Kabanata 28
Hindi ko na hinintay na ipagtulakan pa nila ako paalis. Mabilis ang aking mga hakbang habang nagpupuyos ng sakit sa aking dibdib. Lakad takbo ang ginawa ko para lamang makaalis sa lugar na iyon. Hindi ko rin alam kung dapat ko bang paniwalaan ang sinabi ni Lara sa akin kanina.
Habang sinasabi niya ang mga katagang 'yon ay ang pagkadurog din ng aking pagkatao. Nasasaktan ako sa mga nangyayari. Naguguluhan ako sa lahat. Sa direktang pagtakwil ni Nanay sa akin at sa rebelelasyon ni Lara na hindi ko alam kung totoo.
"Mayora? Ano po ang nangyari sa inyo?" tanong ng isang tricycle driver.
Ikinurap-kurap ko ang aking mga mata. Hindi ko na namalayan na nakarating na pala ako sa Toda ng mga namamasada. Sa sobrang sakit ng dibdib ko parang may sariling isip din ang mga paa ko kung saan ako dadalhin nito.
Babalik na naman ba ako sa dati? Magpapakaalipin na naman ba ako sa sakit?
Pakiramdam ko nasira ang buhay ko dahil sa sinabi ni Lara sa akin. Pakiramdam ko sinayang ko ang nakalipas na taon para sa isang maling paratang. Ngunit, ano nga ba ang totoo?
"Sa public cemetery po." sagot ko dito nang makahuma.
Tumango lamang ito sa aking sinabi. Habang ako naman ay mabilis ang kilos na sumakay doon. Hindi ko alam kung saan pa ba ang lugar na alam kong ligtas ako. Lugar kung saan hindi ako sasaktan.
Tahimik ang kapaligiran habang nagsasayawan ang mga dahon ng puno sa saliw ng mahinang hangin. Ang maaliwalas na kalangitan na nagsisilbing pag-asa ng mga ibon na nagsisiliparan. At ang mabining pagdampi ng lamig sa aking balat mula sa karimlan ay narating ko ang libingan ng aking Tatay at kapatid.
Naupo kaagad ako sa sementong upuan sa katabi ng kanilang himlayan. Hinayaan ko ang aking sarili na igupo sa katahimikan. Napakatagal na panahon na rin mula nang magpunta ako sa lugar na ito, na pakiramdam ko hindi ako dapat nandito. Na wala akong karapatan dahil malaki ang kasalanan ko.
"Bakit ganoon, Tatay? Naging mabuti naman po ako. Sinunod ko naman ang alam kong makakabuti para sa akin. Mahal ko naman si Nanay at si Lara, pero bakit pakiramdam ko napakawala kong kwenta?" tanong ko sa kawalan. "Bakit po nasasaktan pa rin ako?"
Ilang sandali kong hinayaan ang sarili na umagos ang luha sa aking mga mata. Palagay ko kasi kahit nakalimot ako sa nakalipas na taon muling nagbalik ang sugat dahil sa aking mga nalaman. Pakiramdam ko sadyang galit ang tadhana sa akin.
"Sana nawala na rin ako. Hindi na sana ako nasasaktan ng ganito." bulong ko pa.
Kinausap ko ang dalawa na para bang sasagot ito sa akin. Nilabas ko ang lahat ng hinanakit ko maging ang lahat nang bagay na aking pinagsisihan. Mga bagay na alam kong hindi na maibabalik na sadyang nakapanghihinayang.
Pinunasan ko ang aking mga luha at pinilit na pakalmahin ang sarili. Ibinaling ko rin ang aking paningin sa kanina pa tumutunog na cellphone na nasa loob ng aking maliit na pouch. Kinuha ko iyon at tiningnan. Sinagot ko kaagad iyon dahil hindi rehistrado ang numero.
"Hello?" tanong ko sa kabilang linya.
"Nasaan ka ba?! Kanina pa kita hinahanap!"
Napangiti ako ng mapait pagkarinig pa lamang sa boses nito. Mahihimigan iyon ng pag-aalala na may halong inis. Nakikinita ko rin sa aking balintataw ang nakakunot nitong noo. Ang nakataas nitong kilay at ang pagnguso para pigilan ang nagbabadyang pagngiti. Mga ala-ala na pakiramdam ko hindi naman nawala. Natumatak pa rin sa aking utak maging nang aking puso.
"Uuwi ako mamaya. Huwag kang mag-alala." wika ko pagkatapos ay napabuntong-hininga.
"Napakatigas talaga ng ulo mo!"
