eh, ‘di uuwi.”
“Hindi ba ‘yon masakit, Tita?”
Napasulyap pa siya rito. Magkahalong kuryuso at takot ang mababanaag sa mga mata nito.
“May tinatawag na anesthesia ang dentist kaya parang kagat lang ng langgam ‘yon.” Ayaw niya kasing takutin ito na masakit nga ang pagbunot ng ngipin lalo na’t kapag nawawala na ang bisa ng anesthesia.
Napasimangot ang pamangkin. “Ayoko ng kagat ng langgam, Tita. Masakit din ‘yon!” Nagkuros pa ang mga braso ng bata at humaba ang nguso.
Napangiwi siya. “Eh… paano ‘yan? Kailangan nang bunutin ang ngipin mo, Benjamin. Papalitan na kasi ‘yan ng bago, ‘di ba?”
Hindi ito kumibo. Nakanguso pa rin ang bata. Mukhang kailangan niyang i-pacify ito at baka ayaw magpabunot. Mapupurnada pa yata ang dental appointment nito kapag magwawala ang pamangkin. Hindi lang masasayang ang oras niya kundi ang oras din ng dentistang nag-allocate ng oras para sa kanila. Isa pa, kailangang matapos na talaga ang bunutang ito para wala nang problema.
“Sige, let’s have a deal. Kung magiging matapang ka sa pagbunot ng ngipin mo, treat kita ng ice cream pagkatapos. Hindi muna tayo uuwi. Ano, gusto mo ba ‘yon?” nawika na lang niya.
Namilog ang mga mata nitong napatingin sa kanya nang marinig ang ice cream. “Talaga, Tita? You’ll buy me ice cream?”
Napangiti siya sa pamangkin kahit papaano. “Oo naman. Kailan ba ako nagsisinungaling sa ‘yo, ha?”
Ngumisi sa kanya nang natutuwa ang bata. “Ibig sabihin, magmo-mall din tayo, Tita?”
“Kung gusto mo, eh, bakit hindi?”
“Manonood din tayo ng movie, Tita?”
Napangiwi si Niam. Marami pa naman siyang gagawin sa shop niya at heto parang tukso ang bata para huwag siyang magtrabaho.
“Benjamin, may work kasi ako…”
“Tita please?” pakiusap ng batang nagpa-puppy eyes.
Napabuga na lang siya ng hangin. “Oo na. Sige, manonood tayo ng sine kung gusto mo. At kung may pambatang movie, okay? Kung wala, ice cream lang ang ite-treat ko sa ‘yo. Deal?”
“Okay, deal!” sang-ayon ng bata.
Napangiti si Niam sa pamangkin. “Maitanong ko nga, bakit gusto mong manood tayo ng movie? Hindi ba kayo nanonood ng papa mo?”
Humaba ang mukha ng bata. “Busy kasi siya, Tita.”
“Ayaw mong bilhan kita ng laruan?”
“I have lots of them, Tita. Halos mapupuno na nga ang silid ko, eh,” ang tugon ng bata.
Napatango siya rito. Napansin nga niyang marami itong Lego toys at kung anu-anong laruan. Iyon kasi ang palaging binibili ni Ace para sa anak nito kapag nag-a-out of town. Paminsan-minsan ay pinapadala ito ng headquarter sa ilang branch para mag-surprise audit at nang makita ang ilang problema sa mga ito.
Nagrereklamo pa paminsan-minsan si Ace na hindi iyon kasama sa job description nito pero kasi marunong ito sa halos lahat ng pasikot-sikot ng kumpanyang pinagtatrabahuhan sa loob ng maraming taon na. Kaya naman ito ang pinagkakatiwalaan ng mga nasa higher ups.
“Ayaw mo no’n? Ipo-promote ka rin nila palagi dahil sobrang loyal mo,” nasabi pa niya minsan sa kapatid at umingos lang ito.
“Hayaan mo, palagi kitang bibisitahin at ako ang makikipaglaro sa ‘yo. Okay ba ‘yon?” aniya sa bata.
