Kabanata 23
"Laura," tawag sa akin ni Bernard. Kakatapos lamang namin kumain at agad akong lumabas mula sa kusina.
Pakiramdam ko kapag nagtagal pa ako sa lugar na iyon ay baka mas lalo lamang manikip ang aking dibdib. Baka lalo lamang akong manliit sa sarili dahil sa ginagawa kong pagpapanggap.
Kanina habang kumakain kami ay napakasaya ng ama ni Bernard. Panay nito binida ang anak na tiyak daw na mananalo bilang governor. Na si Bernard ang susunod sa yapak niya at maaari pang maging mambabatas.
Napapailing na lamang ako habang nakikinig sa bawat salita na sinasambit nito. Naisip kong hindi naman malayong mangyari iyon. Napapangisi din ako kapagkuwan. Sana lamang kahit hindi marunong manindigan si Bernard ay maging karapat dapat siya para sa taumbayan.
"Ano?!" Nakakunot-noong tanong ko dito.
"Pagpasensyahan mo na sana si Papa kanina. Alam mo naman na umaasa siyang mananalo ako sa eleksyon," mahabang salaysay nito.
"Bernard, alam ko ang obligasyon ko. Hindi na kailangan pang ulitin nang ulitin ng tatay mo!" matigas kong wika sa kaniya. Nasa may veranda kami ng mansion at parehong nakaharap sa isa't isa.
Narinig ko ang kaniyang pagbuntong-hininga. Maging ang paghakbang nito palapit sa akin ay pawang mabibigat. May agam-agam sa mga mata nito na. Umiling ako upang pigilan siya sa paglapit sa akin. Lumayo din ako ng bahagya at itinuon na lamang ang atensyon sa magarbong harden ng mga Guerrero.
"Bakit ba kailangan na nandito pa ako, Bernard? Hanggang ngayon, sinasaktan niyo pa rin ako. Nakita mo ba, kung paano ako titigan ng kapatid mo? At kung paano sabihin ng ama mo, na wala akong utang na loob dahil hiniwalayan kita?" wika ko. Damang-dama ng aking pagkatao ang pait.
Tunay nga na may mga bagay na pwede mong kalimutan ngunit ang pilat nito ay hindi kailanman mawawala. May mga bagay at ala-ala na hindi lumilipas kahit sa mga nagdaang panahon. Patuloy na mananatili ang pakiramdam na dulot ng pait nang kahapon.
"Sorry, kasi.." pabulong na sabi nito.
Napangiti ako ng pait. Ngayon ko lamang napagtanto na sa tagal nang panahon na nilisan ko ang lugar na ito, hindi kami kailanman nag-usap ng seryoso ni Bernard. Kahit kailan ay hindi kami nagka-usap ng payapa.
Madalas siyang pumunta ng Maynila noon para dalawin ako. Madalas niya akong sunduin sa trabaho. May pagkakataon pa na natutulog siya sa maliit kong apartment, ngunit ang mag-usap ng mahinahon ay hindi namin nagawa. O sadyang, may mga bagay na nangyayari sa tamang panahon. Maaring ganoon nga, maari ring hindi.
"Alam mo Bernard, katulad ka pa rin ng dati. Hindi ka pa rin ngababago. Hindi ka pa rin marunong manindigan." anas ko.
Ipinagsalikop ko ang aking dalawang braso sa aking dibdib habang dahan-dahang tumitingala sa langit. Natanaw ko kaagad ang malawak na kadiliman na binibigyang ningning ng mga bituin. Malayo man ang mga bituin sa isat-isa ngunit payapa ito at nagdudulot ng kagandahan sa kalangitan.
Kailan kaya ako magiging halintulad sa isang bituin? Kailan ko rin kaya mararamdaman ang kapayapaan.
"Kung wala ka nang sasabihin, magpapahinga na ako." sambit ko bago tinalikuran si Bernard.
Dumiretso kaagad ako sa kwartong nakalaan sa akin. Hindi na ako nag-abalang pang mag-ayos bago matulog. Inihiga ko kaagad ang pagod kung katawan sa malambot na kama. Hindi katulad kanina, payapa na ang aking pakiramdam ngayon. At ang nais ko na lamang ay makalimutan ang lahat at igupo ng katahimikan sa isang mahimbing na pagtulog.
