Kabanata 31

"Saan ba kasi tayo, pupunta?" Nakataas ang kilay na tanong ko kay Bernard. Nasa tabi ko ito at seryosong nagmamaneho. Nakatuon ang mga mata nito sa harap habang may munting ngiti sa labi.

Inirapan ko na lamang ito nang hindi ito sumagot. Nagkibit-balikat ako at inayos na lamang ang sarili. Hindi ko alam kung saan kami pupunta. Hindi niya rin sinasagot ang mga tanong ko. Para itong pipi sa sobrang silyado at ingat sa mga salita nito.

"Basta," sa wakas ay wika nito.

Sinulyapan ko ito ng bahagya sabay tango. Nakita ko pa ang pagsulyap din nito sa akin sabay ngiti na sinuklian ko naman. Hindi na rin ako nagtanong pa ng kahit ano. Hinayaan ko si Bernard sa gusto niya. Kung saan man kami pupunta. Nagpatianod ako sa lahat.

"Antok ka na?" wika nito kapagkuwan.

"O-Oo. Malayo pa ba tayo?" tanong ko dito habang ang ulo ay nakasandal sa gilid ng bintana. Pinagalitan ko pa ang sarili dahil hindi man lamang ako nakapagdala ng travel pillow. Sa layo nang naging byahe namin ay hindi ko napigilan ang dalawin ng antok. Humikap din ako pagkatapos ng ilang sandali.

"Matulog ka muna para makapagpahinga ka, Laura."

"Pa-Maynila ba tayo?" Nakakunot ang noo na tanong ko dito.

"Malalaman mo, mamaya." tanging sagot na lamang nito.

Napabuntong-hininga na lamang ako at isinandal ang sarili sa gilid ng kotse. Ipinikit ko rin ang aking mga mata pagkatapos at hinayaan ang sarili na igupo ng antok. Payapa at tahimik at walang pag-aalinlangan.

Nagising ako dahil sa isang mahinang tapik sa aking balikat. Papungas-pungas pa ako nang mag-angat ng tingin. Agad na sumalubong sa akin ang halos nakangiting mga mata ni Bernard. Nakasandal ako sa balikat nito. Habang ito naman ay nakatanghod sa akin.

"Nandito na tayo," mahinang anas nito.

"Pasensya na," hinging paumanhin ko. Inilayo ko rin ang sarili mula dito. Tinapik-tapik ko pa ang aking pisngi upang tuluyang gisingin ang sarili. Nag-aalala din ako sa aking hitsura dahil baka may muta pa ako sa mata. O, kung tumulo ba ang laway ko kanina.

"Tigilan mo na 'yan. Maganda ka pa rin kahit tulog."

"Tumahimik ka, Bernard!" wika ko habang mabilis na pinasadahan ang sarili sa salaming maliit na nasa loob ng kotse.

Tumawa ito sa aking sinabi. Nakita ko pa sa gilid ng aking mga mata ang pag-iling nito. Nakakatawa kong iisipin dahil tila nagbalik sa amin ni Bernard ang lahat. Noong mga panahong magnobyo pa lamang kami at sinusuyo pa lamang niya ako. Para kaming mga teenager kung umakto sa isa't isa. Nililigawan niya ako at ako naman ay nagpapakipot pa. Kung kailan kami tumanda, tyaka pa namin dinahan-dahan ang lahat.

"Saan na ba tayo?" pagputol ko sa katahimikan.

"Tingnan mo sa labas." sagot naman nito.

Ngumuso ako sa sinabi nito sabay baling ng paningin sa labas ng kotse. Ganoon na lamang ang pamimilog ng aking mga mata nang mapagtanto ko kung nasaan kami. Saya at pananabik ang kaagad lumukob sa aking pagkatao. Ang nakanguso kong mukha ay napalitan ng isang matamis na ngiti.

"Bakit dito?" sa wakas ay naibulalas ko mula sa pagkabigla. Sinulyapan ko rin si Bernard ng mabilis.

"Surprisa ko sa'yo. Alam kong gusto mo na rin silang makita. Bakit, ayaw mo ba?" wika nito. Nahimigan ko kaagad ang panunukso sa boses nito.

"Suhol ba 'to?"

"Pambawi,"

"Saan?" naguguluhang tanong ko.

"Sa lahat. Alam kong kulang ang mga salita, Laura. Gusto kong makita mo na gagawin ko ang lahat para sa kapatawaran mo." wika nito. "Gusto ko pagkatapos ng lahat.. Ikaw at ako pa rin. Bagong buhay. Bagong pamilya. Malayo sa sakit ng nakaraan." dagdag pa nito.

