Chapter 13: KABANATA 12
Tahimik kagaya ng palagi ang dorm nang pumasok ako. Lumapit ako sa kama ko para ipatong ang dala kong plastic bag. Sa ilang araw kong itinagal sa lugar na iyon, isa sa mga bagay na kailangang-kailangan ko ay ang maligo kaya nagtungo ako agad sa bathroom. Sa paghubad ko ng damit ko ay doon ko lang napagtanto kung gaano karami ang mga sugat ko. Hindi lang isa ang paso ng sigarilyo sa magkabilang braso ko at kasama noon ay ilang daplis ng bala. Sa hita ay isa lang ang sugat na nagmula sa baril ni Carlos, pero ang karamiha'y gasgas at malalaking galos.
Pinagmasdan ko ang repleksyon ko sa salamin. Halos lumuwa na ang mga mata kong nangingitim na at kapansin-pansin rin ang ipinayat ng mukha ko. Mariin kong tinitigan ang sarili ko. Hindi ito ang unang beses na nanganib ang buhay ko o may nagtangakang magpapatay sa akin. Sa loob ng sampung taon, naranasan ko na ang lahat ng masasalimuot na bagay na pwede kong maranasan. Pero... ngayon ko lang naranasan ang ganito. Pakiramdam ko tuloy ay isa lamang akong mahinang babae.
Pinahid ko ang luhang tumakas mula sa mga mata ko saka tumalikod at pumasok sa shower room. Binuksan ko iyon at hinayaan ang malamig na tubig na yumakap sa kumikirot kong katawan at mga sugat. Hindi na sapat ang salitang galit para ilarawan ang pagkamuhi ko kay Damian.
Dumugong muli ang ilang mga sariwang sugat, dahilan para maging kulay pula ang umaagos na tubig sa sahig patungo sa drainage. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nanatili sa banyo pero nang lumabas ako'y nadatnan ko si Maximus na kapapasok lang sa dorm. Napahinto kami pareho at nagkatinginan. Malamig ang tinging ipinukol ko sa kaniya habang siya nama'y blankong sinuri ang buong katawan ko.
"Buhay ka pa pala," sabi niya pagkatapos akong suriin sabay lakad palapit sa kama niyang katapat ng sa akin na nakasuksok sa bulsa ang mga kamay.
Minasdan ko si Max hanggang sa tumigil siya sa tapat ng kama niya. Isa-isa niyang kinalas ang butones ng kaniyang suot na damit at parang wala ako rito na hinubad iyon at inihagis sa isang basket ng marurumi niyang mga damit sa gilid.
"Maganda ba ang tanawin?" tanong niya bago lumingon sa akin at ngumisi. "Kung interesado ka sabihin mo lang. Magaling ako."
Napairap ako sa sinabi niya kaya minabuti ko nang maglakad palapit sa kama ko. Ayaw kong sayangin ang lakas ko para makipagbangayan kay Max kaya pinili ko na lang na huwag umimik sa kabila ng panunukso niya dahil sa pagtingin ko sa kaniya. Hinila ko paalis sa ulo ko ang nakabalot na tuwalya sa buhok ko at bago ko pa iyon maipatong sa may side table ay nakita ko ang plastic bag na nakapatong sa ibabaw ng kama ko. Naalala ko si Leo.
"Pagkatapos kay Ace, si Leo naman?" tanong ni Max na nagpalingon sa akin. Nakatalikod siya sa akin dahil abala siyang namimili ng damit pero pagkatapos dumampot ng isa ay lumingon sa akin. Napakunot naman ang noo ko sa tanong niya. "Ace died for you. Then, today, Leo just caught a grenade for you. Pinatay niya si Carlos using PCP, and he's even willing to face Dad's wrath for saving you."
"Anong sinasabi mo?" inis kong tanong kay Max.
"What I'm saying is, ano bang meron sa'yo na nauulol ang mga kapatid ko?"
Sinalubong ni Max ang mariin kong titig. Malamig ang mga tingin niya na hindi niya ibinitaw kahit pa abala siyang nagbibihis. Hindi ako makasagot dahil ipinoproseso pa ng utak ko ang mga pinagsasabi niya.
"Nevermind," sabi niya nang matapos ibutones ang damit hanggang sa may dibdib. Hinigit niya lang hanggang sa may siko ang sleeve ng suot niya at binuksan ang drawer ng katabing table ng kama niya para kunin ang isang caliber 45 pistol doon. "Ito na lang ang tandaan mo. Sa oras na may mangyaring masama sa kapatid ko dahil sa'yo, hindi na kita patatawarin."
Dala-dala ang baril, naglakad si Max palagpas sa akin at lumabas ng dorm. Naiwan lang ako roon na nakatayo at iniisip ang mga sinabi niya. Is he saying na may gusto sa akin si Leo? Imposible.
