Kabanata 33
Andrew POV
Palagi akong nagpupunta sa rooftop kapag libreng oras. Mahilig ako magsyesta kapag tanghali at walang klase. Tahimik kasi ang lugar at mahangin. Masarap matulog.
"Ikaw lang talaga ang mahal ko. Maniwala ka naman sa akin?"
Boses kaagad ng babae ang narinig ko galing sa kung saan. Kakapasok ko pa lang sa rooftop kaya napakunot kaagad ang noo ko. Sayang naman ang syesta ko kung madidisturbo lang ng maingay na babae.
Araw-araw nandoon ang babae para mag-ensayo. Akala ko sasali ito sa contest pero nalaman kong mahilig talaga itong umarte. Palagi ko rin itong pinagmamasdan. Malayo mula dito para hindi ito mailang. Masasabi ko rin na magaling ito.
Napapangiti na lang ako kapag sinasampal o sinasabunutan nito ang sarili. Minsan pa ay tatawa ito na parang baliw. Tumitingala sa langit pagkatapos ay iiyak. Napailing pa ako minsan nang maupo ito sa sahig ng rooftop. Kung may makakakita ditong iba ay tiyak na iisiping baliw ito.
"Nakapili ka na ba sa mga babae ng Grade 11, tol?" Tinapik ni Gary ang balikat ko. Nasa second floor kami ng eskwelahan habang nakatanaw sa mga estudyante sa baba. Kakatapos lang ng praktis namin para sa isang gig sa bayan nang maisipan naming magpahinga.
"Wala. Hindi ako makapili." walang interes na sagot ko. Doon naman dumating si Bernard galing kung saan. Pawisan ito kaya alam ko nang may ginawa na naman itong milagro.
"Kung 'yong magkapatid na Moran na lang kaya?" suhestiyon ni Arnel. Isa rin sa mga kaibigan ko.
"Gago! Grade 10 pa 'yon!" reklamo naman ni Gary dito.
"Ang gaganda kasi. Sayang!"
"Oo nga. Lalo na 'yong si Lara. Maputi kasi kumpara kay Laura. Ayon!" turo ni Gary sa ibaba.
Sinundan ko nang tingin ang kamay ni Gary. Nakaturo iyon sa dalawang babae na nakaupo sa field. Kitang-kita ko si Miss Best Actress kaya napakunot ang noo ko. Tiningnan ko rin sina Gary na nakatitig din sa mga ito.
"Anong pangalan nila?" interesadong tanong ko. Maging si Bernard na kapatid ko ay napatingin din doon. Lahat kaming apat ay nakatitig sa dalawa ngunit, mas pokus ang paningin ko kay Miss Best Actress.
"Lara 'yong maputi. Laura 'yong kayumanggi. Kambal pero magkaiba ang kulay."
"Ang ganda din ng nasa lower grade. Type ko sana 'yong Sofia Ynarez, kaso hindi pwede. Angas eh! Amazona,"
Napailing na lang ako habang nakikinig kay Arnel at Gary. Hindi ko talaga gustong sumali sa Prom pero, dahil bisitang pandangal ang Papa ko ay kailangan kong dumalo.
Sinulyapan ko si Bernard. Akala ko wala na ito roon pero seryoso din itong nakatitig sa baba. Pilyo ang kapatid ko kaya marahil may natitipuhan na naman ito.
Napailing na lamang ako habang may munting ngiti na sumilay sa aking labi. Binalik ko ulit ang mata ko sa school ground. Nandoon pa rin ang babaeng nagpapagulo sa isip ko nitong mga nakaraan.
Laura Moran. Ang next best actress.
Nakuntento akong pagmasdan at pakinggan si Laura sa malayo. Ang pag-arte nito sa rooftop at ang maingay na bibig nito kapag nasa canteen. Lagi ko lang siyang sinusundan. Natutuwa ako kapag tumatawa ito kasama ang isang kaibigan.
"Alam mo, Olive. Gusto ko talagang makapangasawa ng magsasaka. Tapos sabay kami sa pag-ani nang mga tanim. Mais, palay.." wika ni Laura sabay tawa.
"Sira! Di mas lalo kang naging kulay uling noon. Dapat ang aasawahin mo, mga may kaya sa buhay. Para donya-donyahan ka na lang!" sagot naman ng kaibigan nito. Nasa canteen ang dalawa at kumakain habang ako naman ay kakapasok pa lang sa loob para kumain.
