Kabanata 29

Tahimik akong pinagmamasdan ang mga tao sa aming harapan. Kahit tirik ang araw at nakatayo sa malawak na gym ng kanilang baranggay ay nakangiti pa rin ang mga ito habang nakatanaw kay Bernard at sa mga kaalyado nito na nagsasalita at nagpapahayag ng kani-kanilang plataporma.

"Gusto mo ba nang maiinom, Hija?" bulong sa akin ng Nanay ni Bernard.

Agad ko itong binalingan. Ngumiti din ako sabay iling, "Hindi po, Mama. Salamat na lang po," magalang na tanggi ko.

Napangiti ito at tumango sa aking tugon. Bumalik rin ang tingin nito sa aming harapan. Nasa entablado kami at nakaupo kasama ang mga kandidato. Maging ang Tatay ni Bernard ay prente din ang pagkakaupo katabi ang asawa nito. Nakangiti pa ito sa lahat na tila ba masayang-masaya.

"Mayor! Suportado ka namin!"

"Mayor! Mayor! Mayor!"

"Oo nga! Sure win ka na, Mayor!"

Napangiti ako nang marinig ang sigawan ng mga tao. Maging ang mga magulang ni Bernard ay ganoon din. Sinulyapan din ako ng Nanay nito at nakangiting tumango sa akin.

"Masaya ako, Hija." anas pa nito.

Naintindihan ko kaagad ang ibig nitong sabihin. Maging ako ay masaya din para kay Bernard. Naaalala ko pa noon kung paano niya sinabi sa akin na gusto niyang pamunuan ang buong lalawigan. Kung gaano siya kasaya habang binabanggit ang mga katagang iyon. Punum-puno ng determinasyon ang kaniyang mga mata at ngayon habang nagsasalita ito alam kong malaki ang tyansa niyang manalo.

"Ikaw na lang ang kulang sa buhay ng anak ko, Hija. Kailan mo ba siya mapapatawad? Ramdam kong mahal na mahal ka pa rin niya." kapagkuwan ay wika nito.

Ngumiti lamang ako sa sinabi nito. Ilang araw na rin mula nang mangyari ang rebelasyon ni Lara ngunit, hanggang ngayon ay hindi ko pa natatanong si Bernard tungkol doon.

Natatakot ako. Natatakot ako dahil hindi ako handa. Natatakot din ako dahil hindi ko alam kung saan at paano ako magsisimula. Matagal nang panahon ang lumipas mula nang mangyari ang lahat ng iyon. Matagal na rin sanang naibaon.

Halos hapon na nang matapos ang meeting de avance. Pawisan na rin ako habang tumutulong sa pamimigay ng konteng pagkain para sa mga dumalo. Lahat sila ay bumati sa akin at nagpahayag ng sulidong suporta para kay Bernard at sa kaalyado nito.

"Naku! Mayora.. Umuwi na po kayo at baka maabutan pa kayo ng ulan sa daan. Malayo pa naman ang San Vicente dito."

Napataas ang titig ko nang magsalita ang isang volunteer sa aking harapan. Nakasuot ito ng isang t-shirt na may logo ng partido nina Bernard. Maging ako ay ganoon din ngunit tinabunan ko ito ng cargo jacket.

"Oo nga po, Mayora. Nagsiuwian na nga po ang lahat. Kayo na lamang po ang nandito." sansala naman ng isa pa.

"May problema ba?"

"Ay! Mayor!" Nakangiting saad ng isa. "Congrats po! Ang ganda ng plataporma niyo!" masayang dagdag pa nito.

Natawa ang ilan pa sa aking mga kasamahan. Maging ako ay natawa din dahil namumula ang mukha nitong nakatitig sa aking likuran.

"Pagod ka na ba?" pabulong na tanong ni Bernard sa akin.

Agad kong naramdaman ang kaniyang braso na pumulupot sa aking beywang. Pumikit pa ako ng ilang saglit bago tuluyang nakahuma. Ibinaling ko rin ang aking paningin sa kaniya habang ang lahat nang kasama naming volunteer ay kinikilig at may impit na hiyawan pa.

"Kami na po bahala sa mga tao, Mayor. Salamat din sa libreng pagkain." wika ng nagsisilbing pinuno sa mga volunteer ni Bernard.

"Uuwi na kami. Akayo na muna ang bahala dito, Gil. Bigyan lahat ng pagkain ang nandito. Kung may sobra, ipamigay niyo na lang." mahabang paalala nito.

Tumango si Gil sa sinabi ni Bernard. Ilang sandali pa ay nagpaalam na rin si Bernard sa mga ito. Mabilis ang bawat hakbang nito patungo sa sasakyan habang ako naman ay hawak-hawak nito.

"Sandali!" reklamo ko nang di inaasahang matalisod.

Tumigil si Bernard sa paglalakad at tinitigan ako nang nakataas ang kilay. Napabuntong-hininga naman ako at kinalas ang pagkakahawak nito sa akin. Umupo din ako para haplusin ang nasaktang paa.

'Malas!' bulong niya sa sarili.