***
Lumipas ang isang araw. Gusto ko na sanang lumabas para pumasok sa klase, kaya lang ay hindi ako pinahihintulutan ng mga sugat ko. Inilagi ko ang isang araw pa para magpahinga sa dorm at hindi ko na namamalayan ang pagsulpot at pagalis ng magkapatid, o kung sumusulpot nga ba sila habang natutulog ako.
Ang hirap paniwalaan ng mga pinagsasabi ni Max, at kahit na alam kong imposible iyon, nananatili akong balisa at nababagabag ng mga iyon.
Gabi ng ika-apat na araw ng pananatili ko't pagpapagaling sa dorm, naabutan ako ni Leo na pinapalitan ang dressing ng sugat ko sa braso habang nakaupo sa kama ko. Hindi ko siya tinapunan ng tingin, pero kita ko pa rin siyang naglakad palapit sa kama niya.
"May balita ba tungkol sa ama mo? Kumusta si Kiel?" malamig kong tanong habang abalang binabalot ang sugat ko. Wala akong kabali-balita kay Kiel simula noong uamalis ako sa lugar na iyon at hindi pa kami naguusap. Hindi ko alam kung anong naging reaksyon ni Damian na malamang nakalabas ako ng buhay doon kaya nagaalala ako na baka may gawin siyang hindi maganda kay Kiel.
"Maayos si Kiel, huwag kang magalala," sagot niya lang habang tinatanggal ang suot niyang jacket.
Sapat na ang sagot na iyon ni Leo para tapusin ang usapan, pero, hindi ko talaga makalimutan ang sinabi ni Max.
Namagitan ang nakabibinging katahimikan. Naupo si Leo sa kama niya na nakaharap sa gawi ko, habang ako nama'y hindi magawang lumingon sa gawi niya. Nagtatalo ako at ang isip ko kung tatanungin ko ba siya o ano. Imposible kasi talaga.
"Kumusta na ang mga sugat mo?" tanong niya matapos ang mahabang sandali.
"Wala lang ang mga ito," sagot ko naman na hindi tumitingin sa kaniya.
Nagbuntong hininga si Leo saka tumayo. Akala ko'y aalis na siya pero lumapit siya sa kama ko. Naupo siya sa may kabilang gilid na halos nakasampa na sa kama ko. Inagaw niya sa akin ang benda na para bang close kami.
"Ace died for you. Hindi mo dapat pinababayaan ang sarili mo," sabi niya.
Hindi niya ako tinignan dahil nakatuon ang mga mata niya sa pagbabalot sa sugat ko. Tinitigan ko siya at sinuri. Hindi ko alam kung anong sumapi sa kaniya para magpakita ng ganitong concern, pero hindi manlang ako na-touch. Kahit na kasi malayong-malayo sa demonyong Leo na kilala ko ang hitsura niya ngayon, hindi pa rin nagbabago ang tingin ko sa kaniya dahil isa siyang Fontanilla.
"Anong ginagawa mo?" mahina kong tanong na halos isa na lamang bulong pero sapat para madinig niya.
Nag-angat si Leo ng tingin at bahagyang napahinto sa ginagawa. Blanko ko lang siyang tinignan. Gusto kong obserbahan ang kilos niya. Maaari kasing pinaglalaruan lang nila akong magkapatid para makaganti sa akin sa nangyari kay Ace. Ngumisi ng hilaw si Leo matapos ang ilang sandali bago ibinalik sa ginagawa ang atensyon.
"Dressing your wound?" tugon niya saka tumawa ng mahina.
"Kung iniisip mong matitignan kita kagaya ng pagtingin ko kay Ace, nagkakamali ka,"
Kumunot ang noo ni Leo sa sinabi ko. "Anong sinasabi mo?"
Tumalim ang dati'y blankong tingin ko sa kaniya. Nagagalit ako dahil mukhang pinaglalaruan nga nila ako ni Max.
"You're doing this to get back to me, right? Ace died because of me... You're trying to keep me close--- hindi-- wala akong ideya sa kung anong tumatakbo sa isip mo, pero alam ko ang ginagawa mo,"
Umigting ang panga ni Leo sa sinabi ko. Ang kanina'y makinang niyang mga tingin at maliit na ngisi sa mga labi ay napalitan ng isang tensyunadong ekspresyon. Tinapos niya muna ang ginagawa niyang pagbalot sa sugat ko bago tumingin sa akin sa ilalim ng mga pilik niya.
"Stop overthinking, Xena,"
"Itigil mo na ngayon pa lang kung ano mang binabalak mo. Hindi rin naman kapani-paniwalang naging ganito kaayos ang pakikitungo mo sa akin ng biglaan. Kaduda-duda, Leo. Magkukunwari akong hindi ko napansin. Tumigil ka na,"
"Nagkakamali ka, Xena--"
"You're trying to seduce me. You think I wouldn't notice?" Natigilan si Leo kaya napangisi ako ng hilaw.
