Chapter 26 Burol Bonding

SA halip na yayaing umuwi si Jeremy, inaya muna ito ni Katrina na mamasyal. Nakasisiguro naman siyang iyon ang gustong gawin nito. Hindi kasi siya nakasisigurado kung nakaalis na ang mga kamag-anak nito o naroroon pa rin.

"Masyado ka namang tahimik diyan," wika niya nang dalhin siya ni Jeremy sa paborito raw nitong lugar na kung tawagin daw ay 'burol'. Para naman kasing burol ang lupang kinalalagyan nila tapos may punong mangga sa tuktok nito. Nakasandal si Jeremy sa may puno habang siya naman ay nakahilig sa dibdib nito.

Dinig niya ang bawat pintig ng puso ni Jeremy pero hindi naman niya dinig kung anong pangalan ba ang tinitibok ng puso nito. Napabuntunghinnga siya dahil hindi niya napigilang tanungin ang kanyang sarili kung talaga nga bang siya ang laman noon.

Nang una ay gusto na niyang maniwala na mahal siya ni Jeremy pero nagduda TVsiya nang malaman niya ang tungkol sa testamento ni Lolo Segundo. Paano kung ang ‘pagmamahal’ sa kanya ni Jeremy ay may expiration date?

"May inaalala lang ako," wika nito sabay buntunghininga.

"Si Veronica," tiyak niyang sabi. Mabuti na lang at ganoon ang puwesto nila kaya't hindi na niya makita ang reaksyon nito nang banggitin niya ang pangalan ng bestfriend nito.

"Parang gusto kong isipin na sobra kang nagseselos kay Veronica," anito. Kahit na nagpawala ito nang marahang tawa ay parang ayaw niyang maniwala na natutuwa ito.

Napa-straight siya nang upo dahil gusto niyang lingunin ito para maipakita niya kung gaano katalim ang kanyang tingin. "Siyempre, may dahilan ako para magselos. Asawa mo ako."

Napangisi ito sa kanyang sinabi.

Lalong tumalim ang tingin niya rito. "Kahit naman ex-girlfriend mo lang ako, asawa mo pa rin ako ngayon. May karapatan naman akong magselos 'no."

Inis na inis siya ng sabihin ang mga salitang iyon pero parang dedma lang si Jeremy na talagang ini-enjoy ang panginginig ng kanyang laman, pero, nang maramdaman niya ang kanang kamay nito na humihimas sa kanyang puson hindi niya napigilan ang mapasinghap dahil para pa rin siyang kinukuryente kahit mayroon pa namang telang nakaharang para mahaplos ni Jeremy ang kanyang balat.

"Ito talagang Mommy mo, pinagseselosan ang future Ninang mo."

"Ninang?"

"Kunin nating ninang si Veronica, please?"

Kung sasabihin niyang ayaw niya, siguradong magmumukha lang siyang kontrabida. Siyempre ayaw niyang magdamdam sa kanya si Jeremy. Ang gusto nga niya'y makuha ang loob nito. Ang nais niya'y ma-in love ito sa kanya at maburang tuluyan sa isip nito ang anumang may kinalaman sa ibang babae lalo na kung magiging banta sa relasyon nila ni Jeremy.

"Sure. Walang problema. Sana makilala ko rin siya."

"Mangyayari rin 'yan."

Biglang tumahimik si Jeremy.

"Why?"

"Hindi si Veronica ang dahilan nang sabihin kong may naalala lang ako."

"May iba pang babae?" buwisit niyang tanong.

Marahang tawa ang pinawalan nito. "Si Joshua at ang mga magulang niya ang naaalala ko."

Gulat siyang napatitig dito dahil sa sobrang lungkot na naaaninag niya rito. "Bata pa lang ako nang mamatay ang parents ko. Hindi ko na nga matandaan ang hitsura nila. Akala ko nu'n mapupunta lang ako sa ampunan o magiging palaboy pero dumating ang Lolo Segundo. Kinuha niya ako. Marami rin akong pinsan, tito at tita pero hindi ako naging malapit sa kanila. Kaagaw kasi ang tingin nila sa akin. Dahil ako ang unang apo ni Lolo Segundo. Ibig sabihin, ako ang magmamana ng hacienda Rosales."

