Chapter 8: KABANATA 7

Manhid ang puso at blanko ang isip ko habang nagbibihis. Hindi ako papasok. Babalik ako sa mansyon ni Damian ngayon. Itinawag ko na kay Ezekiel ang balita at agad naman silang kumilos para linisin ang mga kalat sa field. Ipinadala ni Leo sa bahay ng gobernador ang bangkay ng isa pa niyang anak. Sinabi ko na rin kay Leo na si Amber ang dahilan sa rape ng anak ni Mr. Hipolito, siya rin dapat ang pinagbabayad ng gobernador sa pagkamatay ng mga anak niya. Wala na ang dalawang Fontanilla rito. Si Leo ang naghatid kay Ace sa mansyon habang si Sebastian ay dumeretso roon. Alam kong hindi na magdadalawang isip si Damian na patayin ako, pero nakahanda na ako sa mga posibilidad.

Sa paglabas ko sa dorm ay bitbit ko ang isang blankong mukha na sa kabila ng mga namumugto kong mga mata ay mahihinuhang hindi ako ligtas na kausapin sa ngayon. Nangangati pa rin ang mga kamay ko sa pagkalabit ng gatilyo at isang maling galaw ng kahit sino na puputol sa pagnanasang kumitil ng buhay sa mga oras na ito ay makagagawa ako ng karima-rimarim na bagay sa mga taong wala namang kinalaman. Dumadagdag sa galit ko ang mga matang nakatingin sa akin habang naglalakad ako palabas ng dorm building kaya lahat ng mga matang masasalubong ko ay tinatapunan ko ng mapagbantang mga tingin pabalik.

"Oh my God! I heard she's the youngest Fontanilla. She's probably devastated," naulinigan kong saad ng isang babaeng nadaanan ko sa hallway na nagpatigil sa akin sa paglalakad.

Itinikom niya ang bibig niya nang lumingon ako sa kaniya at humakbang ng tatlo palapit. Malamig ko siyang tinignan at saka tinanong,

"Gusto mo ba akong damayan? Pwede naman,"

"N-na--nakikiramay a-ako--"

"Gusto mo bang sumama sa kanya?"

Pinutol ko ang sinasabi niya dahil mas lalo lamang akong nagagalit. Nanggigilid ang luha ko dahil sa bawat salitang maririnig ko na nagpapaalala sa akin kay Ace ay nakikita ko ang imahe niyang wala nang buhay.

"Gusto mo ba siyang ihatid sa kabilang buhay?"

Namutla ang babae sa tinuran ko at animo'y naisip na niyang hindi ko gusto ang pakikiramay niya. Mahigpit siyang napakapit sa hawak niyang libro bago sandaling tumingin sa paligid at napansing lahat ng mga estudyante ay nakatingin sa amin habang pilit inuulinigan ang pinaguusapan namin. Napapikit siya nang maisip na pwede siyang mapahamak.

"P-pasensya na," sabi niya saka dali-daling tumalikod.

Isang malalim na hininga ang hinugot ko nang umalis siya sa harapan ko, at doon ko lang naisip na nagiging isa akong demonyo sa pagbabaling ng nararamdaman at galit ko sa mga taong walang kinalaman. Gusto ko nang pakawalan ang mga luhang nasa gilid na ng mga mata ko, pero naisip kong hindi sa hallway ang tamang lugar. Hindi ko na pinansin ang mga nakatingin, bagkus ay umalis na lang din. Hinihintay na ako ng lahat sa mansyon.

Dapat na ba akong tumakas kay Damian?

***

Mahapdi, malakas, at masakit. Sanay ako sa mga ganiyang sensasyon, pero iba ang pakiramdam ko sa hindi-unang-beses na pagdampi ng palad ni Damian sa pisngi ko. Pakiramdam ko'y pati ang puso ko ay nasaktan, pero hindi ako makainda o makareklamo dahil gusto ko ring tanggapin ang galit niya. HIndi ako kailanman umiyak sa tuwing lalapat ang malaki at mabigat niyang palad sa katawan ko, pero iba sa pagkakataong ito.

"Ikaw ang puno't dulo ng lahat ng kamalasan sa buhay ko. Ano pa bang hindi mo nasisira?" bakas ang galit sa tinig ni Damian pati na rin sa nagliliyab niyang mga matang nakatitig sa akin.

Hindi ako umimik. Walang sino man sa aming dalawa ang umimik at tanging ang mararahas niyang paghinga lamang ang maririnig. Sa loob ng kaniyang opisina, sa palagay ko ay dito ako babawian ng buhay. Ang lahat ng mga tauhan ay nasa labas lamang ng pintuan ng silid na ito, at walang sino man ang pinahihintulutan ni Damian na pumasok.

