Chapter 7: KABANATA 6

Gustuhin ko mang magtaka kung bakit ganon na lamang kabilis na ipinasara ng ama ni Ferdinand ang kaso ng pagpatay sa kaniya, hindi ko magawa dahil alam kong ipinasara niya ito para malinis at walang sagabal niyang maipaghiganti ang kamatayan ng kaisa-isa niyang anak. Isang linggo pa lang ang lumilipas, at tila ba sampung siglo na ang nakaraan na walang sino man ang umaasta na may naganap na krimen sa loob ng eskuwelahang ito kamakailan lang. At ang nakakatawa pa, dalawang araw matapos ang assassination kay Ferdinand, nagsimulang bumalik sa normal ang lahat.

Noong una, inakala kong narealize na ni Governor De Guzman na malaking tao ang ama ni Trixie Hipolito kaya niya iyon ginawa, pero napagtanto kong balak niya akong katayin kesa ipakulong.

Ngayong araw, may nagpadala sa akin ng lavender flower. Nakalagay iton sa isang cute na itim na box at mayroon ding mga patak ng dugo. May kasama pang isang maliit na note na may nakasulat na 'pay your debt' gamit ang pulang tinta. Napabuntong hininga na lang ako bago iyon ihinagis sa basurahang nasa gilid ng dresser.

Dapat na ba akong matakot? Hindi na bago ang mga ganitong bagay sa akin dahil sa tinagal-tagal ng pagiging isa kong assassin, wala pa akong itinumba na hindi sumubok na bumawi ng kaanak o kaibigan. Hindi ko na kailangang isipin kung sino man ang taong nagpapadala nito o ang taong haharapin ko sa hinaharap dahil sigurado akong ang bodyguard ni Ferdinand na pinatumba ng pakealamerong si Ace ang tatrabaho sa akin.

Walang gana akong tumayo para magtungo sa banyo para maligo at magbihis. May klase ako ngayong umaga, at alas nuebe na ng gabi nang bumalik ako sa dorm. Nadatnan ko si Leo na tulog na tulog sa kama niya at si Ace na nagbabasa ng libro. Ang panganay ng mga demonyo ay wala pa rin sa silid, at hindi ko alam kung saang lupalok ng mundo iyon naghahasik ng lagim, o di kaya'y kalandian. Magkaroon sana siya ng STD lintik siya!

Pasimple man ang pagsulyap ni Ace sa akin ay pansin ko pa rin gayunpaman, hindi ko na pinagtuunan ng pansin. Habang tinutuyo ko ang buhok ko gamit ang tuwalya ay napasulyap ako sa may balkonahe at bahagya ring tanaw ang ibaba. Sandali akong napatitig sa dilim dahil sigurado akong may nakita akong aninong nagkubli sa anino ng mga puno. "I saw the flower box," panimula ni Ace na nagbaling ng atensyon ko sa kaniya. "May nagbabanta sa buhay mo,"

It wasn't a question, but a statement. Alam niya, at alam kong makikialam na naman siya.

"Wala kang pakialam," turan ko bago muling ibinaling ang atensyon sa labas habang patuloy na tinutuyo ang buhok ko.

"Xena--"

Hindi itinuloy ni Ace ang sasabihin niya nang tumayo ako at ihinagis ang tuwalya sa ibabaw ng kama ko bago siya binalingan ng isang blankong tingin.

"Isa akong assassin, Ace. Parte ito ng trabaho ko, kaya pakiusap lang, huwag ka nang sumawsaw,"

Sandaing tumitig sa akin si Ace bago nagbuntong hininga at umiling. Ibinalik na niya ang atensyon sa binabasa niyang libro, at hindi na muling umimik pa. Isang malalim na buntong hininga rin ang pinakawalan ko, tapos ay binuksan ang drawer na maliit sa may gilid ng kama ko para damputin ang baril ko. Sinulyapan ko ang orasan sa may pader at nakitang malapit nang mag als diyes ng gabi, at malamang sa malamang ay tulog na ang mga estudyante. Agad kong isinuot ang aking jacket at isinuksok sa balakang ko ang aking baril.

