Chapter 20
Kumakalam na ang sikmura ng dalaga, nanunuyot na rin ang kanyang lalamunan. Isang malaking tukso para sa kanya ang mga pagkaing nakahain sa kanyang harapan.
Pero hindi niya iyon ginagalaw.
Kapag nagpadala siya sa nararamdaman niya, kapag nagpatalo siya sa kahinaan, para na rin siyang sumuko at hinayaan ang kanyang tiyo sa nais nitong gawin sa kanya.
Muli niyang tiningala ang maliit na bintana sa kung saan siya nakakulong.
Madilim na sa labas. Lumipas na naman ang isang araw.
Impit siyang napaiyak habang piping nagsusumamo na sana ay matagpuan na siya ng kanyang kapatid.
O kaya'y ni Jin. Siguradong hinahanap na siya nito ngayon.
Isa? Dalawa? Tatlong araw?
Hindi na siya sigurado kung gaano na siyang katagal na naroon. Ang dami nang sumasagi sa isip niya na hindi na siya sigurado kung totoong pangyayari ang mga iyon o produkto lang ng kanyang imahinasyon.
Marahang bumukas ang pinto. Sumilip doon ang isang tao, pagkatapos ay nawala rin naman agad. Nakarinig siya ng mga bulungan, parang may nagtatalo, parang may pinapagalitan.
Mariing pumikit si Rian at itinakip ang dalawang kamay sa magkabilang tainga. Naririnig niya ang boses ng kanyang tiyuhin. At nagsimula na namang gumapang ang kilabot sa kanyang buong pagkatao.
Hindi nga siya nagkamali ng dinig. Ilang sandali pa, nakaramdam na siya ng presensya sa tabi niya.
Malakas siyang umigkas nang maramdaman ang paghawak ng magaspang na kamay sa kanyang hita. Iniiwas niya iyon at masamang tinitigan ang bagong dating.
"Hindi mo raw kinakain ang mga pagkaing inihahain sa 'yo. May iba ka bang gustong kainin?" malumanay na tanong ng kanyang tiyuhin.
"Pakawalan mo na 'ko. Wala kang mapapala sa akin," mariin ang bawat salitang sagot niya.
Pagak na tumawa ang kanyang tiyo. Kumilos ito at naupo sa silya paharap sa kanya.
"Look..." anito sabay hagis ng isang diyaryo sa tapat niya.
Nakatupi iyon pero makikita ang naakalaking letra sa header, MISSING. Sa ibaba ay ang larawan niya at katabi niyon ay ang detalye tungkol sa kanya.
"Pagbabayaran mo ang lahat ng kasamaan mo kapag nahanap na ako ni Kuya Rhein!" bulyaw ng dalaga.
Natawa lang ang lalaki sa itinuran niya.
"Kung mahahanap ka pa nila," nakangising sagot nito. "I made sure that they won't find you anymore. Hinding-hindi ka na ulit mawawala sa akin, Rian. Akin ka lang!"
Tumayo na ang kanyang tiyuhin pero pinasadahan muna siya ng nakakadiring tingin.
"Mahahanap ako ni Kuya Rhein, at mananagot ka sa ginawa mo sa akin," patuloy na sigaw ng dalaga pero hindi na siya napakinggan pa.
Sumenyas ang kanyang tiyo. Pagkatapos ay dalawang lalaki ang pumasok bitbit ang isang mahabang bestida na kulay pula. Ibinigay iyon dito saka muling lumabas ang mga tauhan ng tiyuhin niya.
"Maligo ka," utos nito sabay hagis sa kanya ng bestida. "Hindi tayo aalis dito nang hindi kita napapakasalan. Hindi matatapos ang araw na 'to na hindi tayo napag-iisang dibdib."
"Baliw ka na!" sigaw ni Rian patungkol sa matandang lalaki.
Natigil sa paglalakad ang nasabing lalaki at muling pumihit paharap sa kanya. Marahan itong naglakad palapit nang hindi siya inaalisan ng tingin.
"Ano'ng sabi mo?"
"Baliw ka na!" bulyaw niya.
Isang malutong na sampal ang naging kapalit ng ginawa ni Rian. Pakiramdam niya ay pinanawan siya ng ulirat dahil sa sakit na natamo. Pero hindi siya pwedeng magpatalo sa takot.
