Kabanata 32
Lara POV
"Shhh, huwag kang maingay."
"Kuya, bakit po?" tanong ko dito.
Mabilis na inilagay ni Kuya ang kaniyang kamay sa aking bibig. "Sabing 'wag kang maingay!" Nanlilisik ang mga mata na wika pa nito.
Kinabahan kaagad ako sa inaakto ni Kuya. Lalo na nang mas inilapit niya pa ang mukha sa akin. Nakahiga ako sa aking kama habang siya naman ay nakatanghod sa akin.
"Nakakatakot ka, Kuya!" bulalas ko nang pakawalan nito ang aking bibig. "Nay! Tat-"
"Gusto mo ba, si Laura na lang?"mahinang bulong nito sa aking tainga matapos akong kubabawan. Inilagay din nito ang kamay pabalik sa aking bibig.
Ang takot ko ay mas nadoble nang banggitin nito ang aking kakambal. Magkasama kami ni Laura sa kuwarto ngunit, wala ito ngayon dahil nasa bahay ng isang kaibigan.
Umiling ako kasabay ng pagpatak ng luha sa aking mga mata. Disi-sais anyos pa lamang ako pero nararanasan ko na ang ganito. Hindi ko lubos maisip na ang unang mananakit sa akin ay ang sariling kapatid.
Sana pala sumama ako kay Laura nang inaya niya ako kanina. Sana pala hinayaan ko ang sarili na makisalamuha sa iba. Hindi na sana ako nasuong sa sitwasyon na ito. Hindi sana ako binababoy ni Kuya ng ganito. Hindi na sana nasira ang buhay ko. Paulit-ulit nang paulit-ulit.
"Lara? Bakit ang tamlay mo? Masyado kang tahimik nitong mga nakaraan. May nangyari ba sa'yo?" tanong sa akin ni Laura. Nakaupo kami sa school ground habang naghihintay sa aming P. E. teacher. Hapon na kaya wala nang mmasyadong tao sa lugar. Maging ang init ay humupa na rin.
"Wala," sagot ko naman.
"Sasama nga pala ako sa barkada bukas, Lara. Sasama ka ba?"
Naramdaman ko kaagad ang panginginig ng aking buong pagkatao. Ramdam ko rin ang pagbilis nang tibok ng aking puso. Bigla akong natakot. Pakiramdam ko hindi ako ligtas. Pakiramdam ko sasaktan ako ng lahat. Takot na takot ang aking pakiramdam.
"Saan ka pupunta?! Hoy!"
Iniwan ko si Laura sa field. Hindi na rin ako nagpaalam kay Laura kahit anong tawag nito sa akin. Ayaw kong ipakita kay Laura na mahina ako. Napakatapang niya kumpara sa akin. Wala akong sinabihan sa lahat nang nangyari sa akin. Takot ako kay Kuya. Takot na takot ako.
Patakbo akong nagpunta sa restroom ng campus. Umiiyak akong naupo roon. Walang pakialam na nakasalampak sa sahig. Hinayaan kong mag-unahan ang aking mga luha. Bakit ba kasi nangyari sa akin ang ganoon? Bakit sa akin pa?
"Oh!"
Natigil ang pag-iyak ko nang may magsalita. Pinunasan ko muna ang mga luha ko sa mukha bago ko itinaas ang aking paningin. Kahit na nanlalabo ang aking paningin ay alam kong lalaki ang nasa harap ko. Naglalahad ng panyo sa akin.
"Tanggapin mo na. Nakakangalay." wika nito pagkatapos.
"Salamat," mahinang anas ko pagkatapos tanggapin ang panyo nito.
"Huwag kang iiyak kung saan-saan. Tyaka, restroom to ng mga lalaki. Doon ang pambabae, oh!" wika pa nito sabay nguso sa isang pinto.
Tumango ako sa sinabi nito. Pinilit ko na rin ang sarili na huwag umiyak. Ginamit ko rin ang panyo nito at ipinunas sa aking mukha. Nang umalis ito ay hindi man lamang nagpaalam sa akin. Nakamasid lang ako sa likod nito habang nglalakad. Siniguro kong tanda ko ang mukha nito.
Sobrang saya ko nang sa wakas ay nalaman ko ang pangalan nito. Bernard Guerrero, isang Senior High student sa campus. Anak ng aming gobernador. Palakaibigan sa lahat at pilyo sa babae, pero kahit ganoon ay hindi ko maiwasang humanga dito.
Mas doble pa ang naramdaman kong tuwa nang makatanngap kami ng balita isang gabi. Kahit nakikita ko si Nanay na umiiyak ay wala akong maramdamang awa para dito. Nagbubunyi ang aking puso sa pagkamatay ng demonyo. Napangiti ako sa naisip. Sa wakas ay magiging malaya na ako.
