Chapter 9
Biglang kumabog ang puso ni Byron nang makita si Niam sa clinic niya. Tinanggap niya ang chart na bigay ni Ate Nida sa kanya.
Bahagyang napapikit ng mga mata ang binata. Benjamin Pamintuan ang pangalan ng bata at nakalagay naman doon ang guardian/parent ang pangalan ni Niam Pamintuan.
‘Anak nga niya ang batang ‘to,’ nakumpirma na niya nang dahil sa apelyido. Napahugot pa siya ng hininga nang pumasok na ang mga ito sa loob at sumunod siya.
Inihanda na ng assistant niya ngayon na isang nag-o-OJT na nursing student ang bata sa upuan. Mukhang maiiyak ang bata.
“Tandaan mo ang deal natin, Benjamin,” marahang paalala ni Niam sa bata. Hinaplos pa nito ang pisngi ng bata at hinalikan sa noo bago bahagyang lumayo pero nakikita pa rin ng bata.
“First time niya?” tanong niya sa babae nang pormal.
Tumango naman ito sa kanya. Isinuot niya ang panibagong face mask at tumango rin dito. Bumaling na siya sa batang pasyente.
“Benjamin, you can just close your eyes, okay? Mabilis lang ‘to. Huwag kang matatakot,” marahang instruksyon niya sa bata.
“Okay,” parang talunang sabi ng bata. Unti-unti na nitong ipinikit ang mga mata.
Siya naman ay inihanda ang anesthesia para sa bata. Iyong tipong parang toothpaste lang ang gamit niya na ipinahid sa gum nito. Kinakausap niya ang bata ng kahit na ano habang hinihintay na umepekto ang anesthesia. Pagkatapos ay sinimulan na niyang bunutin ang ngipin nito.
“Huwag mo munang idilat ang mga mata mo, okay? Pero idura mo ang tubig. Tutulungan ka ng mabait nating Ate Assistant,” malumanay na instruksyon niya sa bata.
Tumalima naman ito. Napasulyap pa siya kay Niam na mukhang nabunutan ng tinik nang makitang tapos na ang bunutan. Nagsulat na siya ng prescription para sa bata at kung ano ang puwede nitong kainin habang nagpapagaling ng sugat. Iniabot niya ito kay Niam na agad ding binasa iyon.
“My number is there if you have questions,” sabi niya nang pormal. “You can just call me anytime.”
Napatingin ang babae sa kanya nang ilang saglit bago tumango. “Thank you, Doc Byron.” Ginawaran pa siya nito ng isang maganda ngunit matipid na ngiti.
Para siyang nahihipnotismo nang dahil doon pero agad siyang nagbawi. Ibinaling na niya ang mga mata sa bata. Napansin niyang malinis na ang idinura nito. Nilagyan niya ng bulak ang sugat nito at sinabihan itong huwag muna nitong idura iyon.
Inalalayan pa niya ang bata na manaog ng upuan. “You are such a brave boy, Benjamin,” puri niya sa batang pasyente.
Ngumiti sa kanya si Benjamin habang nakaipit ang bulak. Kumaway ito sa kanya. Sinamahan pa niya ang dalawa na lumabas at magbabayad na sana ang babae. Pinigilan niya ang kamay nito.
“You don’t have to pay. You’re… an acquaintance.”
Lumipad ang tingin ni Ate Nida sa kanya. Bahagyang napaangat ang kilay nito pero hindi naman nagsalita.
“P-pero…” simulang protesta ni Niam.
“It’s fine,” giit pa niya.
Pabaling-baling naman ng tingin sa kanila ang bata saka nakita niyang hinila nito ang babae para dumukwang. May ibinubulong ito. Napatingin naman sa kanya ang dalaga.
“Ah… sabi ni Benjamin ay padadalhan kita ng chocolates kung gusto n’yo bilang kapalit.”
Nagkatinginan sila sandali ni Ate Nida. Lumuwag pa ang ngisi ng huli. Parang gusto niyang matawa pero nagpigil lang siya.
“Gusto namin!” agad na sansala ni Ate Nida bago pa siya makapagsalita. Pinandilatan niya ito pero ngumisi lang ito.
Tumango naman si Niam dito. “Okay then. Salamat po nang marami. Um… siyanga pala, heto ang calling card ko. Just in case… kung… may okasyon at gusto n’yo ng catering service,” sabay abot nito kay Ate Nida.
“Oh! May-ari ka pala ng catering service?” naiintrigang anang Ate Nida.
“Maliit lang po siya. Kasisimula ko lang last year. So, nagpo-promote ako sa kahit bagong kakilala ko lang po,” medyo napapahiyang anito.
“Oh, I see. Sige, I will spread the word,” sabi ni Ate Nida ritong tumango-tango.
“Or, mag-iwan ka na rin ng ilang calling cards mo rito at ibibigay namin sa mga pasyente namin.” Ewan ba niya at lumabas na lang iyon sa bibig niya.
Napamaang ang babae sa narinig. “Talaga?”
Tumango siyang inalis ang face mask.
“Naku! Salamat nang marami!” excited namang anito at isang maliit na bundle ng name cards ang ibinigay nito kay Ate Nida.
“Sure. No problem!” ang sabi niyang nakangiti sa magandang babae.
Nagpaalam na ang mga ito at ipinagbukas niya ng pinto ang dalawa. Nang hindi na niya nakikita ang mga ito ay saka lang niya isinara ang pinto at napasandal dito.
“Ano ‘yon?” agad na bungad ni Ate Nida nang makaharap niya itong muli.
Napamaang pa siya sandali. “Uh… Naisip ko lang na kailangan niya ng tulong kaya… ‘yon! So, tutulungan natin siya. Ibibigay mo sa mga pasyente natin ang calling card niya, okay?”
“Doc? May gusto ka ba sa babaeng ‘yon? Para kasing nakikita ko ang pattern, eh, noong may gusto ka kay Doctora Olalia. Alam na alam ko ‘yang titig mo, eh. Kilala kita,” nanunudyong saad ni Ate Nida.
Napatawa naman siya nang marahan. “Ano? Are you okay? May anak na ‘yong tao, Ate Nida! May asawa na ‘yon.” Bahagya pa niya itong sinimangutan.
Napaismid ito. “Well, how about some newsflash?” May kung anong ningning pa sa mga mata nito ang nakikita niya ngayon.
Napasimangot pa siyang lalo rito. Naghihintay na magsalita itong muli.
“Kilala ko ang ama ng bata, Doc.”
Napaawang ang mga labi niya sa narinig. “What?”
Lumapad pa ang ngisi nito. “Oo! Kakilala ko dahil kasamahan sa trabaho ng nakababatang brother-in-law ko. Minsan na kasing napunta ‘yon sa bahay noong birthday ng pamangkin ko at kaya inirekomenda ka ng brother-in-law ko para maging dentista ng anak niya.”
“So, that’s the newsflash?” Bahagyang tumaas ang kilay niya.