Kabanata 26
"Pahinga lang po ang kailangan mo, Misis Guerrero. Uso po ang lagnat ngayon dahil sa panahon." wika ng doktor na tumingin sa akin.
Tumango ako habang pinagmamasdan itong nagliligpit ng mga gamit nito. Kanina habang pauwi kami ng mansion ay gusto sana ni Bernard na dalhin ako sa hospital ngunit, tumanggi ako. Alam kong marami siyang ginagawa at abala ang lahat kaya ayaw ko nang makaabala pa. Mas mabuti na rin para sa akin ang manatili sa bahay dahil hindi naman malala ang aking pakiramdam. Sadyang hindi lang talaga maiwasan na lagnatin ako dahil na rin sa madalas na pagkakabasa sa ulan.
"Ayos lang ba talaga ang asawa ko, Doc. Reyes?" tanong ni Bernard. Nakaupo ito sa aking paanan habang malamlam ang mga matang nakatitig sa akin.
"Yes! Mayor. Kung may problema man ay pwede niyo akong tawagan kahit anong oras." Nakangiting sagot naman nito kay Bernard.
Tumango si Bernard at napailing. Pinagmasdan ko pa sila ng doktor habang hinahatid niya ito palabas. Sakto namang pumasok din si Nene na may dalang tray ng pagkain.
"Ma'am Laura, pinahatid po ng Donya. Sabi niya, eh.. kumain daw kayo." wika nito matapos inilapag ang tray sa bedside table. Kumuha din ito ng isang maliit na mesa at dinala malapit sa aking kama at inilipat ang dalang tray doon.
"Ayos na 'yan, ilapag mo na lang ang pagkain. Busog pa kasi ako. Tyaka, gusto ko munang matulog." mahinang sabi ko.
"Sige po. Pero kapag may kailangan kayo, pindutin niyo lang po ang bell. Para mabilis ko pong malalaman. Ang laki kasi ng bahay na 'to." Naiiling na wika pa nito.
"Salamat," wika ko pagkatapos ay pumikit. Narinig ko pa ang pagbukas-sarado ng pinto ngunit hindi ko na lamang ito pinansin. Gusto kong magpahinga para mawala na ang bigat na aking nararamdaman.
Nagising ako sa isang kamay na humahaplos sa aking noo. Agad akong napadilat kung sino iyon ngunit, hindi na rin ako nagulat nang bumungad sa akin si Bernard. Seryoso itong nakatingin sa akin habang ang mag kamay ay dumadantay sa aking pisngi at noo.
"Kumain ka na. Kanina ka pa natutulog, baka malipasan ka ng gutom." mahinang wika nito.
Tumango ako at inayos ang sarili. Isinandal ko ang aking likod sa headboard ng kama. Napapakunot din ang aking noo habang pinagmamasdan si Bernard na kinukuha ang tray ng pagkain. Umuusok iyon sa ibabaw marahil ay dahil ininit muli.
"Kaya ko na, Bernard. Hindi mo na ako, kailangan alagaan." sabi ko dito ng makitang akma niya akong susubuan.
Napabuntong-hininga ito sabay napailing na tumitig sa akin. Kitang-kita ko sa kaniyang mga mata ang panibugho ngunit hinayaan ko ang sarili na magmatigas para dito. Hindi dahil gusto ko ngunit dahil natuto na ako.
"Hanggang kailan ka ba magsasawa sa katigasan ng ulo mo, Laura? Alam kong galit ka sa akin dahil sa akala mong niloko kita. Pero, hayaan mo naman akong alagaan ka! Kahit ngayon lang," may bahid na inis sa boses na wika nito.
"Kahit na alagaan mo ako ngayon, hindi pa rin nito maibabalik ang dati. Matagal na tayong tapos, Bernard! Bakit hindi mo na lang tanggapin iyon?" buwelta ko naman.
Napailing siya, "Hindi ko hinihingi ang magkabalikan tayo, Laura. Pinipilit kong respetuhin ang desisyon mo. Gusto ko lang naman na alagaan ka ngayon! Mga bagay na hindi ko nagawa sa'yo noon." sagot naman nito.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Hinayaan ko rin siyang subuan ako ng pagkain at painumin ng gamot. Tinanggap ko kung anuman ang sinasabi niyang mga bagay na hindi niya nagawa sa akin noon. Tinanggap ko ang pag-aalaga niya sa akin. Tinanggap ko lahat at hindi na nagreklamo pa.