"Ang gwapo talaga ni Bernard,"
Narinig kong wika ng grupo nina Laila. Nasa loob din ng restroom ang mga ito at nagpapaganda.
Pagkarinig ko pa lang sa pangalan nito ay bumilis na ang tibok ng aking puso. Dalawang taon na rin mula nang magkagusto ako dito. Dalawang taon ng lihim na mga sulyap ko at paghanga.
"Loka! Mas gwapo si Andrew. Mas pilyo lang si Bernard kaya lapitin ng mga babae. Type ko nga. Sarap jowain."
"Mas loka ka! Ang pangit mo para mangarap ng gising!"
"Hindi magkakagusto si Bernard sa isang kagaya mo, Laila. Girlfriend ng lahat. Ayaw ni Bernard nang tira-tira!" Nakangisi kong saad sa mga ito.
"Ano-"
Pinanlisikan kaagad ako ni Laila ng mga mata. Hindi rin ako nagpatalo dito. Nagkasagutan hanggang nagkasakitan. Hindi ko siya inurungan. Kahit alam kong masasaktan din ako. Sisiguraduhin kong walang ibang magugustuhan si Bernard kundi ako.
"Oh! Bakit ganiyan ang hitsura mo?" tanong ni Laura sa akin. Papauwi na rin kami sa bahay.
Inayos ko muna ang aking backpack bago ito sinagot. "Naglaro tayo sa P. E. di ba? Alangan namang hindi ako marumihan!" sagot ko pabalang.
Nakita ko pa ang pag-iling ni Laura sa akin. Napangiti na lamang ako nang malaman nitong nagsinungaling ako. Gusto ko sanang sabihin kay Laura ang lahat pero mas pinili ko ang manahimik. Gusto kong malaman niya ang paghihirap ko pero ayaw ko nang dagdagan ang lungkot na nararamdaman nito. Sinarili ko na lang ang lahat.
"Ikaw at ako, habambuhay."
Sabay kami ni Laura na binigkas iyon. Niyakap ko siya sa likod para maramdaman niyang ako ang sandigan niya. Na ako ang tanging tao na makakapitan niya sa lahat. Ang nakakaintindi sa kaniya. Na kahit inayawan siya ni Nanay dahil sa pagkamatay ng demonyo naming kuya ay nandito ako para sa kaniya. Pinatamdam ko kay Laura na hindi siya nag-iisa kahit may sarili din akong pinagdadaanan.
"Nakita mo ba si Bernard, Olive?" tanong ko sa bestfriend ng kapatid ko.
"Saan ka ba kasi galing, Lara? Nasa gym ang kakambal mo! Hinaharana ni kupido." pabalang na sagot nito.
Inirapan ko si Olive dahil sa kaniyang sinabi. Inismiran naman ako nito. Matagal na itong kaibigan ng kakambal ko pero hindi ko ito gusto. Masyadong matabil ang dila at walang preno ang bibig.
"Inggit!" wika nito bago ako tinalikuran.
Napailing ako sa ginawa nito. Nagpatuloy din ako sa paglalakad patungo sa gym. Galing ako sa Senior's Department para sumilay kay Bernard pero hindi ko ito makita doon. Siguro, mag-aabang na lang ako bukas ng maaga para makita ito.
Malakas na sigawan kaagad ang naabutan ko sa loob ng gym. Ngunit, hindi iyon ang nakakuha sa aking pansin. Nakatuon ang buong atensyon ko sa isang babae na nasa gitna ng pasilyo at sa lalaking kaharap nito.
Napakasakit. Ganito pala ang pakiramdam ng nawasak ang puso sa unang pag-ibig. Parang gusto ko na lang din mawala ng tuluyan sa mundo. Parang gusto ko na lang na mamanhid lalo na sa mga salitang binibigkas nito sa harap ng aking kapatid.
Mahal ko si Laura. Ngunit, kahit pala ang pinakatotoo sa lahat ng damdamin ko ay pwedeng mabago. Na ang tanging sigurado ako sa lahat ay magkakalamat pa. Na ang pagmamahal ko kay Laura ay mapapalitan ng inggit at galit.
Si Bernard ang dahilan kung bakit hindi ako tuluyang nabaliw sa ginawa ni Kuya sa akin. Si Bernard ang naging inspirasyon ko para patuloy na mabuhay. Bakit kailangang agawin siya ni Laura sa akin? Bakit si Laura kung pwede namang ako?
"Ayaw ko nga, Laura. Bakit ba ang kulit mo?" wika ko dito sa kabilang linya. Iniimbitahan ako ni Laura na sumama sa kaniya para tanggapin ang tropiyo niya bilang Best Actress ng MMFF pero tumanggi ako. Wala ako sa mood at busy din ako.
