Chapter 19

Nagising si Rian na umiikot ang kanyang paningin. Hindi niya mawari kung nasaan siya sa kasalukuyan. Wala siyang ideya sa kung ano ang nangyari sa kanya.

Gusto lang naman niyang puntahan si Jin. Gusto niyang bawiin ang masasakit na salitang binitiwan niya sa binata.

Napamulagat siya nang maalala ang nangyari sa kanya. Tumingin siya sa madilim na paligid at nahagip ng mata niya ang maliit na bintana sa bandang itaas.

Maliwanag iyon.

Pero gabi pa nang lumabas siya.

Umaga na ngayon.

Muli siyang napapikit nang salakayin ng kirot ang kanyang sentido. She felt a jolt of pain upon remembering what happened the night before.

Bigla siyang nataranta. Sinalakay ng kaba ang kanyang dibdib kaya nagsimula na siyang kumilos.

Pero may pumipigil sa kanya.

Doon lang niya napagmasdan ang sarili. Gamit ang liwanag mula sa labas na nakakalusot sa maliit na bintana sa bandang itaas, nagawa niyang tingnan ang kapaligiran.

She’s in a closed container van. Nakaupo siya sa isang matigas na papag, nakatali ang dalawang paa niya, maging ang mga kamay. Iba na rin ang suot niya.

Isang pulang bestida.

At bigla niyang naalala ang pamilyar na mukha na sumalubong sa kanya bago siya tuluyang nawalan ng malay.

“Tito Kasimir...”

“Hello dear. Nakatulog ka ba nang mahimbing?”

Mula sa madilim na sulok ng kuwarto ay unti-unting naglakad palapit sa kanya ang lalaki.

Napamulagat ang dalaga at hindi makapaniwala sa kasalukuyang nakikita niya.

Ang Tito Kasimir niya. Naguguluhan ang dalaga. Paano siya napunta sa ganoong sitwasyon? Ano ang kinalaman nito?

Napapikit siya nang marinig ang nakabibinging ingay na likha ng paghila nito ng upuan. Ang bawat gasgas ng upuan sa sahig ay nagdudulot ng kaba sa kanyang dibdib at takot sa buo niyang pagkatao.

She’s not safe. She’s sure of it. She can feel it.

“Ang tagal kitang hinintay.”

Nakaramdam ng kilabot si Rian nang masaksihan kung paano siyang malisyosong pinasadahan ng tingin ng kaharap. Ang nakangising labi nito ay nagdadala ng takot sa kanya, ang mga titig nito ay nagbabadya ng panganib.

“Ano’ng ginawa mo sa ‘kin? Pakawalan mo ‘ko!”

Sinubukan ng dalaga na tumayo pero nakakadena ang isang paa niya. Pinipigil nito ang kahit maliit na kilos na ginagawa niya.

“Hindi na kita pakakawalan, Rian. Akin ka lang. Walang makakaagaw sa ‘yo mula sa ‘kin. Hindi ang mga magulang mo. Hindi ang kapatid mo at lalong hindi si Jin.”

Lumapit ito sa kanya at hinawakan siya sa magkabilang braso. Napaigik siya dahil sa sakit na naramdaman mula sa mahigpit na pagkakahawak nito.

“Akin ka lang, Rian. Tandaan mo!”

“Tito Kasimir...” pagsusumamo niya.

Marahas siya nitong binitiwan. Tumayo ito habang nakasabunot ang dalawang kamay sa ulo.

Ang magandang imahe ng matandang lalaki na nakatatak sa isip ng dalaga ay unti-unti nang nawawala. Ang maamo nitong mukha, ang mainit na ngiti, puno ng kabutihan na klase ng tingin, ang masinop at maayos na pangatawan.

Nagiging estranghero na ito sa kanya. Isang mapanganib na tao. Isang taong hindi na niya kilala. Halimaw. Isang halimaw na nagbabadya sa kaligtasan ng buhay niya.

“Akin ka lang, Rian. Minsan na akong naagawan. Ikaw ang binigay nilang kapalit,” litanya nito habang nagpapalakad-lakad sa kanyang harapan. “Akin ka lang! Ikaw ang kapalit, Rian.”

Bigla itong tumigil at muling bumaling sa kanya.

Dumukhang ito at hinawakan naman ang kanyang mukha. Mahigpit iyon. Muli siyang napaiyak dahil iyon na lang ang kaya niyang gawin.

“Inagaw lang sa ‘kin ni David si Lihyanna. Ako ang dapat niyang kasama. Ako ang dapat na mahal niya. Ako ang unang nakakilala sa kanya. Ako ang unang nagmahal.”