"Seryoso, kaya ako. Tingnan mo na lang!" Pairap na wika naman nito.
Napailing na lang ako sa sarili. Para akong magnananakaw na ayaw magpahuli. Kapag napapatingin si Laura sa akin ay titingin naman ako sa ibang direksyon. Akala ko noong una natutuwa lang ako sa kaniya pero, kalaunan napagtanto kong gusto ko na siya.
Gusto ko siya pero huli na.
"'Tol! Tulungan mo naman ako," si Bernard. Kakagaling lang nito sa eskwelahan kahit wala namang pasok. Hindi ko alam kong ano ang ginagawa nito. Masyadong malihim ang kapatid ko kahit pa matanda ako dito ng isang taon.
"Ano 'yon?" tanong ko. Bumangon ako sa aking kama at tinitigan ito. Lumapit naman ito sa akin at naupo sa tabi ko.
"May gusto kasi ako. Nasa lower grade-"
"Huwag mo nga akong biruin!" wika ko dito sabay tapik sa balikat nito.
Sinamaan ako ni Bernard ng tingin. Kunot na kunot din ang noo nito na para bang hindi makapaniwala sa sinabi ko. Pagkatapos ay napailing pa ito sabay napabuntong-hininga.
"Seryoso kasi ako," pabulong na sabi nito.
Ako naman ang natigil dahil sa sinabi ni Bernard. Hindi ko kasi lubos maisip na magseseryoso ito. Halos lahat ng babae ay pinapatulan nito kahit pa ang poste kapag pinagsuot ng saya.
"Ligawan mo. Suyuin mo. Lapitan mo." sagot ko dito.
Naikuyom ko ang kamao pagkatapos kong sabihin iyon. Ang lakas ng loob ko na payuhan si Bernard pero hindi ko nga magawa sa sarili ko. Dalawang taon na. Ni wala man lang akong lakas ng loob. Kung meron man, hindi ko mahanap kung nasaan. Duwag ako.
Mas lalo pa akong naduwag nang malaman ko kung sino ang gusto nang kapatid ko. Inutusan niya akong mag-set up ang banda sa gym at kumanta. Ni wala nga akong alam sa nangyayari. Huli na nang mapagtanto ko kung ano iyon nang pumasok ang babaeng gusto ko.
Dapat pala sa simula pa lang kumilos na ako. Dapat pala kapag gusto mo ang isang tao ipakita mo kaagad. Iparamdam mo kaagad. Kasi hindi mo alam kung hanggang kailan ka may pagkakataon. Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Na kapag nagmahal ka handa ka rin sumagal. Handa ka rin na masaktan.
Natakot ako. Kapalit ng takot ko ay ang pagkawasak naman ng puso ko habang tinatanaw si Bernard na masayang-masaya dahil sa wakas ay sinagot na ito ni Laura. Sa loob ng dalawang taon nang panliligaw nito ay napa-oo din nito ang babaeng mahal ko.
Sayang... Sayang na sayang.
"Pwede bang sunduin mo muna si Laura, 'tol. May pupuntahan lang kasi kami ni Papa,"
"Bakit ako? Ikaw ang nobyo. Ikaw ang sumundo." pagalit na sagot ko sa kapatid. Gusto kong sabihin sa kaniya na ayaw ko pero hindi ko magawa. May parte sa akin na nagsasabing pagkakataon ko na. Na pwede ko nang agawin si Laura mula sa kapatid. Pero, kapag naiisip ko na sasaktan ko ang kapatid ay hindi ko magawa. Pinalaki kami ni Mama nang may pagmamahal sa isa't isa at paggalang kaya hanggang ngayon, kahit nahihirapan ay tinitiis ko.
Lintek naman kasing pag-ibig 'to. Ilang taon na ang lumipas pero hindi pa rin mawala. Pati ang kinuha kung kurso ay para kay Laura. Marahil, umaasa ako. Hindi ko alam. Basta ang alam ko, mahal ko pa rin ito. Hindi nawala, bagkus ay nadagdagan pa.
"Sige," pagsang-ayon ko kapagkuwan. Natuwa ito sa kabilang linya. Si Bernard na ang susunod na kakandidato bilang Mayor kaya naghahanda ito. Habang si Laura naman ay isa nang matagumpay na aktres. Lahat sila ay nakausad na sa buhay habang ako ay nandoon pa rin. Hindi ako nakausad mula sa pag-ibig ko kay Laura.