Nakasuot na ako ng pajama, at nakakainis na sa ganitong oras pa talaga niya napiling balikan ako. Gusto ko nang magpahinga, putang ina!

"I understand that it's your business, but please, Xena, manatli ka rito at ipagpabukas mo na yan," muling sambit ni Ace bago ko pa man mabuksan ang sliding door na naghihiwalay sa espasyo sa loob at sa balkonahe.

Tumigil ako, pero hindi ako lumingon. "Masasabi mo ba sa ama mong ipagpabukas na ang pagbabagsak ng mga droga o ang paggawa ng horoin? Hindi ito isang office job na pwedeng ipagpabukas, Ace. Kapag hinayaan kong sikatan siya ng araw, ako ang hindi na aabot ng kinabukasan dahil papatayin ako ng ama mo,"

Hindi ko na hinintay pa ang sasabihin ni Ace dahil minabuti ko nang buksan ang sliding door at dungawin ang taas ng balkonahe. Hindi naman mahirap bumaba, pero ang iniiwasan ko lang kasi ay may makapansin sa mga estudyante sa mga dorm room sa ibaba. Mula sa dilim ay lumitaw ang isang pigurang inaasahan ko. Huminto siya at tumingala sa akin bago nagsilay ng isang ngiti at naglakad patungo sa may field, kung saan ko pinatay si Ferdinand.

Walang panahon ang dapat sayangin, kaya agad akong bumaba para sumunod sa kaniya, na kagaya ng inaasahan ay naroroon at nakatayo, nagaabang sa aking pagdating.

"Kumusta?" bati niya nang huminto ako ilang metro mula sa kaniya.

"Mali. Kumusta? Kumusta ang galit ni Gov.?" mapangasar kong tanong kasunod ng isang ngisi. "Magkano ang nakapatong sa ulo ko? Isandaang libo? Dalawa? Lima? Isang milyon?"

Napaismid siya sa tanong ko at mas lalong dumilim ang mga mata niyang paraang matutulis na kukong bumabaon sa akin.

"Kahit limandaang piso lang ang nakapatong sa bungo mo, papatusin ko pa rin. Kahit pa maging piso o libre, basta paptayin kita," tugon niya.

Napangiti ako. "Wow. Uso pala ang loyalty. Hindi ako nainform,"

"Manahimik ka!"

Ang tahimik na gabi ay sinapawan ng isang malakas na sigaw. Kitang kita ko ang galit sa mga mata niya at sa mga kamay niyang namimilog na animo'y handa nang lumapat sa mukha ko ano mang oras. Kung huhusgahan ko kasi ang kilos at pagbabago ng emosyon niya, masasabi kong malapit siya sa pamilya ng gobernador.

"Pinatay mo ang kapatid ko, kaya pagbabayaran mo iyon gamit ang buhay mo," galit niyang saad.

"Ah! So kaya pala," wika ko naman saka napatangu-tango. "Pero, hindi ba't nagiisang anak ng gobernador si Ferdinand? Edi ... anak ka sa labas?"

"Putang ina, sinabi ko manahimik ka!"

Gigil niyang inilabas ang baril niya at itinutok iyon sa akin, pero kagaya niya ay humugot din ako ng baril. Ang hindi ko lang inaasahan ay ang pagsulpot ng nasa sampung katao pa mula sa dilim at pagpalibot sa akin. Hindi ko ito inaasahan, at hindi ko ito napaghandaan. Planado ang pagliligpit sa akin, at sa tingin ko'y mahihirapan ako lalo't isang galaw ko lang ay may babaon na bala sa katawan ko.

Patay...

Naglakad palapit sa akin ang lalaki at wala akong nagawa nang kunin niya mula sa kamay ko ang hawak kong baril. Nakatutok ang nasa sampung mga baril sa akin, kaya kinailangan kong isuko ang armas ko, at kinailangan ko ring hindi lumaban nang sipain niya ako sa hita dahilan para mapaluhod ako sa lupa. Hindi siya tumigil at pinukpok ako sa ulo gamit ang baril na kinuha niya mula sa akin. Natumba ako at mahilo-hilong nagmulat para tignan siya habang nakatayo sa harapan ko.