"Alam ko Bernard! Kaya pwede ba?! Pabayaan mo muna ako ngayon!" matigas na sagot ko naman dito. Pinilit kong tatagan ang aking boses upang mawala ang bara sa aking lalamunan. Dahil kung hindi ko iyon gagawin, baka bumigay ulit ako.
"Huwag kang aalis. Hahanapin kita." wika nito pagkatapos ng ilang sandali.
Napabuntong-hininga ako at magsasalita pa sana nang mawala na si Bernard sa kabilang linya. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko kung mahanap niya man ako. Hindi ko alam kung papaano ko tatanungin sa kaniya ang mga bagay-bagay na nagdala sa amin sa sitwasyong ito. Hindi ko alam...
Tulad nga ng sinabi ni Bernard ay matigas ang ulo ko. Hindi ako nagtagal sa lugar na iyon at nagsimula akong maglakad. Balak kong puntahan ang dati naming bahay. Gusto kong makita ang lugar na isa sa pinagmulan ng mga pangarap ko. Isa sa saksi sa mga kasiyahan ko maging sa mga paghihirap ko.
Habang naglalakad sa makipot na daan patungo sa bahay namin ni Bernard noon ay nakapagdesisyon ako. Nahihirapan ako at nasasaktan dahil sa mga maling pasya ko sa buhay. Panahon na naman siguro para manindigan naman ako para sa aking sarili.
Mainit na ang araw na nanunuot sa aking balat. Malakas na rin ang pagdampi ng hangin mula sa silangan. Maging ang berdeng tanawin mula sa mayabong na maisan ay kulay dilaw na ngayon. At ang dating basa at lubak-lubak na daan ay maalikabok na rin.
Pawisan man ay pinilit kong makarating sa dati naming bahay. Malayo ang bahay sa iba pang kabahayan kaya tiwala akong walang makakapansin sa akin. Kung may mangilan-ngilan man ay mga trabahante lamang ng hacienda.
Pinunasan ko ang namumuong pawis sa aking noo. Hapo na rin ang aking pakiramdam ngunit, dahan-dahan ko pa ring hinahakbang ang aking mga paa. Ganoon naman yata talaga, kahit nahihirapan ang isang tao kailangan pa rin nilang lumaban.
Naputol ang pag-iisip ko nang may bumusina sa aking likuran. Agad ko itong nilingon kasabay ng pangungunot ng aking noo. Malayo ang Hacienda Vergara kaya nakapagtatakang narito sa loob ng hacienda ang Wrangler ni Zeus Vergara. Bumusina ulit ito kaya tumigil ako sa paglalakad.
"Why is the wife's Mayor walking in this hot weather?" Nakataas ang kilay na tanong nito pagkatapos bumaba mula sa sasakyan. "Sumakay ka na sa sasakyan ko, Mayora." dagdag pa nito.
"Huwag na. Salamat Mr. Vergara." wika ko dito.
"Oh! C'mon. Huwag nang matigas ang ulo mo, Mrs. Guerrero. In fact, I want to invite you for a lunch. Why not visit our hacienda? Hmm.." pag-aaya nito. Nakita ko pa kung paano nito pinunasan ang noo.
Napabuntong-hininga ako sa nakita. Agad din akong tumango bilang tugon sa paanyaya nito. Naisip kong ipagpaliban na lamang ang pagpunta sa mansion. Siguro hindi pa sa ngayon. Marahil hindi pa ito ang tamang panahon.
Mabilis ang pagpapatakbo ni Zeus sa Wrangler nito. Napapangiti pa ito habang nagmamaneho. Halatang masaya ito. Maging ang mga mata nito habang nakatitig sa akin ay may kalakip na ningning ng pagiging kontento.
Nang marating namin ang mansion ay bumungad kaagad sa akin ang malawak na harden nito. Sa gitna niyon ay isang fountain na hugis kupido habang sa kaliwang bahagi ng mansion ay isang greenhouse. Napapalibutan din ng mga bulaklak ang paligid na lalong nagpaaliwalas sa lugar.
"Amazing right? Sofia, always love flowers. Napuno tuloy ang bahay," wika nito sabay tawa.
"Napakaganda," tanging nasabi ko na lamang sa pagkamangha.
Ilang sandali lang ay ipinarada nito ang sasakyan sa harap ng isang magarbong patyo. Agad kaming bumaba at bumungad kaagad sa akin ang muwebles na gawa sa iba't ibang uri ng pinaglumaang kahoy. Driftwood furnitures. Habang ang haligi naman ng patyo ay ang mga halaman na nakapulupot dito.
"Daddy!"
