Chapter 19: KABANATA 18

Sandali akong nalingat sa katotohanan, at napagtanto ko lamang iyon nang lumipas ang ilang araw. Sa mansyon ni Damian ako muling dinala ng mga paa ko dahil sa loob lang dalawang araw, magaganap na ang pinaka-kinatatakutan ko.

"Ayos ka lang?" tanong ni Kiel na nagpalingat sa akin mula sa pagkakatulala sa kawalan.

Hilaw akong napangiti bago tumango. "Oo," sagot ko.

Tinignan ako ni Kiel ng ilang sandali bago naupo sa harapan ko, bitbit ang isang tasa ng kape. Ipinatong niya ang tasa sa mesa at sumandal sa likod kasabay ng paghalukipkip niya. "Hindi ka mukhang okay sa paningin ko, Sheii," puna niya.

Napaiwas ako ng tingin bago marahang dinala sa labi ko ang tasa ng kape at humigop roon. Maligamgm na. Matagal na yata akong nakatulala rito.

Isang malalim na hininga ang pinakawalan ko bago lakas-loob na iniutas, "Kiel, natatakot ako,"

Sandaling katahimikan ang isinagot niya bago ang pagpapakawala niya ng isang malalim at mahabang buntong hininga. "That's so not like you. Anong problema?"

"Si Dad..." tanging naibulalas ko bago nanubig ang mga mata kong pilit kong pinigil. "I'm going to see him after 10 long years, pero hindi ko magawang matuwa. Kailangan kong sadyaing pumalpak--"

"Sinong nagsabing kailangan mong pumalpak?" putol niya sa sinasabi ko na naka kunot ang noo at nakatitig sa akin.

Kumunot din ang noo ko sa tinuran niya.

"So, papatayin ko si Dad? Ganon?" sarkastiko kong tanong.

Gumuhit ang isang ismid sa mukha niya na siyang nagpatuwid sa ekspresyon ko. Mali ako ng pagbasa...

"Sa gabing iyon, aalis ka. Tatakas ka kagaya ng matagal mo nang plano. Hindi kailangang pumalpak dahil walang misyon. Bakit pakiramdam ko'y nawawalan ka ng paningin sa daang tinabasan ko para sa'yo, Sheii? Nasaan ba ang mga mata mo?" bakas ang galit sa pananalita niya. At sa sumunod na lumabas sa bibig niya ay nanuyo ang lalamunan ko. "Tapatin mo nga ako, Sheii. Anong problema?"

Nag-iwas ako ng tingin. Hindi ko alam ang tamang sagot, o kung tama bang sumagot ako.

"W-wala," nauutal kong sambit. "E-ewan ko." binawi ko rin agad.

Napapikit ako at napakagat sa labi ko. Nagbabadya nang pumatak ang mga luha ko at hindi ko na alam kung mapipigilan ko pa nga ba. Malaking parte sa akin ang nagsasabing huwag aminin kay Kiel ang kagagahan ko, pero bilang ama-amahan ko, hindi ko kayang maglihim sa kanya. Sinubukan kong sarilihin, pero kusang lumabas sa bibig ko ang katotohanan.

"Leo discovered my secret," sambit ko na ako mismo ay nagulat. Sandaling bumara sa lalamunan ko ang natitirang mga salita, pero hindi naman nagtagal ay nagawa kong sabihin. "But... he's keeping it."

Kumunot ang noo niya sa tinuran ko at animo'y nasugatan ako sa talim ng tinging ipinukol niya sa akin.

"Ano?" naka-arko ang isang kilay niyang tanong. "Nalaman ni Leo?"

Halos lumabas na sa dibdib ko ang puso ko dahil sa takot sa kalmado ngunit malamig niyang pagtugon. Higit sa paghihirap ko ang kagustuhan ni Kiel na mailabas ako sa lugar na ito, at sa aming dalawa, mas mataas ang morale niya pagdating sa pagtatraydor kay Damian. Siya lang ang tanging dagilan kung bakit ako nagpapatuloy kahit noon pa man ay sukong-suko na ako.

Nanggilid ang mga luha ko nang bitawan ko ang tasa at abutin ang kamay niya. "Kiel, sorry. Hindi ko alam na sinundan niya ako. Sorry, hindi ako nag-ingat. Pero, Kiel... nangako sa akin si Leo na wala siyang pagsasabihan---"

Tinabig ni Kiel ang kamay ko at marahas na tumayo, sapu-sapo ang kaniyang noo.

"Anong nagyari?" tanong niya matapos niyang ibaling sa akin muli ang mga mata niya. "Hindi si Leo ang tipo na madadala mo sa pagbabanta. Sheii, alam mo ba ang ibig-sabihin ng mga tinuran mo, ha?"

"Kiel, hindi ko siya binantaan. Akala ko papatayin niya ako, pero hindi. Kiel, safe ang sikreto ko-"

"Safe? Kay Leo?"

