Kabanata 25
"Gusto kong sumama ka kay Bernard sa lahat ng meeting de avance, Laura."
Kanina pa nagsasalita si Governor sa aming harapan. Lahat kami ay nasa mesa at kumakain ngunit sadyang hindi ito maawat sa mga gusto nitong gawin ko sa mga susunod na araw.
"Pa! Pwede po bang mamaya na lang 'yan? Kumakain pa po, tayo!" reklamo ni Bernard dito.
Agad na napataas ang kilay ko sa narinig. Akala ko mananahimik na lamang kasi ito sa isang tabi at hahayaan niya ang ama ngunit, mukhang nagkamali ako.
"Arnaldo.. Tama ang anak mo, pwede bang mamaya na 'yan?" segunda naman ng Nanay ni Bernard. Nakita ko pang hinawakan nito ang braso ng asawa at pinisil iyon. Narinig ko rin ang pagbuntong-hininga ni Governor at nagpatuloy na sa pagkain.
"Bakit pa kasi pinagsasabihan niyo pa 'yang si Laura, Papa? Alam na niyan ang gagawin. Total, artista naman 'yan! Magaling umarte!" pahabol naman ni Aria.
Agad kong binaling ang atensyon ko dito. Halata kasing idiniin nito ang huling salita. Napangisi pa ito ng magtagpo ang aming mga mata na para bangay ibang ibig sabihin. Napakunot ang noo ko dahil doon ngunit, hindi ko na lamang ito pinansin at nagpatuloy na lamang ako sa pagkain.
"Tumahimik ka, Aria! Si Zeus ang atupagin mo, hindi ang pulitika!" matigas na saad ni Governor. "Kailan ba siya mamamanhikan? May plano pa ba siya?" dagdag pa nito.
Itinaas ko ang aking ulo at sinulyapan si Aria. Nakatungo ito habang mahigpit ang hawak sa mga kubyertos. Agad akong napailing dahil sa inaakto nito. Alam ko kasi kung bakit hindi magawang mamanhikan ni Zeus Vergara, dahil iyon kay Sofia Ynarez. Isa sa pinakamaganda sa campus noon. Magkasabayan sila ni Aria habang nauna naman ako sa kanila. Maging sina Bernard at Andrew ay nauna sa akin ng isang taon.
Sa naisip ay natanong ko ang sarili kung bakit may mga taong nagpapakababa para lamang mapansin ng iba. Why don't they just focus on themselves and the ones who love them? It is easier that way. Less pain. Less complication.
"Kinakausap ko na, Papa."inang anas nito.
"Pinipilit mo pa ang sarili mo sa kaniya?" sagot naman ni Governor pagkatapos ay sarkastikong natawa. "Napaka..."
"Tama na," malumanay na wika naman ng aking byanang babae.
Natahimik silang lahat pagkatapos nitong magsalita. Batas sa bahay na ito ang Nanay ni Bernard. Maging si Governor ay kaya nitong patiklupin. Yun nga lang, hindi ito gumana pagdating sa akin.
Nang matapos kaming kumain ay agad kaming pinatawag ni Bernard sa study room ng Governor. Naupo kaagad ako sa bakanteng silya habang si Bernard naman ay naupo katapat sa akin. Sabay din kaming napabaling sa ama nito nang magsimula itong magsalita.
"Tulad ng sinabi ko kanina, sasama ka kay Bernard kahit saan Laura. Magsisismula na ang opisyal na pagbubukas ng kampanya sa susunod na linggo. Kailangan, maging handa ka na."
"Alam ko po, Governor." sagot ko naman. Napayuko ako pagkatapos. Napahawak din ako sa aking hita pagkatapos. Naiinis ako sa lahat ng nangyayari ngunit wala akong magawa. Nakatali pa rin ako sa kasunduan na sana ay matapos na.
"Magaling!" masiglang wika nito. "Ayaw kong magkamali ngayon, Laura. Si Bernard na lamang ang huling magpapatuloy sa pamilya ng mga Guerrero bilang hari ng lalawigang ito. Sana naman ay maging maayos ang maging takbo ng kaniyang kampanya. Aasahan ko ang kooperasyon mo sa lahat, Laura." mahabang litanya nito.
"Papa! Napag-usapan na po namin ni Laura 'yan. Hayaan niyo na po muna siyang makapagpahinga," sansala naman ni Bernard sa kung anupaman ang sasabihin ng ama nito.
"Isa ka pa, Bernard! Baka ikaw pa ang sisira sa pangalan mo! Pwede bang ipirmi mo na muna 'yang kabit mo?! Pagala-gala. Noong nakaraan gusto akong kausapin. Nababaliw na ba siya?" galit na tanong nito kay Bernard.
