Chapter 8
Wala pa rin kaming imikan ni Drake ng umalis kami kina Zyra. Napagdesisyonan na sila lang nina Riley ang magiging witness sa kasalang magaganap. Kahit kailan ay hindi sumagi sa isip ko na mangyayari ang ganito.
Ang inaalala ko ay si mama dahil natitiyak kong mabibigla iyon kapag nalaman niyang walang kahit sino sa side ni Drake ang dadalo sa kasal. Pero ang mahalaga ay makasal kami para naman makabayad ako sa utang na loob kay Drake.
Huminto ang sasakyan sa mall. Bibili kasi kami ng mga gamit para sa kasal. Lalabas na ako ng kotse ng hinawakan ako ni Drake sa braso. At kahit anong pilit kong waksi sa pagmamahal ko sa kanya ay nararamdaman ko pa rin ang kuryente na nanunulay sa aking mga ugat.
I'm so into him. Pero parang wala namang epekto sa kanya. Ang hirap! Pero laban lang tayo.
"Still mad at me?" tanong niya.
Napilitan akong tumingin sa gawi niya at umiling. " Sorry sa pag inarte ko kanina."
"Sorry rin sa pagiging insensitive ko. Ayokong masira ang anumang mayroon tayo, Adrienne."
Napatawa ako ng mahina." Ano bang mayroon tayo, Drake? Friendship? Hindi ko alam kung kaya pa nating maging normal na magkaibigan pagkatapos ng larong ito."
"Sisikapin natin," sabi niya at ginagap ang aking palad. May dinukot siya sa bulsa niya na isang kaheta. Tumambad sa mga mata ko ang kumikinang na singsing.
"Ano yan?" tanong kong agad sanang babawiin ang kamay pero hinawakan niya ng mahigpit.
"Engegement ring. Sorry kung nahuli siya sa proposal. Masyado kasing rush ang nangyari," aniya at isinuot ito sa ring finger ko." Bagay na bagay sa'yo." nakangiti niyang sabi na dinampian pa ng halik ang kamay ko.
Napangiti ako ng pilit." Kailangan pa ba to?" tanong kong napatitig din sa daliri ko. Ang ganda niya. Magkano kaya ang appraisal nito sa pawnshop. Masubukan nga pag-uwi ko.
"Ayokong maging malungkot ang pagsasama natin. Gusto kong maging masaya pa rin tayo tulad ng dati. Puwede ba nating gawin yon?" tanong ni Drake.
"Paano?" tanong ko.
"Just like the old times. Saka na natin isipin ang susunod sa mga darating na araw."
Tumango ako. Tama nga naman siya. Dapat na lang na sulitin namin ang bawat araw na mayroon kami.
Naganap nga ang kasalan sa huwes. Suot ang aking napakagandang white dress na hanggang tuhod ang haba. Dala-dala ko na ang pangalan ni Drake. Sabihin man nating isa lang itong kasunduan pero napakasaya ko pa rin.
Not my dream wedding but I married the man of my dreams. Sapat na ito para manatili ako sa tabi niya para alalayan siya. Hindi sa lahat ng oras ay mabibigyan tayo ng pagkakataon ng tulad nito. Ewan ko nga lang kung makakauwi pa akong buo pagkatapos nito.
"Best wishes," Ani." Bati sa akin ni Zyra at niyakap ako.
"Salamat Zi," tugon ko.
Abala naman sa pagbabatian sina Riley at Xyrus. Samantalang si mama ay tahimik lang at parang maluha-luha. Tapos na ang seremonya pero parang may hinahanap pa siya.
"Ma, okay lang po kayo?"
"Anica, bakit tayo-tayo lang ang nandito? Wala ba ang pamilya niya?" tanong ni mama na nakatingin kay Drake. "Oo nga pala hindi sila namanhikan dahil sabi niyo di na kailangan. Di man lang kami nakapag-usap."
Hinawakan ko sa braso si mama at iginiya palabas sa opisina ng judge na nagkasal sa amin. Dumating na ang araw na kinatatakutan ko. Mukhang kailangan ko na namang mag-imbento ng kuwento para di siya mag-alala.
"Ma, kasi po... ahm!" Nakagat ko ang labi." Di po nila alam na kasal namin ngayon."
Nanlaki ang mga mata ni mama." Anong hindi alam? Anica? "
"Ayaw po kasi nila sa akin dahil mahirap lang po ako. Pero gusto po akong ipaglaban ni Drake kaya po-" Hindi ko natapos ang sasabihin ng niyakap ako ni mama.
"Anak, bakit hindi mo sinabi? Paano kung pahirapan ka nila?" aniyang pinisil ang palad ko. "Hindi ka mahirap, anak. Ako lang ang mahirap."
"Mama!" Wala akong masabi. Kung ano na lang ang pinagsasabi ko. Sana mapatawad pa niya ako pagdating ng araw. Ako naman ang yumakap kay mama at hindi ko napigilang maiyak sa balikat niya.
Kumalas siya sa pagyakap sa akin. "Bakit ka umiiyak? Masisira ang make up mo." Pinahid niya ang mha luha ko.
"I will miss you, ma. Kayo ng mga kapatid ko."
"Akala mo naman titira ka sa abroad. Dalasan mo ang pagdalaw sa amin," aniya at inipit ang mga takas na buhok sa tainga ko.
Maya-maya lang ay lumapit si Drake at ang mga kaibigan namin para sa pictorial. Pagkatapos ay tumuloy kami sa reception na inihanda ni Drake sa restaurant ni Zyra.