Natigilan ako at nagdadalawang isip na sumagot, "O-oo,"

Tumawa si Kiel ng pagak.

"May relasyon na ba kayo?" diretsahan niyang tanong.

Umiwas ako ng tingin. "Wala."

Nagawa kong hindi mautal sa pagbigkas sa iisang salitang sagot na iyon, pero nagulat ako nang hawakan ako ni Kiel sa magkabilang braso at marahas na pihitin paharap sa kaniya. Kitang-kita ko ang galit sa mga mata niyang hindi ko alam kung paano ko nagawang salubungin. Gusto kong umiwas ng tingin pero hindi ko magawang bumitaw sa mga mata niya.

"Lebrina," mahina niyang tawag habang mas humihigpit ang kapit sa mga braso ko. Tiim ang mga bagang niya at animo'y takot na takot dahil sa nanggigilid na luha sa mga mata niya. "Hindi kayo pwede; alam mo 'yan. Isa siyang Fontanilla at anak ka ni Artemis."

Pumatak ang mga luha ko. "Alam ko..." naibulalas ko.

Napapikit si Kiel at napatungo kasabay ng pagpapakawala ng isang buntong hininga. Dahan-dahang lumuwag ang kapit niya sa akin at kalauna'y nalaglag ang mga kamay niya sa kaniyang gilid. "Kung ganon... ilalabas na kita ng walang aberya. Kung mamatay man ako, pilitin mong umalis at bumalik sa ama mo ng hindi lumilingon--"

"Kiel, ano ba! Hindi ko kayang hayaan kang mamatay--"

"Sheii, makinig ka!" Muli niyang ini-angat sa akin ang tingin. "Sa oras na mawalan ka ng kontrol sa nararamdaman mo, para mo na ring ibinasura ang lahat ng pinagdaanan natin. Ipangako mo sa akin na lalabas ka sa gabing 'yan, at wala kang lilingunin na kahit na sino."

Wala sa sarili akong napatango, pero kasunod noon ay isang hikbi. I don't know what I did good to deserve Kiel, but I am thankful dahil meron akong siya.

Hinila ako nito para sa isang yakap at bahagyang hinimas ang buhok ko. "This time, ilalabas na talaga kita. Pangako 'yan."***

Everything's ready, maliban sa akin.

Bumalik ako sa Oxemburge ay hapon na, at doon, minabuti kong imuni-muni ang mga kaganapang plinano ni Kiel para sa pagtakas ko.

Wala akong ideya kung gaano na katagal na nakayakap sa akin ang malamig na tubig na umaagos mula sa shower, basta ang alam ko lang ay hindi maayos ang lagay ng isip at puso ko ngayon. Noon, sa tuwing iniisip kong makakalayo na ako sa mga Fontanilla ay tila kinikiliti ang puso ko, pero ngayon, ang isiping hindi na babalandra sa harapan ko ang pagmumukha ni Leo ay parang pinipiga ang dibdib ko.

Posible ba? Mahal ko na ba siya?

Napapikit ako at napatingala. Kinain ko ang mga salitang binitawan ko, na hindi ako kailanman magmamahal ng isang Fontanilla. Tama ba ang pagkaka-kilala ko sa sarili ko? Hindi ko kailanman naisip na bukod kay Ace, mabubuksan ko pa ang puso ko sa isa pang Fontanilla.

Isang malalim na hininga ang pinakawalan ko bago nagmulat at pinatay ang shower. Hinila ko ang isang tuwalyang nakasabit at saka lumabas ng shower room. Naglakad ako patungo sa salamin at doon pinunasan ang sarili ko. Napahinto ako nang makita ko ang sarili ko sa salamin.

Palibhasa'y wala akong saplot, maayos kong nakikita ang mga peklat at pasa ko sa katawan. Sarado na ang mga sugat na tinamo ko sa baril ni Carlos, pero hindi pa ganoon ka-naghilom. Naririto pa rin ang mga paso ng sigarilyo at tahing natamo ko sa iba ko pang mga misyon. Ang karamihan nama'y hindi na halata dahil kakulay na ito ng balat ko, pero ang iba't kapansin-pansin pa rin. Mabuti na lang talaga at maganda ako.

Ilang minuto rin akong nagtagal doon, tinutuyo ang buhok at sarili ko bago nagbihis sa isang shorts at tshirt at lumabas. Saktong paglabas ko ng bathroom ay pumasok naman si Leo ng dorm. Nagkatinginan kami, pero tila wala akong lakas na manatiling nakatingin sa kaniya, kaya walang gana akong naglakad palapit sa kama ko.

Kaya lang...

"Where have you been, babe?" tanong ni Leo matapos yumakap sa akin mula sa likuran. Ipinatong niya ang baba niya sa aking balikat at inamoy ang leeg kong halos magpalundag sa akin.