"Tama ka. Ako nga ang anak sa labas ng Gobernador. Ako nga pala si Benedict at ikinagagalak kong makilala ka, Xena. Ang pinakamatinik na assassin ng mga Fontanilla," hilaw niyang sambit bago ako ginawaran ng sipa na tumama sa mukha ko.

Ramdam ko ang pakasira ng ilong ko, at lasang-lasa ko ang dugo mula sa mga atake niya. Tang ina!

"Ngayong gabi, ipaparanas ko sa iyo ang kamatayang sinapit ng kapatid ko," turan ni Benedict matapos akong iupo sa pamamagitan ng pagkapit ng mahigpit sa buhok ko. "Ngayong gabi, babawian ka ng buhay sa mga kamay ko--"

Hindi na naituloy ni Benedict ang sinasabi niya nang sa isang iglap lang ay bumulagta ang isa niyang tauhan at maulinigan namin ang pagkasa ng barill na direktang tumutok sa ulo niya.

"Subukan mong ilapat ang palad mo sa kanya, pasasabugin ko ang bungo mo,"

Napatingin ako kay Ace na ngayo'y nakatayo sa likuran ni Benedict. Tinapunan niya ako ng isang malamlam na tingin bago muling tumalim ang mga matang ibinalik kay Benedict.

Wala akong magawa kung hindi ang bumuntong hininga na lamang. Gustuhin ko mang magmura sa inis ay naisip kong hindi makakatulong na babagin ko si Ace sa pagkakataong ito. Mamaya na lang siguro.

Walang takot na mababakas kay Benedict nang harapin niya si Ace, at mas lumalala pa ang inis ko nang marinig ko siyang nakakainsultong tumawa.

"At sino ka naman?" Tanong ni Benedict bago ako tinignan at itinuro si Ace. "Alaga mo ba 'tong bubwit na ito?"

Napairap ako sa hangin.

"Huwag mo nang subukang alamin dahil ikamamatay mo ang pamilya niya," ani ko ng walang gana.

"E?" bumusangot ang mukha ni Benedict nang lumingon siyang muli kay Ace at pinasadahan ito ng tingin mula ulo hanggang paa bago tumangu-tango na parang tanga. "Ah! Ikaw yung bunsong lalaki ni Damian!"

"Hindi na mahalaga. Pakawalan mo si Xena, at sinisiguro ko sa iyong hindi ka mamamatay ngayong gabi,"

Sinilip ako ni Ace at kita ko ang lungkot sa mga mata niya nang makita niya ang dumudugo kong ilong, pero imbis na matuwa ay mas lalo lamang akong nainis. Hindi dahil ayaw ko sa kaniya o sa awa niya, pero dahil ang isiping madamay si Ace sa walang ka kuwenta-kuwentang bagay na ito ay nagpapakulo na ng husto sa dugo ko. Alam kong hindi basta-basta ang mga batang Fontanilla, pero natatakot pa rin ako na baka mapahamak siya dahil sa akin.

"Paalisin mo na siya," walang emosyon kong sabi na hindi tumitingin sa sino man kina Ace at Benedict. "Hindi mo gugustuhing hawakan kahit ang anino ng taong iyan."

"Teka, bakit mo ako pinapanguhan?" galit na turan ni Benedict saka ako sinipa sa may balikat na halos magpatumba sa akin. Hindi ganoon kalakas. Para lamang iyong pabirong sipa ng isang kaibigan, pero hindi ko pa rin nagustuhan. "Pwede ba, miss assassin, huwag mo akong pangunahan dahil makaalis man itong bubwit na ito o hindi ay parehas kayong sasalubungin ni San Pedro ngayong gabi."

Gamit-gamit ang baril bilang panuro sa aming dalawa ni Ace. Naglakad si Benedict palapit kay Ace at ikinasa ang baril sa harapan nito na hindi alintana ang baril ni Ace na nakatutok sa kaniya. Sa tingin ko ay wala siyang balak seryosohin ang sinabi ko, kaya sa huling pagkakataon ay inulit ko iyon.

"Paalisin mo na nga," inis kong turan saka siya masamanag tinignan. "Binabalaan kita, kupal. Kung gusto mong mapatay ako at makaalis ng buhay sa lugar na ito, paalisin mo yan. Hindi ako nagbibiro."

