Chapter 6

“Ite-text ko na lang si Roda para siya na ang magsasara sa shop,” sagot naman ni Niam.

At iyon na nga ang ginawa nito nang dukutin ang cell phone sa loob ng shoulder bag na dala.

“Mauna na ako,” pormal na pagpaalam ni Byron sa babae nang bumukas na ang pinto ng elevator. Tumakbo na siya papunta sa sasakyan niya samantalang naglakad ang mag-asawa patungo sa sariling sasakyan ng mga ito. Napansin man niyang napasunod sa kanya ng tingin ang babae ay binalewala na lang niya iyon.

Habang nasa daan siya patungong airport ay napaisip siya sa mukha ng babae pero pilit niya itong iwinaglit sa isipan. Hindi kasi dapat. May asawa na itong tao. Iyon nga lang ay nasasayangan pa rin siya.

“What took you so long, Byron?” sumbat ni Charlie sa kanya nang bumaba siya ng kotse. Binuksan niya ang trunk ng sasakyan at ipinasok nito ang bagahe roon.

Sabay na silang lumulan ng kotse pagkatapos niyang maisara ang trunk.

“It slipped from my mind. I’m sorry. Hindi ko talaga sinadyang kalimutan ang pagsundo sa ‘yo, Charlie. Something just… came up,” palusot niya habang pinapatakbo na ang kotse.

“Low bat ang cell phone ko kaya naman nanghiram ako sa isang guwardiya roon sa airport. Hiningan ba naman ako? Eh, wala akong barya. Binigyan ko ng twenty pounds!” reklamo pa nito.

“Hay! Pucha naman ng guwardiyang ‘yon! Sinabi mo sana kaagad sa ‘kin,” sabi naman niya rito.

“Kalimutan mo na ‘yon. Minsan lang naman. Mapera naman ako. Baka nangangailangan lang ‘yon. My point is, you forgot to pick me up on time!” Halos duruin pa siya nito.

Naiiling siya rito at napangisi. “I really didn’t mean it. Give me some slack, man!”

“It’s fine now. Anyway, is it okay if I crash at your place indefinitely?” Ngumisi pa ito sa kanya. Para sa kanya ay mas tisoy at mas magandang lalaki ito kaysa sa kanya nang dahil sa lahi nito. Hindi naman niya masisisi ang mga babae kapag mas napapansin ito kaysa sa kanya. Pero ganoon siguro dahil sa pamilya nilang may magandang genes kaya naman ay hindi siya naiinggit dito.

“Yeah, sure! Walang problema. Tawagan mo na nga pala sina Tito para malaman nilang dumating ka na at sinundo kita,” sabay bigay ng cell phone niya rito.

“Yeah, right. Sinundo mo ‘ko nang late na. Thanks!” Inabot na nito ang cell phone niya at nag-dial na para tawagan ang mga magulang na nasa U. K.

Napangisi si Byron na nagmamaneho. Alam niyang isusumbong siya nito sa tiyo niya pero batid niyang balewala lang iyon sa huli. Medyo ayaw lang ni Charlie na maghintay nang matagal kaya ganoon. Admittedly, his cousin could be a piece of work sometimes. But overall, his cousin was a good person. May personality lang talaga itong medyo hindi nakatutuwa paminsan-minsan pero kilala naman na niya ito kaya ayos lang.

***

“Sino ba ang lalaking ‘yon na kausap mo sa elevator?” tanong ng fraternal twin brother ni Niam habang ibinaba na nito ang foldable na trolley mula sa trunk.

“Ah, si Byron. Kakikilala ko lang no’n. Doon siya nakatira sa condo building na ‘yon,” sagot niya kay Ace.

“Kailan mo lang nakilala ‘yon?” He squinted his eyes while looking at her.

“Well, kanina lang? Bakit ka ba nagtatanong kasi? Ano’ng nangyayari sa ‘yo at parang ini-interrogate mo pa ako nang ganito dahil sa lalaking ‘yon?” Ngumuso siya sa kakambal.

“Mukhang iba kasi kung makatingin sa ‘yo, eh,” tugon nito na medyo nagsalubong ang dalawang hindi kakapalang kilay.

Napatawa siya sa sinabi ng kakambal. “Nag-o-overthink ka lang yata sa nakikita mo, eh. Tsk!” Ipinasok na nito sa bahay niya ang trolley at nakapamaywang na tumingin sa kanya. “Bakit ba, Ace? Paano ba siya kung makatingin sa ‘kin, ha?” taas-kilay naman niyang dagdag na balik sa kakambal. Para kasing nonsense itong pinag-uusapan nila.

Kumibit ito. “Forget it. Aalis na ako,” iling na lang na sabi nito. Tumalikod na ito sa kanya.

“Huh! Nagtanong tapos kung tatanungin naman, ayaw sumagot.”

Napasunod siya ng tingin dito hanggang sa makaalis na. Pumasok na lang siya ng bahay at isinara ang pinto habang napapaisip kay Byron. Pinilit niyang alalahanin kung paano ito tumingin sa kanya.

Napangiti naman siya. Kinikilig kasi siya kapag naaalala ang mga mata nitong kulay-tsokolate na parang namumungay. Para rin siyang malulunod sa kaibuturan ng mga iyon. Lumalakas naman ang pagkabog ng dibdib niya nang dahil sa isiping iyon.

Ang bango-bango pa ng lalaking iyon bukod sa magandang katawan at pagiging magandang lalaki. Kahit anong suot nito, mapa-sweat pants man o jeans ay ang sarap pagmasdan ng pang-upo nito. Maliban sa perpekto nitong maputing ngipin ay perpekto ang katawan nito para sa kanya. Tuloy ay nai-imagine niya ang sarili na yakap-yakap ng maskulado nitong mga bisig at nakasandal ang pisngi niya sa matipuno nitong dibdib. Amoy na amoy niya rin ang pabango nito kanina na pinaghalong musk at sandalwood.

Napapilig na lang siya ng ulo at tinampal ang sariling noo.

“Hoy, Niam! Tigil-tigilan mo na ang pag-iisip sa guwapong estrangherong ‘yon, ah,” saway niya sa sarili. “Palaguin mo muna ang business mo at hindi paglalandi sa lalaki ang aatupagin mo.”

Nagtungo na lang siya sa banyo niya at nag-shower. Pinilit na huwag isipin si Byron. Subalit puno naman ng erotic images ang panaginip niya nang makatulog na siya.