Chapter 14: KABANATA 13
"You need not worry about me here, Sheii. Simula ngayon, wala kang ibang iintindihin kundi ang plano mong tumakas kay Damian. Ano man ang mangyari, kahit pa ikamatay ko, kailangan mong tumingin ng deretso sa dinaraanan mo. Tinangka kang ipapatay ni Damian, kaya kailangan na kitang ilabas dito sa lalong madaling panahon,"
Iyan ang tanging sinabi sa akin ni Kiel nang bisitahin ko siya sa mansion. Agad niya akong pinaalis noong gabing iyon para iiwas kay Damian. Ginagawan niya ng paraan na hindi kami magharap, at kataka-takang hindi sinusubukan ni Damian akong makita. Wala nang ibang sinabi si Kiel tungkol sa bagay na iyon maliban sa habiling ito. At magdadalawang linggo na mula noong huli ko siyang makausap.
Napahinto ako sa paglalakad sa hallway ng main building dahil sa pagbangga ko sa isang lalaking kasalubong ko. Nabitawan ko ang hawak kong aklat sa calculus na siya namang dinampot ng lalaki bago ko pa man magawang tumungo para pulutin iyon. Ngumiti siya sa akin sabay abot ng aklat.
"Pasensya na, miss. Hindi kasi ako nakatingin sa dinadaanan ko," paghingi niya ng dispensa.
Mayroon siyang mahabang kulot na buhok na umaabot sa may leeg niya na siya ring bumagay sa hitsura niyang mukhang western. Makapal ang kilay niya at mahahaba ang mga pilik. Manipis ang labi at halos kasingtangkad ni Leo. May nakasuksok na earphone sa kaliwang tainga niya at ang isa ay nakalaylay lang.
Tinanggap ko ang inaabot niyang aklat ko ng hindi umiimik. Naglakad ako palagpas sa kaniya dahil parehas lang naman kaming hindi nakatingin sa dinadaanan. Hindi kasi mawaglit sa isip ko si Kiel. Hindi ako sanay na hindi ko siya nakikita ng madalas, at hindi ko maiwasang isipin kung ano nga bang mga naganap sa mansyon habang wala ko. Masama ang kutob ko...
"Ah, miss?"
Napatigil ako nang maramdaman ang pagkapit ng lalaki sa braso ko para pigilan akong umalis. Sa kamay niya bumaon ang tingin ko, imbis na sa kaniya, nang lumingon ako, kaya agad niyang binawi ang kamay at nahihiyang inilahad sa akin. "Conor," sabi niya.
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. Sandali rin iyon nagtagal, pero kagaya kanina ay tumalikod ako ng hindi nagsasalita. Wala kasi akong panahon na makipagkilala, at isa pa, wala akong pakialam kung sino siya.
"Ah, miss? Ikaw si Xena, tama?"
Napahinto ako ulit at napalingon sa kaniya ng nakakunot ang noo. "Kilala mo ako?"
Kinagat niya ang ibabang labi na para bang nagaalangan kung tatango o iiling, pero sa huli ay sumagot siya, "Well, sa tingin ko halos lahat ng estudyante rito kilala ka,"
Lumingon siya sa paligid at doon ko lang napagtanto na may mga estudyanteng sumusulyap sa gawi namin na para bang kilala nila ako. Hindi ko alam kung paano, pero, baka dahil sa Fontanilla ang gamit kong pangalan. Kilala ang mga Fontanilla sa Oxemburge dahil isa sila sa mga pinakamakapangyarihan sa underground society.
"Ano pa nga bang aasahan ko," bulong ko bago umirap at muling tumingin kay Conor. "Anong kailangan mo?" deretsa kong tanong.
Kumamot siya sa may batok at ngumiti ng parang tanga. Kita ko na sa hitsura pa lang na babaero siya kaya sa oras na sabihin niyang gusto niya ako ihatid sa klase ko, tatalikod na lang ako.
"Pwede ba kitang ihatid sa klase mo? Gusto ko sanang makipagkilala-- Teka! Sandali lang, Xena!"
Tinalikuran ko na siya. Obvious naman sigurong ayaw ko? Pero, mukhang mahina ang ulo ng isang ito dahil humabol talaga siya at sumabay sa akin sa paglalakad. Pilit niya akong kinakausap pero nilalakihan ko ang mga hakbang ko na siya rin niyang tinatapatan.
"Xena, ang totoo kasi matagal na kitang gustong lapitan kaya lang nahihirapan akong matyempuhan kang magisa--"
"Get lost. Hindi ako interesado," malamig kong utas bago mas nilakihan pa ang hakbang ko. Pero tinapatan niya pa rin.
"Wala ka pa naman sigurong boyfriend--"
"Kapag hindi mo itinikom ang bibig mo, papatayin kita," sabi ko nang huminto ako sa paglalakad at humarap sa kaniya.
Natigilan si Conor sa sinabi ko at nawala ang ngiti sa mga labi niya. Nabigla yata siya sa sinabi ko, pero nabuburyo kasi talaga ako. Ayoko ng makulit dahil naalala ko sa kaniya si Ace. At bukod doon ay hindi talaga ako interesado.
