Kabanata 16

Naramdaman ko na lamang ang unti-unting pagkalas ng mga braso ni Yohan sa akin. Ang unti-unting pagpulupot ng isang tuwalya sa aking hubad na katawan at ang paggiya sa akin para maupo.

"I'm sorry," sabi nito.

Iminulat ko ang aking mga mata pagkatapos niyang sabihin ang mga katagang iyon. Sa nanlalabong paningin ay nakita ko kaagad ang awa sa kaniyang mga mata. Pinunasan niya rin ang aking basang pisngi gamit ang kaniyang kamay.

Habang hinahalikan ako ni Yohan kanina ay hindi ko na namalayang lumuluha na pala ako. Na sa lahat nang ginawa ni Bernard sa akin, may puwang pa rin siya sa puso ko.

Akala ko kaya kong gawin ang ginawa niyang pagtataksil sa akin. Akala ko sa pamamagitan ni Yohan ay makakaganti na ako sa lahat ng panloloko niya sa akin. Akala ko kaya kong gawin ang pakikiapid sa iba.

Ngunit hindi.

Tinalo pa rin ako ng sarili ko. Hindi ko kaya dahil mahina pa rin ako. Hindi ko kaya dahil hindi ako ganoon. Hindi ko kaya kasi kapag nangyari iyon, hindi na ako si Laura.

Si Laura na may paninindigan at prinsipyo.

Tiningala ko si Yohan at tinitigan sa kaniyang mga mata. Kahit sa nanlalabong paningin ay nababanaag ko pa rin sa mga mata ni Yohan ang pagsisisi sa kaniyang kapangahasan. Laglag ang balikat nito at nanlulumong nakatanghod sa akin.

"I'm sorry, Laura. Akala ko, katulad ka ng iba. Akala ko konteng landi lang sa'yo, makukuha na kita." mahinang anas nito. Tumikhim muna ito at tumayo ng tuwid. "Pasensya na," dagdag pa nito.

"Iwan mo na ako, Yohan. Pakiusap," tanging naging tugon ko dito. Tinanguan niya ako at pinagmasdan pa ng ilang sandali bago ito tuluyang lumabas ng silid.

Nang makaalis ito ay napabuntong hininga na lamang ako pagkatapos. Ang pagod kong katawan at isip ay mas lalo pang napagod. Isinandal ko ang aking katawan sa silya at ilang sandali akong nag-isip.

Ang nangyari sa akin kanina ay isang bagay na hindi gagawin ng isang matinong babae. Iniisip kong naging katulad din ako ni Bernard. Nagpakababa sa isang temptasyon. Marupok sa mga bagay na bago at bawal.

Wala mang nangyari sa amin ni Yohan ngunit sising-sisi pa rin ako sa aking sarili. Pakiramdam ko, pinagtaksilan ko rin si Bernard. Pakiramdam ko, napakarumi ko. Pakiramdam ko, hindi ko na kilala ang sarili kung nagkataon.

Cheating is a choice. Pinili ni Bernard na lokohin ako. At kapag ginawa ko iyon ay hindi na rin ako iba sa kaniya.

Masakit man ang ginawa niya sa akin ngunit hindi magiging sagot ang isa pang pagkakamali.

Hindi sagot ang isa pang pagkakamali sa naunang mali.

Ipinilig ko ang aking ulo at hinilot ang aking sentido. Pinakawalan ko muna ang isang malalim na paghinga bago mabilis na nagbihis para umuwi. Iwinaglit ko sa isip ang mga nangyari at pinilit na kalimutan iyon.

Bitbit ang aking bag na may lamang iilang damit ay naglakad ako palabas ng building na iyon. Hindi na ako nababahala na wala akong masakyan dahil may sarili akong kotse. Bumili ako gamit ang naipon ko noong hindi pa kami kinakasal ni Bernard. Maging ang aking tinitirhang apartment ay binili ko rin. Nagpapasalamat na lamang ako dahil mayroon akong ipon.

I need to establish myself. And the first thing that I should do, is to live independent. Sanay ako sa ganitong buhay noon, ngunit nangangapa ako ngayon.

When I marry Bernard, I live the idea that we will be spending the rest of our lives together. That, I don't need to look back in my life from showbiz because Bernard will give me a happily ever after. That I will be a plain housewife and a loving mother.

Iniwan ko ang lahat sa dati kong buhay. Kinalimutan ko ang lahat nang maging asawa ko si Bernard. Isinuko ko ang lahat para sa kaniya. Ni hindi na ako nagtira para sa aking sarili.

Love is a gamble and I lose.

Naging mabilis ang aking byahe. Para tuluyang makalinot sa nangyari ay inabala ko ang sarili na pagmasdan ang magagandang ilaw na nagkikislapan sa buong Metro. Ang mga matatayog na building na nagsisilbing estruktura na mas lalong nagpapaganda sa tanawin. At ang ingay na nagmumula sa mga kasabayan kong sasakyan.

Napakaganda ng Metro kung tutuusin ngunit pakiramdan ko hindi ako nababagay sa lugar na ito. Pakiramdam ko, nahanap ko na ang lugar kung saan ako nababagay ngunit, kagyat lang ay binawi din ito.

