Kabanata 24
Love is pure. Love is free.
Kasabay nang paghalik ko kay Bernard ay ang pagbuhos ng ulan mula sa langit. Katumbas ng pagpatak ng ulan ay ang nakabibinging tunog ng aking naghuhurumentadong puso. Ang bawat hagod ng kaniyang labi sa akin ay pawang nagsisilbing paalala sa akin. Isang paalala para sa aking sarili na ang nakalipas ay hindi na maaari pang balikan.
Itinulak ko si Bernard ng bahagya pagkatapos ko siyang halikan. Bakas sa kaniyang mukha ang pagtataka. Maging ang kaniyang mga mata ay sumasalalim ng kaguluhan. Mariin itong nakatitig sa akin at naghahanap ng kasagutan.
"Pasensya ka na," wika ko kapagkuwan. Inayos ko ang aking sarili at hinarap ang kinalalagyan ng aming anak.
Bawat pagkabog nang puso ko ay katumbas ng isang walang kamatayang sakit at lungkot. Akala ko naiahon ko na ang aking sarili mula sa masaklap na ala-ala. Akala ko naibaon ko na sa limot ang lahat. Ngunit, sadyang mapaglaro ang aking puso. Dahil kaya nitong lokohin maging ang aking sarili.
Habang nakatingin sa marmol na semento ay hindi ko napigilan ang pagsikip ng aking dibdib. Nababalot din ng kakaibang sakit ang aking pakiramdam. Kasabay ng malakas na patak ng ulan at nang pabugso-bugsong pag-ihip ng hangin ay ang pagtulo ng aking mga luha.
Madaya. Napakadaya ng tadhana.
"Kapag umiiyak ka, dobleng sakit ang nararamdaman ko." mahinang bulong nito sa aking tabi.
Umiling ako sa kaniyang sinabi. Pinunasan ko rin ang aking mga luha pagkatapos ay napangiti ako ng mapait. Hindi para kay Bernard kundi para sa aking sarili. Papaano pa ako maniniwala sa isang matamis na salita mula sa taong nanloko sa akin?
"Bakit mo ba paulit-ulit na sinasabi 'yan, Bernard? Hindi pa ba sapat ang isang beses na panloloko mo sa akin?" tanong ko dito. Pinilit kong maging matatag ang aking boses dahil sa ganitong pagkakataon mas pipiliin ko na lamang ang manahimik at hayaang kusang mawala ang sakit.
Narinig kong napabuntong-hininga si Bernard. Nakita ko pa kung paano niya inabot ang dala niyang bulaklak kanina at kumuha ng isang piraso niyon. Inilapag niya rin iyon sa aking harapan. Rosas, ang paborito kong bulaklak.
"Ang isang ordinaryong bulaklak na 'yan ay kayang pangitiin ang sinuman. Ang isang ordinaryong babaeng katulad mo ay kayang bigyang liwanang ang buhay ko. Alam kong hindi ko na maibabalik ang nakaraan, Laura..."
"Tama na, Bernard. Hindi ka ba nagsasawa?" sansala ko sa anumang sasabihin nito.
"Paano ako magsasawa kung alam kong totoo ang pagmamahal ko sa'yo? Ganyan ka naman, Laura. Lagi mo akong tinataboy." may hinanakit sa boaes na tanong nito.
Nilingon ko siya at agad na kinunutan ng noo. Kalmado na rin ang aking sarili mula sa tahimik na pag-iyak kanina. Sinisi ko rin ang aking sarili sa karupukan. Hindi pa rin pala ako matapang tulad ng ipinapakita ko noong nakaraan.
"Alam mo ang sagot kaya huwag mo akong tanungin na para bang hindi mo alam. Hiwalay na tayo Bernard. At kahit kailan hindi na tayo magiging buo!" matapang na wika ko.
Pagkatapos kung sabihin iyon kay Bernard ay nilingon ko ang entrada ng mausoleum. Unti-unti nang tumitila ang ulan kaya napanatag ako. Huminga din ako ng malalim at pilit pinatatag ang sarili.
Love isn't always about second chances but it is also about self respect. Self love to be exact. I just wish that all my pain will fade away, like the slowly fading of the pouring rain.
Nauna akong umalis sa lugar na iyon. Ni hindi na ako nagpaalam pa kay Bernard at dumiretso na kaagad kay Kidlat. Hindi ako nangiming sakyan iyon kahit na medyo basa dahil sa ulan. Ang mahalaga sa akin ay makaalis ako sa lugar na iyon.