Nandoon na at naghihintay sa amin ang aking mga kapatid. Parang mga batang nagsiyakapan sa akin na parang ayaw akong pakawalan. Nasanay kami na sama-samang haharap sa mga pagsubok pero sa pagkakataong ito ay mag-isa na lang ako.
Sina Zyra na rin ang naghatid kina Mama sa bahay. Naiwan kami ni Drake sa venue dahil uuwi pa kami sa bahay nila pagkatapos para ipakilala ako sa mga magulang niya.
"Tumawag sa akin si Dylan. Pinapauwi ako ni mommy dahil nasa bahay daw ang fiancee ko at ang parents nito," sabi niya. Si Dylan ay ang isa sa mga kapatid niyang lalaki. Tatlo kasi silang magkakapatid na puro lalaki.
Bigla akong kinabahan sa narinig. Kilala naman ako ng pamilya ni Drake dahil magkaibigan naman kami. Pero hindi din kami masyadong close ng mga ito.
"Handa ka na ba?" tanong niya. "Mukhang mapapasugod tayo ngayon."
Tumango ako. May magagawa pa ba ako para umatras? Tara na. Nang matapos at makapagpahinga tayo," sabi ko at naunang maglakad.
Tumawa ang loko. Ano na naman kayang pumasok sa isip nito?
"Parang excited kang masolo ako, ah!" Biro niya
"Kapal! Bakit tatabi ba ako sa'yo?" tugon ko. Kunyari galit pero halos manginsay na ako sa kilig sa kaibuturan.
"Why not? Mag-asawa naman tayo?" bulong niya sa tainga ko kaya nahampas ko siya sa braso." Ang bango ng misis ko."
Nanlaki ang mata ko. Nilalandi yata ako ng lalaking ito." Oi, wala sa usapan natin ang ganyan. Umayos ka kundi makakatikim ka sa akin."
"I love that. Puwede ba?" Sa takot siguro niya sa akin ay tumakbo ang loko at nauna ng pumasok sa sasakyan.
Napapailing na lang ako habang pinagmamasdan siya. Mukhang magsisimula na ang kalbaryo ko. Kalbaryo dahil isipin mong kasama mo sa isang bahay ang asawa mo pero hindi naman sa'yo. Sana kaya kong maging manhid pero hindi tao lang ako na mapagmahal.
Ang guwardiya ang nagbukas ng gate pagdating namin sa bahay nila.
"Let's go," aniya. Nauna siyang bumaba para pagbuksan ako. Magkawak-kamay kaming pumasok ng bahay nila. Para akong kriminal na naghihintay ng hatol. Pero okay lang kung ang kapalit ay ang matiwasay na pagtulog nina mama.
Sobrang higpit ng hawak niya na minsan naisip ko na sana habang buhay na lang niya akong hahawakan ng ganito.
"Hi Ate Anica!" Bati sa akin ni Dylan na nakasalubong namin papasok sa loob. Nakangisi itong tumingin sa magkahawak naming kamay ni Drake." Whooh! What does that mean?"
Sinenyasan ni Drake si Dylan para manahimik." Adrienne is my wife now," sabi ni Drake sa kapatid.
"That's great. Pero paano yong mga naghihintay sa'yo sa sala?" ani Dylan.
"Drake!"
Natigil ang pag-uusap namin ng marinig namin ang boses ng mommy ni Drake. Nagkatinginan kaming tatlo nina Dylan at Drake. Naramdaman ko rin ang paghigpit ng hawak ni Drake sa kamay ko.
Gaya ni Dylan kanina ay napatingin din ang mommy nila sa magkahawak naming kamay. Napakunot ang noo ng ginang.
"Good evening po," sabi ko para lang maisip ni Drake na magsalita na. Para kasing natatameme siya. Tango lang ang itinugon ng mommy nila.
"Mommy. I want to tell you something," ani Drake.
"Let's talk inside. Shaira and her family is waiting," anito na nauna nang pumasok kaya sumunod na rin kami.
Pagpasok pa lang namin sa bungad ng living room nila ay parang gusto kong magsisi sa mga naging desisyon ko. Nakatuon sa amin ang atensiyon ng lahat nang napansin nila ang pagdating namin. Pakiramdam ko, nanginig pati ang kidney at atay ko.
Lahat sila ay nakatingin sa kung gaano kahigpit ang paghahawak kamay namin. Pinipisil din ni Drake ang kamay ko paminsan-minsan na ginagantihan ko para iparating sa kanya na hindi ko siya iiwan sa ere.
Tumayo si Tito Frances, ang daddy ni Drake, at sinalubong kami. Kasama niyang tumayo ang napakagandang babae. Matangkad, maputi, singkit. Basta maganda. Mukhang may lahing koreana. Iba naman ang beauty ni Chloe.
Grabe ang mga karibal ko parang mga diyosa. Eh di sila na. Ako naman ang pinakasalan. Char lang! Napangiti ako sa tinakbo ng utak ko.
"Drake, mabuti naman at nakauwi ka na. Kanina ka pa namin hinintay. I want you to meet Shaira. Siya ang fiancee mo," sabi ng daddy ni Drake na inakbayan pa ang anak.
Napatikhim si Drake. "Dad, may gusto rin akong ipakilala sa inyo," sabi naman ni Drake at nakangiting tumingin sa akin." I want all of you to meet my wife, Adrienne Monica Montreal Villamor."