"Mahal na mahal pa rin kita, Laura lahit galit na galit ka pa rin sa akin." wika nito bago umalis sa aking kwarto.
Napailing na lamang ako. Mahal man ako ni Bernard alam kong hindi kayang pawiin ng mga salita niya lamang ang lahat ng masakit na pinagdaanan ko. May mga bagay man akong binago mula nang bumalik ako sa San Vicente, ngunit may mga bagay din akong kailangang panindigan.
Loving him is a choice. Leaving him is my option. Giving him a chance is neither my choice nor my option. It's a different story.
***
Mula sa burol na aking kinatatayuan ay tanaw ko ang nag-uumpukang kabahayan. Maging ang mga malalaking establisyemento sa lungsod ay tanaw ko rin. Sa di kalayuan naman ay ang mga mahahabang talampas na pinapagitnaan ng isang mahabang kalsada patungo sa iba pang munisipyo. Ang San Vicente ay mahahalintulad ko sa Bukidnon, isang probinsiya ng Pilipinas.
Kahit ilang beses ko nang napagmasdan ang kagandahan ng San Vicente ay namamangha pa rin ako. Ni hindi ko na rin mabilang kung ilang beses ko nang nasabi na napakaganda nito mula nang ako ay bata pa hanggang ngayon.
"Akala ko kung nasaan ka na,"
Hindi ko na kailangan lingunin kung sino ang nagsalita sa aking likuran. Kilang-kila ko na ang boses nito kaya alam kong siya iyon. Hindi nga ako nagkamali dahil mula sa gilid ng aking mga mata ay lumapit ito sa akin. Pareho naming pinagmasdan ang lungsod maging ang malawak na Hacienda Guerrero.
"Bakit ka nandito?" tanong ko kay Andrew.
"Hinahanap kita. Nawala ka na lang kasi bigla sa bahay. Baka may mangyari na namang masama sa'yo."
"Hindi na ako bata, Andrew." sagot ko naman dito sabay irap. Napasimangot din ako sa kaniyang sinabi at tinalikuran ito. Naupo ako sa damuhan at kaagad niyakap ang mga tuhod.
"Hapon na, Laura. Baka maabutan ka na naman ng ulan. Nitong mga nakaraan alam kong pagod ka para sa pangangampanya ng kapatid ko pero, isipin mo na man ang sarili mo." mahabang sabi nito.
Itinaas ko ang aking ulo para matitigan si Andrew. Alam kong nag-aalala siya sa akin ngunit may nahimigan din akong kakaiba sa kaniyang boses. Para bang may halong inis iyon lalopa't mariin ang pagkakasabi niya ng mga huling kataga.
Napakunot kaagad ang aking noo ng makitang naglalabas ito ng isang sigarilyo mula sa bulsa. Agad niya itong sinindahan habang nakatitig pa rin sa kawalan. Napailing na lamang ako nang eksperto niya iyong hinithit na para bang nakakabuti ito sa katawan.
Napangiwi ako, "Ano ba 'yan! Andrew, alam mo ba na masama 'yan?"
Natawa ito sa aking sinabi. Binalingan din niya ako ng tingin at naglakad palapit sa akin. Tumigil siya ng matapat sa aking harapan at dahan-dahang yumuko.
"Kaya ba hanggang ngayon, hindi mo pa rin ako magustuhan dahil sa bisyo ko?" walang kakurap-kurap na tanong nito.
"Anong pinagsasabi mo? Tigilan mo na nga 'yan, Andrew! Hanggang ngayon ba naman," Nakakunot ang noo na tanong ko dito.
Tumayo ito at napailing. Habang may hindi makapaniwalang tingin para sa akin. Habang pinagmamasdan ito ay napagtanto kong magkamukha pala ito at si Bernard. Tanging ang pinagkaiba lamang ng dalawa ay ang kulay ng balat nito at laki ng katawan.
"Naiinis ako sa'yo, alam mo ba iyon Laura?"
"Hindi!" pabalang na sagot ko. Hindi ko kasi makuha kung ano ang ipinupunto nito. At kung bakit ito nagagalit sa akin.
"Tssk! Naiinis ako sa'yo dahil nagseselos ako kay Bernard! Nagkabalikan na ba kayo?!" mariing wika nito.
Napakunot kaagad ang aking noo. Agad akong tumayo para harapin si Andrew. Mas lalo akong naguluhan sa gusto niyang sabihin sa akin. Alam kong gusto niya ako ngunit, wala siyang karapatan na umastang galit sa akin.