Nagising ako sa isang katok mula sa labas ng aking pintuan. Agad kong tiningnan ang sarili at nakahinga nang maluwag. Naninibago pa rin ako sa bago kong buhay at kapaligiran, ngunit kailangan kong sanayin ang sarili.
"Maayong buntag, Ma'am." Good morning bati ni Nene sa akin sa wikang bisaya. Napangiti agad ako nang mabungaran siya sa tapat ng pinto. May dala itong tray ng pagkain at nakangiti itong nakatingin sa akin.
"Anong oras na? Bakit hinatid mo pa ang pagkain? Kaya ko namang bumaba!" Nakangusong saad ko. Nilawakan ko ang pagkakabukas ng pinto at pumasok ito. Inilagay muna nito ang pagkain sa bedside table at binalingan ako.
"Alas-dose na po, Ma'am. Natakot po si Senyora baka malipasan na kayo nang gutom. Eh, tanghali na po."
"Salamat, Nene. Kumusta na pala si Kidlat?" tanong ko dito. Naupo ako sa aking kama at kinuha ang tray. Agad akong napangiti nang makita ang inihanda nito. Piniritong tilapya na may sawsawan ng sili at kalamansi. Isang tasa ng kanin na katulad nang gusto ko. At mga prutas na binalatan at handa nang kainin.
"Ang sarap naman nito," masayang bulalas ko habang ang mga mata ay nakatuon sa isang baso ng lemon juice. Alam kong may mint iyon base na rin sa hitsura nito. Mas lalo akong natakam at agad na nagdasal upang makapagsimula nang kumain.
"Alam mo, ma'am. Sobra po talaga akong nag-alala noong nagsakit ang kabayo niyo. Buti na lang, naipagamot kaagad ni Sir Bernard. Naku! Nakakaawa talaga ang hitsura ni Sir, noon. Buti na lang talaga," Nakangiting tugon nito sa akin. Kinuha din nito sa gilid ang bakanteng silya at pinanuod ako habang kumakain.
"Nene, huwag kang tumitig ng ganyan. Alam mo naman na hindi ako nakakakain kapag may nanunuod sa akin," reklamo ko dito.
"Ang ganda mo kasi, ma'am Laura. Mas gumanda ka po, ngayon." sagot naman nito habang iniiba ang pwesto nang kinauupuan.
Natawa ako sa sinabi nito. Maging ito ay natawa rin. Mas lalong gumaan ang aking pakiramdam dahil sa kadaldalan nito. Napag-alaman ko rin na ang kabayo ko ay nasa kwadra na nang mga Guererro.
"Alagang-alaga ni Sir si Kidlat. Lagi nia po itong pinapaligo kapag may bakanteng oras. Tyaka, minsan po sinasakyan niya rin ito para magronda sa hacienda. Ngayon lang po, hindi kasi busy si Mayor." litanya nito.
Napatango ako."Mabuti naman,"
Kinuha ni Nene ang aking pinagkainan. Nakangiti itong binitbit iyon habang nakamasid naman sa akin.
"Kung may kailangan pa po kayo, ma'am. Tawagin niyo lang po ako. Nasa kusina lang kasi ako at tumutulong kay Senyora." paalam nito sa akin.
"Sige. Salamat Nene," tanging nasabi ko na lamang.
Yumuko ito saglit sa akin pagkatapos ay tumalima. Nakangiti ko na lamang itong pinagmasdan. Wala pa rin itong pinagbago. Magaslaw pa rin at bibo. Maraming alam sa buhay ng iba na para bang tsismosa sa kanto.
Natatawa na lamang ako habang inaalala ang mga sinabi nito. Kapagkuwan ay natigil ako nang maalala na kailangan ko palang pumunta sa mausoleum. Kinutusan ko ang sarili dahil sa kapabayaan. Nakalimut na nga ako. Tanghali pa ako nagising.
"Naku! naman," mahinang pagkastigo ko sa sarili.
Dali-dali akong tumayo mula sa aking kama at mabilis ang bawat kilos. Agad kong tinungo ang banyo at naligo. Ang dating pagbababad ay hindi ko na muna ginawa. Dali-dali akong nagbihis at inayos ang sarili.
