KABANATA 1 - AT ANG HIRAP KAPAG NAWALA NA ANG DATING DAMDAMIN

"RONA, isang araw lang naman ako sa Hong Kong!" malamig na sambit ng kanyang asawa.

"Pero bakit ayaw mo akong isama, pwede naman diba?" giit niya pa sa asawa.

Alam niyang pwede siyang isama nito kahit na business trip iyon. Dati naman kasi siya nitong isinasama, pero ngayon ay iba na, hindi na ito tulad ng dati na palagi siyang kabuntot saan man ito magpunta. Nagsimulang man lamig sa kanya ang asawa nang makunan siya 1 year ago. Pagkatapos noon ay na-depressed siya at napabayaan ang kanyang sarili.

"Rona, hindi nga! Hindi pwede, iba ngayon, ayusin mo muna ang sarili mo!"

"Aba! Ano bang mali sa akin? Christ!"

"Saka na tayo mag-usap, kapag ready ka nang ayusin ang sarili mo, nakikita ko, your not fully recovered!" Sabay kuha nito ng bag at tuluyang lumabas ng kanilang silid.

Tumayo rin siya at lumapit sa bintana. Nakita niyang lumabas si Asaleah mula sa kotse, at pumasok din uli ng makasakay na ang kanyang asawa sa driver seat ng sasakyan. Siya hindi pwede, pero si Asaleah ay isinama nito. Muling bumigat ang puso niya, at gumilid ang mga luhang nagbabadyang tumulo, sinikap niyang humigop ng hanging, at mabigat na pinawalan iyon. Hindi niya sukat akalaing ganon na ang kalagayan ng kanilang relasyon, parang sa isang iglap lang ay naging mag-isa na siya.

Hindi niya matanggap ang pagkawala ng kanilang baby, kaya naman may isang taon siyang halos mawala sa kanyang sarili. Umiiyak at palaging tulala. Siguro ay dumanas siya ng matinding depression, at napabayaan ang asawa sa maraming bagay. Pero alam niya na kahit ganoon hindi siya nagkulang sa pag-aalaga rito.

"Ate Rona, are you okay? Siguro kailangan na muna nating mag-un wind," sabi ni Brigette, ang kapatid ng kanyang asawa.

Isang Psychologist Doctor. Mabuti na lang at narito ito. Hindi siya iniiwan kahit na may mga pinagdaraanan siya.

"Yeah, okay sa akin 'yang sinasabi mo, Bridge's, besides ano pa nga bang gagawin ko, kaysa naman magmukmok ako sa pag-alis nila." Tumayo siya at humarap sa salamin.

Nakita niya ang kanyang itsura. Aminado siya nawala na ang dating alindog niya. Tumaba kasi siya kaysa sa dati, noong nagwo-work pa siya, noong bago pa lang silang nagsasama.

Sumagi sa isipan niya ang nakaraang kasal nila. "Rhona, mahal, nakikita mo ba itong bahay na ito?" Turo pa nito sa bagong bili nilang bahay. "Dito natin bubuuin ang mga pangarap natin, "sambit nito na nakangiting nakatingin sa kanya ng may pagmamahal, puno ng pagmamahal, na kahit saan siya bumaling ay nararamdaman niya ang presensiya ng pag-ibig nito.

But, that was a years ago. Ngunit ilang taon lang ang lumipas, eto sila, singlamig ng bangkay ang mga damdaming namamayani sa kanilang mga puso. Tila mga patay na hindi na makakabangon ang kanilang relasyon. Lalo na nang dumating si Asaleah, ang secretary nito.

"Kasalanan ko ba? Kasalanan ko bang nawala ang baby namin Bridgs? Tell me?" Himutok niya sa kapatid ni Christ.

"Siyempre hindi Ate, pero bigyan mo lang ng time si kuya, malay mo bumalik din siya sa dati, huwag mo nang masyadong intindihin si Kuya, kahit na ganon niyon alam kong wala namang ginagawa iyong masama," sambit ni Bridgette na tila ipinagtanggol ang kanyang asawa.

