Kabanata 30

Kasabay nang malalakas na hampas ng hangin ay ang nagliliyab na mga damdamin na matagal nang nakabaon. Kasabay ng paghampas ng ulan ay ang mga ungol ng kaluwalhatian. Damang-dama ko sa kaibuturan ng aking puso ang pagpapaubaya. Ang pagsuko sa lahat ng sakit at ang muling pagkagising ng isang natutulog na damdamin.

Nang matapos ang isang mainit na tagpo ay pareho kaming hinihingal ni Bernard na napatihaya sa kama. Ang lamig na dulot ng panahon ay hindi nagawang maibsan ang aming nag-iinit na pakiramdam. Ang apoy na gumising sa puso kong matagal nang nakabaon ay muling nagliyab.

"Laura, patawarin mo na ako. Hindi man ako perpekto pero mahal na mahal kita." halos pabulong na sabi nito.

Napabuntong-hininga ako sa sinabi ni Bernard. Agad akong tumagilid at pinulupot ang hubad na katawan sa isang kumot. Lumayo din ako sa kaniya ng bahagya at tinalikuran ito.

Sa nangyari ay hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin kay Bernard. Alam kong mahal ko pa rin siya ngunit may mga damdamin na kailangan munang maghilom. Nasaktan ako. Nawasak. Mahirap nang magtiwala muli.

Napabuntong-hininga ako at hindi na muling sinagot pa si Bernard. Pinilit kong bumangon pagkatapos ng ilang sandali. Narinig ko pa ang paghinga din nito ng malalim ngunit, nanatili akong bingi.

Hindi pa ngayon ang tamang panahon para magkabalikan kami ni Bernard. Hindi pa sapat ang mga salita niya para sa akin. May pagdududa pa rin ako. May mga bagay pa rin ang hindi malinaw.

Naging marupok man ako ngayon ngunit, hindi ko hahayaan na pati desisyon ko sa buhay ay ganoon din.

Minsan sa ating buhay kailangan nating maging mahina para malaman kung gaano tayo katatag.

Pagkatapos kong maligo sa banyo ay agad akong nagbihis. Napangiti ako nang makita ang mga dati kong gamit. Nakakatuwa na naroon pa rin ang mga iyon. Malinis pa rin at maayos. Maging ang buong bahay ay malinis pa rin.

"Laura," tawag ni Bernard sa akin. Kasalukuyan akong nagsusuklay ng buhok para matuyo iyon. Habang ito naman ay nasa kama pa rin at pinagmamasdan ako. Naghahanap ng paraan para makausap ako. At mukhang walang balak tumigil kung hindi ko sasagutin.

Napabuntong-hininga ako ng ilang sandali. Ibinaling ko rin kay Bernard ang aking paningin mula sa salamin na nasa aking harapan. Nakakunot-noo ko itong tinitigan habang ito naman ay nakatitig din sa akin.

"Bakit hindi mo sinabi sa akin? Bakit mo pa pinatagal ng ganito? Bakit hindi ka nagsalita noong mga panahong nasasaktan ako? Ganoon ka ba magmahal, Bernard? Kaya mo akong saktan? Natitiis mong umiiyak ako sa harapan mo? Napaka-imposible mo, Bernard!" sunod-sunod na tanong ko dito. Ni hindi ko hinayaan ang sariling kumurap habang titig na titig sa kaniya. Gusto kong makita ang bawat reaksyon niya sa mga sinabi ko. Dahil hindi sapat. Hindi ako kontento sa mga salita. Gusto kong makita ang isang bagay na alam kong kulang sa mga sinabi niya. Aksyon. Paninindigan at paggalang. Para sa akin at para sa aking damdamin.

"Ano?! Magtititigan na lang tayo? Pagod na ako, Bernard. Pagod na akong maawa sa sarili ko! Pagod na akong sisihin ang sarili ko sa nangyari. Sapat naman sigurong rason na nasaktan din ako." dagdag ko pa. "Hindi lang si Lara ang biktima dito Bernard. Ako! Nawalan ako ng anak. Nawalan ako ng asawa. Nawalan ako ng tiwala sa sarili. Na.. na sana, pilit kong binubuo. Pero, paano ko gagawin iyon Bernard?! Araw-araw kitang nakikita. Araw-araw pinapamukha sa akin ng pamilya mo na ako ang mali, dahil iniwan kita!"