"E sino ba naman kasing putang ina ang nagbibiro rito?!" Sigaw ni Benedict saka sana ako lalapitan pero hindi na nakapagpigil si Ace at hinila siya pabalik kasunod ang mabilis na pagbigay ng suntok at sipa. Napairap na lang ako bago tumayo at inagawan ng armas ang isang tauhan ni Benedict.

Kagaya ng inaasahan ay nagpaputok ang mga tao niya, pero walang ano mang ingay na umalingawngaw dahil lahat sila ay naka silencer. Ginamit kong panangga ang katawan ng lalaking inagawan ko ng baril nang itutok sa akin ng mga kasamahan niya ang mga baril nila, at wala pang isang minuto ay naubos namin sila na tanging si Benedict na lamang at ang isang tauhan ang natitira.

"Putang ina kasi, sinabihan na kita!" utas ko bago lumapit kay Benedict at malakas siyang pinukpok ng baril sa ulo bago hinihingal na humto matapos tumumba ang natitira niyang isang tauhan.

"Xena," tawag ni Ace nang makita ang walang malay na si Benedict sa sahig.

Hindi ko siya nilingon, bagkus ay pinanatili ang tingin ko kay Benedict. Humihinga pa siya, pero wala na akong pake. Alam kong papatayin na siya ng ama niya kapag umuwi siya na hindi dala ang ulo ko kaya malamig kong tinignan si Ace bago ibinato sa gilid ko ang baril na may dugo pa ni Benedict.

"Umuwi ka muna kay Kiel. Ako nang bahala rito--"

"Lumayas ka sa harapan ko," turan ko saka tumalikod para sana umalis kung hindi ang niya ako hinawakan sa braso.

"Xena, sorry!"

Nilingon ko siya at nakita ang malamlam niyang mga mata na animo'y boyfriend na nanunuyo, pero imbis na kumalma ay lalo akong nainis. Akala ko'y tapos na ang gabi, pero nalingat ang atensyon ko mula sa inis ko kay Ace nang makita ko si Benedict na tumayo. Nanlaki ang mga mata ko nang iangat niya ang ulo niya para magsilay ng isang malademonyong ngiti. Halos hindi na makita ang kaputian ng kaniyang ngipin dahil sa dugong bumabalot doon, at ang huli niyang sinabi ang bumalot ng takot sa buong pagkatao ko.

"Mata sa mata. Pangil sa pangil. Papatayin kita, Xena!"

Hindi ako nakagalaw nang itutok niya sa akin ang baril at sa pagkalabit niya sa gatilyo ay hindi ko inaasahang may mas ikakatakot pa pala ako. Takot akong mamatay bilang si Xena, pero mas takot akong mamatay o masaktan ang sino man sa dalawang taong natatanging pinapahalagahan ko: si Kiel at ... Ace.

Naikurap ko lang ang mga mata ko nang bumagsak si Ace kasama ako matapos niya akong yakapin para ikubli mula sa bala ng baril ni Benedict. Ang bilis ng pangyayari na hindi ko iyon nasaksihan o natandaan. Parang isang blankong espasyo sa isang maruming papel na hindi ko mahinuha kung saan hahagilapin ang detalyeng dapat sana'y nakapuno sa espasyong iyon.

Anong nangyari?

Ilang beses kong ikinurap ang mga mata ko saka nilingon si Ace na nanghihina man ay pilit itinutuon ang kamay sa lupa para hindi ako tuluyang madaganan. Tinignan niya ako at tumawa na para bang walang nangyayari at saka sinabing,

"Wag mo na siyang tignan. Umalis ka na rito,"

Kumunot ang noo ko saka aligagang sinilip si Benedict pero hinawakan ni Ace ang pisngi ko para tumingin ako sa kaniya. Umiling si Ace at saka ngumiti ng matamis.

"Tawagin mo si kuya. Siya na ang magliligpit sa mga walang buhay na katawan dito," dagdag niya pa.

Nanginginig akong napatingin sa balikat niya at nakita ang sariwang dugong umaagos mula roon.

