Kabanata 22

Nang tuluyan akong makasakay sa kotse ni Andrew ay agad niya iyong pinasibad. Ilang segundo ang namagitan sa amin bago ko pinakawalan ang isang halakhak. Nakita ko pa sa gilid ng aking mga mata kung paano ito napatingin sa akin.

"Ayos ka lang?" tanong nito.

Tumigil ako at tiningnan siya. Bakas sa kaniyang mukha ang pagtataka. Habang ako naman ay may nakapaskil na isang ngisi sa labi. Kapagkuwan ay napailing ako sabay nguso upang palisin ang nagbabadyang paghalakhak muli.

"Ang sarap pala sa pakiramdam kapag nagawa mo ang isang bagay na gusto mong gawin," makahulugang wika ko.

Habang nagmamaneho ay napakunot ang noo nito. Ngumisi ako dahil doon. Alam kong naguguluhan si Andrew sa aking sinabi. Naisip kong kahit kailan si Andrew ang taong pwede kong pagkatiwalaan nang walang halong pagpapanggap.

"Ano ka ba, Andrew!" wika ko sabay tampal sa kaniyang balikat. "Huwag mong seryosohin ang mga sinasabi ko. Masaya lang ako dahil nakabalik na ako." dagdag ko pa.

"Talaga?"

"Oo," sagot ko naman.

Natahimik ito at tuluyan nang itinuon ang atensyon sa pagmamaneho. Habang ako naman ay seryoso na lamang na pinagmamasdan ang tanawin na aming nadadaanan.

Napakatagal na nang dalawang taong pagkawalay sa bayan na aking kinalakhan. Mayroon na rin nagbago sa mga inprastruktura nito. Ang dating maliliit na tindahan ay naging supermart na ngayon maging ang mga lumang merkado ay bago na rin. Katulad ko, ang bayan ng San Vicente ay unti-unti na ring nagbabago para sa ikauunlad nito.

"Ayaw mo bang dumaan sa mausoleum?" pagputol ni Andrew sa aming katahimikan.

Napabuntong-hininga ako sa kaniyang sinabi. Ang totoong plano ko pagdating ng San Vicente ay ang dalawin ang himlayan ng aking anak. Ngunit, dahil nga sa pakulo nina Bernard ay naantala ito.

"Hapon na kaya, bukas na lang. Tyaka, gusto ko nang magpahinga. Nakakaloka ang makipagplastikan sa loob ng kapitulyo!" Natatawang wika ko.

Natawa si Andrew sa aking sinabi. Agad akong bumaling sa kaniya. Nakita ko pa kung paano umiling ang kaniyang ulo at kumintal ang isang ngiti sa kaniyang labi.

"Kaya ayaw ko sa pulitika, Laura. Mabait ang Papa ko, ngunit minsan, kailangan niyang magsinungaling para sa kapakanan ng nakakarami. Maging si Bernard ay ganoon din. At ayaw ko nang ganoon, hindi ako marunong magkunwari." mahabang salaysay nito.

Sa bawat pagbigkas ng mga labi ni Andrew ay nakamasid ako. Dama ko sa bawat salita nito ang sinseridad. Alam kong tama siya at ramdam kong hindi man direkta sa akin ang kaniyang sinabi ngunit natamaan pa rin ako. Para itong isang ligaw na palaso na hindi ko nagawang umilag.

Natahimik ako at umayos ng upo. Ibinaba ko rin ang aking ulo at naikuyom ang aking mga kamao. Hanggang kailan ko ba gagawin ang pagpapanggap na ito? Hanggang kailan ako tuluyang makakawala?

"Hindi ako marunong magkunwari. Katulad na lamang nang sinabi kong gusto kita." dagdag pa nito.

"Hindi ko alam. Pwede bang 'wag natin 'yang pag-usapan?" tanging nasabi ko na lamang.

Natahimik kami pareho. Ang kaninang masayang awra ay naglaho. Napalitan ito ng usang nakakailang na pakiramdam. Hanggang ngayon, nangingimi ako dahil pakiramdam ko hindi tama. Pakiramdam ko ay may mali. Lalo na sa ganitong pagkakataon.

"Ikaw naman ang seryoso d'yan! Malapit na tayo, Laura."

Hindi ko sinagot si Andrew. Diretso akong tumingin sa bintana nang sasakyan. Kahit medyo madilim ang paligid dahil sa pagbabadya ng takipsilim ay naaaninag ko pa rin ang magandang tanawin.

Ang malawak na taniman. Ang kulay dilaw na maisan tanda nang nalalapit na anihan. Ang mga malalaking puno ng Molave sa gilid ng daanan at ang bagum-bagong pininturahang letra ng Hacienda Guerrero.