"Akala ko ba ikaw ang sandigan ko sa lahat?"
Tumaas ang kilay ko sa sinabi nito. Gusto ko tuloy matawa sa kadramahan ng aking kakambal. Tapos na ang akala niyang magiging sandigan ako. Tapos na, nang agawin niya sa akin si Bernard.
Naikuyom ko ang aking mga kamay nang maalala ko ang tagpo noong nakaraan. Nang hingin ni Bernard ang kamay nito sa mismong aming hardin. Gusto kong sabunutan ang sarili kong kapatid sa pagkakataong iyon pero pinigil ko ang sarili. Magiging akin din si Bernard. Sisiguraduhin ko.
Ngunit, hindi pa man nangyayari ang lahat ay sinira na naman ni Laura ang buhay ko.
"Putcha, Pare! Iba nakuha natin. Hindi ito ang artista. Patay tayo kay boss!"
Kahit nakapiring ay naririnig ko ang lahat ng pinag-uusapan ng dumukot sa akin. Kasalukuyan akong gumagala sa mall kanina nang bigla na lang akong hatakin ng isang lalaki. Kahit takot ay nanlaban ako ngunit hindi sapat. Nakuha pa rin nila ako at dinala sa lugar na hindi ko alam.
"Tinawagan mo na ba si Bernard? Hayaan mo na, pakikinabangan muna natin 'to, tol! Ganda eh.. Makinis."
"Pakawalan niyo na ako!" sigaw ko.
"Oo. Pagkatapos! Kaya tumahimik ka!" sagot naman ng isa.
Mas lalo akong natakot sa sinabi nito. Lalo na nang maramdaman ko ang paglapit nila sa akin.
"Huwag!" sigaw ko nang may isang kamay ang humaplos sa aking balikat.
"Papalag ka pa! Mag-eenjoy ka rin naman!" Tawa-tawang wika naman ng isa.
Wala akong nagawa. Tanging iyak at panaghoy lang ang nagawa ko para sa sarili. Takot na takot ako. Nanginginig sa takot. Nandidiri sa sarili sa paulit-ulit na pambababoy nila sa akin. Parang nagbalik na naman ang demonyo kong kuya dahil sa mga ito. Sana.. Sana pinatay na lang nila ako.
"Iiwan na lang ba natin 'to dito?"
"Natural! Parating na rin si Bernard. Gusto mong makulong? Gago!"
Iniwan nila ako. Ni hindi man lang sila naawa sa akin. Hindi lang damit ko ang sinira nila pati na rin ang pagkatao ko. Wala silang pinalampas na butas sa aking katawan. Mas hayop pa sila sa demonyo. Mas lalo akong nagalit kay Laura sa nangyari.
Galit na galit ako kay Laura. Na kahit anong pagsusumamo ni Bernard sa akin ay hindi ko pinakinggan. Sising-sisi siya sa nangyari sa akin. Maging si Nanay ay galit na galit din. Pero, wala akong gustong gawin kundi ang magdusa si Laura. Hindi dapat siya maging masaya. Sa araw ng kasal niya sinumpa kong magiging masalimuot ang buhay niya.
"Oh! Akala ko ba kasama mo si John? Nasaan na ang anak mo?" tanong kaagad ni Bernard sa akin. Kakarating lang nito mula sa munisipyo at mukhang aligaga nang umalis.
Napangiti muna ako. "Wala, nasa kay Nanay. Uminom ka muna. Mukhang nagmamadali ka pa,"
"Niloloko mo ba ako, Lara? Ang sabi mo nagdedeliryo ang anak mo at kailangan ma-ospital. Hindi ko sinipot si Laura, dahil sa'yo! Umayos ka nga!" sigaw nito sa akin.
"Bakit ka ba nagagalit sa akin, Bernard? Nakalimutan mo na ba nang dahil sa inyo binaboy ako? Gusto mong magpakamatay na lang ako?" wika ko.
Mula nang mangyari ang lahat sa akin. Hindi ko na makontrol ang mismong sarili ko. Ang ugali ko ay nag-iba na rin. Mabilis akong magalit. Gusto kong maging miserable ang lahat. Gusto kong saktan si Laura kapag nakikita ko itong nakangiti. Nagbago ako. Pero ang pagkagusto ko kay Bernard ay hindi nagbago. Mahal na mahal ko siya. Na kahit agawin ko siya kay Laura ay wala akong pakialam.
"Pasensya ka na. Nakakainis ka lang kasi minsan." wika nito.