"A-Ace--"

Umiling lang siya. "Siga na. Iisa na lang iyan. Ako nang bahala sa kaniya,"

Tumayo si Ace kaya tumayo na rin ako. Hindi ganoon kasama ang tama niya, pero hindi ko malaman kung bakit sobrang kinakabahan ako. Nilingon ko si Benedict na tila ba hilo pang sapo-sapo ang ulo niya. Nagulat siya nang makita kaming nakatayo kaya agad niyang kinalabit ang gatilyo, pero wala nang bala ang napulot niyang baril kaya inis niya iyong itinapon sa gilid at saka luminga-linga para humanap ng isa pang baril. Sinamantala iyon ni Ace para itaboy ako palayo.

"Si kuya," sabi niya saka ako sinenyasang umalis na.

Hindi ko alam, pero ayoko talaga, kaya lang ay napilitan akong sundin siya, pero imbis na tumakbo papunta sa dorm building at umakyat ng hagdanan, tinungo ko ang side kung nasaan ang bintana ng dorm room.

"Leo!" Sigaw ko, pero mukhang hindi niya ako naririnig kaya naman kumuha na ako ng bato.

Ibinato ko iyon sa balkonahe, at tumama naman iyon sa bubog na sliding door, pero hindi iyon nabasag kaya muli akong dumampot ng bato, pero bago ko pa man maibato ang pangalawa, dumungaw si Leo na kunot ang noo. Nakita ko ang gulat nang makita niya ako na hindi ko sigurado ang hitsura.

Hindi ko alam kung bakit, pero nang makita niya ako ay hindi na ako nagsalita, bagkus ay tumakbo na paalis para balikan si Ace sa field. Siguro naman ay hindi siya tanga para hindi maramdaman na may mali sa sitwasyon.

Naabutan ko pa si Ace at Benedict na kapwa kamao lang ang gamit na nagpapatayan. Wala akong sinayang na oras at agad na inatake si Benedict bago pa niya magawaran ng isa pang suntok si Ace. Sinipa ko siya sa panga.

"Ace!" Agad akong lumapit sa nanghihinang si Ace nang matumba si Benedict pero masyado akong nawala sa wisyo dahil sa pagaalala kaya hindi ko namalayan ang mabilis na pagtayo ni Benedict.

Humugot siya ng patalim mula sa kung saan, na sa duda ko ay sa may paa niya. Lumandas ang talim noon sa braso ko kaya't nabalik sa kaniya ang atensyon ko. Pinilit kong ilagan ang bawat atake niya, pero hindi ko magawang ituon sa kaniya ang buong atensyon ko dahil kay Ace.

Bakit ang tagal ni Leo?

Sa pagiisip ay muling lumandas ang talim ng patalim ni Benedict sa balat ko at sa puntong iyon ay hindi ko na nagawa pang ilagan nang iitarak niya iyon sa may kaliwang hita ko. Napasigaw ako sa sakit nang muli niya iyong hugutin para muli akong saksakin, pero sa pangalwang pagkakataon ay nakaligtas ako sa kamatayang mula kay Benedict nang pumagitna sa amin si Ace at bumaon ang patalim sa kanang gilid ng kaniyang leeg. Hindi kagaya kanina na parang blankong espasyo ang pangyayari, ito, tandang tanda ko kung paano umagos ang dugo mula sa leeg niya at bibig at kung paano natumba si Benedict sa likuran kasaby ng isang malakas na putok ng baril.

"Ace!" narinig kong sigaw ni Leo, pero hindi ko na siya natignan nang sa mismong harapan ko, bumagsak ang walang buhay na katawan ni Ace. Dilat ang mga matang nakatingin sa akin.

Nanigas ako, at sa unang pagkakataon sa pagiging assassin ko, natakot ako sa bangkay at sa mga matang walang buhay na nakatitig sa akin.

"A-Ace..." bulong ko sa hangin bago ko nahanap ang lakas ng loob para hawakan ang pisngi niya. Nakalapit si Leo sa amin at agad niyang binitawan ang baril na hawak at wala sa sariling tinignan ang kapatid niyang hindi na humihingang nakahandusay sa harapan ko. "Ace!"