"Bakit ikaw ang sumundo sa akin?" tanong nito. Naaawa ako sa hitsura nito dahil halatang pagod iyon. Alas tres na rin nang madaling araw at nagtatrabaho pa ito.
"Busy si Bernard. May pupuntahan sila ng Papa." sagot ko na lang kahit pa nasasaktan ako.
Bakit ba hindi makita ni Laura na mahal ko siya? Mula nang mag-senior high sila hanggang ngayon, ako palagi ang nakakakita sa mga kahinaan niya. Lagi akong naroon kapag nasa rooftop ito at nag-iisa. Palaging ako ang nasa paligid niya pero, iba ang minahal niya. Iba rin ang pinakasalan niya.
Sobrang sakit habang tinatanaw ko ang babaeng mahal ko na itinatali na ng iba. Gusto kong sumigaw para pigilan ang kasal pero hindi ko nagawa. Hindi ko ginawa kasi duwag ako. Kahit kailan, hindi man lang ako nagkaroon nang lakas ng loob.
"Ilan ba ang gusto niyong anak ni Bernard, Laura?"
Napaangat kaagad ang tingin ko sa sinabi ni Papa. Gusto kong pumalag sa tanong nito ngunit, nanahimik ako. Tiningnan ko rin si Laura na nakaupo katapat ko katabi ni Bernard. Nakangiti ito at bakas ang saya sa maganda nitong mukha. Mas lalo pa nga itong gumanda sa paningin ko.
"Kahit ilan naman po, walang problema. Di ba, mahal?" Nakangiting tanong nito sa kapatid ko na may malapad ring ngiti.
Naikuyom ko ang kamao. Malaki ang pagsisisi ko dahil sa pagiging duwag. Marahil, ako ang naging asawa ni Laura. Ako sana ang tinatawag nitong mahal. Ako ang nakakatabi sa kama at nayayakap.
Ngunit, kahit ganunpaman gusto ko pa rin na makita si Laura na masaya. Makita itong nakangiti kahit hindi na para sa akin. Masaya na ako doon. Masaya na akong malaman na masaya ito.
"Sir, saan ka pupunta?" tanong ni Manong Berting. Kasamahan ko sa hacienda. Nasa sentro kami ng lalawigan dahil may binili akong binhi ng mais at abono.
"Sandali lang, Manong." paalam ko dito.
Hindi ako kailanman nagkami sa hitsura ni Laura. Kahit nasa malayo ay alam kong ito iyon. Nakasakay ito sa isang traysikel na sakto namang dumaan malapit sa akin. Nasulyapan ko pa ito ng bahagya at nakitang parang umiiyak ito.
Dala ang pick-up ay sinundan ko ang traysikel. Hindi na ako nagtaka nang tumigil ito sa cathedral ng San Vicente. Mahilig si Laura magsimba at tumulong sa nangangailangan, bagay na kahanga-hanga dito.
Nang tuluyan itong bumaba ay ipinarada ko naman ang sasakyan. Sinundan ko rin ito sa loob at nakumpirma ang hinala. Umaalog ang balikat nito tanda ng pag-iyak.
Napakasakit para sa isang katulad ko na makita ang minamahal na punum-puno ng luha ang mga mata. Napakasakit makita itong nasasaktan. Napakasakit, kung ang tanging magagawa ko lang ay ang ibigay ang panyo ko at titigan ito.
"Napakaganda mo, Laura para umiyak." mahinang bulong ko.
Gusto ko siyang yakapin ng mahigpit. Gusto kong malaman kung bakit siya umiiyak. Gusto kong saktan kung sinuman ang nanakit sa kaniya. Pero sa huli, umalis ako nang hindi man lang nagpaalam dito. Sa huli, naduwag pa rin ako.
Ngunit, ang lahat ay may hangganan. Galit na galit ako kay Bernard dahil sa ginawa nito kay Laura. Sa panloloko nito at ng kakambal ni Laura. Gusto kong saktan si Bernard dahil sa ginawa nito. Gusto kong agawin si Laura sa kaniya.
"Andrew!"
Isang suntok ang bumungad sa akin paglapit pa lamang ni Bernard. Ni hindi nito ginalang ang aming mga magulang. Ni wala itong pakialam na nasa hapagkainan kami at kumakain. Sinuntok pa ulit ako nito sa mukha dahilan para malasahan ko ang dugo sa mula sa aking labi.