Agad kong binalingan nang tingin si Bernard matapos kong marinig ang sinabi ng ama nito. Nagulat pa ako nang maging ito ay nakatingin pala sa akin. Nangungusap ang mga mata nito na tila ba may gusto itong sabihin sa akin hanggang napayuko na lang ito.
"Tapos ko na pong kausapin si Lara tungkol d'yan, Papa. Naiintindihan naman niya." sagot ni Bernard.
"Nagsasama ba kayo, Bernard?"
"Hindi po!" mabilis namang sagot nito.
"Itali mo! Baka siraan ka pa niyan!"
"Kakausapin ko po si Lara," presenta ko.
Nakita ko kaagad ang panlalaki ng mga mata ni Bernard habang ibinabaling sa akin ang kaniyang paningin. Nabanaag ko rin ang pagtataka sa kaniyang mukha at ang pagkunot ng kaniyang noo. Umiling pa ito kapagkuwan na para bang kinukumbinsi ako.
"Mabuti, Laura. Ang kapal din nang mukha ng kapatid mo. Pilit nang pilit sa sarili kahit nakakasira nang relasyon!"
Napayuko ako sa sinabi ni Governor. Alam kong malaki ang kasalanan ni Lara sa akin ngunit, may kudlit pa rin sa aking puso ang nasaktan sa mga salitang narinig mula kay Governor. Naaawa ako dito kahit na sinaktan ako nito. Naisip ko tuloy kung hanggang kailan niya balak ipagpilitan ang sarili kay Bernard? Hanggang kailan siya mapapagod sa paghahabol sa dati kong asawa?
Matapos ang pag-uusap ay mabilis akong nagtungo sa aking kwarto. Hindi maganda ang aking pakiramdam mula pa kaninang nabasa ako ng ulan kaya nais ko na sanang matulog. Masakit din ang aking ulo at pagod kaya nais ko na sanang magpahinga.
"Laura,"
Agad akong napapikit pagkarinig ko pa lamang sa boses ni Bernard mula sa aking likuran. Tumigil din ako sa paglalakad at hinintay na lamang ito. Wala din naman kasing mangyayari kung magmamatigas pa ako at baliwalain ang pagtawag nito sa akin.
"Ano na naman, Bernard?" Nakakunot noong tanong ko dito.
"Uminom ka nang gamot. Baka magkasakit ka pa dahil kanina." mahinang wika nito.
Natawa ako ng mahina. Pinameywangan ko rin ito pagkatapos. "Hindi na ako bata, Bernard. Kaya ko na ang sarili ko. Kaya, pwede ba!" inis na turan ko dito.
"Nag-aalala lang naman ako sa'yo." bubulong-bulong na sambit nito.
"Mauna na ako sa'yo kung wala ka nang sasabihin. Pagod na ako Bernard.. Gusto ko nang magpahinga." wika ko sabay naglakad palayo dito.
Napabuntong-hininga na lamang ako nang makapasok ako sa aking kwarto. Agad akong nahiga sa malambot na kama para matulog ngunit pilit nagsusumiksik sa utak ko ang sinabi ni Bernard sa akin. Nag-aalala din naman ako na magkasakit ngunit hindi ko lamang ito masyadong iniisip. Hinding-hindi ko rin siya kakailanganin kung sakaling magkasakit nga ako.
'Yun ang akala ko.
"Naku! Mayora, kanina ka pa ubo nang ubo. Mabuti pa po ay doon na muna kayo sa gilid at maalikabok po dito." wika ng isa kong kasamahan.
Mabilis ang pagdaan ng mga araw. Parang kailan lang nang magbalik ako sa San Vicente at ngayon nga ay abala na ako para sa pangangampanya ni Bernard. Nasa gilid kami ng kalsada at abala sa pagdidikit ng mga poster no Bernard na may plataporma nito.
"Pasensya na kayo, medyo masakit lang ang lalamuna ko kaya panay ako ubo. Ang init din kasi," paliwanag ko sa mga ito.
"Ikaw naman kasi Mayora, sumama ka pa sa amin. Eh, kaya na namin 'to. Basta para kay Mayor!" masiglang wika naman ng isa.
Napangiti ako dahil sa kanilang sinabi. Lalo na nang makita ko ang kasiyahan sa kanilang mga mata. Alam ko na agad na totoo ang suporta nila para kay Bernard at masaya na ako para doon. Naisip ko rin na kahit hindi naging matagumpay ang pagsasama namin ni Bernard ay naging matagumpay naman siya sa pagserbisyo para sa taumbayan. Ganoon naman yata talaga ang papel ko sa mundo, ang maging masaya para sa tagumpay ng iba.
"Sandali lang, ah! Kuha muna akong tubig sa sasakyan." paalam ko sa mga ito.