Damang-dama ko sa mga titig ni Bernard sa akin ang kasiguraduhan sa bawat salitang sinasambit nito. Kung gaano ito nagsisisi at kung paano ito pilit na bumabawi sa mga nagawa. Alam ko rin na pursigido itong paamuhin ako sa kahit na anumang paraan. Alam ko rin sa sarili na hindi ako bato sa mga ipinapakita nito.

Sabay kaming lumabas ni Bernard mula sa kaniyang Mercedes Benz nitong kotse. Suot ang isang pantalon na maong at polo shirt habang ako naman ay hapit na pantalon at maluwang na t-shirt ay tahimik naming binaybay ang daan papasok sa orphanage.

Agad akong napangiti nang makita ko ang malawak na berdeng paligid nito mula sa bakal na gate na aming kinaroroonan. Sa entrada pa lamang kami ay agad na itong binuksan ng guwardiya pagkakita pa lamang sa amin. Nakangiti itong binati kami habang ako naman ay saglit na kinausap ito.

"Kumusta po, Manong!" wika ko.

"Gwapo pa rin, Miss Laura." Nakangising sagot naman nito sa akin. "Asawa niyo po?" dagdag pa nito.

Natawa ako sa sinabi nito. Maging ito ay napakamot na lamang sa ulo habang tila nahihiya na nakatitig kay Bernard. Kapagkuwan ay magalang itong binati ang huli at nakipagkilala.

"Sarap talaga kapag tinatawag mo akong asawa. Pakasal na tayo ulit, Laura." mahinang bulong nito sa aking gilid.

Iniwan namin ang guwardiya at sabay na naglakad papasok sa loob ng orphanage. Napakunot pa ang noo ko dahil sa pagtataka dahil wala man lamang madre ang nasa paligid. Tahimik din ang lugar na para bang walang tao. Nang tingnan ko ang relo sa aking bisig ay nakita kong mag-aalas-kuwatro pa lamang ng hapon. Hindi pa panahon para matulog ang mga bata. Napabuntong-hininga na lamang ako kapagkuwan.

"Salamat, " mahinang sambit ko kay Bernard. Tumango naman ito sa aking sinabi at hindi na muling nagsalita pa.

Sabay naming tinalunton ang daan patungo sa conference room ng orphanage. Pareho kaming tahimik at tila nakikiramdam sa paligid. Sa kaibuturan ng aking puso ay umaasa akong makikita ko roon ang mga bata. Mayayakap ko ulit sila at makakausap.

Napangiti ako kaagad nang makita ang pinto para sa conference room. Malaki ang orphanage na may malalawak na pasilyo sa loob nito. Habang magkaiba naman ang higaan ng babae at lalaki. May iilan ding kwarto ang para sa madre at kay Mother Superior.

Masaya ako habang pinipihit ang siradura pabukas. Agad na sumalubong sa akin ang madilim na paligid. Ngunit, ilang sandali lang ay nagsibukasan ang mga ilaw kasabay ang malakas na pagbati.

"Happy birthday!" sigaw ng mga ito.

Napakurap-kurap ako sa nakita. Kulang ang sabihing nagulat ako sa nangyari. Ilang sandali bago ko pa maproseso ang lahat. Napailing pa ako nang mapagtantong ang sarili kong kaarawan ay Nakalimutan ko na rin.

Hawak ng mga bata sa kani-kanilang kamay ang mga lobo. May banderitas din at palamuti sa paligid. May birthday hat ang iilan at mayroon ding wala. Sabay-sabay ang mag ito na kumanta at bumati sa akin.

"Happy birthday!"

Mula sa snetro ng nagkukumpulang bata at madre ay ibinaling ko doon ang aking paningin. Nanlaki kaagad ang mga mata ko nang tuluyan kong maaninag ang mukha ni Olive na nakatingin sa akin. May dala itong cake sa kamay na naglalakad patungo sa akin.

"Olive," tanging nasambit ko pagkatapos ng ilang sandali.

"Huy, Bruha! Birthday mo ngayon. Huwag kang umiyak diyan!" sansala nito.

Agad kong niyakap si Olive nang makalapit. Sisinghap-singhap pa ako habang nakasubsob sa balikat nito. Nang mag-angat ako ng tingin ay nakita ko rin sa likuran ng kaibigan ang manager at aking P. A. Nakangiti itong pareho na nakamasid lamang sa akin.

"Nakakainis ka! Hindi mo man lang sinabi." pagmamaktol ko dito sabay kalas ng yakap. Inilahad muli ni Olive ang cake sa aking harapan bago ko hinipan iyon.

"Happy birthday, Miss Laura." bati ni Grace.