Napatango na lamang siya at hindi alam ang kanyang gagawin, kinuha niya ang isang baso ng alak, at mabilis tinungga ang lamang niyon, hindi na siya nagsalita pa. Walang alam si Brigette sa nangyayari. Hindi alam ng lahat ang tunay na estado ng kanilang pagsasama. Siya lang at Christ ang tunay na nakakaalam. Alam niya na isang araw ay magigising na lang siya na wala na ito sa tabi niya, maaring nasa kandungan na ng iba.

2 year ago:

"Honey! Buntis ako!" masayang-masaya niyang sambit sa asawa. Isang taon palang silang kinakasal noon.

"Really! Sa wakas magiging dady na 'ko!" Sabay buhat pa nito sa kanya. At ang buong kabahayan ay napuno ng galak at saya.

____

"Honey, ano kaya kung doon tayo tumira kina Mama, para may makakasama ka, para naman mas maalagaan mo ang sarili mo at si Baby." Suhestiyon ng kanyang asawa.

Para sa kanya ay okay naman iyon. Kaya lang kilala rin kasi niya ang biyenan niya. At alam niyang marami silang mga bagay na hindi pinagkakasunduan. "Honey, pwede bang dito na lang ako, kukunin ko na lang si Yaya Pasing, mas maaalagaan niya ako, kasi alam na noon ang karakas ko," napapangiwi pa niyang sambit.

Tumango na lang ang asawa sa sinabi niya. At nanatili pa rin siya sa mga dati niyang ginagawa. "Honey! No more gig! Ayoko nang kakanta-kanta ka pa sa anumang occasion ha!" pagalit na sambit ni Christ sa kanya.

"Last na Honey," sambit niya. Hindi niya magawang iwan na lang basta ang banda nila lalo pa nga't siya ang vocalist ng grupo. Nakikiusap din ang mga ito na isang gig na lang at pwede na siyang magpahinga. Pinagbigyan niya ang mga kasama, ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay bigla na lang sumakit ang tiyan niya sa gitna ng isang performance. Naisugod siya sa ospital, ngunit hindi na naagapan pa ang kanilang baby. Three months pa lang siyang buntis no'n. Hindi niya alam na mahina pala ang kapit ng baby, at maselan din ang pagbubuntis niya.

"I'm so sorry, Honey...." sambit niya ng dumating ito sa ospital.

Nagising na lang siyang wala na ang kanyang anak sa kanyang sinapupunan. Nalaglag ang bata, at alam niyang kasalanan niya ang nangyari. Tumingin lang sa kanya si Crist, laglag ang mga balikat nito, malungkot ang mga mata. Ngunit walang kahit na anong salita ang binigkas nito.

Bagamat hindi ito nagagalit, hindi nanunumbat, at ang hirap pa nga niyan, wala siyang narinig na anuman mula sa asawa. Mas nais na lang sana niyang pinagsalitaan, sinumbatan, o sinisi siya nito ng harapan. Pero sa kasong iyon, wala siyang narinig, walang anumang salita itong sinabi, marahan lang na umupo, at tumingin sa kanya. Isang tingin na hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin. Isang malaking palaisipan sa kanya.

Sinisi niya ang kanyang sarili, kahit na wala naman siyang narinig sa asawa, ramdam niya ang paninisi nito sa kanya. Hindi niya alam kung isip lang niya iyon katulad ng sinasabi ni Brigette, pero nararamdaman kasi niya. Simula nga noon, unti-unti na niyang nadama ang panglalamig ng kanyang asawa sa kanya. Nabubuhos na ang atensiyon nito sa trabaho.

At ang dati nilang lambingan ay unti-unting nawawala. Mahirap para sa kanya, kinakilangan niya kasing magpanggap sa iba, sa lahat na okay pa rin ang marriage nila, after five years, limang taon na silang nagsasama, at tatlong taon naman niyang pilit ipinapaunawa sa sarili niya na hindi na sila tulad ng dati, na wala na ang dating pagsinta ng kanyang minamahal na asawa.

Makalipas ang isang buwan ay umuwi ang asawa niya galing Hongkong, sa isang buwang nawala ito at ngayon ay bumalik, para tuloy lalong lumalayo ang loob nila sa isa't isa.

"Kumusta? Ang tagal mong nawala, wala ka bang pasalubong manlang diyan? Like Cholate or anything...." sarkastiko niyang tanong sa asawa na umuwi, dala nito ang ilang bagahe, at pasalampak na umupo sa kama. Parang wala lang, parang hindi ito nawala ng isang buwan.