"Hindi ba dapat sa anak ipamana?"

"Sa pamilya Rosales, ang hacienda ay ipinamamana lang sa panganay na anak na lalaki ng iba't ibang henerasyon. Wala na ang tatay ko kaya sa panganay na apo naman iyon ibibigay ng lolo." Malalim na buntunghininga ang pinawalan ni Jeremy. "Habang ang mga kamag-anak ko ay galit na galit sa akin, inggit na inggit naman ako sa mga pinsan kong may mga magulang. Kaya, nga at home na at home ako sa pamilya ni Veronica dahil parang parte rin ako ng pamilya nila kung ituring ako."

Dama ni Katrina na nagsisimula ng maging emosyonal si Jeremy kaya nang harapin niya ito, hindi niya ito napigilang yakapin. Gusto niya kasing maramdaman nito na mahal niya ito.

"Kaya malaki ang pagpapahalaga ko kay Veronica pero hindi ibig sabihin noon ay mahal ko siya tulad ng pagmamahal ko sa'yo," wika nitong nakatitig sa kanyang mga mata na para bang sinasabi nitong paniwalaan niya.

"Mahal mo ba akong talaga?" hindi pa rin makapaniwalang tanong niya.

"Talaga bang hindi ko nagagawang iparamdam sa'yo na mahal kita?" hindi makapaniwalang tanong nito.

Hindi siya agad nakasagot. Paano'y pumasok na rin sa isip niya ang sinabi sa kanya ni Ysabelle na kailangan niyang sabihin kay Jeremy ang tungkol sa kanilang anak. Dapat na rin niyang sabihin dito ang kanyang narinig para magkalinawan na sila.

"Katrina..."

"Nagawa mo namang maiparamdam sa akin pero natatakot akong baka mamaya ay mali lang pala akong ng interpretasyon. Kasi hanggang ngayon nasa puso't isipan ko pa ang pang-iiwan mo sa akin dati. Tapos bigla kang babalik para agawin ako sa fiance ko at kahit na sandali pa lang tayong nagtagpo ay inalok mo na ako ng kasal."

"Dahil mahal kita at ayaw na kitang mawala sa akin."

"Narinig ko kaya kayo ng lolo mo," hindi niya napigilang sabihin pagkaraan kaya hindi niya nagawang awatin ang sarili na maging sarkastiko.

Kumunot ang noo ni Jeremy. "Anong narinig mo?"

"Na pinakasalan mo lang ako dahil sa testamento. Hindi kasi niya ipapamana sa'yo ang hacienda kapag hindi mo ako pinakasalan. Sabihin mo nga sa akin, magpakatotoo na tayo ngayon, hindi mo ako kinidnap lang sa mismong araw ng kasal ko dahil gusto mo lang akong iligtas kay Flaviano kundi dahil may motibo ka rin."

Dahil sa nakatitig siya rito ay nakita niya ang pagkabigla sa mukha nito. Naging mailap din ang tingin nito sa kanya. Dahil doon, parang nilamutak ang kanyang puso. Para kasing dahil sa titig na iyon ni Jeremy ay inamin nito sa kanya na tama ang kanyang hinala.

"Katrina..."

"Kaya ba, madali lang sa'yo na tanggapin ang anak ko dahil sa mana?" mabigat ang loob na tanong niya rito. Hindi niya tuloy namalayan na mabilis na ring umagos ang kanyang mga luha. Ang sakit-sakit palang maramdaman na tama ang kanyang hinala kahit hindi naman umaamin pa si Jeremy.

Marahil ay ayaw lang talaga nitong masaktan pa siya kaya pinili na lang na huwag na ibuka pa ang bibig dahil tiyak nitong masasaktan lang siya.

"Shit!"

Hindi na niya napigilan ang mapaiyak dahil sa pagmumura nito. Pakiramdam niya kasi ay siya ang sinabihan nito ng salitang iyon pero bigla naman siya nitong niyakap. Gusto man niya itong itulak ay hindi niya magawa. Dahil nang mga oras na iyon, talagang kailangang kumalmante ang kanyang pakiramdam.