Pagkatapos kong sabihin ang mga katagang iyon ay hindi ko alam kung saan pa ako humugot ng hininga. Malakas din ang tibok ng aking puso na para bang nagkakarerahan ito sa bilis. Hindi ko na napigilan ang sarili na masabi ang lahat ng hinanakit ko. Maging ang lahat ng pait sa aking pakiramdam.

Nakita ko rin kung paano lumunok si Bernard ng paulit-ulit dahil sa aking sinabi. Maging ang mga mata nito ay umiwas sa akin ang tingin. Napayuko ang ulo na para bang pasan nito ang daigdig.

Napailing ako. Kailanman ay hindi masasagot ni Bernard ang mga katanungan ko dahil maging ito ay hindi rin sigurado. Marahil mahal niya ako ngunit, hindi sapat iyon para pagkatiwalaan niya ako. Hindi naging sapat para manindigan siya para sa amin. Hindi naging sapat para sa aming dalawa.

Tumila ang ulan. Lumipas din ang araw. May mga bagong bukang liwayway na dumarating at may mga bagong pag-asa ang unti-unting sumisibol. May mga kailangang maghilom at may mga katanungan at agam-agam na kailangan nang ibaon.

Hindi ko alam kung paano ko nagawang makibagay. Makibaka. Magsimulang muli. Isang linggo na rin ang lumipas mula nang mangyari ang komprontasyon namin ni Bernard. Hindi man niya nasagot ang mga tanong ko ngunit, batid kong malaki ang naging pagbabago ng pakikitungo niya sa akin. Maging ako sa kaniya. Alam kong pinipilit ni Bernard na pawiin ang sugat ko na nilikha ng pareho naming maling desisyon.

"Ay! May pabulaklak na naman si Mayor!" kinikilig na sambit ng aking mga kasamahan.

Isa ako sa tumutulong upang mamigay ng mga sample ballot para sa mga botante sa bayan. Halos araw-araw ay naglalakad ako katulong ang iba pa upang mangampanya para sa nalalapit na eleksyon.

Kahit pawisan ay nagawa ko pang ngumiti sa mga ito. Nasa isang maliit na purok kami sa isang baranggay at nakaupo sa sementong upuan roon. Suot ang isang manipis na jacket at isang maong na pantalon at rubber shoes ay araw-araw akong matiyaga akong sumasama sa iba.

"Kayo talaga, kung anu-ano na naman 'yang iniisip niyo." wika ko sa mga ito pagkatapos tanggapin ang bulaklak na mula pa sa isang kilalang flowershop sa bayan.

"Pirma po kayo dito, Ma'am."

Tumango ako sa delivery man. Matapos ko iyong pirmahan ay umalis agad ito. Habang walang patid naman ang panunukso ng aking mga kasamahan. Natawa ako dahil doon at napailing na lamang. Hindi ko rin naman kayang pigilan ang kung anuman ang iniisip nila kaya hahayaan ko na lamang.

"Sos! Mayora, nahihiya pa. Pustahan tayo mamaya may pagkain na naman na idedeliver. Tapos sa hapon susunduin ni Mayor. Oh! di ba?!" eksaheradong sambit ng isa.

Natawa ang lahat sa reaksyon nito. Nakahawak pa ito sa puso na para bang pinapana iyon ni kupido na nakapikit ang mga mata. Habang ako naman ay napapailing na lamang sa mga espekulasyon ng mga ito.

Tulad ng sinabi nila ay may dumating ngang pagkain para sa amin. Lahat ay masayang kumakain habang ako naman ay malalim ang iniisip. Naglalakbay na animo'y may sariling isip.

"Anong nangyari sa'yo, Mayora? Hindi niyo ba gusto ang pagkain?"