I don't really know. I am full of doubt and uncertainty. I am lost and broken and still healing. Ako lang mag-isa dahil laban ko ito.

"Miss Laura, pasensya na po talaga noong nakaraang photoshoot ninyo. May emergency kasi kaya nauna na po ako. Tsaka, sabi naman ni Sir Yohan, ihahatid niya kayo." mahabang paliwanag ng aking P. A. Bitbit niya ang aking bag na may lamang gamit mula sa isang kakatapos lamang na shooting.

Tumigil ako sa paglalakad at tumango dito. Nginitian ko rin ito kapagkuwan. "Ayos lang," sabi ko pa.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. May importante akong dadaluhan kaya ako nagmamadali. Nang sipatin ko ang aking relong pambisig ay nakita kong isang oras na lamang ay magsisimula na ang programa na aking dadaluhan.

"Talaga po, Miss?" tanong pa nito. Halata sa boses nito ang kasiyahan. Nagmamadali din ang bawat kilos nito upang mapantayan ang aking bawat hakbang.

"Oo naman, wala namang masamang nangyari sa akin, kaya huwag ka nang mag-alala." paliwanang ko dito.

"Salamat po. Tsaka, saan nga pala kayo pupunta, Miss?" Nakangiting tanong nito sa akin kapagkuwan. Mabilis din nitong inilalapag ang dala nitong bag sa backseat ng aking kotse.

Agad naman akong nagtungo sa drivers seat at pinaandar ang makina. Hinintay ko ang aking P. A. na makasakay sa passengers seat bago ko ito sinagot.

"May charity event ako ngayon. Nakalimutan mo na ba? Hay, Naku! Grace." pabiro kong sabi dito. Sinulyapan ko rin ito at nakitang napayuko ito sa kinauupuan. Natawa ako ng mahina dahil doon kahit pa abala ako sa pagmamabeho.

"Mas gusto ko po talaga na tumatawa kayo, Miss Laura. Sobrang ganda niyo po kasi talaga." wika nito sa akin.

Nagulat ako sa sinabi ng aking P. A. ngunit ngumiti pa rin ako kalaunan. Naisip kong minsan lang ako kung tumawa kaya siguro naninibago ito. Hindi naman kasi ako palatawa sa set at kadalasan ay nag-iisa ako.

"I did a mental note that I should laugh often, Grace. Mukha ba akong laging galit?" nakangiting sulyap ko dito.

Grace smiled to me too. "Mukha ka pong pasan ang mundo, Miss Laura. Hello! Life is beautiful!" eksaheradong wika nito.

Grace is bubbly and very talkative. Ito lamang ang nagtitiis na kausapin ako. Sa buong byahe ay panay lamang ako nakangiti. Marami itong sinasabi na hindi ko na halos maintindihan.

Nang makarating kami sa isang orphanage ay mabilis akong bumaba. Sumunod naman si Grace sa akin bitbit ang mga pagkaing binili ko pa kanina habang patungo sa aking destinasyon. Sinalubong kaagad ako ng mga madre sa bungad pa lang ng pintuan ng nasabing orphanage.

"Hello po," bati ko sa mga ito ng makalapit ako. Nagmano din ako at pati na rin si Grace.

"Magandang gabi din po, Miss Laura. Hinihintay na po kayo ni Mother Superior. Nagsimula na rin po kami kanina pa." imporma nito sa akin ng may ngiti sa labi.

Tumango ako at sumunod na sa kanila ng magsimula itong maglakad. Maliit lamang ang lugar kaya mabilis naming narating ang isang maliit na silid. Napangiti kaagad ako ng makita ang mga batang maayos na nakaupo sa kani-kanilang upuan.

"Nandito na si Ate Laura!" sigaw ng isang bata na nasa dulong bahagi ng upuan.

Nagsilingunan ang lahat sa akin at nakita ko kaagad sa mga ngiti nito ang kasiyahan. Maging ako ay masaya rin. Ang makita ang mga batang ito na nakangiti at may ningning sa mga mata ang siyang nais kong masilayan sa mga araw na nagdaan mula nang mamuhay akong mag-isa.

"Magandang gabi, Ate Laura!" sabay-sabay na bati ng mga ito.

"Magandang gabi! Na-miss niyo ba ako?" sabi ko sa kanila.

"Opo!" sagot naman ng mga ito.

"Sige nga, kaninong birthday ngayon?" tanong ko sa mga ito ng nakangiti.

Lahat ay nagtaasan ng kamay kaya natawa ako. Dahan-dahan akong naglakad sa unang linya ng upuan at nilapitan ang isang batang babae. Maganda ito at may lahi ngunit iniwan sa labas ng orphanage noong tatlong taong gulang pa lamang ito.

"Happy birthday, Laila." bati ko dito nang nakangiti. Tumayo naman ito at niyakap ako. Dahil sa ginawa nito ay napaluha ako. Hindi man ito nakakapagsalita ngunit batid kong masaya ito para sa sarili.