Mas nanaisin niyang mamatay na lang kaysa ang maisakatuparan nito ang masamang plano.
"Baliw na ba ang magmahal ngayon, ha! Aryana?" untag nito.
Hindi siya sumagot. Tiningnan lang niya ito nang masama.
"Aray!" impit na hiyaw niya nang sunod naman nitong hilahin ang mahaba niyang buhok. Pakiramdam niya ay mapapaknit na ang kanyang anit.
"Magpapakasal tayong dalawa, sa ayaw at sa gusto mo, Aryana. Hindi ikaw ang masusunod dito, kung 'di ako!"
"Mamamatay na lang ako pero hindi mo pa rin makukuha ang gusto mo!" ganting sigaw niya sa kabila ng sakit na nararamdaman. "Kahit kailan ay hindi mo maisasakatuparan ang kamunduhan mo. Hindi noon, hindi ngayon, hindi kailan man!" puno ng pinalidad na turan ng dalaga.
Ilng beses na umiling at tumikhim ang kanyang tiyo. Mas nakakatakot na ang klase ng ngiti nito ngayon, mas mapanaganib, mas nakamamatay.
"Hindi pa yata tumitimo sa utak mo ang sitwasyon mo ngayon, Aryana."
"Anong binabalak mo?" nahihintakutang tanong niya nang magsimulang maghubad ng sinturon ang matanda.
"Ipapakita ko sa 'yo kung sino ang mausunod sa 'tin, Aryana. At hindi ikaw 'yon."
Nagpumiglas siya nang sabay na hilahin ng kanyang tiyo ang dalawa niyang paa. Mas nilakasan pa niya ang sigaw nang ihiga siya nito sa kama at pinakubabawan.
Itinikom niya ang bibig at pilit na ibinaling sa ibang direksyon ang kanyang ulo nang balakin nitong halikan siya.
Napaiyak na lang ang dalaga nang muli siyang makatanggap ng magkasunod na sampal sa magkabilang pisngi. Kahit nanghihina at nawawalan na ng pag-asa, pilit pa rin siyang nanlalaban.
Natawag na niya yata ang lahat ng diyos at mga santong kilala niya. Maging ang kanyang mga magulang na alam niyang nananahimik na sa kabilang buhay ay hiningan na rin niya ng tulong ngayon.
Nang maramdaman ni Rian ang pag-ngat ng bestida at pagka-expose ng ibabang bahagi ng katawan niya, doon na siya nagsisipa pero suntok sa sikmura ang naging kapalit niyon.
"Jin..." impit na pagsusumamo niya. "Tulungan mo 'ko, Jin..."
Sa nag-aagaw na kamalayan at imahinasyon ni Rian, hindi na siya sigurado kung tama pa ba ang naririnig niya.
Basta ang huling alaala niya ay nawala ang mabigat na bagay na nakadagan sa kanya. Ilang malalakas na kalabog ang narinig niya.
Unti-unti na siyang tinatakasan ng lakas pero naaninag pa niya, mula sa nanlalabo niyang paningin ang komosyon na nagaganap sa kanyang paligid.
"Rian, gumising ka!"
Naramdaman ng dalaga ang pag-angat ng kanyang katawan. Bahagyang naging alerto ang kanyang diwa nang makarating sa kanyang ilong ang mabangong amoy ng taong dumalo sa kanya.
Sumiksik sa kanyang mga kalamnan ang init na dulot ng maingat na paghawak nito sa kanya, ang marahang pagtapik sa kanyang pisngi, ang masuyong pagpahid sa kanyang luha at paghawi ng hibla ng buhok na nakatakip sa kanyang mukha.
"Jin..." sambit niya sa namamaos at nanghihinang tinig.
"Ligtas ka na, Rian," bulong nito. "Ligtas ka na."
Tumango siya at ngumiti.
Ligtas na siya sa wakas.
Binalak niyang tumayo sa tulong ng binata. Nakaalalay na ang matipunong braso nito sa kanya. Pero bago pa niya tuluyang mabawi ang lakas, isang nakabibinging tunog ang nagpatigil sa kanilang lahat.
Kasunod ay ang pagbagsak ng katawan ni Jin sa kama.
"Jin!" malakas na hiyaw ng dalaga.
Hindi siya makapagsalita at wala siyang nagawa. Nakatitig lang siya sa binata na nakahandusay na sa kanyang harapan. Walang malay at duguan.