"Mamaya na lang tayo mag-usap," walang gana nitong sambit sa kanya. Gustong bumigat ng puso niya nang mga oras na iyon, para bang pinipiga ang puso niya dahil sa tratong iyon ng kanyang asawa. Kung alam lang nito, kung gaano niya ito nami-miss. Pero sa nakikita niya hindi na sila pareho ng nararamdaman.

Hindi naman talaga pasalubong ang nais niya, kundi atensiyon nito, iyong dating atensiyon na ibinibigay nito sa kanya. Ano ba talaga ang nais nitong mangyari sa kanila? Isang tanong na hindi na niya kaya pang hindi ibulalas. "Christ ano ba?!" may galit na niyang tanong. Halos nabasag ang boses niya. Parang hindi na niya kayang pigilan ang nararamdaman niyang sama ng loob.

"What? I'm just tired, hindi ba ako pwedeng magpahinga? Kararating ko lang from other country, pagod ako," sambit nito. Mahina pero malamig pa rin ang tono.

"Iyon na nga! Pagod ka, bakit diyan ka sa sopa nagpapahinga? Bakit hindi sa kwarto natin? Wala na ba talagang halaga sa iyon ang silid na iyon? Dahil ba wala ka na ring pagmamahal sa akin? Ano bang nagawa ko Christ?" madamdamin niyang tanong sa asawa, at doon na nga tuluyang pumatak ang mga luha niya. At lahat ng bigat at sama ng loob, naroon pa rin, hindi pa rin naaalis sa puso niya.

"Wala, wala kang nagawa, pagod lang ako." Tumayo ito, at umakayat na nga sa itaas at doon na siguro piniling ituloy ang pagpapahinga na sinasabi nito. Siya naman, patuloy na umaagos ang luhang sinundan na lamang ng tingin ang asawa. Pinahid niya ang mga luha, at tinungo ang mga gamit nito. Isa-isa niyang binuksan ang mga maleta nito. Nakita rin niya ang cellphone nito na nasa sopa, naiwan nito. At nakita niya na umilaw ang back light nito, tanda nang may message na dumating.

Wala sa loob na dinampot niya iyon, at nakita niya ang mensahe na galing kay Asaleah, "Hon, please take care of your self, alam kong pagod ka. Pahinga ka na," sabi ni Asaleah sa text.

At sa nabasa niya napasinghap siya, kulang na lang ay hindi na niya iyon maibuga sa sobrang pagsisikip ng dibdib niya. Para bang hindi siya makahinga. Pero hindi siya gumawa ng anumang eskandalo. Hindi niya sinugod si Christ dahil nais pa rin niyang bigyan ang asawa ng chance na baguhin ang mga desisyon nito. Gusto niyang ma-ralize nito na mahalaga ang kasal nila. Mahalaga ang mga bagay na naganap sa kanila sa harap ng altar. Na may paraan pa para maayos ang nasisirang relasyon.

Kaya nang araw ding iyon, alam niyang tulog si Christ, umalis siya ng bahay , matapos niyang ligpitin ang lahat ng gamit ng kanyang asawa. Nakapagluto na rin siya, kaya kung magigising ito ay makakain ito. Gamit niya ang cellphone ng kanyang asawa ay nakapag-text siya sa babae, upang magkita sila sa isang restaurant.

Tumayo lamang siya sa harapan ni Asaleah, at nang mapatingala ito ay bahagyang nanlaki ang mga mata nito, dati naman nang malaki ang mga mata nito, kaya naman hindi niya alam kung ano ang nagustuhan ng asawa niya sa babaeng kaharap niya ngayon.

"What are you doing here?" nakakunot ang noo nitong tanong sa kanya.

"Why? Nagulat ka ba na ako ang nakita mo rito? At hindi ang asawa ko?" nakataas ang kilay na tanong niya sa babae. Padabog niyang hinatak ang upuan sa harapan ng table na nasa harap lang din nito.

Kinuha nito ang hand bag at akmang tatayo. "Ayoko ng gulo," mahina pa nitong salita.

"Umupo ka lang kung ayaw mo talaga ng gulo, katulad mo may breeding din naman ako, ayoko rin ng maraming ingay at eskadalo, kaya upo lang," at tiningnan pa nito ang inuupuan ng babae.