Nanahimik si Leo ng matagal pero pagkaraan ng ilang sandali ay dumepensa siya. "Wala kang mata para sa akin, bakit kita aakitin kung una pa lang, alam ko nang si Ace ang gusto mo?"
"Mismo,"
Tumayo ako sa kama. Wala na akong balak pang pahabain ang usapan. Alam kong alam niyang dapat na niyang itigil ang binabalak niya kaya hindi na ako mananatili pa ng matagal sa silid na ito. Pupunta ako sa mansyon at haharap ako kay Damian sa kabila ng hindi ko pa maayos na kalagayan. Kaya ko nang lumakad at kumilos nang mas maalwan, kaya hindi ako dapat namamalagi rito. Ayaw ko rin kasing manatili ng mas matagal kaysa dalawang minuto na kasama ang sino man kina Leo at Max sa lugar na ito.
Kinuha ko ang susi ng motor ko sa ibabaw ng dresser at walang imik na naglakad paalis. Pero, bago pa man ako makalabas ng pintuan, nagsalita ulit si Leo.
"I'm not trying to seduce you," napahinto ako sa tangkang pagbukas ng pintuan. Wala man sa plano ay pumihit ako paharap sa kaniya at nakita siyang nakatingin sa gawi ko ng seryoso. Tumayo si Leo at naglakad palapit, at nang makarating siya sa harap ko ay muli siyang nagsalita. "I'm trying to change your mind."
"Na patayin kayo?"
"Hindi. Gusto kong baguhin ang isip mo tungkol sa pagmamahal ng isang Fontanilla," deretso ang tingin niya sa mga mata ko, bagay na nagpahinto sa pagproseso ng utak ko.
Nawala ako sa pagtitig sa mga mata ni Leo, at bago ko pa man maibuka ang bibig ko para magsalita, inamin niyang,
"Gusto kita, Xena."
Mahabang katahimikan...
Marahas na kumabog ang dibdib ko sa tinuran niya at hindi ako makapagsalita. Hindi ko alam kung anong dapat kong itugon, o kung dapat ba akong tumugon. Dapat ba akong maniwala? O dapat akong magduda?
"Kalokohan..." bulong ko saka napaismid sa hangin bago tumalikod. "Gusto mo lang akong patayin."
"Alam kong mahirap paniwalaan dahil sa pamemeste ko sa buhay mo. Pero kung hindi ko ginawa yun, papansinin mo ba ako?"
Bahagyang tumaas ang boses ni Leo. Dama ko ang pagpupumilit niya, at hindi ko maitanggi na iyon ang bahagyang nagtutulak sa akin na maniwala. Pero, ang hirap...
Nanubig ang mga mata ko nang muli akong humarap sa kaniya. "Totoo man o hindi, wala akong pakialam. Mas gugustuhin ko pa ang mamatay kesa tignan ka o sino man sa inyo--"
"Naiintindihan kong galit ka kay Dad, pero hindi na ba magbabago ang isip mo? Tutulungan kitang lumaya kay Dad. Ibibigay ko sa'yo ang gusto mo--"
"Wala akong ibang gusto kundi ang mapatay ang buong pamilya mo. Kaya mo bang patayin ang ama mo para sa akin?"
Natahimik si Leo. Alam kong hindi niya kaya.
"X-Xena... Hindi s-sa ganoong paraan--"
"Kung ganoon, magpapanggap akong hindi nangyari ang usapang ito. Kakalimutan ko ang sinabi mo at aartee akong wala akong alam. Tumabi ka sa daanan ko, dahil hindi kailanman magbabago ang isip at pagtingin ko sa inyo,"
Lumabas ako sa dorm at dere-deretsong naglakad palabas ng building. Nag-unahan sa pagpatak ang mga luha ko pero mabilis kong pinahid ang mga iyon. Wala akong panahon sa mga pantasya ng pagibig na yan na kagaya ng gustong mangyari ni Leo. At isa pa, makakasagabal lamang iyon sa akin.
Gusto ko si Ace, pero hindi sapat para baliin ko ang prinsipyo ko. Bakit ako magugulantang sa pag-amin ni Leo kung wala naman akong nararamdaman para sa kaniya?
Dumating ako sa mansyon ay pasado alas-diyes na ng gabi. Balak ko na muna sanang puntahan si Kiel nang sa paglalakad ko'y nadaanan ko si Damian sa may hardin. Hindi niya ako nakita dahil abala siyang nakatitig sa kawalan. Sandali ko siyang pinagmasdan habang namimilog ang mga kamao ko.
"Hindi mo ako mapapatay ng ganito kadali, Damian. Hindi mo ako mapapatay hanggat nananatiling buo ang determinasyon kong singilin ka sa lahat ng ninakaw mo sa akin," bulong ko sa hangin habang pinapatay siya sa isipan ko.