Isang simpleng t-shirt lamang ang aking isinuot habang pinarisan ko naman ito ng high waisted na skinny jeans. Isinuot ko rin ang aking boots. Ang buhok kong natural ang kulot sa dulo ay hinayaan ko lamang. Maging ang aking mukha ay tanging manipis na liptint lamang at pulbos ang aking inilagay.
Napangiti ako nang masilayan ang aking hitsura. Agad kong tinungo ang pinto at mabilis ang mga hakbang upang lumabas. May mga mangilan-ngilan akong katulong na nakakasalubong at bumabati sa akin. Ngumiti ako sa kanila at hindi na nakipag-usap pa. Kailangan kong magmadali dahil hapon na.
"Oh, Laura! Magandang tanghali, sa'yo hija! Mukhang nagmamadali ka,"
Pagkababa ko pa lamang sa hagdan ay bumungad kaagad sa akin ang ina ni Bernard. Nakangiti ito at mukhang papanhik din sa hagdanan. Mabilis akong pumanaog at nagpang-abot kami sa entrada nito. Agad akong nagmano dito pagkatapos ay ngumiti.
"Dadalawin ko lamang po kasi ang anak ko, Mama. Matagal na rin nang huli ko itong nadalaw kaya bibisitahin ko po, muna." sagot ko sa tanong nito kanina.
Tumango ito at ngumiti. "Hala! Puntahan mo na at mukhang uulan. Naku! Magdala ka ng payong Laura para handa." bilin pa nito.
"Sige po," sagot ko na lamang.
Sabay kaming naghiwalay ng landas. Nagtungo kaagad ako sa kwadra ng mga Guerrero at hinanap si Kidlat. Saktong nasa unahan lamang ito kaya mabilis kong nakita. Kinuha ko kaagad ito at hinaplos ang mukha.
"Kumusta ka na? Inaalagaan ka ba nilang mabuti," pagkausap ko dito na pra bang sasagot ito sa akin. "Tara na nga!" napapailing na wika ko.
Agad akong sumakay kay Kidlat. Tulad ng dati ay mabilis pa rin ang pagtakbo nito. Napapangiti na lamang ako habang ang mga buhok ko ay tumatabing sa aking mukha dahil sa lakas ng hangin. Mahigpit din ang hawak ko sa renda nito upang hindi ako mahulog.
Nang marating namin ang kabayanan ay binagalan ko ang pagpapatakbo. Pinagmasdan ko ang mga maliliit na bahay sa gilid ng kalsada. Ang mga mangilan-ngilang establisyemento at ang panaka-nakang pagdaan ng mga sasakyan.
"Mayora!" tawag sa akin ng isang binatilyo mula sa isang maliit na eskinita. Nilapitan ko ito at nangilag sa aking dalang kabayo. Nawala rin ang ngiti nito sa labi marahil ay dahil sa takot.
"Kumusta ka?" tanong ko. Luminga din ako sa paligid at nakahinga ng maluwag nang wala namang nakapansin sa akin nang bumaba ako mula sa kabayo.
"Magandang araw po, Mayora. Mabuti po at nakita ko kayo, kahapon pa po kasi ako nag-aabang sa inyo. Kaso, nasa loob pala kayo ng sasakyan." wika nito sa akin.
Nakadama kaagad ako ng lungkot para dito. Nang pagmasdan ko ang hitsura nito ay mas lalo akong naawa para sa binatilyo. Hindi man butas-butas ang damit nito ay gusgusin naman iyon at halatang pinaglumaan na nang panahon. Halata rin na kagagaling lamang nito sa pagtatrabaho sa bukid.
"Bakit mo naman ako hinahanap?" malumanay na tanong ko dito.
"May ibibigay lang po kasi ako sa inyo. Sana po magustuhan niyo," sagot naman nito.
Tumango ako at ngumiti. Nagulat pa ako nang iabot nito ang isang larawan na nakaguhit ang aking mukha. Napakaganda nang pagkakahawa nito na hindi ko maiwasang manikip ang dibdib sa nakitang imahe. Nagagalak ang aking puso sa ibinigay nito.
Tiningnan ko ang binatilyo. "Ang ganda naman nito. Ikaw ba ang gumawa nito?" tanong ko.