"Ano! Masaya ka na ngayon?!" galit na wika pa nito.
Inayos ko ang sarili at hinarap ito. Pinunasan ko rin ang aking labi. Tumayo ako para magpantay kami ni Bernard. Wala siyang karapatan na pagsalitaan ako ng ganoon. Matagal akong nagparaya sa kaniya. Hindi ko intensyon na manira ng pamilya.
"Bakit ako ang sinisisi mo sa kapabayaan mo, Bernard?! Tinulungan ko lang ang asawa mo!" mariing sambit ko dito.
Sinapak ulit ako ni Bernard sa mukha. Nag-iigting ang mga panga nito habang mariin ang titig sa akin.
"Hindi ako nagpabaya!" wika nito at akmang sasapakin na naman ako.
Mabilis ang kilos ko kaya naunahan ko si Bernard sa gagawin nito. Nagpambuno kaming dalawa sa loob ng aming kusina. Nagsisigaw ang aming ina ngunit, pareho kami ni Bernard na walang pakialam.
"Hijo de puta! Magpapatayan kayo?! Lumabas kayo sa pamamahay ko!"
Isang putok ng baril ang nagpatigil sa amin. Sabay kami ni Bernard na napatingin kay Papa. Hawak nito ang kuwarenta y singkong baril habang, nanlilisik ang mga mata na napatitig sa amin. Nang ibaling ko kay Mama ang paningin ay parang kinurot ang puso ko sa nakita. Hilam ng luha ang mga mata nito habang nakahawak sa kamay ni Papa.
"Arnaldo," mahinang pagpigil nito sa aming ama.
Natapos ang gabi na iyon na halos mamanhid ang katawan namin ni Bernard sa sakit. Pinalabas kami ni Papa at hinayaan na magsapakan sa mukha. Nanonood lamang ito habang pinipigilan ito ng aming ina.
Tuso si Papa. Sa sobrang tuso niya, nagawa niyang pabalikin si Laura sa San Vicente. Nagawa niya itong pasunurin sa lahat ng gusto niya. Nagawa niyang paglapitin si Laura at Bernard. Dahil sa pangangampanya ay palagi na ang itong magkasama.
"Ay, Sir! Hindi po pwedeng pumasok. May sakit po si ma'am. Inaalagaan ni Sir Bernard."
Naikuyom ko ang kamao dahil sa sinabi ni Nene. Napakasakit makita na unti-unti na namang lumalambot ang puso ni Laura para sa kapatid ko. Napakasakit malaman na kahit nandoon ako nang mga panahong nahihirapan ito, hindi ko man lamang nabuksan ang puso ni Laura. Hindi niya pa rin ako minahal.
"Gusto ko lang ipaaalala sa'yo Laura na niloko ka na ni Bernard noon. Sana naman, hindi ka na magpapaloko ngayon!"
Matigas ang bawat bigkas ko sa mga salita. Gusto kong mamulat si Laura sa katotohanan na lolokohin lang ulit siya ng kapatid. Na papaiyakin lang siya nito. Gusto kong makita ni Laura na ako ang lalaki na nababagay dito pero, isang sampal ang natanggap ko mula dito.
"Sorry," wika nito sa akin nang magpunta ito sa taniman ng mais.
Ibinuhos ko lahat ng sakit at pait sa pagkakataong iyon. Sinabi ko dito kung gaano ko ito kamahal. Na masaya ako para dito at sa pagkakaayos nito at ng kapatid ko. Doon ko tuluyang natanggap na natalo muli ako. Na hindi pa man nag-uumpisa ang laban ay talo na ako.
Kahit na masaktan ako basta ang mahalaga ay masaya lang si Laura. Kahit paulit-ulit na madurog ang puso ko, kung ang kapalit niyon ay ngiti mula sa labi ni Laura ay tatanggapin ko. Para kay Laura. Para sa pag-ibig ko sa kaniya, handa akong masaktan.
"Si Bernard..." wika ko kay Laura.
"Ano?"
Napakasakit para sa akin ang sabihin dito ang nangyari sa kapatid ko. Napakasakit, habang naririnig ko itong humihikbi sa kabilang linya.
Kaakibat ng pagmamahal ay ang sakit. Kaakibat ng saya ay ang lungkot. Hindi lang si Laura ang nasasaktan. Matagal na rin akong nasasaktan.