CHAPTER 29

Exact 3 days na siyang nasa baguio at hindi niya alam kung tinatawagan pa ba siya ni Xion. Nakapatay na kasi ang cellphone niya at hindi na niya pa ulit iyon binubuksan. Sa isip niya ay mas nakabubuti ito para naman makapag-isip isip siya pero sa puso niya naman ay hindi. Kumukontra ito dahil may parte sa kaniya na gustong-gusto niya na ulit makita si Xion.

“Hay buhay,” bulalas niya. Hinugasan niya ang strawberry na nabili niya sa farm na malapit. Maaga kasi siyang lumabas para na rin makapagpaaraw kahit papaano. May araw nga pero malamig naman ang ihip ng hangin.

“You good here?” Muntikan na siyang mapatalon dahil sa nagsalita. Paglingon niya ay si Lloyd iyon at may mga dalang apat na ecobag galing sa isang sikat na supermarket.

“Nandito ka pala… Hindi ka man lang nagsabi na pupunta ka,” ani niya. Nilagay niya sa bowl ang mga linis na strawberry.

“How can I tell you when you turn off your phone,” he chuckled. Umawang ang labi niya at naisara rin agad. Nakalimutan niya saglit na nakapatay nga pala ang cellphone niya at hindi ito makakatawag sa kaniya.

Tiningnan niya ang mga pinamili nitong pagkain at napakarami no’n. Parang pang dalawang linggo ata ito sa kaniya.

“Magkano ‘to lahat? Babayaran ko,” sambit niya dahil hiyang hiya na talaga siya rito. Pinatira na nga siya tapos ito pa mismo ang bumibili ng mga makakain niya.

“No need… Let’s have lunch together so if you want to change your clothes, change now. We’re going to eat outside.” Hindi na siya nagtanong pa at sinunod na lang ito. Isa pa’t gusto niya rin ito kausapin. Gusto niyang makilala ang isang totoong Lloyd.

Na-curious kasi siya sa mga sinasabi ng caretaker. Kahapon kasi ay nakipag-kwentuha muli ang caretaker sa kaniya at nalaman niyang ito ang kauna-unahang bahay na nabili ni Lloyd gamit ang sariling pera. Nagulat pa nga siya dahil alam na alam ng matanda.

“Mukhang rebelde at hindi matino ang unang tingin ko sa batang ‘yan pero napakataba ng puso. Malungkot ang buhay niya dahil mag-isa lang siya. Noong una hindi pa nga ako naniwala na bibilhin niya ang kalapit bahay niya para may matirhan kami ng pamilya ko at ang tanging bayad lang ay tingnan ang bahay niya pag wala siya. Madalas ito umuwi rito pero sa tuwing umuuwi nakikita ko na lang na parang malalim ang iniisip at nag iinom diyaan sa labas mag isa habang nakatanaw sa malayo. Kaya nga laking tuwa ko nang malaman na mag-uuwi siya ng babae. Akala ko’y tapos na ang panahon na mag-isa lang siya sa buhay. Akala ko kasi neng ikaw ang nobya niya.”

Hindi niya makalimutan ang kwentong iyon ng matanda.

Pumanhik siya sa kwarto para magpalit ng maayos na pants at blouse. Pagkatapos ay sinuklay niya lang ang buhok niya at lumabas na rin agad.

“Let’s go,” wika nito nang makita siyang nakaayos na. Tumango siya at sinundan ito palabas. Iba ang gamit na sasakyan nito ngayon.

Noong nakaraan na pagpunta nila rito sa baguio ay sa ibang sasakyan sila sumakay, mukhang kaibigan ni Lloyd ang may-ari at ‘yon din ang nagmaneho. Hindi niya alam kung bakit gano’n ang nangyari pero hindi na lang siya nagtanong.

Sumakay sila sa sasakyan at pinaandar din ‘yon agad. Nakatanaw lang siya sa labas ng kotse habang nasa byahe sila. Hindi pa niya kasi nalilibot ang baguio. Wala siya sa mood gumala sa kung saan-saan at hindi niya rin kabisado ang lugar dito.

Ang tanging ginagawa niya lang sa loob ng bahay ay manood ng tv, magluto, mag-asikaso ng sarili at tumulala sa kawalan. Ganiyan lang ang routine niya simula nang makarating siya rito.

Dumating sila sa isang restaurant na kita mo ang view ng paligid. Tahimik siyang umupo sa kaharap na upuan ni Lloyd. Umorder naman ito at hinayaan niya na lang ang lalaki na mag-order ng pagkain para sa kaniya.