Ito ang dating iniwan kong buhay na akin na namang babalikan. Sa naisip ay napabuntong-hininga ako. Inayos ko ang aking sarili at tumingin sa aking harapan. Kapagkuwan ay tumingala ako at agad na ipinikit ang aking mga mata. Naisip kong ang aking buhay ay pabalik-balik na lamang. Mayroon akong iiwan pagkatapos ay babalikan.

"Hindi ko lang kasi maiwasan. Matagal akong nawala sa San Vicente. Nakakapanibago pa rin." sagot ko sa tanong ni Andrew kanina.

"Alam mo, mahal na mahal ka ng mga kababayan natin. Lalo na nang mga trabahante sa hacienda. Nagpaplano na nga sila ng isang salu-salo para sayo," masayang wika nito.

Napangiti ako sa sinabi nito. Kahit papaano pala ay masasabi kong hindi ako mag-iisa sa aking pagbabalik. Si Andrew, si Olive at ang mga tao na itinurin akong mahalaga. Sila na lamang ang magiging sandigan ko.

Akmang magsasalita ako nang may tumawag sa aking cellphone. Agad kong inabot ang aking shoulder bag at kinuha ang aparato. Mas lalong gumaan ang aking pakiramdam nang mabasa ang pangalan ng tumatawag. Agad ko iyong sinagot nang walang pag-aalinlangan.

"Olive," bati ko kaagad.

"Huy! Bakit hindi ka nagsabi na ngayon ang uwi mo? Nakakainis! Sana, nagkita man lang tayo." wika nito. Ramdam na ramdam ko ang pagmamaktol sa boses nito kaya natawa ako ng mahina. Sinulyapan ko rin si Andrew at nakitang may ngiti ito sa labi habang nagmamaneho.

"Ano ka ba! Didisturbuhin pa ba kita? Alam ko naman na busy ka sa buhay mo kasama si Mark." Nakangising wika ko naman dito.

Si Mark, ang bagong nagpapasaya sa kaibigan ko. Dalawang taon na rin ang mga ito at masasabi kong masaya si Olive sa piling nito. Nakikita ko iyon sa mga mata ng kaibigan tuwing dunadalaw ako nito sa Maynila noon.

Masaya ako para dito. Sa kabila nang pagtangis nito noon sa dati nitong asawa ay nakatagpo pa rin ito ng lalaki na tunay at wagas na magmamahal dito. Ang lahat ng sakit ay may kaakibat na ligaya. Iyon nga lang, ang lahat ay naaayon sa tamang panahon.

"Huwag mo nga akong tuksuhin ng ganyan! Naiinis pa rin ako sa'yo, alam mo 'yon."

"Hay, naku! Olive. Alam ko kasama mo Mark ngayon, kaya huwag mo akong artehan ng ganyan. Enjoy ka na lang, okay? Tyaka, kasama ko si Andrew, kaya 'wag ka nang mag-alala." Natatawang wika ko dito.

Natigil ito sa kabilang linya kaya nagtaka ako. Ilang sandali pa ay napatili ito. Kaagad kong inilayo ang aparato sa aking tainga. Pakiramdam ko ay masisira ang aking pandinig sa ginawa nito.

"Hindi na pala ako kailangan. Nandyan na pala si Superman," may panunukso sa boses na sabi nito.

Sinulyapan ko si Andrew. Seryoso pa rin ito at tila wala namang pakialam sa aking ginagawa. Ilang sandali pa ay tiningnan din nito ang cellphone at natatawa habang may binabasa na kung ano.

"Luko-luko talaga 'yang kaibigan mo," wika nito.

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi nito. Tiningna ko ang cellphone at nakitang nakapatay na sa kabilang linya si Olive. Kung magkaharap lamang kami ay baka nasabunutan ko na ito.

"Huwag mo na lang pansinin. Ganoon talaga 'yon, makulit." sabi ko kay Andrew nang makabawi sa pagkapahiya.

"Alam ko at masaya din ako para sa kaniya." sagot naman nito. "Ikaw? Anong plano mo, pagkatapos nito?" dagdag na tanong nito.

Umiling lamang ako. May mga plano ako ngunit hindi ko alam kung paano ko sisimulan. Iniisip ko ang mga kahihinatnan nito. Iniisip ko kung tuluyan na ngang humilom ang puso ko.

Nang matanaw ko na ang mansion ng mga Guerrero ay hindi ko mapigilan ang kabahan. Matagal-tagal na rin mula noong huli ko itong makita. May mga ala-ala akong iniwan sa lugar na ayaw ko na sanang maalala. Ngunit, sa sitwasyon ko ngayon ay hindi na nga ito mapipigilan pa.

"Maganda pa rin ang mansion, Andrew. Maaliwalas pa rin ang hangin at napakaganda pa rin ng taniman ng mga bulaklak sa paligid." Nakangiting sambit ko nang makalabas sa kotse.