"Laura, dear. Happy birthday!" wika ni manager.

"Paano ko sasabihin, Eh! Surprise daw ni Bernard para sa'yo. Chika tayo mamaya." wika nito sabay kindat.

Napailing na lamang ako. Sinulyapan ko rin si Bernard na prenteng nakikipagkwentuhan sa mga madre. Ang mga bata naman sa orphanage ay isa-isa akong nilapitan. Lahat humalik at nagmano. Lahat ay nakangiti. Lahat ay masaya. Lahat. Maging ako.

Hindi man ako nabiyayaan ng isang mapagmahal na pamilya ngunit, nabiyayaan naman ako ng mabubuting tao. Handang makasama ako sa bawat espesyal na bahagi ng buhay ko.

Hindi ko man kasama sina Nanay at Lara ngunit, batid kong masaya ako. Natuto akong tanggapin ang lahat. Mula sa sakit nang pagtakwil ng isang ina, hanggang sa pagkasira nang relasyon sa sariling kapatid. Natuto akong magpatawad.

"Masaya ka ba?" tanong ni Bernard sa akin. Nakaupo ito sa isang bakanteng upuan sa aking harapan. Pareho naming pinapanood ang mga bata na nasa entablado at sumasayaw.

"Oo. Ang cute nga nila, eh. Tingnan mo!" wika ko sabay turo sa isang bata.

"Malaki na sana ang anak natin kung hindi lang siya nawala." pabulong na sabi nito ngunit narinig ko pa rin.

Napabuntong-hininga ako sa sinabi ni Bernard. Siguro nga, malaki na ang anak namin. Siguro, makulit na rin ito at marunong nang maglakad. Ngunit, may mga bagay na sadyang pahiram lamang ng Maykapal.

"Siguro," mahinang anas ko. Nakatuon pa rin ang aking paningin sa mga bata.

"Mahal mo pa ba ako, Laura?"

"Hindi naman nawala. Nakatago lang, Bernard. Natatakot masaktan muli." sagot ko.

"Tingnan mo ako, Laura." wika nito na sinunod ko naman.

Nanlaki kaagad ang mga mata ko sa nakita. Luminga din ako sa paligid para tingnan ang mga naroon. Malaki ang ngiti ng mga ito lalo na ang aking kaibigang si Olive. Maging si Grace ay ganoon din. Nasa hindi kalayuan mula sa aming kinauupuan ang mga ito. Nakatanaw sa amin at nakamasid sa susunod naming gagawin.

"Anong ginagawa mo?!" mariin kong wika dito matapos makahuma. Pinandilatan ko pa ito ng mga mata na ipinagkibit balikat lamang nito. Nanatili itong nakaluhod sa aking harapan habang hawak-hawak nito ang dating wedding ring na itinapon ko.

"Mahal kita. Mahal mo ako. Bakit pa natin papahirapan ang isa't isa? Hindi ako perpekto Laura, pero sisikapin ko. Payag ka bang magpakasal muli sa akin?"

"O-Oo," mahinang anas ko.

Tama si Bernard. Bakit pa namin papahirapan ang isa't isa. Sinayang man namin ang mga nakaraang taon ngunit, bubuo kami ng bagong simula para sa hinaharap. Pinakiramdan ko rin ang aking sarili kung handa na ba ako? Kung tuluyan na bang naghilom ang sugat sa puso ko. Kapagkuwan ay tumango ako bilang tugon sa tanong nito.

"Yes!" sigaw nito.

Nagpalakpakan ang lahat nang naroon nang itayo ako ni Bernard at yakapin ng mahigpit. Kahit nahihiya ay nakangiti akong yumakap pabalik dito. Kapag ganito kami kalapit ay para bang natagpuan ko na naman ang nawawalang bahahi ng aking pagkatao. Ang bubuo sa akin habambuhay.

"Mahal kita, Bernard." mahinang wika ko sa pagitan ng aming mga yakap.

Mahal ko si Bernard at handa akong masaktan muli kung ang kapalit nito ay ang pagkakataon para makasama siya. Alam kong matatag na ako at pinatibay pa ng mga nangyari sa akin.

"Mahal din kita, Laura. Ikaw at ako pa rin habambuhay." bulong nito sa akin bago ako kinintalan ng marahang halik sa labi.

Matapos ang supresa ni Bernard sa akin ay may kasunod pa. Hinayaan niya akong manatili sa Maynila kahit pa isang linggo na lamang ay eleksyon na. Pumayag siyang manatili ako sa bahay ni Olive habang siya naman ay bumalik kaagad ng San Vicente.