Napangiti ako nang umupo ito sa couch katapat ko. Mas lalo pang lumawak ang ngiti ko nang abutin nito ang basong hinanda ko. Tiyak akong magiging akin si Bernard dahil doon. Nasisiguro kong masisira sila at nang kapatid ko.
E. Utang ko sa gamot na iyon ang lahat nang kamiserablehan na nangyari sa kapatid ko. Kahit ang totoo ay wala namang nangyari sa amin ni Bernard. Swerte lang ako at napunta sa apartment ko ang tanga kong kapatid. Ni hindi na ako naghirap sa paghihiwalay nila. Pinaniwalaan ni Laura ang lahat ng gusto nitong paniwalaan. Habang hawak ko naman si Bernard sa leeg.
Akala ko magiging masaya na ako. Akala ko dahil wala na si Laura ay papansinin na ako ni Bernard. Akala ko matututuhan niya rin akong mahalin. Pero hindi nangyari. Bulag si Bernard sa kapatid ko kaya mas lalo akong namuhi dito. Lalo na nang bumalik ito makalipas ang dalawang taon.
"Tigilan mo na ako, Lara! Hindi ko anak ang anak mo.. Alam mo 'yon!" inis na sabi nito sa akin.
Hawak ang sinampal ni Laura na pisngi ay binalingan ko si Bernard. Nasa labas kami ng Provincial Capitol. Nabalitaan kong ngayon ang uwi ni Laura kaya sumugod kaagad ako dito. Naka-isa lang siya sa akin nang sampalin niya ako pero hindi na ako papayag sa susunod.
"Gusto mo bang magpakamatay ako?" wika ko kay Bernard. Pinanlisikan ko rin ito ng mga mata. Ano ba kasi ang mali sa akin? Bakit hanggang ngayon, hindi niya pa rin ako mahal?
Pinanindigan ni Bernard ang sinabi nito. Hindi niya ako hinayaang makalapit sa kaniya. Ayaw niya rin akong kausapin. Gulong-gulo ang isip ko. Hindi ko na alam ang gagawin. Hindi ko matatanggap na iiwan na ako ni Bernard. Akin lang siya. Magiging isang pamilya kami.
"Akin lang si Bernard! Nanay!" sigaw ko sa buong bahay. Tinapon ko lahat ng pwede kong itapon. Wala rin akong pakialam sa mga basag na bagay sa aking paligid. Galit na galit ako. Lalo na dahil magkasama silang nagpunta sa Maynila.
"Lara! Tama na!"
Hindi ako nakinig kay Nanay. Ang malandi kong kapatid. Sigurado akong nilalandi na niya naman si Bernard. Iniwan na niya ito noon gagawa ulit ako ng paraan para maghiwalay sila.
Napangiti ako kahit galit. Hawak ang basag na baso na sumusugat sa aking kamay ay naglakad ako para maupo sa kama. Tama. Gagawa ulit ako ng paraan para maghiwalay sila. Kahit anong paraan.
"Nandito ka na naman?!"
Galit kaagad si Bernard pagkakita sa akin. Nakaupo ito sa pwesto nito bilang Mayor ng bayan. Napakagwapo talaga nito kapag ganitong seryoso ang hitsura. Kahit nakakunot ang noo at nakatagpo ang mga kilay.
Ngumiti ako at hindi na ito pinansin. Naupo ako sa harap nito at tinitigan ito. Lahat ng hinanakit ko kay Bernard ay nawala. Simpleng sulyap lang dito ay nawawala na kaagad ang galit ko.
"Kumain naman tayo sa labas, tulad ng dati." Nakangiting saad ko.
Napabuntong-hininga ito. "Kung may plano ka, Lara. Tigilan mo na."
"Wala. Gusto lang kitang pasalamatan sa lahat, Bernard. Magpapa-confine na rin ako sa asylum. Gusto ko nang gumaling." pagsisinungaling ko.
Tinitigan ako ni Bernard ng ilang sandali. Gusto ko nang tumawa pero pinigilan ko ang sarili. Wala naman kasi akong sakit. Si Bernard lang ang gusto ko. Kukunin ko lang ang loob niya ulit.
"Sige. Hapon na rin. Ihahatid na kita, pagkatapos." pagsang-ayon nito.
Napangiti ako. Isang napakatamis na ngiti. Sobrang saya ko dahil sa sinabi nito. Alam kong mahal ako ni Bernard. Hindi pa nga lamang niya natatanggap iyon sa sarili.
Sabay kaming lumabas ng opisina nito. Wala halos tao doon kaya malaya kong gawin ang nais ko. Ipinulupot ko kaagad sa kaniyang braso ang aking kamay. Hindi ko rin pinansin ang pagpupumilit nitong pagkalas at ang inis nito sa akin.
Ako ang dapat mahalin ni Bernard.
Wala nang iba pa.