Agad kong inilipat ang aking paningin sa pinanggalingan ng boses. Namangha pa ako at nanlaki din ang aking mga mata nang makita ko ang dalawang bata na tumatakbo patungo kay Zeus. Agad na lumuhad ang lalaki at idinipa ang mga kamay. Naghihintay na mayakap ang mga bata na halatang kambal.
"I miss you, Daddy. Athena cried because you're not inside the room." Nakangusong wika ng batang babae.
Natawa kaagad si Zeus sa tinuran nito. Maging nang tumayo ito ay buhat-buhat nito ang bata. Nakangiti itong binalingan ako habang nakamasid lamang ako sa lahat ng kanilang ginagawa.
I am speechless. Shocked and dumbfounded.
"My twins. Athena and Icarus." Nakangiting saad nito sa akin.
"H-How?" tanging nasabi ko na lamang sa pagkabigla pagkatapos ay tumikhim ako. "I'm sorry, hindi na dapat ako nagtanong." dagdag ko pa habang nakatingin sa aking harapan. Partikular na kay Sofia Ynarez.
"It's okay. I don't mind."
"May bisita pala. Tamang-tama, kakain na tayo." wika nito ng makalapit sa amin.
"Sure, doll. Gutom na rin ako." sagot naman ni Zeus at nauna nang maglakad.
"Halika ka na, Mayora!" Nakangiting aya nito sa akin sabay pulupot ng braso nito sa aking braso.
Masaya ang lahat habang kumakain. Larawan ang apat nang isang perpekto at mapagmahal na pamilya. Habang pinagmamasdan ko si Zeus na inaasikaso ang anak nito ay hindi ko mapigilang makaramdam ng lungkot para kay Aria. Naisip ko kung paano na lamang ito ngayong may mga anak na pala si Zeus.
Nang matapos kumain ay inaya ako ni Sofia sa loob ng greenhouse. Masaya ito habang ikinukwento sa akin ang mga pangalan ng mga bulaklak nito na galing pa umano sa ibang bansa. Namamangha na lamang ako sa mga sinasabi nito. Sofia surely love flowers just like how she looks like them. Beautiful and stunning.
"Paano nangyari kayo ni Zeus? Asawa ka ng tatay niya pero may anak kayo? Hindi ako makapaniwala." mahinang tanong ko dito.
Natawa si Sofia ng mahina. Inaya niya rin akong maupo sa isang bakanteng mesa sa gitna ng greenhouse. Seryoso din itong tumitig sa akin pagkatapos. Para bang tinatantiya nito ang lahat ng sasabihin. At nang nagsimula ito, nagulat na lamang ako sa nalaman.
"Magkasama kami ni Zeus ngayon pero hindi ibig sabihin na nagkabalikan na kami. We have kids and that's it!" wika nito.
"Paano si Aria?" tanong ko dito.
Narinig ko ang pagbuntong-hininga nito. "Aria came yesterday. She was mad. She threatened us and the kids. Natatakot din ako sa kabila nang katotohanan na plano lang nila ni Zeus ang lahat. That she was only playing as his fiancee." mahabang paliwanag nito.
Tumango ako at hindi na nagtanong pa. Matinding awa ang naramdaman ko para ka Aria. Hindi ko alam na aabot siya sa ganito. Na maging ang pagpapanggap ay kaya niyang gawin. Indeed, love can change a person to the better or worst.
"Alam kong may pinagdadaanan ka, Mayora. Maybe, Zeus felt it too. Namamaga din ang mga mata mo." Nakangiting wika nito sabay salin ng tea sa teacup.
"Nasaktan ka na ba ng mahal mo ng sobra? Naloko ka na ba? Naramdaman mo na bang wala kang kwenta?" sunod-sunod na tanong ko dito.
Natawa si Sofia sa aking sinabi. Napapailing din ito na para bang hindi makapaniwala sa mga lumalabas sa aking bibig. Pagkatapos ay tinitigan ako sa mga mata. Nang-aarok ang bawat titig nito na para bang maging ang buo kong pagkatao ay binabasa din nito.
"Binugbog ka na ba? Pinagkaitan ka na ba nang karapatan? I already experienced those, Mrs. Guerrero. Na maging ang paghinga mo ay kailangang kalkulado. Winasak na kahit ang natitira mong respeto para sa sarili ay mawawala pa. But, look at me now. Zeus is still with me. Ang taong sobrang nanakit sa akin ay siya pa rin ang unti-unting bumubuo sa akin. When a man stays even when you keeps on pushing them away, believe me; it's the purest love you could ever have."
Lahat ng sinabi ni Sofia ay tinandaan ko. Natanong ko rin ang aking sarili kung nagkamali nga ba ako.