"Naku! Bakit late ako sa balita, mare?" eksaheradong tanong kaagad ni Olive sa akin. Kakagising ko lang mula sa mahimbing na pagtulog ngunit, ito na kaagad ang bungad niya sa akin.

"Ano ba kasing balita 'yan? Nandidisturbo ka naman, oh!" reklamo ko dito.

"Huy!"

"Ano nga-"

"Bakit naging kayo, ulit? Ano 'to? Love is sweeter the second time around lang ang peg?" wika nito sabay tinabihan ako sa kama.

"Sira!" wika ko sabay tapik sa braso nito.

Natawa si Olive sa aking sinabi. Maging ako ay natawa na rin. Kahit kailan si Olive ang matatawag kong sandigan sa lahat. Ang nag-iisa at totoo kong kaibigan. Ang nagpapagaan ng loob ko katulad na lamang ngayon.

"Pero, walang biro. Masaya ako para sa'yo, Laura. Huwag ka lang ulit papaiyakin ni Bernard at baka ako na ang puputol sa kaligayahan niya!" nakakalokong wika nito pagkatapos.

Napailing na lamang ako sa mga sinasabi nito. Minsan natatawa ngunit madalas ay seryoso. Lahat ng bilin nito ay tinandaan ko. Kilalang-kilala ako ni Olive. At alam kong masasaktan ito kapag nasaktan akong muli.

Pagkatapos naming mag-usap ng masinsinan ni Olive ay agad akong naligo para magtungo sa aking apartment. Pinakain muna ako ni Olive bago inihatid sa lugar. Ilang buwan na rin ang nakalipas mula nang iwan ko ito.

Nang makarating ay napangiti kaagad ako nang bumungad sa akin ang tahimik na lugar. May mga alikabok na rin sa loob niyon. Naisip kong maglinis matapos ang ilang sandali ngunit, natigil ito ng isang tawag.

Kaagad kong sinagot iyon nang makita ang pangalan ni Bernard sa screen ng aparato. Masigla akong naupo sa maalikabog na couch habang nakadekwatro ang mga binti.

"Bakit?" tanong ko dito.

"Pakakasalan kita sa susunod na linggo, Laura. Pagkatapos ng eleksyon," sagot naman nito.

"Ang bilis naman. Kahapon ka lang nag-aya, ah!" Nakalabing sagot ko dito.

"Hintayin mo ako, Laura. Pupuntahan kita at pakakasalan."

"Bakit napakaseryoso mo?" Nakakunot ang noong tanong ko dito.

"Hindi na kasi ako makapaghintay."

Natawa ako. Tawa na pakiramdam ko naibuhos ko na lahat ng sakit at hinanakit sa puso ko. Tawa na naglalaman kung gaano ako kasaya at kung gaano ko kagusto na sana.. sana dumating na ang araw na iyon.

"Oo na po! Maghihintay ako." wika ko bago nagpaalam dito.

Nakangiti akong nilinis ang buong lugar. Napakasaya ko rin kahit na pagod pagkatapos. Ni hindi ako nakaramdam ng gutom dahil sa tuwa. Pakiramdam ko dinuduyan ako ng mga alapaap sa langit.

Saktong alas-sais ng sunduin ulit ako ni Olive. Pinagalitan pa ako nito dahil sa hindi pagkain ng tanghalian. Pibalabas ko na lamang sa aking tainga ang sinabi nito. Alam ko naman kasing mabunganga lang talaga ito.

"Kanina pa tunog nang tunog ang cellphone mo. Hindi mo ba naririnig?" wika nito pagkatapos akong pagalitan.

"Mas malakas ang boses mo. Paano ko maririnig?" biro ko dito.

"Naku! Talaga!" eksaheradong sambit nito. "Sagutin mo na. Baka importante," dagdag pa nito.

Kinuha ko ang cellphone sa loob ng aking bag. Gumaan kaagad ang aking pakiramdam nang mabasa ang pangalan ni Bernard doon. Sinandal ko muna ang aking likod sa upuan bago ito sinagot.

"Kakatawag mo lang kanina," bungad ko kaagad sa kabilang linya.

"Laura!"

"Andrew?" nagtatakang tanong ko.

"Si Bernard-"

Lahat ng sinabi ni Andrew ay aking pinakinggan. Wala rin akong pakialam kung panay ang salita ni Olive sa aking tabi. Mas lalong wala akong pakialam kung isa-isang naglalaglagan ang aking mga luha.

"Anong nangyayari sa'yo!" wika ni Olive.

Namamanhid ako. Maging ang aking buong katawa ay nanginginig. Napakasikip ng dibdib ko na para bang anumang oras ay mawawalan ako ng ulirat. Pakiramdam ko nawasak muli ang puso ko.