"C-Chill. Gusto k-ko lang makipagkaibigan," nauutal niyang sambit na sa tingin ko'y dahil sa pagkabigla sa inasta ko. Hindi naman siya mukhang duwag, In fact, mukha nga siyang badboy na napapanood mo sa pelikula, pero siya yung gentle type ng mga babaero. Mabuti naman, dahil mukhang nagegets niya ang ibig kong sabihhin.
"Hindi ako interesado kaya pumunta ka na sa klase mo," sabi ko lang bago tumalikod at naglakad na palayo. Mabuti naman at hindi na siya sumunod.
Nakakailang hakbang pa lang ako ay napatigil akong muli. Hindi dahil kay Conor kundi dahil sa isa pang asungot na nakasalubong ko sa hallway.
"Gusto kita, Xena,"
Bigla ay narinig ko na naman ang boses niya nang umamin siya sa akin, at hindi ko maiwasan ang kilabutan. Ang totoo niyan, iniiwasan ko si Leo dahil nagugulo ang tuktok ko sa tuwing naiisip ko ang nakaririmarim niyang confession. Hindi ko alam, pero nad-distract talaga ako.
Nakatayo si Leo, apat na metro mula sa akin at kagaya ko ay nakatingin din siya sa akin. Hindi ko alam kung maglalakad na ba ako ulit o hihintayin siyang maunang lumakad, pero hindi na nakahintay ang mga paa ko at kusa nang humakbang para maglakad palagpas sa kaniya. Kaya lang... Pinigilan niya ako bago pa man ako makahakbang ng pangatlo palagpas sa kaniya.
Nagharumintado ang puso ko na hindi ako mawari kung bakit nang madama ang pagpulupot ng mga daliri niya sa braso ko. Hindi ako makalingon at hindi ako makareklamo. Tila nanigas ang katawan ko, na sa tingin ko nama'y hindi dahil sa gulat.
"Iniiwasan mo ako," utas niya.
Doon ko lang nahanap ang lakas ko para gumalaw. Tinanggal ko ang pagkakakapit niya sa braso ko saka lumingon paharap sa kaniya.
"Hindi ikaw ang iniiwasan ko. Ang patayin ka ng wala sa plano, 'yun ang iniiwasan ko."
"Talaga?" napaismid niyang tanong bago ako tinignan sa mata. "Hindi ba dahil natatakot ka sa akin?"
Napatawa ako ng hilaw sa tinuran niya. "Ako? Matatakot sa iyo?"
"Oo. Natatakot kang magbago ulit ang prinsipyo mo--"
"Asa!" singal ko. "Kahit anong mangyari, hindi 'yun mababali."
"Babaliin mo iyon. Pangako, babaliin mo rin iyon,"
Napatulala ako kay Leo. Para bang sigurado siya sa sinabi niya at iyon ang nagpatayo ng balahibo ko batok. Alam kong hindi 'yun mangyayari. Confident ako. Pero, may kung ano sa pagkasigurado niya.
"Kung babangon si Ace sa hukay, baka..."
"Ako," sabi niya na nasundan ng mahabang katahimikan. "Sisiguruhin kong ako ang magiging dahilan, Xena."
Ibang-iba na si Leo sa nakilala ko. Ang hirap paniwalaan dahil kailan lang ay para pa siyang isang asong ulol na nakakakita ng pusa kapag nagkikita kami, pero ngayon, para siyang isang maamong tupa na naghahabol sa kaniyang pastol. Ano bang iniisip niya? Totoo ba talagang may gusto siya sa akin?
Tumunog ang bell na siya kong ipinagpasalamat. Umiwas ako ng tingin bago walang imik na tumalikod. Hindi ko alam, pero bago pa man bumitaw ang mga mata ko sa kaniya, nakita ko ang sinseridad sa mga iyon, at doon, natakot ako.
Hindi ako kasingsama ng ama niya o ng pamilya niya. Kung maging totoo ang sinasabi ni Leo na nararamdaman niya para sa akin, hindi ko sigurado kung kaya ko siyang gamitin para sa sarili kong kapakanan. Mas makakabuti siguro kung mananatili si Leo bilang isang demonyo kagaya ng pagkakakilala ko sa kaniya, dahil kung magiging isa pa siyang Ace sa buhay ko, baka pumalpak ako sa plano ko. Hindi pwede...
***Lumilipad na naman ang utak ko. Kanina pa dakdak ng dakdak ang prof sa unahan, pero karamihan sa mga estudyante ay hindi nakikinig at lantaran pang gumagawa ng kalokohan ang iba habang ako nama'y nakatitig lang sa kamay kong may hawak na ballpen at pinipindot-pindot ang dulo na parang timang.
Malakas akong napabuntong hininga bago binitawan ang ballpen at napatingala. Ang bagal lumipas ng oras at ang daming laman ng utak ko. Hindi ko alam kung paano ba tatanggalin ang lahat ng iniisip ko kaya naman pakiramdam ko'y pagod na pagod ako. Gusto kong mag kick box, pero nasa mansiyon ang mga gamit ko. Tinatamad akong lumabas ng Oxemburge para uminom dahil baka mas lalo lang akong mabuwisit kapag may nakita akong kakilala mula sa mga nakatransaksyon namin sa droga at armas.