Isang mahabang sigaw ng pagtaag sa pangalan niya ang ginawa ko, pero hindi na talaga siya gumagalaw. Gusto ko siyang yakapin, pero nanginginig ang mga kamay ko kapag hahawakan ko ang pisngi niya. Natulala lang si Leo, at kita ko ang pagtulo ng luha mula sa mga mata niya nang hawakan niya ang pisngi ng kapatid.

"Ace---" huminga ng malalim si Leo bago sunod na hinawakan ang kamay ni Ace pero isang hikbi ang kumawala sa bibig niya nang ibalik sa mukha ni Ace ang tingin. "Gago, papatayin ako ni Max kapag hindi ka bumangon, Ace."

"Leo, hindi siya gigising ng ganiyan. Dalhin natin siya sa ospital!" wala rin sa sarili kong sambit kahit alam ko naman nang wala na si Ace ay hindi ko magawang tanggapin na lang iyon.

Ang bilis...

Hindi na sumagot si Leo bagkus ay napapikit na lang at napatungo saka patuloy an humikbi at umiyak. Pinalo ko siya sa braso.

"Tang ina, ospital, Leo! Ospital! Mamamatay si Ace!" pero hindi niya ako tinignan bagkus ay mas hinigpitan ang kapit sa kamay ni Ace. Ibinalik ko ang tingin ko kay Ace at bagsak ang balikat na napaiyak. "Subukan natin, Leo. B-baka pwede pa..."

Muling gumalaw si Benedict, pero alam kong hindi na siya magtatagal dahil sa tama niya sa dibdib. Sa gilid hindi kalayuan sa tayo ko ay nasilayan ko ang isa niyang tauhan at sa kamay nito ay isang baril. Manhid ang dibdib ko nang tumayo ako at lumapit sa bangkay para pulutin ang baril. Iniwanan ko na sina Leo at Ace para lumapit naman sa nag aagaw buhay na anak sa labas ng Gobernador.

Manhid ang puso ko sa sobrang galit at sakit dahil sa nasaksihan kong nangyari kay Ace. Huminto ako sa tabi ni Benedict at tumitig sa mukha niya. Hindi siya makapagsalita, pero nakatitig din siya sa akin.

"Binalaan kita, ..." bulong ko kasunod ng isang hikbi saka pumusisyon sa ibabaw niya. Nasa pagitan siya ng mga hita ko at nakatuon sa dibdib niya ang baril. Isang hikbi pa ang kumawala sa bibig ko bago ko hinawakan ang baba niya at isuksok sa bibig niya ang dulo ng baril habang naka upo ako sa dibdib niya. "Pinakinggan mo na lang sana ako, ..."

Pilit niyang nilalabanan ang pwersa ko, pero dahil sa sobrang galit ay hindi ko na napigilang kalabitin ang gatilyo nang pumiglas siya. Huminto siya at agad na binawian ng buhay pero hindi ako nakuntento at muling kinalabit ang gatilyo. Nabutas ang lalamunan niya at tumagos ang bala sa batok niya, pero muli kong kinalabit ang gatilyo na para bang walang kaluluwang demonyong hindi na tao ang tingin sa kaniya. Ilang beses ko pang kinalabit ang gatilyo na tuluyang naging dahilan ng pagkabasag ng batok niya.

"Xena!"

Hindi ko magawang lingunin si Leo dahil pirming nakatitig ang mga mata ko sa walang buhay na mukha ni Benedict habang patuloy na umaagos ang luha mula sa mga mata ko.

"Xena, stop! Tapos na!" Hinila ako ni Leo patayo pero wala akong balak magpaawat.

Gusto kong basagin ang buong katawan niya dahil hindi ko matanggap na pinatay niya si Ace sa harapan ko, pero hinila ako ni Leo palapit sa kaniya at ikinulong ako sa mga bisig niya.

"Xena," bulong niya kasunod ng isang hikbi. "Tama na."

Nabitawan ko ang hawak kong baril at bagsak ang balikat kong napahagulgol na lamang sa dibdib ni Leo. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko, at doon, naramdaman ko ang isanlibong karayom na tumatarak ng dahan-dahan sa puso ko.

"I'm sorry," bulong ko. "Ace, I'm sorry,"