Napatingin ako sa aking styrofoam dahil sa sinabi nito. Napagtanto kong hindi ko man lamang nagagalaw ang hita ng inihaw na manok na nasa loob niyon.

"Busog pa kasi ako. Ang dami kong kinain kanina. Sa inyo na lang 'to," wika ko na lamang.

Pagkatapos kumain ay nagsimula kaming muli sa kalapit na purok. Mga liblib na lugar ang aming puntirya dala ang konteng ayuda para sa mamamayan at botante.

Ganito naman yata sa pulitika. Komplikado. Magulo. Kailangan mong maging wais kung gusto mong sigurado ang panalo. Kailangan mong magpabango sa mga tao. Huwag lang magbinta at bilhin ang boto.

Nang maghapon ay sinundo ako ni Bernard. Lagi niyang ginagawa iyon at lagi naman akong sumasama. Isa rin ito sa naging dahilan upang mas makapag-usap kami at unti-unting magkaayos. Hindi man ngayon. Marahil bukas. May tamang panahon ang lahat at alam kong sa amin ni Bernard ay hindi na rin magtatagal.

"Para sa asawa ko na laging nakasuporta sa akin. Mahal na mahal kita. Ikaw ang isa sa dahilan kung bakit ako nagsisikap. Kung bakit mas pinili ko ang pagiging pulitiko. Dahil, alam kong mahal na mahal mo ang mga tao. Importante sila sa'yo kaya importante din sila sa akin!"

Pagkatapos sabihin ni Bernard ang mga katagang iyon ay naghiyawan at nagsigawan ang mga tao. Masaya ang mga itong sinasambit ang kaniyang pangalan bilang bagong gobernador ng lalawigan.

Ito ang huling araw na itinalaga para sa mga kandidato. Ito rin ang araw na huling sasambitin ni Bernard ang plataporma nito para sa mamamayan. Alam kong malaki ang pagkakataon nitong manalo sa laban. Alam ko rin na maganda ang pakay nito para sa pagtakbo nito at para sa mamamayan.

"Bagay talaga kayo ni Mayora, Mayor!" sigaw ng mga tao.

Nang lingunin ako ni Bernard ay nakangiti ito sa akin na sinuklian ko rin ng isang ngiti. Isang ngiti na alam kong totoo. Masaya ako para dito dahil unti-unti na nitong naaabot ang pangarap. Masaya din ako para sa lahat at para sa aking sarili.

Nang matapos ang huling meeting de avance ay nagsiuwian ang lahat. Inaya akong umuwi kasabay ng mga magulang ni Bernard maging ito mismo ngunit, tumanggi ako. May kailangan akong puntahan. Isang tao na alam kong nasaktan ko ng hindi ko namamalayan. O marahil alam ko ngunit, hindi ko lamang sadya.

Natagpuan ko ang aking sarili na naglalakbay sakay ng traysikel patungo sa aming maisan. Alam kong naroon ang taong hinahanap ko dahil narinig ko kanina ang usapan nito at ng Don. Matagal na rin nang huli kaming mag-usap. Matagal na rin ng narinig ko ang mga payo nito.

Hindi nga ako nagkamali at natagpuan ko ito sa isang lilim ng punong mangga. Prente itong nakaupo roon. Nakatutok ang mga mata nito sa malawak na kapatagan na may mangilan-ngilang trabahante na nagtatanim ng mais. Ni hindi man lamang nito napansin ang aking pagdating.

"Huwag kang mag-alala, alam kong masagana ang magiging ani niyan sa susunod dahil ikaw ang namamahala, Andrew." pag-agaw ko sa atensyon nito.

Napangiti ako nang ibaling nito ang paningin sa akin. Kitang-kita ko pa ang pagbahid ng gulat mula sa mga mata nito. Natawa ako kahit pilit para palisin ang nararamdamang pagkailang.

"Magsalita ka naman," wika ko pa sabay upo sa tabi nito. Tinapik ko pa ang balikat nito para agawing muli ang atensyon nito. "Hindi ako sanay na tahimik ka, Andrew."