Binaybay ko ang madilim na daan patungo sa mansion. Ngayon ako nagsisi na pinilipit ko pang magpunta sa mausoleum kahit na gahol sa oras at halatang uulan. Wala tuloy akong dala kahit ang aking cellphone.
Napamura ako sa aking sarili. Minsan talaga kahit hindi mo sadyain ay may magagawa ka pa ring katangahan. Magugulat ka na lang na nangyayari na ang mga bagay-bagay na hindi mo alam. Magugulat ka na lang na nagawa mo na ang isang bagay na iyong pagsisisihan.
"Nakakainis!" sigaw ko sa sobrang frustration nang muling nagsimula ang ulan. Napatingin ako sa daan at nakitang masyado nang madilim. Malakas din ang buhos at pagpatak ng ulan sa langit na may malalakas na kulog at panaka-nakang pagkidlat.
Hinayaan ko ring maglakad na lamang ang aking kabayo nang sa ganun ay makaiwas ako sa aksidente. Nakakaawa man ang aking hitsura ay pinilit ko pa ring magpatuloy. Kahit basa ng ulan ay binabaybay ko pa rin ang daan pauwi.
Isang malakas na busina mula sa aking likuran ang nagpahinto sa akin mula sa paglalakad. Kaagad kong nilingon ito at napangiti ng mapait. Habang huminto naman ang sasakyan nang makalapit na ito sa akin.
"Alam kong galit ka sa akin, Laura! Pero 'wag mo namang parusahan ang sarili mo!" bulyaw sa akin ni Bernard pagkababa pa lamang niya ng sasakyan. Bakas ng inis ang kaniyang mukha habang papalapit sa akin habang nakakunot ang noo.
"Hindi ko pinaparusahan ang sarili ko, Bernard. Anong pinagsasabi mo?" mahina kong anas nang makalapit ito sa akin.
Narinig ko ang kaniyang pagbuntong-hininga. "Minsan Laura, ang tigas ng ulo mo! Hindi ko na alam ang gagawin ko sa'yo!"
Natawa ako ng pagak sa kaniyang sinabi. Napapailing pa ako habang nakatitig sa kaniya. Hindi ko naman siya pinipilit na mag-alala para sa akin para umakto siya ng ganito. Hindi ko kailangan ng awa niya para sumbatan ako.
"Hindi kita, inoobliga!" sigaw ko kay Bernard. "Kung isusumbat mo lang sa akin ang katigasan ng ulo ko... Pwede ba! Iwan mo na lang ako!" dagdag ko pa.
"Gusto ko lang naman na sumakay ka sa kotse. Pareho na tayong basa, Laura. Baka magkasakit ka pa." pabulong na sabi ni sa akin.
"Ayaw ko Bernard. Kaya kong umuwi mag-isa! Kaya makakaalis ka na," sagot ko naman.
Alam kong nagulat siya sa aking sinabi. Nakita ko pa ang kaniyang pag-iling habang napatungo. "Napakaimposible mo, Laura." mahinang anas nito.
Tumango ako bilang tugon sa kaniyang sinabi. Agad ko siyang tinalikuran at naglakad muli. Hindi ko na siya pinansin maging ang pagtawag niya sa akin. Alam kong kung ipipilit niya ang gusto ay mag-aaway lamang kami. Palagi namang ganoon. Hindi na nagbago mula nang lokohin niya ako.
"Hala! Anong nangyari sa'yo ma'am!"
Boses kaagad ni Nene ang nabungaran ko sa entrada pa lang ng balkonahe. Agad-agad ako nitong nilapitan at tiningnan mula ulo hanggang paa. Pagod na ko mula sa paglalakad kaya maging si Kidlat ay iniwan ko na lamang sa bakuran ng mga Guerrero. Nakakamanhid din ang lamig ng hangin at ang malakas na pagpatak ng ulan sa aking balat.
"Ay! Ano din pong nangyari sa inyo, Sir?!" eksaheradong tanong nito.
Agad akong lumingon sa aking likuran. Bumungad kaagad sa akin ang basang bulto ni Bernard. Nakabaluktot ang dalawang braso nito at halatang giniginaw.
