Chapter 11

"Riella!"

Malakas kong tawag sa makulit na bata. Kanina ko pa siya hinahanap. Namalengke lang ako saglit pagbalik ko wala na siya sa bahay.

Ang bata talaga na 'yon!

"Ang yabang mo, ah! Wala ka namang Papa!"

Napatigil ako sa paghahanap at lumingon sa pinanggalingan ng boses na 'yon.

Bayolente akong lumunok ng makita si Riella. Nakatalikod siya sa gawi ko kaharap ang tatlo pang bata na babae. Sa hinuha ko ay kasing edad niya lamang ang mga ito. Limang taon.

"Nagsasabi ako ng totoo." Mahinang sabi ng anak ko.

"Ano naman ngayon kung nag-aaway magulang ko! Ikaw nga isa lang magulang mo! Panget ka pa!"

Suminghap ako ng itulak ng mga ito si Riella. Napaupo ang anak ko sa semento.

Nanikip ang dibdib ko sa nasaksihan. Ngayon ko lamang ito nakita. Nag-aalala tuloy ako na baka lagi nila itong ginagawa kay Riella.

"Diyan ka na nga! Hmm!"

Mabilis kong pinuntahan si Riella pagkaalis ng mga bata.

"Riella..." mahinang tawag ko sa kanya nang makarating sa kanyang tapat.

Nakayuko ito. Nang marinig ang boses ko, unti-unti niyang itinaas ang kanyang ulo. Mangiyak-ngiyak kong hinawakan ang kanyang pisngi. Namumula ito gayon din ang gilid ng kanyang mata.

Umupo ako para magpantay ang aming mga mukha

"Mama..."

Bahagya ko siyang nginitian. Hinimas ko ang kanyang mahaba na buhok. "Di ba sabi ko sa'yo huwag kang lalabas ng bahay hanggat wala ako?"

"Sorry po, Mama. Niyaya kasi ako ni Abby na maglaro. Kaso inaway din niya ako."

Kumibot ang aking labi. "Pasensya ka na anak..."

Umiling siya at ngumiti. "Wala ka namang kasalanan kung bakit nila ako inaway Mama. Kasalanan ko po. Sorry." Ngumuso siya. "Hihingi na lang ako ng sorry kay Abby mamaya Mama."

Pumikit ako ng mariin. Masakit na makita ang anak ko na nasasaktan. Hindi niya binabanggit ang tungkol sa kanyang Papa. Hindi ko alam kung bakit hindi siya nagsasalita tungkol doon. Kung sakali din naman na magtanong siya ay wala rin akong masasagot sa kanya.

Niyakap ko si Riella. Hindi ko maiwasang maiyak.

Na kahit niloko at sinaktan ako ni Ivan. Na kahit pangalan ng babaeng mahal nito ang gusto niyang ipangalan sa anak namin, nagawa ko pa ring ipangalan kay Riella ang pangalang gusto niya. Mariella Ally, ang pangalan ng anak ko. Anak rin siya ni Ivan. Kahit na nasasaktan ako, ibinigay ko pa rin ang pangalan na iyon sa anak namin. Na kahit iyon man lang... may alaala si Ivan na iiwan sa anak ko. Kahit masakit.

"Gusto mong gawan kita ng paborito mong laruan?"

Tumunghay ako sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya at sunod-sunod na tumango. "Talaga Mama?! Gagawan mo ako ng wind mill na gawa sa straw?"

"Aba syempre naman! Basta para sa Prinsesa ko."

Tumayo ako. Inilahat ang kamay sa kanya. Tatalon-talon niyang tinanggap ang aking kamay.

Masaya ako na kahit ganito lang. Kahit mahirap ang buhay namin. Napapasaya ko pa rin si Riella. Kahit mga simpleng bagay.

Anim na taon na ang nakalipas. Tinanggap ako ni Papa ngunit hindi si Riella. Masakit na pinagmamalupitan niya ito kapag may kamalian na nagagawa ang anak ko. Duble ang balik. Bukod sa naaalala ko sa kanya ang sarili ko noong bata pa ako, masakit na dinadanas din ni Riella ang dinanas ko.

Hindi na rin ako nakapagtapos ng pag-aaral. Ayaw na akong patapusin ni Papa. Wala din magbabantay kay Riella. Hindi rin ako binibigyan ni Papa ng pera pang tustos. Tanggap ko iyon dahil kasalanan ko naman. Nagtrabaho ako bilang Cashier sa isang fastfood malapit dito sa amin. Para sa pangtustos namin ng anak ko... at syempre kina Papa at kuya din.

