Chapter 5
Nasa balcony ng unit niya si Byron pero naririnig niya ang tilian sa ibabang floor. Nakatingin siya sa magandang city nightscape na may iba’t ibang kulay ng mga ilaw, tulad ng dilaw, puti, at pula. Naiiling pa siyang napangiti nang dahil sa ingay na iyon. Nalaman niya mula sa guard ng condo building na may ginagawang bridal shower sa isang unit sa ibabang floor. Dahil naririnig niya ang tilian ay halatang nakabukas ang sliding door ng balcony ng unit na iyon na nasa mismong ibaba lang niya.
Tuloy ay napaisip siya sa babaeng nakita niya kanina sa elevator. Nalaman niyang doon pala ang sadya nito. He guessed that what he saw earlier had something to do with the bridal shower.
‘No wonder,’ naisip na lang niya. Nagiliw pa siya kaya napangiti na lang siya at napailing.
“Ano? Nasa parking lot ka na? Hintayin mo muna ako. Malapit na silang matapos.”
Narinig na lang niya ang magandang boses ng isang babae na nasa ibabang balcony. Napadungaw siya at nakita ang babaeng nakita niya kanina sa elevator.
Biglang tila sinikaran ang puso niya nang makita ito kahit sa medyo malamlam na ilaw roon. Hindi siya napansin nito dahil hindi naman naka-on ang ilaw sa balcony niya. Mas nakikita niya kasi ang paligid kapag ganoon.
“Ah, right! Sige, akyat ka na lang at tulungan mo ako sa trolley, please. Muntik ko nang makalimutan ‘yon.” Parang lumambing ang boses nito. “Okay. Sige.”
Nakita niyang natapos na nito kausapin ang sinuman sa kabilang linya.
“You must really have a lot of fun down there, huh?” saad niya sa babae.
Halos mapalundag ito nang bigla siya nitong marinig. Napasilip ito sa kanya sa itaas kaya ini-on na lang niya ang ilaw sa balcony niya upang makita rin siya nito.
“Oh! Y-you’re that… Elevator Guy,” nasambit nito nang mamukhaan siya.
He chuckled softly. “Yeah. The Elevator Guy. And you’re the… Dildo Girl.”
“Excuse me?” Nakapamaywang ito ngayong nakatingala pa rin sa kanya.
“Sorry! I’m Byron. Byron Maranan. And you are?”
Napatawa pa ito nang marahan. “It’s Niam Pamintuan. And, hey! Hindi iyon dildo. Just… p-something chocolate lollipop.”
Napanganga siya sa inilahad nito nang ilang saglit. “Wow!” Parang hindi siya makapaniwala.
“Well… yeah. Wow!” anitong medyo napahiya.
“For the bridal shower?” paglilinaw niya.
“Ahuh,” tangong turan nito.
Napailing siya at napangisi rito. May sasabihin pa sana siya nang nagmamadali na itong nagpaalam sa kanya. Mukhang dumating na ang kausap nito sa cell phone at hinahanap ito.
Napahigit na lang siya ng hangin.
‘Dildo Girl? Bakit ko ba kasi nasabi ‘yon? I really suck at this!’ kastigo pa niya sa sarili.
Tumunog naman ang cell phone niya. Tinungo na lang niya ang sala. Dinampot ang device na nakapatong sa center table.
“Where the bloody hell are you, mate?” inis na bungad kaagad ng kausap niya nang sinagot ang cell phone.
Napatingin siya ulit sa screen ng cell phone. Numero lang ang nandoon. Napakunot-noo pa siya.
“Who’s this?” balik naman niya.
“Byron, you’re bloody joking, right?”
Napamaang siya noong una at biglang napatawa. Ang half-British pala niyang pinsan sa side ng ina ang kausap niya. Si Charlie. Isang “hunk na chef” daw ito ayon pa ng sekretarya niya. Magbabakasyon daw muna ito sa Pilipinas at magkakaroon ng feasible study bago magdedesisyon kung magbubukas ito rito ng restoran o hindi. Iyon ay ayon sa tito niyang nakapangasawa ng British, ang ina ni Charlie, at nakatira sa United Kingdom.
Natampal niya ang noo. Nakalimutan niyang dapat nga pala niyang sunduin sa airport ang nakatatandang pinsan. Nawala rin ito sa isipan niya lalo na nang dahil sa babaeng nakasabay niya sa elevator na akala niya ay may dalang dildo. Iyon pala ay chocolate lollipop para sa bridal shower.
“Oh, God, Charlie! I’m so sorry! I’ll be right there in less than an hour tops!”
“Hurry!” demand naman ng pinsan.
Napakiling pa siya sandali ng ulo. Mas arogante pa at bossy sa kanya ang pinsang ito.
Ngali-ngali na siyang nagtungo sa kuwarto. Nagbihis na siya nang mabilis ng jeans at T-shirt at dinampot ang car keys. Nagmamadali siyang bumaba gamit ang elevator.
Huminto naman iyon sa fifth floor. Pumasok doon ang isang lalaking may dalang trolley at sumunod dito si Niam. Medyo nasorpresa siya dahil dito.
Napansin niyang magandang lalaki ang kasama nito ngayon, hindi katulad noong isa kanina na may patpatin pang katawan. Ito ngayon ay maganda ang pangangatawan na halatang nag-eehersisyo ring tulad niya.
‘Boyfriend niya kaya ‘to?’ napaisip siya tuloy.
“Hi,” bati ng babae sa kanya.
Napatingin sa kanya ang lalaking kasama nitong halos kasing-tangkad niya. Isa o dalawang pulgada lang yata ang lamang niya.
“Hi,” sagot na bati naman niyang napangiti sa dalaga. “Pauwi na kayo?” kaswal niyang tanong. Napaatras siya para bigyan ng espasyo ang trolley na dala ng mga ito, pati na ang dalawa.
Hindi na pinindot na ng kasama nitong lalaki ang button pababa ng ground floor nang makita ang ilaw ng button. Tila nagbabasa na lang ito ng text sa cell phone nito.
“Ah, oo.” Tumango ang dalaga.
“Hindi na tayo pupunta ng shop para i-drop ‘tong trolley, ha? Derecho na tayong uwi. Nag-text si Yaya Luming at sinabing hinahanap na ako ni Benjamin.” Matiim ang ekspresyon sa mukha ng lalaki na sumingit sa usapan nila ng dalaga.
‘Yaya? Meaning, may anak na sila?’ sa isip naman niya.
Nanghihinayang tuloy siya. Ewan ba niya at gusto pa niyang mapatawa nang mapakla nang dahil sa nararamdaman ngayon. Tila nagselos na siya kaagad kahit na noon niya pa lang nakikilala si Niam.
‘This is ridiculous,’ sa loob-loob niya.