"Ang sweet niyo talaga Sir, nagpaulan kayo pareho ni ma'am. Teka lang po, at kukuha ako ng towel para sa inyo." dagdag na wika pa nito sabay alis. Habang ako naman ay nakatitig pa rin kay Bernard.
Kung nakakamanhid man ang ulan gusto ko sanang pati ang puso ko ay maging ganoon din. Dahil habang nakatitig ako kay Bernard na nakatungo ay damang-dama ko ang awa para dito.
"Anong nangyari sa'yo?"
Mula sa aking likuran ay narinig ko ang tinig ni Andrew. Agad ko itong nilingon at nakitang kunot na kunot ang kaniyang noo. Nakatitig ito sa amin, partikular kay Bernard.
"Naabutan ng ulan, Andrew. Kita mo naman siguro, di ba?" sagot ko naman.
"Dapat tumawag ka sa akin. Nabasa ka pa tuloy."
Tumikhim ako ng bahagya. Nilingon ko rin si Bernard at nakitang titig na titig ito sa kapatid. Mabilis naman ang mga kilos ni Andrew na hubarin ang jacket at ibinalot sa aking katawan.
Umiling ako, "H-Huwag na, Andrew. Hindi na kailangan."
"Dapat kasi hindi ka nagpapaulan, Laura. Paano kapag magkasakit ka?" dagdag pa nito. Tuluyan na din itong nakalapit sa akin at hinawakan pa ang aking mukha nang walang babala. Kung nagulat ako kanina ay mas nagulantang ako ngayon.
"A-Andrew anong.."
Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang bigla akong hilahin ni Bernard sa aking kamay. Nalayo kaagad ako kay Andrew ngunit hawak-hawak naman ako ni Bernard. Napakahigpit ng hawak nito sa akin habang nakikipagtitigan sa kapatid nito.
"Si Laura ay akin Andrew, tandaan mo 'yan! Wala kang karapatan na hawakan kahit na ang dulo ng daliri niya!" mariing wika nito sa aking tabi.
Nakita ko ang pagngisi ni Andrew. Nakataas pa ang kilay nito habang napapailing. "Wala ka nang karapatan, Bernard. Alam mo 'yon!"
"Tingin mo may pag-asa ka na? Wala!" mariing wika ni Bernard.
"Tumigil na kayo!" bulyaw ko sa dalawa.
"Pasensya na po kayo Ma'am at Sir, natagalan po. Heto po," nagtatakang wika ni Nene. Hindi man lamang namin ito napansin.
"Salamat," wika ko dito. Kinalas ko rin ang kamay ni Bernard na nakahawak sa akin at inabot ang tuwalya mula sa katulong. Agad din naman itong umalis pagkatapos naming tanggapin ang ibinigay nito.
"Hindi ko alam kung anong problema niyong dalawa... Pero, pwede ba?! Hayaan niyo naman ako. Sumasakit ang ulo ko sa inyo!" matigas na wika ko sa mga ito. Pinulupot ko kaagad ang tuwalya sa aking katawan at mabilis na pumanhik sa hagdanan. Nakasalubong ko pa ang ina ni Bernard na puno ng pag-aalala ang mukha.
"Naku! Hija, gagawa kaagad ako ng sopas para sayo." wika kaagad nito. "Magbihis ka na at papahatid ko na lang kay Nene pagkatapos."
Tumango ako sa sinabi nito at naglakad muli. Narinig ko pa ang eksaheradong boses nito habang kinakausap si Bernard at tila pinapagalitan. Ipinagkibit balikat ko na lamang iyon at nagpatuloy na sa pagpanhik.
Mabilis kong narating ang pinto ng aking kwarto. Agad ko itong binuksan at pumasok sa loob. Kumuha kaagad ako ng tuwalya at tinungo kaagad ang banyo para maligo.
Simple lamang ang banyo na aking ginagamit. Hindi rin ito kalakihan ngunit purong tiles at mamahalin ang gamit sa loob. May maliit na bathtub na kasya ang dalawang tao habang glass door naman ang tumatabing sa shower room nito.
Ibinabad ko kaagad ang akong katawan sa maligamgam na shower. Maging ang pagod ng katawan at isip ay gusto ko rin sanang mawala. Kung sana kayang pawiin ng lagaslas nang tubig ang lahat ng bumabagabag sa akin ay hihilingin ko. Dahil bukod pa kay Bernard, dumagdag pa si Andrew sa iiisipin ko.