Lumipas ang maghapon na sobrang bagal. Hindi ako sanay na walang trabaho. Ang alam ko'y si Kiel ang nagtake over sa mga plantasyon at transaksyong iniatas sa akin ni Damian, pero bukod doon ay wala na akong narinig pang detalye. Sa madaling sabi, si Kiel ang nagaasikaso ng dapat sana'y trabaho ko.
Pagpasok ko sa dorm ay katulad iyon ng parati— walang laman. Minsan tuloy pakiramdam ko'y ako lang magisa ang nagmamay-ari ng dorm room na ito dahil isang beses sa isang linggo lang kung magpakita si Max, madalas nga ay hindi talaga. Si Leo naman ay hindi nagtitigil dito ng higit isang oras. Sa gabi kapag nakapatay na ang ilaw at natutulog na ako, naalimpungatan ko siyang dumating, pero bago sumapit ang umaga ay wala na siya. Hindi naman sa interesado ako sa mga pinaggagagawa nilang magkapatid, pero dahil nga sa ilang linggo na akong walang ginagawa, hindi ako mapakali. Gusto kong lumabas pero pakiramdam ko'y may nagmamasid.
Naglakad ako palapit sa kama ko at ibinato sa ibabaw ang bag ko. Tumulala lang ako sandali sa labas ng bintana. Tahimik ang gabi at nakakabugnot. Ngayong naranasan ko na ang magaral, narealize ko kung gaano nga ba ito nakakapagod at nakakaburyo. Kahit na ako ang at ang iilang mga scholar ng Oxemburge ang namataan kong gumagawa ng assignments sa library, inaamin kong nakakalibang rin ang magbasa. Gayunpaman, hindi madaling magadjust mula sa pagiging isang assassin at estudyante. Ayaw ko sa trabahong iniatas sa akin ni Damian, kaya mas mabuti na rin siguro ito.
Sinulyapan ko ang orasang nakasabit sa ding-ding. Alas nuebe na ng gabi.
Hinila ko paalis sa buhok ko ang panali at ginulo ang pagkakatirintas ng buhok ko. Naglakad ako palapit sa pintuan ng para ilock iyon. Pinatay ko na ang ilaw pagkakuha ng tuwalya bago pumasok sa bathroom. Maliligo ako bago matulog.
Sandali akong nakatakas sa mga iniisip ko dahil sa pagyakap ng malamig na tubig sa buong sistema ko. Tuloy-tuloy ang pag-agos ng tubig mula sa shower at ang lagaslas lang nito ang tanging ingay na naririnig ko hanggang sa maulinigan ko ang marahang langitngit ng sliding glass door. Sandali kong pinatay ang shower para makiramdam. Huminto ang lagaslas ng tubig at luminaw ang nakangingilong tunog.
May tao...
Muli kong binuksan ang shower para hindi isipin ng kung sino mang iyon na may ideya ako sa presensya niya. Marahan akong kumilos para hablutin ang tuwalya at ibalot ang sarili ko. Masyado akong nalibang sa buhay estudyante ko na nakalimutan kong gusto nga pala akong patayin ni Damian. Napabuntong hininga ako. Wala ang baril ko sa tabi ko kaya kailangan ko siyang gulatin para magkaroon ng oras para kunin iyon sa ilalim ng unan ko.
Marahan akong umabante sa may pintuan ng bathroom at pinakinggan ang mabibigat niyang yabag. Nasa loob na siya. Sa bilang na tatlo, mabilis kong binuksan ang pintuan ng bathroom at sinipa ang anino ng kung sinong malaki ang katawan na naaninag ko. Bahagya siyang napaatras dahil doon kaya sinamantala ako ang pagkagulat niya para magpakawala pa ng suntok pero nailagan na niya. Madilim, mahirap gumalaw at hindi ko matantya ang bawat atake ko, pero tila kabisado niya ang bawat galaw ko. Kaya niyang makipag-buno sa dilim, bagay na kumumpirma sa hinala kong isa rin siyang assassin.
Nasalo niya ang kamao ko nang muli akong umatake pero hindi ko siya binigyan ng pagkakataong makapagbato ng suntok o sipa. Napaatras ako ng marahas kong bawiin ang kamo ko sa pagkakakapit niya, at sakto namang napalapit ako sa kama ko kung nasaan nakatago ang baril. Isang sipa patalikod ang ibinigay ko bago inabot ang ilalim ng unan, at sakto sa pagkakataon na mahawakan ko ang baril, nahawakan niya ang laylayan ng tuwalyang suot ko.
Sa pagkasa ko sa baril, pagharap, at pagtutuok ko noon sa kaniya, bumukas ang ilaw at sabay na tumambad ang hubad kong katawan at pagmumukha ni Leo na noo'y nakatayo na malapit sa switch.