Ngumiti ito sa kanya nang maluwag. “Tuturuan mo rin ako ng mga assignments ko, Tita? Wala kasing time si Papa para gawin ‘yon, eh.”
Tumango siya at inabot ang ulo nito para hagurin ang buhok nito. “Sige, sige. Tawagan mo lang ako kapag kailangan mo ng tulong sa mga assignments mo, ha? Tita will try to make time for you kahit busy, okay?”
“Sabi mo ‘yan, Tita, ha?”
“Oo nga. Pagpasensiyahan mo na si papa mo kasi trabaho lang ang inaatupag. Ano kasi… naghahanda ‘yan siya ng pera para makapag-aral ka ng college at nang hindi ka magutom,” paliwanag niya sa bata upang hindi ito magkakaroon ng galit sa ama.
Napatingin sa labas ng bintana ang kanyang pamangkin, hindi na umimik.
“Kasi, alam mo, no’ng buhay pa ang mga lolo at lola mo bago sila nagkasakit at iniwan tayo, kaunti lang ang pera nila kaya kinailangan naming kumayod ng papa mo para makapagtapos ng pag-aaral. Buti nga magaling na programmer ang papa mo kaya malaki ang suweldo at ako naman nag-ipon noong nagtatrabaho ako dati sa isang hotel bilang pastry chef kaya heto na ako ngayon. Kapag malaki ka na, Benjamin, maiintindihan mo rin ang lahat ng ito. Kaya ngayon pa lang, sinasabi ko na sa ‘yo ang dahilan kung bakit sobrang abala ng papa mo sa trabaho. Intindihin mo na lang muna siya, ha? Hayaan mo, kakausapin ko rin ‘yon para naman may bonding time kayo kahit minsan lang sa isang buwan kung hindi man kada linggo. Okay?”
Tumingin sa kanya ang bata at napanguso lang.
Nang dumating sila sa building ay hinanap na kaagad ni Niam ang pangalan ng dentista. May nakita pa siyang Dr. Chinnie Olalia-Teneza sa katabi niyon bago niya nakita ang Dr. Byron Maranan na pangalang nakalagay sa pintuang salamin.
Napakiling pa siya ng ulo. Ang pamilyar naman ng pangalan nito. Naalala niya tuloy si Byron. Nandilat na lang ang mga mata niya pero ipinilig niya ang ulo.
‘Baka kapangalan lang, Niam,’ anang isipan niya. Palagi na rin kasi siyang napapaisip sa lalaki simula nang makita ito. Kaya naman paminsan-minsan ay may wishful thinking na siyang makikita niyang muli ito nang hindi inaasahan.
Pumasok na silang magtiyahin sa clinic. Humarap sa kanila ang isang middle-aged na sekretarya. Nag-fill out na siya ng form nang bumukas ang pinto ng nakasarang pinto kung saan naroroon ang pasyente at dentista.
Nagkatagpo ang mga mata nila ni Byron na naka-mask. Napansin niyang nagulat itong makita siya roon at ganoon din siya.
‘Siya nga!’ sigaw ng utak niya. Kilala niya kahit sa mga mata nito.
“Niam,” nasambit ng lalaki nang lumabas ang babaeng pasyente nito at nagbayad na sa sekretarya. Inalis nito ang suot na face mask kaya nakumpirmang ito nga ang nakilala niya. Pagkatapos ay napatingin ito sa batang nasa tabi niya nakaupo.
“Kilala mo ang dentist ko?” tanong sa kanya ng pamangkin nang halos pabulong saka napalingon ito sa dentista. Mukhang nanantiya ang tingin ng bata sa dentistang nakasuot ng puting coat habang isang asul na polo at itim na slacks ang nasa ilalim.
“Uh, yes. Benjamin, I think it’s your turn now.” Nagtatanong ang mga mata niya sa sekretarya ng dentista.
Tumango naman ito at kaya inalalayan na niya ang bata papasok sa loob. Napansin niyang ibinigay ng sekretarya ang chart ng bata sa dentista at tiningnan ang fields na sinulatan niya roon.