"Kaya kong maglakad, Bernard. Hibdi mo na ako kailangan hilahin." wika ko dito pagkatapos ng ilang sandali. Nauna na rin akong maglakad at agad na pumasok sa sasakyan nito.

Habang nasa loob at bumabyahe ay nasa bintana lamang ng kotse ang aking paningin. Panay din ako buntong-hininga at kung minsan ay napapasulyap sa malawak na kalangitan. Pareho rin kaming tahimik ni Bernard. Nagpapakiramdaman. Naghihintay kung sino ang huling susuko.

Nasa ganoon akong pag-iisip ng biglang bumuhos ang malakas na ulan. Maging si Bernard na nasa aking tabi ay narinig ko rin ang mahinang pagmura. Napakalas ng hangin na may kasama pang pagkidlat ang naaaninag ko sa labas. Maging ang maliliit na kabahayan ay hindi na halos makita dahil sa walang tigil na pagpatak ng ulan.

"Mahihirapan tayong makadaan. Hindi tayo makakaabot sa mansion nina Papa." mahinang wika nito.

Binaling ko ang aking paningin kay Bernard. Nakakunot ang noo nito habang nakatanaw sa harap ng sasakyan. Seryosong nagmamaneho habang panay din ang pagpapagalaw sa wiper ng kotse.

"Anong ibig mong sabihin?" Nakakunot noong tanong ko.

"Ayos lang ba sa'yo na sa dating bahay natin na lang muna tayo? Baha na tiyak sa daan. Hindi kakayanin ng sasakyan ko." alanganing tanong nito sa akin.

Nagulat ako sa sinabi ni Bernard ngunit kalaunan ay sumang-ayon din ako. Nasa bukirin ang mansion ng mga Guerrero habang ang dati naming bahay ay mas malapit sa syudad at kabayanan.

Tumango ako pagkatapos ng ilang sandali. Nangangamba din ako kung ipipilit ko pa na magtungo sa mansion. Nagsisimula na ring dumilim at natatakot akong madisgrasya pa kami sa daan.

"Sige," mahinang wika ko.

Tumango din si Bernard sa aking sinabi matapos akong sulyapan. Dahan-dahan ang pagmamaneho nito ng kotse patungo sa dati naming bahay. Marahil katulad ko ay nangangamba din ito.

Isang oras ang naging byahe namin bago narating ang bahay. Mabilis kaming bumaba at patakbong pumasok sa loob. Ganunpaman ay nabasa pa rin ako dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan.

"Pasensya ka na, matagal na kasi akong hindi nakakapunta dito kaya maalikabok." wika ni Bernard sa akin habang hinuhubad ang basang sapatos.

Tumango ako sa sinabi nito at niyakap ang sarili. Nilibot ko rin ang aking paningin sa loob ng bahay. Wala pa ring nagbago mula sa ayos maging sa mga muwebles. Ganoon na ganoon pa rin ito. Maging ang malaking larawan namin ni Bernard noong aming kasal ay naroon pa rin sa dingding na katapat ng hagdan.

Sa nakita ay biglang sumikip ang aking dibdib. Maging ang mga ala-ala nang nakaraan na pilit kong ibinabaon ay nagsusumiksik din sa aking isip. Ang rebelasyon ni Lara sa akin noong nakaraan at ang malalalim na salita ni Sofia sa akin patungkol sa pag-ibig.

Para bang nag-flashback ang lahat. Kung paano naging pursigido si Bernard na suyuin ako noong hayskul. Kung ilang beses siyang nakatulog sa loob ng sasakyan kapag sinusundo ako mula sa isang taping. Ang pagsibol ng mga pangarap kasama siya at ang pagluha ng pasakit sa panloloko niya sa akin.

Lahat ay nagbalik. Muling bumukas ang akala kong tuluyan nang naghilom na sugat.

"Nasa taas pa rin ang ibang mga gamit mo, Laura. Pwede kang magbihis doon. Dito na muna ako." wika ni Bernard sa akin.

"Ikaw ba ang ama ng anak ni Lara?" bagkus ay tanong ko. Ibinaling ko rin ang aking tingin dito at nakita ko pa kung paano nanlaki ang mga mata nito na bumaling sa akin. Tumigil din ito sa paglalakad at mariin ang titig sa akin.

"Ako," wika nito.

"Sinungaling!"

Narinig kong napabuntong-hininga si Bernard. Tinalikuran din ako nito at nagsimula na ulit sa paglalakad patungo sa aming sala. Habang ako naman ay nakatanaw lamang sa likod nito.

Ganito na lamang ba kami palagi? Kapag may hindi gustong pag-usapan ang isa ay mag-iiwasan na lang? Kapag may problema ay mananahimik na lang?

Umiling ako at sinundan ko si Bernard patungo sa sala. Nakaupo na ito roon at hinihilot ang sentido nang nakatingala. Mukha itong may mabigat na iniisip habang nakapikit.

"Bakit ba ayaw mong magsalita ngayon? Tumingin ka sa akin, Bernard!" sigaw ko dito.