ALAS-KWATRO palang ng madaling araw ng umalis ako sa bahay. Ngayon kasi ang ikalimang kaarawan ni Riella. Bibili ako ng kanyang panghanda at regalo na rin sa kanya.

Kada birthday ni Riella pinag-iipunan ko talaga. Isang beses lang kasi sa isang taon pati ako makabili ng bagay na para sa kanya. Katulad ng damit at mga laruan. Hirap kasi talaga kami sa buhay. Maraming gastusin. Kailangan na magtipid.

Alas-otso ako ng makauwi sa bahay. Halos hirap pa akong magbitbit ng mga pinamili dahil sa dami.

Masaya akong pumasok sa bahay. Inilagay ko ang pinamili sa kusina. Naghugas muna ako ng kamay bago puntahan si Riella sa aming kwarto. Sigurado ako na gising na ang batang 'yon.

"Happy birt-"

Ang malawak na ngiti sa aking labi ay unti-unting nawala ng walang Riella na bumungad sa akin sa loob ng kwarto. Nangunot ang noo kong isinarado ang pintuan. Namaywang ako. Umiling sa inis.

'Layas na talaga ang batang 'yon.'

Bahagya akong natawa. Lumabas ako ng bahay para hanapin siya. Nagtataka rin ako kung bakit wala si Kuya at Papa dito sa bahay. Usually kasi sa umaga palang maingay ang bahay sa bunganga ni Papa.

Nakita ko sa labas si Abby kasama ang dalawang bata na kasama niya kahapon. Mga anak sila ng kapitbahay namin. Nilapitan ko sila.

"Abby... nakita mo ba si Riella?"

Nag-isip muna ito bago bigla tumango. "Opo! Nakita ko po siya kanina kasama ng Papa niyo po."

Natigilan ako. Kinabahan ako bigla. "N-nakita mo ba kung saan sila pumunta?"

"Hindi ko na po nakita kung saan. Basta umalis po sila."

Tinanguan ko siya. Nangangatog ang mga binti kong nakauwi sa bahay at umupo sa upuan sa sala. Mabilis ang pagtibok ng aking puso.

Napahilamos ako sa mukha. Maraming bagay ang pumapasok sa isipan ko. Ayokong mag-isip ng masama pero hindi ko maiwasan lalo na't hindi naman gusto ni Papa si Riella.

Nangangatal ang labi kong nakagat ang aking daliri. Nanginginig ang mga ito sa aking kaba.

Napatayo ako nang makita ang pagpasok ni Papa sa pintuan. Mabilis ko siyang pinuntahan. Nang hindi makita si Riella na kasama nito, napasilip ako sa labas dahil baka nagpaiwan sa labas.

Halos humaba ang leeg ko sa kakahanap pero wala akong nakita. Kung ano at kung sinong mga bata ang naglalaro kanina paglabas ko ng bahay, sila pa rin iyon. Binalikan ko si Papa na nakaupo na ngayon sa Sala.

Lukot ang mukha nitong nagbaling ng tingin sa akin. "Kape nga Ariana."

"Papa nasaan po si Riella?"

Sa halip na gawin ang utos niya, nagpunta pa ako sa kanyang harapan para tanungin siya. Nakatayo ako sa kanyang harapan habang ito ay nakaupo.

"Tsk. Ano namang pakialam ko diyan sa anak mo? Sige na. Ipagtimpla mo ako ng kape." Iwinagwag niya ang kanyang kamay na senyales na pinapaalis niya na ako.

"Papa si Riella nasaan!"

Sa labis na frustration nasigawan ko si Papa. Halos pumiyok ako sa taas ng aking boses.

Nagdilim ang mukha nito. Sa bilis nitong pagtayo hindi ko nagawang dispensahan ang aking sarili sa mabilis nitong pagtulak sa akin.

Suminghap at dumaing ako sa sakit ng tumama ang aking balakang sa isang upuan. Kasabay ng pagbagsak ng upuan ang aking pagbagsak sa sahig.

Mangiyak-ngiyak ko siyang hinarap. Nagmamakaawa. "Papa... please. Nasaan ang anak ko?"

"Ang anak mo? Wala na! Binenta ko na! Nang may pakinabang naman!"

Natulala ako. Nahigit ko ang aking hininga. Mabilis na nagsilandas ang luha sa aking pisngi. Nagbara ang lalamunan ko. Hindi makapagsalita. Umiling ako sa kanya.

"Mga walang kwenta! Ang aga aga pinapainit ang ulo ko!"

Umalis ito pero mabilis kong niyakap ang kanyang paa.