“Are you enjoying here?” tanong nito sa kaniya nang matapos makapag-order. Napaisip naman siya, hindi niya masasabing nag-eenjoy siya dahil ang isipan niya ay paminsan-minsan na lumilipad. She’s acting like a normal person who don’t have a problem. Na parang hindi basag ang puso niya ngayon.

“Hmm… That’s not the right question, isn’t?” ani nito at tumawa ng pagak. “He’s still finding you…” Tumigil ito nang may nag-serve na waiter sa table nila.

“… for sure, he will find you soon. Nothing is impossible with a man who has a lot of connections. Still, I did my best to hide you,” he said and smile. Napabuntong hininga naman siya, bigla siyang napaisip na hanggang kailan pala siya magtatago sa binata. Hanggang kailan niya iiwasan ito. Naging irrational ba siya sa pag alis niya? Nagpadalos-dalos ba siya sa sakit na naramdaman niya? Napapikit siya saglit dahil dumagsa na naman ang mga katanungan sa isip niya..

“You’re always welcome in my house here. Kung habang buhay gusto mo ng tumira rito, why not ‘di ba? Pakasal na tayo, after niyo mag divorce ng lalaking ‘yon.” Inangat niya ang tingin kay Lloyd. He’s laughing but his eyes are not.

“Plano mo bang saktan ako?” deretsong tanong niya na ikinatigil nito sa pagtawa. “May plano kayo ni Alora hindi ba? Sa bibig na mismo ni Alora nanggaling na sa’yo siya may gusto at hindi kay Xion. Plano niyong paghiwalayin kami ng asawa ko?”

Asawa… Tama lang ba na tawagin ko siyang asawa ko?

“What did Alora told you?” seryosong tanong nito sa kaniya.

“Hindi na ‘yon ang importante. Basta alam ko na ngayon na may plano kayong dalawa para sirain kaming dalawa. Kung tungkol sa isang kompanya at mana ang pinag-aawayan niyo bakit hindi na lang kayo mag-usap ni Xion para maghati sa pamana… Magkapatid kayo—”

“Magkapatid lang kami sa ama.”

“Magkapatid pa rin kayo! Mahirap bang magkabati kayo at magkaayos?”

“Mahirap… hindi mo alam kung ano ang pinagdaanan ko. I’m the son who always did wrongs. Lahat na lang ata ng galaw ko ay mali para sa kanila. Siya? ‘yong lalaking ‘yon? He’s always right, puro tama ang ginagawa niya at laging iyon ang napapansin. Lagi akong nakukumpara sa kaniya. Of course, he’s the legitimate son. Kung siya ay nasa loob ng bilog ako ‘yong nasa labas. I’m a fucking nobody in the family, Aj.”

“Bakit hindi mo sila kausapin kung bakit laging gano’n ang tingin nila sa’yo—”

“I hate them from the start, so why would I?” matigas na ani nito. Napabuga siya ng hangin, kita niya ang galit sa mata nito.

“Mataas ang pride mo, iyon ang nakikita ko. Natanong mo ba minsan kung gusto makipag-ayos sa’yo ng kapatid mo? Baka naman kasi hindi kayo magkaayos dahil ayaw mo—”

“Bullsh*t. Ako na naman ang mali? Oo nga pala, kakampiha mo siya dahil siya ang asawa mo ‘di ba?” Binagsak nito ang kamay sa lamesa kaya nakagawa iyon ng malaking ingay. Mabuti na lang ay solo nila ang alfresco ng restaurant.

“Sinasabi ko lang sa’yo na baka kasi mali ka rin. Siguro nga may mali rin si Xion, kung hindi niyo aaminin ang pagkakamali niyo at mas magiging mataas pa ang pride niyo walang mangyayari sa inyo! I’m helping you, Lloyd! Gusto rin kitang tulungan na ma-realize mo na baka rin kasi ikaw ang mali.”

“I’m alone from the beginning of my life, Aj. I want a fucking attention! That man has everything I want. Attention, love, money and a fame. That’s why I want to get that fucking company of our grandfather so I can have my own business too. Gusto ko maging sikat din ako at mas yumaman pa para naman ako na ‘yong ginagapang ng mga tao. Para sila naman ang magmakaawa sa atensyon ko!”

Nakagat niya ang ibabang labi habang nakatulala kay Lloyd. Ramdam niya ang galit at hinanakit nito. Namumula rin ang mata nito dahil sa biglaang pagsabog.

“You know what? Have lunch alone. I lost my appetite.” Kinuha nito ang cellphone na nasa lamesa tiyaka tumayo at iniwan siya roon.

That’s not the talk she wants. Pero dahil iyon na ang nangyari wala na siyang magagawa.

Bakit ba ang kumplikado ng lahat? Bakit ba nangyayari na naman ang mga mabibigat na problema sa akin?