Kabanata 27
"Kapag nasasaktan ka, walang nakakahigit na nakakaalam sa 'yong pagdurusa kundi Siya. Kapag naguguluhan ka, kumapit ka lang at maniwala sa Kaniya."
Ang lahat ay tahimik habang nakikinig sa liturhiya ng pari sa aming harapan. Linggo ngayon, at nakasanayan na ng pamilya nina Bernard na magsimba tuwing umaga. Isa ito sa dahilan kung bakit minahal sila nang mamamayan ng San Vicente.
"Ang pagmamahal ng Diyos ay hindi lamang para sa isa. Hindi lamang para sa'yo, sa akin, sa kaniya, kundi para sa lahat. Ang pag-ibig Niya ang siyang nagbubuklod sa sanlibutan. Kaya kapatid, kung inaakala mo na mag-isa ka na lang. Kung pakiramdam mo iniwan ka na nang lahat. Pwes, mali ka! Dahil Siya! Hinding-hindi ka Niya iiwan. Manalangin tayo," wika nito bilang pagtatapos nang liturhiya.
Sa lahat ng narinig ko mula dito, pakiramdam ko para iyon sa akin. Lahat ay tumagos sa aking puso maging sa kaibuturan ng aking pagkatao.
Ipinikit ko ang aking mga mata upang mag-alay ng taimtim na panalangin para sa akin at para sa lahat. Sana... Sana kayanin ko pa ang lahat.
Malaki ang Cathedral ng San Vicente kaya naman nang matapos ang misa ay pinalibutan kaagad kami ng mga tao. Marami ang nakikipagkamay kay Governor at ang iba naman ay nakikipagkamustahan pa.
Sumasalamin sa nakangiting mukha ng mga tao ang kasiyahan maging sa kanilang mga mata. Kontento at masaya para sa pagtatapos ng misa. Naisip kong sana lahat ay ganito. Payapa at nagkakaisa.
"Sa hacienda na tayo kakain. Doon na din kayo tumuloy," masayang wika ni Governor sa mga taong naroon. "Nagpakatay ako ng baka at nagpalechon para sa masaganang ani kaya may handaan. 'Wag na kayong mahiya. Hindi tayo namumulitika, dito." dagdag pa nito.
Nagsitanguan naman ang lahat ng nakarinig. Maging ang mga prominenteng tao sa lalawigan ay naimbita din nito. Totoo naman kasi na masagana ang ani ng mga Guerrero dahil na rin sa pamamalakad ni Andrew.
Sa naisip ay sinulyapan ko si Andrew na nasa gilid ng mama nito. Mukha itong nababagot sa hitsura nito ngunit pinilit pa rin ang makihalubilo. Naisip ko rin ang nangyaring sagutan namin noong nakaraan. Mula noon ay hindi na rin kami nagpansinan pa. Alam kong wala akong dapat ipaliwanag sa kaniya kaya panatag ako.
"Oh! Hija, sasama ka ba sa amin? O kay Bernard ka na sasakay?" tanong sa akin ng Nanay ni Bernard.
"Mauna na po kayo, Mama. May dadaanan pa po kasi ako. Tyaka, balak kong mangumpisal." Nakangiting sagot ko dito.
Tumango ito at nauna nang maglakad kasabay ang Governor. Maging si Aria ay sumunod na rin dito. Napakunot ang noo ko nang balingan sina Andrew at Bernard na nanatiling nakatayo sa aking tabi.
"Nagsiuwian na ang lahat. Baka may plano kayong unuwi na rin," mahinang wika ko.
"Laura," sabay pang sambit ng dalawa.
Umusog ako palayo sa dalawa. Pareho ko silang hinarap pagkatapos kong luminga sa paligid. Nang masiguro kong mangilan-ngilan na lamang ang naroon ay inis ko silang tinaasan ng kilay. Kakatapos ko lamang magsimba at ito na agad ang pinaggagawa ko.
"Pwede ba, tigilan niyo na ako. Umuwi na kayo! Hindi ako sasabay sa isa man sa inyo, kaya mauna na kayo!" mariin kong wika sa mga ito.
Narinig kong napabuntong-hininga si Bernard at napatingin sa gilid nito. Binigyan din nito si Andrew ng isang mariin na titig habang ang isa naman ay ganoon din. Napailing na lamang ako habang nilalampasan ang dalawa. Sa ganitong pagkakataon, gusto kong maglaho na lamang na parang bola.