"Anong gusto mong palabasin Andrew? Anong nagkabalikan? Ipaintindi mo nga sa akin?" inis kong turan.
Pinameywangan ko ito at tinaasan ng kilay. Hindi ko alam na aabot kami sa puntong ganito. Isa si Andrew sa itinuturing kong malaking bahagi para makalimutan ko ang sakit sa ginawa ni Bernard sa akin. Silang dalawa ni Olive ang naging sandalan ko ngunit sa inaasta niya ngayon ay para bang naghihintay siya ng kapallit sa damdamin niya para sa akin.
Hinithit nito ang paubos ng sigarilyo. Itinapon nito iyon kung saan pagkatapos patayin. Nang bumaling ito sa akin ay sumalubong kaagad ang kaniyang nang-aarok na tingin. Para bang tinatantiya ako nito at maging ng aking isipan.
"Gusto ko lang ipaaalala sa'yo Laura na niloko ka na ni Bernard noon. Sana naman, hindi ka na magpapaloko ngayon!"
Sinampal ko si Andrew pagkatapos niyang sabihin iyon. Wala siyang karapatan na diktahan ako sa kung anuman ang nais kong gawin sa buhay ko ngayon. Magkaibigan lang kami at hindi na lalagpas doon.
Marahil masama ako dahil kahit anong pilit ng isip ko na magustuhan si Andrew ay hindi naman magawa nang puso ko. Hinintay ko na maghilom ang sugat na likha ni Bernard sa puso ko ngunit hindi naman ito napalitan. Bukod sa hindi ko pwedeng turuan ang puso ay tanging pagkakaibigan lamang ang kaya kong ibigay dito.
"Wala kang karapatan na pangunahan ako, Andrew. Ganyan ba kababa ang tingin mo sa akin? Sa tingin mo ba, magpapaloko ulit ako?" galit kong turan dito. Nag-iinit ang pisngi ko sa inis dahil sa sinabi nito. Hindi rin pala ito iba sa mga taong mababa ang pagtingin sa akin.
"Pinapaalalahanan lang kita."
Umiling ako at agad na tinalikuran si Andrew. Mabilis ang aking mga kilos na sumakay sa kabayo ko at iniwan si Andrew sa burol mag-isa. Naisip kong sa pagkakataong ito ay sumubra siya sa pakikialam sa akin.
"Anong nangyari sa'yo?" bungad kaagad sa akin ni Bernard. Nasa balkonahe ito ng bahay at mukhang aalis na.
Hindi ko ito pinansin at nilagpasan na lamang. Dire-diretso ang lakad ko patungo sa engrandeng hagdanan. Bakit ba kasi napakakomplikado ng mga nangyayari sa akin? Naiipit ako sa lahat. Palagay ko napakaliit lamang ng aking ginagalawan at ang lahat ay kailangan kontrolado. Minsan naisip kong umalis na lamang ngunit nakokonsensya naman ako.
"Laura!" tawag pa nito.
Nakatanggap ako ng tawag saktong pagpasok ko pa lamang ng aking kwarto. Mula ito sa aking manager kaya napangiti ako ngunit kaagad ding napalis ang mga iyon ng marinig ko dito ang isang balita.
"Pasensya ka na talaga, Laura. Nagmamadali na kasi ang production team ng The Mistress at ikaw sana ang kukunin di ba? Kaso nagbago ang isip ng director. Sayang talaga," mahinang anas nito.
"Naiintindihan ko po. Pasensya na rin sa abala. Out of schedule po kasi ang taping niyan dahil abala pa po ako sa kampanya ng asawa ko." sagot ko naman.
Tumango lamang ako sa lahat ng sinasabi nito na para bang nakikita ako nito. Sumang-ayon sin ako sa lahat ng sinasabi nito at ang pag-cancel sa mga darating kong projects. Big break ko sana ang The Mistress ngunit naunsiyami pa. Napailing na lamang ako at napabuntong-hininga. Hindi ko na rin alam kong saan ako pupulutin kapag wala nang naghihintay na trabaho sa akin.
"Sige po, naiintidihan ko." wika ko bago nagpaalam.
Tiningala ko ang kisame at tinitigan ito. Sumasakit ang ulo ko sa dami ng nangyayari sa akin. My life is fucked up. I am fucked up and I need saving.
I need Him.