Sa kabila ng kaguluhan ng pag-iisip, agad na naintindihan ni Rian ang tinutukoy ng kanyang tiyuhin. Ang dalawang pangalang binanggit nito ay ang mga magulang niya.

Na matagal nang namatay dahil sa isang aksidente.

“Ako ang unang nagmahal kay Lihyanna,” patuloy pa nito, halos pabulong na lang. “Pero inagaw siya ni David sa ‘kin. At hinding hindi ko siya mapapatawad.”

“Si daddy ang minahal ni mommy kaya sila nagpakasal.”

Muli siyang napaigik nang biglang humigpit ang mga daliring nakalapat sa magkabilang pisngi niya. Nag-uunahan na naman ang pagtulo ng luha mula sa kanyang mga mata.

“Akin lang si Lihyanna!”

Marahas na napabaling ang mukha ni Rian dahil sa malakas na sampal na kanyang tinamo. Mas lalo siyang nakaramdam ng takot.

“Pero nagparaya na ako. Dahil ibinigay ka nila sa akin.” Tumawa ito. “Ikaw ang kabayaran sa ginawa nilang pagtataksil.”

“Baliw ka na!”

Sampong taon.

Sampong taon ang pagitan ng edad ng kanyang tiyuhin at ama. Pitong taon naman ang tanda ng kanyang ina. Alam nilang na ampon lang ito. Na hindi talaga nila kadugo ang Tito Kasimir nila.

Mabait ito, tahimik, palaging mag-isa at halos hindi umiimik maliban na lang kung kakausapin nila.

“Ako ang unang nagmahal pero ako rin ang nawalan sa bandang huli."

Lumayo ang lalaki sa kanya. Nagsindi ng sigarilyo at dumukot sa bulsa bago muling lumapit sa kanya.

"Tingnan mo 'to." Iniharap nito sa kanya ang lumang larawan na nakatago sa bulsa ng pantalon nito. "Alam mo ba kung ano'ng naramdaman ko nang ipanganak ka at kargahin na kita?"

Nawala ang atensyon nito sa kanya. Pinakatitigan nito ang lumang larawan. Madalas niyang nakikita ang mismong larawang iyon sa family pictures nila sa sala.

Iyon ang litrato ng tiyo niya karga ang isang kakapanganak lang na sanggol.

Siya.

"Noong ipakita ka nila sa akin matapos manganak ni Lihyanna, noong kargahin na kita, alam ko, kahit hindi nila sabihin, ikaw na ang kabayaran sa ginawa nilang pang-aagaw sa akin."

Biglang nakaramdam ng kilabot ang dalaga dahil sa mga pahayag ng kaharap niya. Bigla niyang naalala ang mga pagkakataon na nakakasama nila ito.

Ang mga oras na nahuhuli niyang nakatitig ito sa kanya pero binabalewala na lang niya ang pagkailang. Ang bawat habilin nito sa kanya, ang mga pagbabawal at mga paghihigpit kapag magpapapasok siya ng lalaki sa bahay nila, maging kaklase man niya iyon.

"Alam mo, nakuha na kita dati, eh. Napasakamay na kita pero nakatakas ka at isang taong nawala."

Muli itong umupo, maingat na inilapag din ang lumang larawan sa tabi niya, na akala mo ay isa iyong napakahalagang bagay.

"Saan ka ba nagpunta, Aryana? Bakit pagbalik mo, hindi mo na maalala ang lahat?"

Napailing ang dalaga.

"Hindi ko alam ang sinasabi mo," tanggi niya.

Maging siya ay hindi alam kung ano ang nangyari sa kanya. May parte ng memorya niya ang nawawala na hanggang ngayon ay hindi niya maalala. May mga tanong siya mula sa nakaraan na hanggang ngayon ay hindi niya mahanapan ng sagot.

Pero tinuruan niya ang sarili na mabuhay na lang sa kasalukuyan. Kung ano man ang parte ng nakaraan niya ang nawala sa kanyang memorya, hindi na niya iyon hahanapin pa.

Dahil natatakot siya sa maaari niyang malaman.

Gaya ngayon.

"Mababaliw na sa paghahanap sa 'yo ang kuya mo, pero sisiguraduhin kong hindi ka na nila makukuha sa akin. Handa akong pumatay, Aryana, kung ang kapalit no'n ay ang makasama ka."

Sinalakay ng kaba ang dibdib niya.

Puno ng determinasyon ang mga mata ng kanyang tiyuhin. Sigurado siyang desidido ito sa balak gawin.