"Bakit ka nandito?" sa wakas ay tanong nito.

Napatda ako sa sinabi nito. Binaling ko rin ang aking paningin sa mukha nito na nakatutok pa rin sa harapan nito. Natanong ko rin ang sarili kong bakit nga ba ako nandito? Kung para saan ba ang pagpunta ko sa lugar na ito.

"Sorry," tanging nasambit ko na lamang.

"Hindi ko kailangan 'yan."

"Alam ko. Alam ko rin na nasaktan kita, Andrew." pagpupumilit ko.

"Matagal na akong nasasaktan."

Napakurap-kurap ako sa sinabi nito. Pilit ko mang labanan ang pagsikip ng dibdib ngunit, hindi ko nagawa. Ang mga salita ni Andrew ay tila punyal na sumaksak direkta sa akin. Ni walang babala o paalam man lang.

Napayuko ako. "Hindi ko sinasadya. Hindi ko alam kung ano ang dapat kung gawin. Hindi ko rin kayang utusan ang puso, Andrew. Sana maintindihan mo ako. " pabulong na anas ko dito.

"Hindi naman kita inoobliga. Masaya ako kapag masaya ka Laura. Kung hindi mo man ako mahal, tanggap ko iyon. Tatanggapin ko kahit alam kong masasaktan na naman ako." anas din nito. "Siguro, hindi talaga tayo pwede. Na may mga bagay na kahit gaano mo kagusto kung hindi para sa'yo ay hindi pwedeng ipilit." dagdag pa nito.

Huminga ako ng malalim upang palisin ang nagbabadyang mga luha dahil sa sinabi nito. Ramdam na ramdam ko sa boses ni Andrew ang hinanakit. Hinanakit para sa damdamin na kailanman ay hindi ko kayang tugunan.

"Masaya ako. Totoong masaya ako para sa'yo, Laura. Na ang dating iyakin na bayaw ko ay naging matatag. Pinatibay ka ng karanasan mo."

"Alam ko." sagot ko dito kasabay ng mga butil ng luha sa aking mga mata.

Masakit. Masakit hindi dahil mahal ko si Andrew ngunit, dahil may nasasaktan ako. Na para maging masaya ulit ako ay may kailangan akong saktan. Bakit ba hindi patas ang mundo?

Ilang sandaling katahimikan ang namayani sa amin. Panay pa rin ang pagluha ko habang ito naman ay naramdaman kong tumayo. Nang magsawa ako sa kakaiyak ay agad kong pinunasan ang aking mga luha at tiningala ito. Nakatanghod ito sa akin habang ang mga mata ay mapupula rin.

"Tumahan ka na. Hindi dapat pinapaiyak ang isang babaeng kagaya mo, Laura. Kapag ginawa ulit ni Bernard 'yon. Hindi na ako mangingiming agawin ka, Miss Next Best Actress," wika nito sabay lahad ng isang kamay sa akin.

Napahagulgol akong muli sa sinabi nito. May mga bagay nga na kahit sinasabi ng utak mo, hindi naman nakikiayon ang puso. Si Andrew at ako. Isa lamang kami sa pinaglaruan ng pagkakataon. Pinagtagpo pero hindi itinadhana.

"Hinding-hindi na ako iiyak." matapang na wika ko dito bago inabot ang kamay nito.

"Mahal kita, Laura." anas ni Andrew bago ako salubungin ng isang mahigpit na yakap.

Tumango ako sa sinabi nito. Marahil, may mga bagay na kailangan na lamang kalimutan. May mga bagay na kailangang ibaon para sa unti-unting paghilom. Importante man ang nakaraan ngunit mas importante ang bukas. Move on and move forward.

Hindi man nakausad ang puso ko mula sa pagmamahal para kay Bernard, ang importante ay ang bagong simula na ibinigay para sa amin at para sa akin. May nasaktan man kami. May nawala man. Ang importante ay mahal niya ako at mahal ko pa rin ito.

Isang pag-ibig na mapanakit ngunit nananatili.