Pagkatapos kung mangumpisal ay naisipan kong dalawin ang aming bahay. Matagal-tagal na rin nang huli akong nagtungo roon. Hindi pa naging maganda ang naging kinahinatnan. Hindi ko man aminin sa sarili, mas gusto ko pa rin ang umuwi sa maliit at simple naming tahanan.
Napahinga ako ng malalim. Hindi ko alam kong napatawad na ba ako ni Nanay sa naging kasalanan ko noon, pero umaasa ako. Dahil kahit na ayaw niya sa akin, nais pa rin ng puso ko na yakapin siya ng mahigpit. Na sa lahat ng sakit na pinagdaanan ko mas gugustuhin ko pa rin na nasa tabi ko si Nanay kahit na ayaw niya sa akin.
"Saan ka po Mayora?!" masiglang bati sa akin ng isang namamasada.
"Sa Tres Marias po, sa dati naming bahay," Nakangiting saad ko naman.
Tumango ito at hinintay akong makapwesto. Sumakay ako ng tricycle katulad nang ginagawa ko noong ako ay dalaga pa lamang. Tulad noon ay lubak pa rin ang daan na aking nadadaanan. May mga konte mang pagbabago ngunit ang iba ay nananatili pa rin.
Parang ako. Parang sarili ko.
Nang makita ko ang kinakalawang na gate ay agad na akong bumaba. Nagpasalamat ako saglit sa driver at nagbigay ng pamasahe bago ko tuluyang ibinaling ang atensyon sa aming bahay.
Sa labas pa lamang ay kita ko na ang luma nitong hitsura. Ang amakan nitong dingding at ang kahoy nitong bintana. Nagdadalawang-isip man ay itinulak ko pa rin ang kalawanging gate at dahan-dahang naglakad papasok sa aming bakuran. Alam kong walang tao sa bahay dahil tahimik iyon.
Parang kailan lang nang ito ang maging tahanan ko at kinalakhan. Ito pa rin sana ang gusto kong uwian. My safe haven. Dito kami naglaro ni Lara at dito ko rin sinagot si Bernard nang ayain niya akong magpakasal.
Napakaraming ala-ala para sa akin nang lugar na ito. Masaya, masasakit at mga masalimoot na mga pangyayaring bahagi nang kung ano ako ngayon. At kung saan ako dinala nang aking mga desisyon.
Sumikip kaagad ang dibdib ko nang tuluyan akong makapasok sa loob ng bahay. Bawat gamit ay naroon pa rin na tila hindi man lamang ito pinakialaman. Ang maliit na sala na may kawayan na bangko. Ang lumang telebisyon at ang radyo ng aking yumaong Tatay.
Nanatili ang mga iyon sa pwesto nito na para bang naghihintay na gamiting muli. Nananatili sa dating ayos nito na para bang naghihintay lamang na haplusin. Maging ang mga larawan ay naroon pa rin.
"Ang kulit talaga nang anak mo, Lara."
Agad akong lumingon sa aking likuran pagkarinig pa lamang sa boses ni Nanay. Hawak-hawak nito ang isang batang lalaki na sa tantiya ko ay mag-aapat na taon na. Habang sa kabilang kamay naman ng bata ay nakahawak si Lara.
"Nanay," tanging nasabi ko dahil sa paggapang ng bara sa aking lalamunan. Naramdaman ko rin ang matinding kirot ng pangungulila sa aking puso. Matinding pag-asam at pananabik.
"Kumusta po?" pagputol ko sa namumuong katahimikan.
Nanlaki ang mga mata ni Nanay nang makita ako. Maging si Lara ay ganoon din. Ilang sandali nila akong pinagmasdan bago nagpatuloy sa pagpasok sa loob ng bahay. Nauna si Nanay na naupo sa bakanteng upuan habang sumunod naman si Nanay dito. Ako naman ay tahimik na nakatayo lamang sa harap ng aparador at hawak-hawak ang luma naming larawang magpamilya.
"Bakit ka pa pumunta dito? Bakit ka pa bumalik?" tanong ni Nanay sa akin kapagkuwan.
Kaakibat nang pagkagulat ko sa kaniyang tanong ay ang hindi mapigilang kudlit ng sakit sa aking puso mula sa kaniyang tanong. Napakasakit nito para sa akin na para bang bumara ito maging sa aking lalamunan at dibdib. Ni hindi ko man lamang magawang ibuka ang aking bibig upang sumagot.