Isa-isa kong ipinamahagi ang aking dala. Masaya akong makita na sa kabila ng sakit na nararamdaman ko sa aking puso ay may mga tao pa rin akong napapasaya. Na sa kabila ng mga masasakit na nangyari sa akin, hindi pa rin ako namuhay na may galit sa puso.

Life indeed is beautiful, only if you will look at the brighter side of it.

Nang matapos ay umuwi kaagad ako. Mabilis kong narating ang aking apartment building dahil mag-uumaga na at wala nang gaanong ttaffic sa kalsada. Malapit lang din ang lokasyon nito mula sa orphanage.

"Good evening po, Ma'am." bati kaagad ng receptionist sa akin. Nginitian ko ito at tinanguan pagkatapos ay nagpatuloy ako sa paglalakad patungo sa elevator ng building. Sumakay ako roon at pinindot kung saan palapag ako.

Pagod na pagod na ako sa buong araw na pagtatrabaho. Humikab ako at bahagyang iniunat ang aking mga kamay. Tiningnan ko rin ang aking wristwatch at nakitang pasado ala-una na ng madaling araw.

Nang tumunog ang elevator ay agad akong lumabas. Nagtaka pa ako dahil may taong nakayupyop sa harap ng pinto nang aking unit. Mabilis akong naglakad upang makita ito at napatda ako sa aking kinatatayuan ng tuluyan ko itong masilayan.

My heart ache again. Seeing him standing and sleeping while waiting for me outside my unit. Nakakaawa kong tutuusin pero dapat pa ba akong maniwala?

"Bernard," mahinang anas ko. Niyugyog ko pa ang kaniyang balikat upang gisingin ito. Agad naman itong kumilos at inangat ang kaniyang ulo.

Mas lalo akong nasaktan sa aking nakita. Halata sa kaniyang mukha ang kawalan ng tulog. Maging ang kaniyang balbas ay humahaba na rin. Umimpis din ang kaniyang mukha.

Kahit anong galit ko sa aking asawa ay nakaramdam pa rin ako ng awa para dito. Na sa lahat ng ginawa niyang panloloko sa akin bahagi pa rin siya ng aking buhay. Kasal pa rin kami at hindi ko alam kung hanggang kailan ako matatali sa kaniya.

Mahal ko siya noon. Hindi ko nga lamang alam sa ngayon. Napakagulo ng aking buhay maging ng aking sarili. Lahat ay mayroon akong pagdududa. Mga alalahanin at pag-aalinlangan.

"Laura, patawarin mo na ako." anas niya ng mahimasmasan.

Umiling ako at tinalikuran siya. Binuksan ko ang pinto ng aking unit ngunit hindi ako pumasok sa loob. Nanatili akong nakatayo paharap doon. Hindi ko malaman ang aking gagawin o kung ano ang dapat kong gawin sa huli, sumuko pa rin ako.

Napabuntong-hininga ako at nilingon si Bernard. "Pumasok ka, Bernard." sabi ko dito.

Tumango ito at nauna nang pumasok sa akin. Sumunod naman ako at isinirado ang pinto. Maliit lamang ang unit ko ngunit malinis naman ito at organisado.

Nang makapasok ay tinapon ko kaagad ang dala kong bag sa bakanteng couch at hinubad ang aking jacket. Habang si Bernard naman ay natanaw kong pinagmamasdan ang buong lugar.

"Maliit lang 'tong bahay ko. Alam mo na, pang isang tao lang." agaw ko sa kaniyang pansin. Lumingon siya sa akin at tumango. "Maupo ka," aya ko sa kaniya.

Tumango ito at umupo sa bakanteng couch ng aking maliit na sala. Titig na titig si Bernard sa akin na para bang ako lamang ang tanging nakikita nito. Na sa kaniyang mga mata ko makikita ang mga damdamin na hindi niya kayang sabihin para sa akin.

"Laura,"

"Napakasama ko kung papauwiin pa kita, kaya matulog ka na, Bernard. Pagod na rin ako at gusto ko nang magpahinga." sansala ko sa anupamang sasabihin nito sa akin.

Nakita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata habang nakatitig sa akin ngunit agad din itong nagbawi ng tingin at tumango. Narinig ko rin siyang napabuntong-hininga ngunit hindi ko na lamang ito pinansin.

Binigyan ko si Bernard ng kumot at unan. Inayos ko rin ang isang maliit na kutson at inilatag iyon sa sala. Ginawa ko ang mga bagay na dati kong ginagawa sa kaniya. Ang pag-aalaga na minsan ay ginampanan ko bilang kaniyang asawa.

"Miss na miss na kita, Mahal. Bumalik ka na sa akin," wika nito. Garalgal ang boses ni Bernard at alam kong nagpipigil lamang ito ng emosyon. Ramdam na ramdam ko rin ang bawat titig niya sa akin.

Napabuntong-hininga ako at umiling. Iniwan ko rin siya kaagad sa aking sala at hindi na sinulyapan pa.

Kung masama man akong asawa kay Bernard ay tatanggapin ko. Dahil, hindi pa ngayon o bukas kaya kong kalimutan ang ginawa niya sa akin.

Hindi pa ako handang magpatawad.