Lumapit din ako kay Bernard kapagkuwan. Gusto kong malinawan ang lahat ng nasa isip ko. Ang mga agam-agam at pagsisisi. Gusto kong kapag umalis ako sa lugar na ito ay payapa na ang puso't isip ko. Na kahit hindi man kami magkabalikan ni Bernard ay masaya kaming maghihiwalay.

"Ano bang gusto mong malaman?!" mariin ding bulyaw nito sa akin. Tumayo din ito upang magpantay ang aming mga mukha. Kitang-kita ko sa mga mata ni Bernard ang pinipigil na galit. Ngunit, sa kabila niyon ay ang hindi maikakailang pagdurusa at sakit.

"Gusto kong malaman ang totoo," mahinang bulong ko.

"Nang iwan mo ako at nakipaghiwalay ka sa akin Laura, pinaniwalaan mo na ang gusto mong paniwalaan. Kahit anong pagsuyo at pakiusap ko sa'yo na huwag mo akong iiwan, hindi ka nakinig. Alam kong nasaktan kita, pero mas masakit ang ginawa mo sa akin! Hindi ko anak ang anak ni Lara. Kahit kailan, hindi kita kayang lokohin." mahabang sabi nito.

Inaasahan ko man nagulat pa rin ako. Para akong biglang naupos na kandila mula sa pagliyab. Mas lalo ding nadurog ang aking puso na unti-unti ko na sanang binubuo. Bakit ba kasi napakamapagbiro ng tadhana sa akin? Bakit ba may mga pagkakataon na sadyang ayaw talagang ibigay sa akin?

"Paano.."

Hindi ko na halos marinig ang sarili kong boses. Maging ang aking mga tuhod ay nanghihina. Napakasakit. Hindi ko halos matanggap na nangyari ang lahat dahil sa isang maling paratang. Na nagsayang ako ng panahon dahil sa isang maling akala.

Gayunpaman ay sinikap kong maupo sa bakanteng couch malayo kay Bernard. Nakahawak rin ang aking kamay sa aking dibdib upang kahit papaano ay gumaan ang aking pakiramdam. Tinapik-tapik ko iyon ngunit saglit lang ay napailing ako.

Bakit ba kailangan kong magpanggap na matatag? Matagal na akong nasasaktan ngunit pilit ko lamang pinipigilan ang sakit. Hindi naman siguro kalabisan ang umiyak ako sa harap ni Bernard? Ayaw ko nang magkunwari. Gusto kong ipikakita kong sino ang tunay na ako sa mga mata nito.

"Natatandaan mo pa ba noong unang beses na sinundo ka ni Andrew? Gustong-gusto kitang sunduin, Laura. Pero paano ko gagawin iyon kung kailangan ako ng kapatid mo? Alam mo bang ginahasa siya? Ginahasa siya ng mga taong gustong maghiganti sa akin. Ikaw ang target nila, pero si Lara ang nakuha."

Kung nabasag man ang puso ko sa kompirmasyon ni Bernard, pakiramdam ko ngayon sa kaniyang sinabi ay wala nang kahit ano ang natira sa akin. Pinung-pino ang pagkadurog sa aking puso nang paulit-ulit.

Isa-isang nagpatakan ang luha sa aking mga mata. Natanong ko rin ang aking sarili kung bakit hindi ko man lang alam? Tama ba ang paratang ni Lara sa akin na makasarili ako? Na sariling sakit ko lang ang iniisip ko?

"Wala akong magawa! Sinisisi ko ang sarili ko sa nangyari. Ni hindi ako makatanggi nang sabihin niya sa aking magpapakamatay siya kapag iniwan ko siya. Akala ko, ayos lang dahil mahal mo ako. Hinding-hindi mo ako kayang iwan.. Pero nagkamali pa rin ako. Nakalimutan kong ikaw pala si Laura, matigas ang ulo mo kapag desidido ka sa isang bagay. Ngayong alam mo na... May magbabago ba, Laura? Tanggap ko nang hindi mo na ako mahal."

Habang nagsasalita si Bernard ay walang patid ang pagluha ko. Wasak na wasak ang aking pagkatao na hindi ko alam kong mabubuo ko pa ba itong muli. Bakit ganito ang pag-ibig? Hindi mo alam kung kailan ka sasaktan at kung kailan ka bubuuin.

Napakamapaglaro. Hindi patas.

Ilang minuto ang namayaning katahimikan sa amin. Ang tanging maririnig lamang ay ang malakas na paghampas ng hangin mula sa labas at ang pagbulusok ng ulan. Ang aking mga hikbi at mga panaghoy dahil sa isang pag-ibig na hindi na maari pang dugtungan.

Niyakap ko pa lalo ang aking sarili at isiniksik iyon sa upuan. Nakalumbaba at walang patid ang pagtulo ng aking nga luha. Ni wala akong pakialam kung halos hindi na ako makahinga. Nagulat pa ako nang itaas ni Bernard ang aking mukha at seryosong nakatanghod sa akin.

"Mahal kita, Laura. Mahal na mahal kita." sabi nito at pinunasan ang aking mga luha. Kasabay niyon ay ang pag-angkin nito sa aking mga labi.

Pumikit ako. Marahil kailangan ko ito. Kailangan namin ni Bernard ito.