"Alam mong may problema ang relasyon namin ni Christ, diba?" taas ang kilay niya sa babae.

"Oo, ano naman ngayon?" sabi ni Asaleah na tila matapang pang nakikipag-usap sa kanya.

"Kung ayaw mong umabot pa tayo sa korte, ikaw na mismo ang lalayo sa asawa ko, alam mong kasal kami, at may mga ibedensiya akong may ginagawa kayong kalokohan sa likod ko!" mariin niyang sambit ngunit mahina lamang. Sa ganoong paraan niya gustong pagbantaan ito, upang tumigil na sa panglalandi sa asawa niya.

"Wala akong susundin ni isa sa mga sinasabi mo, and you know what?" humalukipkip pa ito habang sinasabi sa kanya ang mga salitang nais niyang marinig. "Ako na ang mahal ni Christ, at alam mo kung ano pa? Nagbabalak na siyang mag-file ng annulment," ngumisi ito ng nakakaloko sa kanya. At tumayo na nang nakahakbang na ito at nasa likod na niya.

"Sige ituloy niyo ang mga kalokohan niyo," sambit niya ng malakas. At tumayo rin, hawak niya ang cellphone niya at pinindot iyon ng isang daliri niya, narinig ng lahat ng taong naroon ang videong kasalukuyang naka-play sa cellphone niya.

"How dare you Rona!" sambit nito, at nahihiyang napatingin sa lahat ng mga taong nasa loob ng restaurant. At tumakbo itong palabas ng lugar na iyon sa sobrang pagkapahiya. Nagpalakpakan naman ang mga tao sa loob ng restaurant at nakisimpatya sa kanya.

Nang makauwi siya sa kanilang bahay, malakas na sampal mula kay Christ ang inabot niya. "Anong kalokohan ang ginagawa mo?" Gulat siyang napahawak sa isang pisngi niya at napatingin sa kanyang asawa.

"Christ! Ngayon mo lang ako ginawan ng ganitong klaseng pananakit! Ganito na ba talaga tayo?" sigaw niya sa lalaki.

"Oo! Dahil wala kana sa tamang pag-iisip! Bakit mo ginawa kay Asaleah ang bagay na iyon! Bakit mo siya ipinahiya?"

"At anong nasa tamang katinuan? Ang magbulag-bulagan ako, babae ako, asawa mo ako! At ang tama ba ay ang hayaan ko na lang na lokohin, ta*ant*duhin niyo ako!"

"Tumigil ka na sa mga bintang mo ha, wala akong relasyon sa kanya, walang namamagitan sa amin! kung may mga issue ka sa sarili mo, magpagamot ka, magpakatino ka!" malakas nitong ibinagsak pasara ang dahon ng pintuan ng main door nila. At ang hirap para sa kanya na makita at marinig ang lahat ng mga sinabi nito.

Doon na ba talaga humantong ang pagsasama nila, sa sakitan, sa pisikalan, sa sigawan at pagbabatuhan ng mga masasakit na salita, iyon na lang ba ang turing nito sa kanya, hindi siya makapaniwala, sa mga nagaganap sa buhay niya ngayon. Ilang beses niyang dinarasal na sana ay panaginip lang ang lahat.

Nagising siyang mag-isa na naman siya sa gitna ng kanilang kama, wala na si Christ ang asawa niya, maaring umalis na ito ng maaga, o hindi ito umuwi kagabi. Maaring duon na naman ito natulog sa babaeng si Asaleah.

Nagngingitngit ang kalooban niyang nagbangon, alas-siyete nang umaga, bumaba siya at tumungo sa kusina. Nakita niya roon na walang bawas ang mga pagkaing inihain niya kahapon pa, bago siya nakipag kita sa babaeng si Asaleah.

"Hanggang dito na lang ba? Hanggang kailan ba ako magpapanggap na okay pa kami?" naluluhang hinawi ni Rona ang lahat ng mga nakahain sa lamesa. At malakas na nagsisigaw. Hindi na niya yata makakaya pa ang nangyayari, gusto na niyang bitiwan ang kakaunting pagmamahal na natitira sa kanya para sa lalaking minahal niya ng limang taon!