Isa pang sampal ang natamo ko at tila ba mas lumalakas ang mga sumunod pa. Nagdugong muli ang maliliit kong mga sugat sa mukha at maging ang gilid ng aking labi ay pumutok at nagdugo. Kung isa lamang itong normal na araw ay lalabanan ko siya, pero deserve ko ang bawat sampal. Ito ang kapalit ng kapalpakan ko. Handa akong bayaran ang buhay ni Ace gamit ng buhay ko dahil hindi ko rin kayang tanggapin na kasalanan ko kung bakit siya namatay.

Naiintindihan ko ang galit ni Damian. Isa siyang magulang at walang kasingsakit sa kaniya ang mawalan ng anak. Kasing-sakit noong nawalay ako sa daddy ko, o baka mas masakit pa.

"Hindi na sana kita binuhay!" Hindi ko na napansin ang pagdampot niya sa isang vase at ang tangi ko na lang namalayan ay ang pagbagsak ko sa sahig matapos niyang basagin ang vase sa ulo ko. "Papatayin kita!"

Tuluyan nang bumagsak ang luha ko habang minamasdan ko siya mula sa sahig. Umiiyak siya at tila isang leon na nawawala sa sarili. Malakas ang mga sigaw niya habang umiiyak at sa bawat hiyaw na iyon ay isang sipa na dumadampi sa tiyan at buong katawan ko, at ang pinakahuli, bago umikot ang paningin ko, ay lumandas sa mukha ko.

Wala na akong marinig. Ang malinaw niyang imahe ay dahan-dahang naging malabo, at ang tanging alam ko lang ay iwinawasiwas na niya ang lahat ng mga bagay na naroroon sa silid, mistulang walang pakialam kung may buhay pa ba ako sa sahig. Hindi ko na nagawang humikbi nang muling umagos mula sa mga mata ko ang walang-hangganang luha ko.

Bumukas ang pintuan at nakita kong pumasok si Ezekiel. Wala man akong marinig na maayos ay alam kong intensyunal ang pagbukas niya sa pintuan kahit pa ipinagbilin ni Damian na walang papasok. Mahigpit ang pagkakabilog ng kamao niya habang pasimple akong sinusulyapan sa sahig. Mapait akong panagiti sa isip ko.

Patawad, Kiel. Patawarin mo ako...

Sa puntong iyon, nawalan na ako ng malay, at sa muling pagmulat ng mga mata ko, bumungad ang mukha ng kinikilala kong ama.

"Kiel..." bulong ko na nanghihina.

Nakaupo ako sa isang bakal na silya at abala si Kiel sa pagkakadena sa katawan ko. Alam kong narinig niya ang pagtawag ko, pero hindi niya ako tinapunan manlang ng tingin.

"Sorry..." bulong ko ulit tapos ay nagsilay ng isang mapait na ngiti. Minamasdan ko lang ang maamo niyang mukha habang sinisigurong maayos ang pagkakapulupot ng kadena. "Dad. Thank you for being my Dad."

Inihinto ni Kiel ang ginagawa at galit na tumingin sa akin. Marahas niyang kinapitan ang magkabila kong braso para iharap ako sa kaniya. Kitang-kita ko ang galit niya at ang sakit na nasasalamin ko sa mga mata niya.

"Hindi ka mamamatay. Pilitin mong makalabas ng buhay dito, Sheii. Kailangan mong bumalik sa ama mo," tiim ang bagang niyang sambit. "Hindi ako papayag na masayang ang sampung taon ng pagaalaga ko sa iyo dahil lang sa isang Fontanilla. May naghihintay sa iyo sa labas. Tandaan mo kung sino ka!"

Napapikit ako. "Ace died..." sambit ko saka humikbi. "Kailangan ko iyong pagbayaran, Kiel. Hindi ko kayang mabuhay pagkatapos ng nangyari,"

"Lebrina!" saway niya na pilit binababaan ang boses. Sinapo niya sa pagitan ng mga palad niya ang mukha ko at sandaling lumambot ang ekspresyong tangan niya. "Hindi kita pipiliting maging isang walang-pusong demonyo na kagaya nila. Pero isipin mo ang ama mo at ako. Nandito ako dahil nandito ka. Kung papayag kang mamatay na lang, para mo na ring itinapon ang lahat ng ginawa ko para sa'yo,"

"Kiel..."