Inilapit ko ang kamay sa aking dibdib at tinapik iyon ng marahan. Kinailangan ko ring huminga ng malalim upang palisin ang namumuong bara sa aking lalamunan. Ganoon na ba ako kawalang halaga kay Nanay? Hindi niya man lamang ba ako naisip? Hindi man lang ba siya nag-alala sa akin?
Sa naisip ay dahan-dahan akong naglakad palapit dito. Tumigil lamang ako nang saktong magkatapat kami at ilang dipa na lamang ang layo niya sa akin. Napabuntong-hininga din ako bago nagsalita.
"Gaano po ba kayo kagalit sa akin? Hanggang ngayon po ba Nanay hindi niyo pa rin ako napapatawad? Gusto ko lamang po sana kayong mayakap." mahinang wika ko dito.
Napailing si Nanay sa aking sinabi. Nakita ko pa kung paano niya sinulyapan ang aking kakambal. Punum-puno iyon ng pagmamahal at pag-aalala. Naisip kong sana ay ako rin tingnan ni Nanay nang ganoon. Naisip ko rin na sana ay pagbigyan man lamang ako ni Nanay na mayakap siya.
"Galit ako sa'yo dahil makasarili ka! Galit ako sa'yo dahil sa nangyari sa Kuya mo! Hindi ka pa nakontento, pati si Lara dinamay mo pa! Galit na galit ako sa'yo, kaya umalis ka na!" mariing wika ni Nanay sa akin. Titig na titig din ito sa akin na para bang napakasama kong anak.
Napailing ako nang ituro sa akin ni Nanay ang pinto. Ang kaninang pinipigilan kong luha ay tuluyan nang pumatak. Bakit naman kasi ganito? Ano ba kasi ang ginawa kong mali? Sana man lang sabihin nila sa akin para hindi ako nangangapa.
"Wala po akong alam, Nay! Pinagsisihan ko na po ang nangyari kay Kuya. Bakit po ba hanggang ngayon hindi niyo pa rin ako matanggap?" tanong ko dito. Pinunasan ko rin ang aking luha at binalingan si Lara.
"Ikaw!" turo ko dito. "Alam mo ba Nanay kung anong ginawa niya sa akin? Inagaw niya ang asawa ko! Sinira niya ang pamilya ko! Mahal na mahal niyo Nay! Ang sumira sa buhay ko!" sigaw ko.
Natigil ang anupamang sasabihin ko nang isang malakas na sampal ang dumapo sa aking pisngi. Sa nanlalabong paningin ay nakita ko kaagad si Nanay na nakatayo at nanggagalaiti ang tingin para sa akin. Habang ang kakambal ko naman ay umiiyak sa isang tabi.
"Wala kang karapatan na pagsalitaan ang kapatid mo nang ganyan! Wala kang galang! Umuwi ka na!"
"N-Nanay! A-Anak niyo rin po ako! Bakit hindi niyo po nakikita ang mga paghihirap ko? Nagsisisi na ako, Nay!" nahihirapang wika ko.
"Kahit kailan, hindi mo ako maiintindihan Laura. Kakambal kita pero ni minsan hindi mo naramdaman ang pinagdadaanan ko."
Napabaling ang tingin ko kay Lara. Nakakunot din ang aking noo sa kaniyang sinabi. Naguguluhan ako sa gusto niyang sabihin. Papaaanong hindi ko siya maiintindihan?
"Paano mo nasasabi 'yan, Lara? Dapat ko bang intindihin na sinira mo ang pamilya ko? Ako pa ngayon ang hindi nakakaramdam sa pinagdadaanan mo?!" bulyaw ko dito.
"Oo, dahil makasarili ka!" sigaw niya rin. Lumapit si Lara sa akin. Tinitigan ako ng mariin kahit ang mga mata ay namumula dahil sa pag-iyak. "Mahal ko si Bernard! Pero inagaw mo siya sa akin. Kambal tayo, pero hindi mo naramdaman ang sarili kong sakit dahil ikaw! Palaging sarili mo lang ang iniiisip mo!"
"Hindi totoo 'yan!"
"Totoo! Kaya umalis ka na! Alis!"
Napatingin ang paningin ko sa bata nang umiyak ito. Inalo ito ni Nanay ngunit hindi pa rin ito tumitigil. Lumapit ito kay Lara at agad na niyakap ang binti nito. Nakatingala din ito sa akin kaya kitang-kita ko ang takot nitong mata.
"Anak ba 'yan ni Bernard?" mahinang anas ko.
"Hindi,"
Umiling ako nang may pagtataka. Sa kaniyang sinabi ay nayanig ang mundo ko. Papaanong....