Napangiti si Andrew sa aking sinabi. Inilahad niya ang kaniyang kamay sa akin at inabot ko naman iyon. Nagulat ako sa kaniyang ginawa nang bigla niya itong halikan. Tinampal ko siya sa balikat dahil doon at agad naman siyang natawa. Habang ramdam ko naman ang pamumula ng aking dalawang pisngi.

"Loko! Huwag mo nang uulitin 'yon!" naiinis na banta ko dito. Umiling lamang ito at sinimulan nang maglakad patungo sa entrada ng mansion.

Nang makapasok ay bumungad kaagad sa akin ang malawak na sala ng mansion. Tulad nga ng naisip ko ay hindi man lamang ito nagbago. Katulad pa rin ito ng dati. Ang ayos at ang mga muwebles ay ganoon pa rin. Tanging ang pakiramdam ko lang ang nagbago.

"Ang mga gamit mo nasa taas na. Inayos na rin ni Nene ang kwarto mo." imporma ni Andrew.

"Hindi ba sila nagtanong?" tanong ko.

"Hindi. Kasi akala nila sa Maynila din naglalagi si Bernard. Kaya huwag kang mag-alala."

Tumango ako sa sinabi nito. Kahit papaano ay gumaan ang aking pakiramdam.

"Salamat," sabi ko na lamang.

"Laura! Nandito ka na, hija!"

Nakita ko kaagad ang mama ni Andrew palapit sa amin. Nakangiti ito at may apron pa sa harapan. Napangiti din ako dito at agad na niyakap ito ng makalapit.

"Kumusta po?" bati ko kaagad.

"Ayos lang. Ito nagluluto na nang hapunan. Sinarapan ko, dahil nandito ka." masayang wika nito ng maghiwalay kami.

"Mama! Ang daya mo," reklamo naman ni Andrew.

"Tumahimik ka, Andrew! Mabuti pa ay tawagin mo si Aria, nasa kwarto niya." wika naman nito.

Nakitang kong napakamot ng ulo ai Andrew sa tinuran ng ina. Nahampas pa ito sa balikat ng hindi ito sumunod agad. Natawa ako sa nakita habang lulugo-lugo naman si Andrew na nagtungo sa kusina.

"Pinaayos ko na ang kwarto mo, hija. Nasa tabi nang kwarto ni Aria. Huwag kang mag-alala, sa second floor natutulog si Bernard." mahabang paliwanag nito.

"Salamat po," pormal kong saad.

"Ano ka ba! Anak kita kaya hindi ka dapat mahiya." sabi pa nito.

Napangiti ako dahil doon. Sakto namang dumating si Aria mula sa kusina. Halata sa mukha nito ang inis para sa akin na hindi ko na lamang pinansin. Naaalala ko lamang ang huli naming pagkikita noon sa Maynila.

"Oh?! Anong nangyari sa mukha mo?" tanong ng nanay nito.

"Nothing, mommy." sagot naman ni Aria.

Pinagmasdan ko lamang ang dalawa habang nag-uusap. Bawat sambitin ng dati kong byanan ay napapangiwi ang dalaga. Alam ko naman kasi kung bakit. Lantaran nitong sinabi sa akin na hindi ako nito gusto para sa kapatid.

"Oh! Ihatid mo na si Laura, hija at para makapagpahinga na siya. Tatawagin ko na lang kayo, mamaya."

"Sumunod ka sa akin," wika ni Aria.

Sumunod ako dito pagkatapos kung magpaalam sa mama nila. Tahimik kami pareho habang naglalakad sa magarbong hagdanan. Ni paghinga ay pinipigilan ko rin. Hindi ko alam kung magiging maayos ba ang pagtira ko sa bahay na ito ngayong makakasama ko pa si Aria na inis sa akin.

"Hindi ko alam kung bakit ka pa bumalik, Laura. Alam mo naman siguro na ayaw ko sa'yo sa simula pa lang di ba? Alam kong hiwalay na kayo ng kapatid ko, kaya huwag kang umasa na sasaluhin ka rin ni Andrew. Nakakadiri ka!" mariing wika nito nang makatapat na namin ang aking kwarto.

Nagulat ako sa kaniyang sinabi. Literal na natulala ako ng ilang sandali bago nakahuma. Nakumpirma ko kaagad na hindi magiging madali ko ang buhay ko sa loob ng mansion. Pero hindi ako magpapatalo kay Aria. Napangisi ako dahil doon.

"Nakakadiri man ako, at least hindi ko ipinipilit ang sarili ko sa isang lalaki." matapang na wika ko dito. "Ilang taon mo na ngang fiancé si Zeus Vergara, Aria? O, ikaw lang ang nag-iisip na ikakasal ka sa kaniya. Nakakalungkot naman. Sa susunod, pumili ka ng babanggain mo! Baka hindi kita, matantiya," huling sinabi ko dito at tuluyan ko nang isinirado ang pinto.

Nang tuluyan akong makapasok ay napabuntong-hininga na lamang ako. Mukhang may isa pang asungot sa buhay ko.