"Lebrina,"

Hindi ko alam, pero ang mahinanhong pagbanggit ni Kiel sa pangalan ko ay bahagyang nagpakalma sa akin. Wala na akong sunod na narinig mula sa kaniya matapos iyon maliban sa isang mahinang tapik sa pisngi ko. Muli kong iniangat ang tingin ko sa kaniya at nakita siyang magsilay ng isang makasiguraduhang ngiti bago tumayo at umalis sa silid. Sunod-sunod na pumatak ang luha ko habang nakatingin sa pintuan kung saan siya lumabas. Hindi ko alam. Gusto kong mabuhay para sa kay Kiel, pero kalahati ng puso ko ay tinatanggap pa rin ang kamatayang naghihintay. I stayed in that room for a couple more hours, at iginugol ko ang mga oras na iyon sa pagiisip kung ano nga bang nararapat kong piliin o gawin, pero nangingibabaw pa rin talaga sa akin ang pagtanggap ng kamatayan.

Hindi ko na namalayan ang oras, basta ang alam ko lang ay matapos ang mahabang panahon ng pag-upo ko sa malamig at matigas na upuang bakal ay dumating sa silid si Max.

Ngayon ko na lang ulit nakita si Max, at hindi ko inexpect na ang susunod naming paguusap simula noong huli ay ganito ang tagpo. Sa kanilang magkakapatid ay si Max ang pinakanag demonyo, pero siya rin ang pinakang malambot ang puso pagdating sa pamilya. Mahal na mahal ni Max si Ace, at hindi ko alam kung paano niya lalagasin ang katawan ko.

"Tanggalin niyo ang kadena," malamig na utos ni Maximus.

Bumagsak ako sa sahig nang mawala ang tanging bagay na nagpapanatili sa akin sa pagkakaupo. Kaya siguro ako ikinadena ni Kiel dahil alam niyang maari akong matumba habang walang malay.

Pinilit kong igalaw ang katawan ko para umupo, pero tanging ang pagbaluktot lang nagawa ko. Halos maluha ako sa sakit ng katawan ko at naghaharumintado ang puso ko sa kaba sa mga susunod pang mangyayari.

May lumapit sa aking dalawang tauhan. Tinulungan nila akong umupo paharap kay Max pero sobrang nanghihina ako para matignan siya ng maayos. Iginala ko ang tingin ko habang nakatungo, pero wala si Ezekiel.

"Wala ka bang sasabihin?" galit na tanong ni Max na nagpabaling ng atensyon ko sa kaniya. "You should be saying sorry, at least."

Hindi ako umimik bagkus ay napapikit na lang. Kulang ang paghingi ng tawad para pagbayaran ang buhay ni Ace, kaya hindi ako hihingi ng tawad dahil hindi ko rin naman mapapatawad ang sarili ko.

Bumunot si Max ng baril nang hindi pa rin ako kumibo. Ikinasa niya iyon at itinutok sa ulo ko pero muli ay hindi ako kumibo manlang. Malakas ang kabog ng puso ko, pero alam kong hindi ko iyon matatakasan kahit pa subukan ko. Kaya sa huli, napagdesisyunan kong.... huwag na lang.

"Putang ina!" Mariin akong pumikit nang sumigaw si Max at kalabitin ang gatilyo pero iniiwas niya ang baril sa akin. Nanginginig siya sa galit pero hindi niya ako sinasaktan. "Bakit hindi ka nakikiusap na huwag kitang patayin?! Bakit hindi ka nagmamakaawa?! Lumuhod ka sa harap ko at sabihin mong hindi mo sinasadya ang nangyari sa kapatid ko!"

Kumawala ang mga hikbi sa bibig ko habang pinapakinggan ang mga salitang iyon mula kay Maximus. Hindi ko inaasahang ganito lang ang magiging reaksyon niya ngayong magkaharap kaming dalawa.

Dinampot ako ni Max sa braso mula sa sahig at marahas akong itinulak pasandal sa pader. Itinutok niya sa sintido ko ang baril at galit na tinignan ako sa mga mata. Luhaan niya akong pinilit na humingi ng tawad, at sa bawat pananahimik ko'y tila lalo siyang nawawala sa sarili.

Malayo siya ngayon sa nakilala kong demonyo dahil hindi niya ako magawang saktan. Walang bahid ng kademonyohan sa mga mata niya bagkus ay purong paghihinagpis lamang sa pagkawala ng kapatid niya. Dumoble ang guilt na nararamdaman ko. Tao pa rin pala sila, at mayroon pa ring kahinaan. Nakikita ko ang sarili ko sa kaniya. Ang sakit at pagngungulila ko sa ama ko ay tila walang binatbat sa sakit na tinatamasa ng pamilya nila ngayon. Sa isang iglap, sandaling nabago ang pagtingin ko sa kanila.

Bumukas ang pintuan at dali-daling pumasok si Leo. Nadatnan niya kami ni Max at bagsak ang balikat niyang lumapit sa aming dalawa.