"Papa nasaan si Riella! Ibalik mo sa'kin si Riella!"

"Ano ba!" Malakas niya akong sinipa.

Tumalsik ako. Dumaing ako ng sabunutan niya pa ako. Malakas na iyak ko ang bumalot sa buong bahay.

"Dapat matagal ko ng ginawa iyon. Edi sana hindi tayo nahihirapan ngayon!"

"Papa! Paano niyo nasasabi 'yan? Anak ko po si Riella. Apo niyo siya! Nasaan si Riella. Ibalik mo siya sakin. Saan mo siya dinala!"

Nang-uuyam itong tumawa sa akin. Mas lalo akong umiyak. Ang anak ko na lang ang natitira sa akin pero inalayo pa siya sa akin ng sarili kong Ama.

"Kalimutan mo na siya!"

Muli niya akong tinulak. Napada ako sa sahig. Umalis ito pero huminto siya ng sumigaw ako.

"Napakawalang-hiya mong Ama! Sana hindi na lang kita naging tatay. Sana hindi niyo na lang ako naging anak! Ayoko ng maging tatay ang isang kagaya mo! Sana iniwan ko na lang kayo! Sana lumayo na lang kami ni Riella!"

Mabagsak itong lumingon sa aking gawi. Matalim ang mga tingin na iginagawad sa akin. Ibinalik ko ito ng may pag-aakusa.

Pagod na akong intindihin siya. Pagod na ako sa kanya.

Napaiyak ako lalo. Ang mabilis kong paghinga ay dumuble.

"Sana... ikaw na lang ang namatay at hindi si Mama." Wala sa sariling sabi ko.

Doon mas lalong nagalit si Papa. Mabilis itong kumuha ng walis tambo. Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan. Mabilis siyang nakalapit sa akin at hinampas ng walis.

"Walanghiya kang bata ka! Wala ka talagang galang!"

"Papa tama na po! Masakit. Papa!"

Lumakas ang iyak ko. Makailang ulit akong nagmakaawa sa kanya pero bingi siya.

Nakakuyampit ako sa isang sulok. Ang mga kamay ko ay pinoprotektahan ang aking ulo. Ang malalakas na pagpalo nito ay gumagawa ng malakas na ingay.

"Papa tama na po! Papa tama na po! Masakit. Papa!"

"Ikaw ang papatayin ko! Ikaw!"

"Papa/Mama!"

Ang malalakas at masasakit na palo sa akin ng walis ay nawala. Napalitan ito ng isang mainit na yakap mula sa isang maliit na katawan. Ang maliliit nitong iyak ang siyang lalong nakapagpaiyak sa akin.

Natigilan ako. Tinanggal ko ang kamay sa ulo.

"Riella..."

"Mama ko..."

Mahigpit ko siyang niyakap. Ayaw ko na ulit mawala siya sa paningin ko. Hindi ko kakayanin na mawala siya ulit.

"Mama huwag na po kayong umiyak. Nasasaktan din po ako."

Hinawakan ko ang magkabilaang pisngi niya at paulit-ulit na hinalikan ang kanyang noo.

"Im sorry! Im sorry! Hindi na kita basta basta iiwan sa bahay. Isasama na kita lagi. Im sorry."

"Mama..."

Muli ko siyang niyakap. Lumingon ako sa gawi ni Kuya Enzo na hawak na ngayon ang walis tampo na hawak ni Papa kanina. Si papa naman ay galit pa rin. Mabilis ang paghinga nito. Saglit itong natigilan bago inis na umalis.

"Sa susunod huwag mong hayaan na makasama ni Papa si Riella. Baka sa susunod wala na ako para kuhanin siya."

Kumibot ang aking mata. Hindi ko masyadong makita si Kuya dahil nanlalabo na ang aking mata sa luha. Mugto ang mata sa pag-iyak.

I mouthed 'thank you' to him.

Hindi kami magkasundo ni Kuya. Galit ako sa kanya pero sa pagkakataong ito, nawala iyon dahil sa ginawa niya para kay Riella. Ang kadenang iginapos ko sa puso para sa pagmamahal ko sa kapatid ko ay nakalas. Nanlambot ito at nagkaroon ng pag-asa na baka pwede pang magkasundo kami. Na baka sa pagkakataong ito, maging kakampi ko na siya at hindi kay Papa na lagi na lamang nitong kinakampihan.

Pumikit ako ng mariin. Niyakap ng mahigpit si Riella. Ang kaarawang masaya na gusto kong ibigay sa kanya ay hindi ko maibigay-bigay.

Napakawalang kwenta kong Ina...