Hindi naman ako kumibo, bagkus ay sumagot na lang. "Sa mansyon. Binisita ko si Kiel,"

"Ganun ba," sambit niya lang bago ako marahang hinalikan sa pisngi. "Inasikaso ko ang transakyon kanina sa Rizal. Hindi ko kasi alam kung saang lupalop na naman naroroon si Max."

Tumango lag ako at isinandal ang sarili ko sa dibdib niya. Nakakawala ng angas na aminin, pero gusto kong manatiling yakap ni Leo. Naramdaman kong natigilan siya na hindi ko siya itinataboy para magpakipot o kung ano mang tawag don, kaya napatawa ako.

"What? You don't like me acting clingy?" pabiro kong tanong.

Tumawa naman si Leo at mas hinigpitan ang yakap. "No. It just felt surreal. Are you sure you're not drugged or anything?"

"Sira," sambit ko lang saka tumawa at humarap sa kaniya. "Hindi ka ba kinakabahan? Weapons are hidden at random spots in this room--"

He shut me off by giving me a peck on the lips. "I'm too enchanted to be scared, Sheii."

Natahimik ako nang marinig ko ang pangalan ko mula sa bibig niya. Napatitig ako sa mukha niyang bakas ang saya habang nakatingin din sa akin. The way he uttered my name made me feel uneasy, yet overjoyed. Sobrang affectionate ng pagka-banggit niya na hindi ko na naisip ang sunod kong nagawa.

I reached for his lips, at mukhang hindi niya inaasahan iyon kaya natigilan siya ulit. Lumapat muli sa sahig ang mga paa ko matapos ang isang segundong halik na iyon, at doon ay sumilay sa mga labi ko ang isang ngiti.

"Thank you, Leo. You didn't know how much I dreamed to be called by my name like that," mahina kong bulong habang nanggigilid ang mga luha.

Lumamlam ang mga mata niya at marahang hinaplos ang pisngi ko na para bang humihingi siya ng tawad dahil sa pagkakaroon ko ng ibang pangalan, at sa puntong ito, tuluyan nang nawaglit sa isip ko ang lahat ng hinanakit at galit ko sa pangalan niya.

Pinagdikit niya ang noo naming dalawa saka marahang pumikit. "I'm sorry, babe. Sorry that I am a Fontanilla--"

"Stop. Huwag mong banggitin. You're Legolas..." putol ko saka rin hinaplos ang pisngi niya nang tuluyang pumatak ang mga luha ko. "You're Leo. I want to remember just that."

Marahan ko siyang hinila palapit para halikan siyang muli sa labi, at kasabay noon ay ang pagkawala ng isang hikbi.

Ang ikling panahon, pero wala akong magagawa dahil ganito lang talaga ang haba ng oras na inilaan para sa bagay na ito. Kasingbilis kung paanong napamahal ako kay Leo ay ang pagtatapos ng lahat. Kumapit ako kahapon, at bukas kailangan ko ring bumitaw.

Hinapit ako ni Leo sa baywang para tugunan ang halik ng marahan at punong-puno ng sinseridad. Pumatak muli ang luha ko. Parang ayaw ko pang magmulat. Gusto ko na lang damahin ang mainit niyang mga labing nakalapat sa akin.

Kasabay ng banayad na paggalaw ng mga labi niya at ay ang isa-isang pagdausdos ng mga bagay na kailangan kong harapin pagkatapos ng tagpong ito. Ang ama ko; ang buhay ko. Habang nagtatama ang maiinit naming mga hininga, tumatakbo sa isip ko ang mga masasalimuot kong ala-ala sa impyernong ito. At kasabay ng nakapapanindig-balahibo niyang mga haplos ay ang pag-agos ng mga luha kong isinisigaw ang salitang, 'paalam' bago ko pa man mabigkas ang mga salitang... mahal kita.

Marahan akong bumitaw at tumitig sa mga mata niya. Umiiyak din siya kagaya ko. Ang pinagkaiba lang ay dahil masaya siya, habang ako ay hindi.

"I love you, Sheii. Pangako, aayusin ko ang gusot ni Dad, at ihihinto ko ang lahat ng paghihirap mo. Trust me, matatapos din ang lahat ng sakit,"

Gusto kong umasa, pero ayaw ko rin. Ayaw ko ng manatili pa sa puder ni Damian ng kahit isa pang araw. Hindi ako pwedeng mamili dahil wala pa man ang pamimilian ay nakapili na rin naman ako. Wala nang panahon para mag-isip.

Isang mapaklang ngiti lang ang naitugon ko kay Leo. Ipinulupot ko ang mga kamay ko sa baywang niya at isinubsob ang mukha ko sa dibdib niya. Dadamahin ko na lang, hanggat nandirito pa. Saka na ako mamamaalam kapag oras na.