"Opo. Pasasalamat ko po iyan at regalo para sa inyo." sagot naman nito. "Isa po ako sa skolar ng lalawigan na isinulong ninyo noon, Mayora. Sana po ay manalo si Mayor para mas marami pa kayong matulungan." masayang wika nito.
Tumango ako at ngumiti. Ang awa para dito ay napalitan ng munting pag-asa. Na kahit sa mura nitong edad ay patuloy itong lumalaban sa hirap ng buhay.
"Sana nga," tanging nasabi ko na lamang.
Ilang sandali pa kaming nag-usap bago ako tumuloy sa aking pupuntahan. Habang tumatakbo nang mabilis si Kidlat ay hindi ko maiwasang maisip ang sinabi ng binatilyo. Alam kong umaasa ito kay Bernard at sa pagkapanalo nito. Ngunit para sa akin, kahit sino pa man ang maluklok sa katungkulan ang importante ay may pagmamalasakit ito sa bayan.
Ilang kilometro ang nilakbay namin ni Kidlat bago narating ang mausoleum. Agad akong pumanaog mula dito at itinali ang kabayo sa isang bakanteng lote na may malaking puno. Pagkatapos ay mabilis akong pumasok sa loob ng mausoleum.
Nakita ko kaagad ang maliit na sementong bagay sa gitna ng dalawang magarang nitso. Lumapit ako doon at umupo. Isang nakabibinging katahimikan ang bumalot sa aking pagkatao maging sa aking paligid.
"Matagal na rin kitang hindi nadalaw. Galit ka ba sa akin? Pasensya ka na, baby ko." mahinang pagkausap ko dito na para bang sasagot ito sa akin. Hinaplos ko rin ang himlayan nito at nag-alay ng taimtim na panalangin.
May mga sakit man na pilit kong kinakalimutan ngunit sadyang nakaukit na ito magpakailanman. Isa ang anak ko doon. Dahil kahit hindi ko aminin sa aking sarili, nanghihinayang pa rin ako. Nagsisisi at nalulungkot pa rin ako.
"Nandito ka pala,"
Agad akong lumingon sa aking likuran nang marinig ko ang boses ni Bernard. Hindi nga ako nagkamali dahil palapit na ito sa akin habang may dalang mga bulaklak. Nang makalapit ay agad nitong inilagay ang dala sa ibabaw ng marmol na nitso.
"Palagi akong nandito. Iniisip ko kasi na nalulungkot din ang anak natin dahil mag-isa lang siya." halos pabulong na sabi nito. Tumabi din ito sa akin at umupo. "Kahit kailan hindi ko siya nakalimutan. Hindi ko rin nakakalimutan na sisihin ang sarili ko dahil sa nangyari. Tama ka, duwag ako."
Isang nabakahabang katahimikan ang namayani sa amin ni Bernard. Iniisip ko kung dapat ko ba siyang kausapin o papabayaan ko na lang. Iniisip ko kung bakit niya sinasabi sa akin ang mga bagay na iyon. Wala na kami para magpaliwanang pa siya sa akin.
"Alam kong hindi ako perpekto, Laura. Pero sa buhay ko, ikaw lang ang tamang nagawa ko pero naging gago pa rin ako." dagdag pa nito.
Napabuntong-hininga ako. "Bakit mo sinasabi sa akin 'yan, ngayon?"
"Dahil gusto kong maramdaman mo na mahal kita, Laura. Na kahit hiwalay na tayo, mahal na mahal pa rin kita. Pero siguro nga, hindi ako karapatdapat sa'yo!" wika nito.
Tulad ng dati ramdam ko pa rin ang lungkot sa boses ni Bernard. Katulad ng dati nalulungkot din ako. Marahil may mga bagay na kahit anong pilit mo hinding-hindi na mangyayari. Hindi dahil ayaw mo na kundi dahil iyon ang nakatadhanang mangyari.
Binaling ko ang aking paningin kay Bernard. Maging ito ay nakatitig din pala sa akin. Nakita ko kung paano namula ang kaniyang mga mata marahil sa nagbabadyang mga luha.
Ngumiti ako ng mapait, "Hindi ko alam." tanging nasabi ko na lamang bago ko ikinawit ang aking kamay sa kaniya upang hilahin ito papalapit sa akin.
I kissed him. I just want to know.