"Beg, Xena," bulong ni Max na bahagyang kumalma. Para siyang nakikiusap sa akin na magmakaawa ako sa kaniya na huwag akong patayin. "Sabihin mong hindi mo sinasadya at hindi mo iyon ginusto. Bubuhayin kita, basta sabihin mo lang na hindi mo iyon ginusto!"

"Xena, please," sabat ni Leo na nakatayo isang metro ang layo mula sa amin, at kagaya ni Max ay hindi ko rin siya mabakasan ng kagustuhang patayin ako. Tanging paghihinagpis lang ang naroroon.

Muli kong binalingan si Max na nakatungo na at umiiyak. Ang kaninang nakatutok niyang baril sa sintido ko ay hawak na lang niya habang nakatuon ang kamay sa pader.

"Iniligtas ka ni Ace, kaya hindi kita pwedeng patayin. Ikaw ang huling bagay na prinotektahan ng kapatid ko kaya ipakita mong hindi nasayang ang buhay niya. Kung hindi mo ibibigay ang hinihingi ko, ako mismo ang papatay sa'yo,"

Para iyong malamig na tubig na ibinuhos sa sistema ko. Tama si Max. Kung mamamatay ako ay para ko na ring sinayang ang ginawa ni Ace para sa akin.

Marahan, at kusang nanlambot ang mga tuhod ko para lumuhod sa harap ni Max. Bahagya siyang umatras at kapwa sila luhaan ni Leo na tumingin sa akin.

"I'm sorry," bulong ko kasunod ang isang hikbi. "Galit ako sa pamilya niyo, pero hindi ko kailanman naisip na saktan si Ace. Kasalanan ko kung bakit siya namatay. Patawarin niyo ako,"

Dinig ko ang malakas na buntong hininga ni Leo nang sambitin ko ang bagay na gusto nilang marinig habang si Max naman ay binitawan ang hawak na baril. Nahulog iyon sa may paanan niya at nakahinga ako ng maluwag nang walang imik siyang tumalikod at maglakad palabas sa silid.

Sandali pang nanatili si Leo pero agad din siyang sumunod sa kapatid sa paglabas, gayun din ang mga tauhan at naiwan akong magisa sa loob ng silid, umiiyak.

Sa paglabas ko sa silid ay tila ba humaba ang sampung metrong pasilyong maghahatid sa akin sa silid ko. Pinilit kong maglakad at tumayo kahit pa kaladkarin ko na ang sarili kong mga paa para lang makausad. Lilinisin ko lang ang sarili ko at pupuntahan ko si Ace. Gusto ko siyang makita. Hindi ko sigurado kung gaano katagal kong binagtas ang pasilyo, basta pagkarating ko sa silid ko ay agad akong nagtungo sa banyo at binuksan ang shower. Naupo ako roon at hinayaan ang tubig na linisin ang mga sugat ko habang patuloy pa rin sa pagtangis. Sinisisi ko ang sarili ko kaysa kay Benedict at Amber.

Hirap man tanggalin ang suot kong damit ay pinilit ko. Ang kaninag malinaw na tubig ay naging pula dahil sa mga dugo mula sa sariwa kong mga sugat. Matapos iyon ay pinilit kong bihisan ang sarili ko. Hindi ko na pinagabalahan pang gamutin ang mga sugat ko, bagkus ay lumabas para puntahan si Ace na nadatnan ko sa sala ng mansyon habang payapang nakahimlay at nasa loob ng isang puting kabaong.

Naroroon ang ama niya at mga kapatid. Tingnan ako ni Leo habang lumalapit sa bangkay ni Ace, pero si Max ay nanatili lamang na nakatungo at walang imik. Ang ama nilang si Damian ay nakatingin naman sa labas ng bintana. Kapwa sila nakasuot ng itim na suit. Sa sampung taon na inilagi ko rito ay ngayon ko lamang sila nakitang buo sa isang sulok. Nakakalungkot lang isipin na nabuo sila sa ganitong paraan.

Ibinaling ko na ang atensyon ko sa napakaamong mukha ni Ace na dinudungaw ko mula sa isang makapal na salaming naghihiwalay sa mundo naming dalawa. Pumatak ang luha ko habang hinahaplos ang salaming iyon.

"Thank you, Ace. I'm sorry," bulong ko.

"Mas makabubuti para sa ating lahat na hindi muna kita makita, Xena," sambit ni Damian na hindi pinapatid ang tingin sa labas ng bintana. "Lisanin mo muna ang paningin ko,"

Hindi na ako nagsalita pa. Isang huling sulyap ang ginawa ko kay Ace bago nilisan ang mansyon ni Damian. Gayun pa man, walang nagbago. Namatay si Ace, pero walang nagbago sa plano. Aalis ako sa impyerno ni Damian, at babalik ako sa ama ko. At kapag nangyari iyon, isasama ko si Kiel.