Nagsitanguan sila sa akin at bumalik na sa ginagawa. Habang ako naman ay mabilis ang kilos na nilapitan ang dala naming van. Namamalat na ang lalamunan ko dahil sa init at sa kasamaang palad pa ay mukhang uubuhin ako. Ilang araw na rin kasi akong pagod dahil sa ginagawa at minsan pa ay nauulanan sa hapon.
"Nakakainis!" bulong ko habang kumukuha ng tubig sa loob ng van. Nang makalabas ako ay nagulat ako sa nakita. Bumungad kaagad sa akin ang mukha ng aking kakambal. Nakapostura ito at halatang nag-ayos ng sarili.
"Kumusta ang acting wife?" matapang na tanong kaagad nito.
Luminga-linga muna ako sa paligid bago siya sinagot. "Pwede ba! Lara, kung naghahanap ka ng away, huwag dito. Hindi kita papatulan." mariing sagot ko dito.
Sarkastiko itong natawa sa aking sinabi. Pagkatapos ay matalim ang mga titig nito nang balingan ako mula ulo hanggang paa.
"Hindi ka pa rin nagbabago. Magaling ka pa ring umarte." wika nito.
Napatda ako sa sinabi ni Lara sa akin. Biglang nagbalik sa akin ang mga panahong masaya kaming magkasama. Na nangako kami na magtutulungan habambuhay para sa isa't isa. Na siya ang magiging sandigan ko sa lahat.
Parang kailan lang..
Huminga muna ako ng malalim bago siya sinagot. "Hindi ka rin nagbago. Habol ka pa rin ng habol na parang aso. Gusto mo ba 'yan, Lara? Masaya ka ba?" tanong ko.
"Wala kang pakialam kung ano ang gagawin ko, Laura! Ako ang mahal ni Bernard at hindi ikaw! Malandi ka lang!" mariing wika nito.
"Hindi ka pa ba tapos d'yan?! Dalawang taon na Lara... Ni wala man lang interes si Bernard sa'yo!"
Tinitigan ko si Lara habang nakakunot ang aking noo. Hanggang ngayon ay hindi ko akalain na magpapakababa ito ng sobra para sa isang lalaki. Love indeed can make you blind in a way that you see things but you choose to ignore. Kahit nakakasira ka pa ng pamilya. A selfish love to be exact.
"Hindi ko alam kung ano pa ang gusto mo, Lara. Wala akong panahon sa'yo kaya makakaalis ka na," mahinang anas ko.
Hindi ko na hinintay na sumagot si Lara, agad ko siyang tinalikuran at iniwan sa lugar. Mabilis ang mga lakad ko palapit sa aming grupo at nakihalubilo agad ako sa kanila. I don't want to stress myself too much. Kuta na ako kay Bernard at sa araw-araw na pangungulit sa akin. Dagdagan pa nang masamang pakiramdam.
"Masama na talaga 'yang ubo mo Mayora. Mabuti pa po, umuwi na lang muna kayo. Mukha rin kasing nilalagnat kayo,"
"Ayos lang, kaya ko pa naman." sagot ko dito. Napahawak ako sa aking ulo nang bigla na lamang akong makaramdam ng pagkahilo.
"Ay! Naku po, Mayora!" eksaheradong sigaw ng isa.
Mabilis akong inalalayan ng isa naming kasama at pinaupo sa gilid. Pakiramdam ko umiikot ang lahat sa akin. Naduduwal din ako sa sobrang hilo. Napamura na lamang ako sa isip ng salatin ko ang sariling noo. Iniiwasan kong magkasakit ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana.
"Kanina ko pa po tinawagan si Mayor, papunta na po. Huwag kang mag-alala Mayor, kami na po ang bahala. Magpahinga na lamang po muna kayo." mahabang saad nito.
Tumango ako habang nakatitig dito. Ngumiti din ako ng bahagya bilang pasasalamat. Napakaswerte ni Bernard para magkaroon ng mga taong kagaya ng mga ito. Handang tumulong ng walang hinihinging kapalit.
Ilang sandali pa ay dumating nga ito. Napailing pa ako dahil halatang galing ito sa munisipyo. Kaagad itong lumapit sa akin pagkababa ng sasakyan at binuhat ako. Gusto ko sanang magreklamo ngunit hindi ko na lamang ginawa. Kinausap din nito saglit ang kasamahan ko at pagkatapos ay nagpaalam.
"Napakatigas talaga ng ulo mo!" inis na wika nito sa akin matapos akong mailapag sa backseat.
Tiningnan ko si Bernard. Kahit galit ay nakita ko pa rin ang pag-aalala sa mga mata nito para sa akin. Napabuntong-hininga na lamang ako sa kaniyang sinabi.
"Pasensya na," mahinang anas ko.
Tama si Bernard. Napakatigas ng ulo ko dahil maging ang aking puso ay kaya kong tikisin.