Chapter 12: KABANATA 11

"Sampung oras. Huling alok ko na ito, Xena,"

Hindi ko na pinansin ang mga salitang iyon ni Carlos dahil sumilay na ang isang mapait na ngiti sa mga labi ko. Tatlong araw... Tatlong araw na akong naririto pero wala pa ring Kiel na dumarating. Nawawalan na ako ng pag-asa. Nag-aalala na rin ako dahil baka may ginawang hindi maganda si Damian sa ama-amahan ko kaya hindi niya ako magawang puntahan.

"Xena," tawag ng isang maamong boses sa pangalan ko. "Umalis ka na rito,"

Tumulo ang luha ko sa pagkadinig sa boses ni Ace. "Mamamatay na ako rito. Ipinapapatay ako ng ama mo, kaya kung hindi matutupad ang plano niya, mamamatay si Kiel at ang Daddy ko,"

"Xena,"

Ipinikit ko ng mariin ang mga mata ko at humikbi. "Ace, pakiusap, tama na! Patay ka na! Lubayan mo na ako!" malakas kong sigaw pero...

"Xena,"

"Patay ka na! Patay ka na, Ace, patay ka na! Hindi ka totoo!"

Umalingawngaw ang tili ko na sinaluhan ng pagkalansing ng makakapal na kadenang nakapulupot sa mga kamay at paa ko, na siyang nagbubugkos sa akin sa bakal na upuang kinalalagyan ko. Pinipilit kong labanan ang PCP, pero paulit-ulit kong nadidinig ang boses ni Ace. Nasasaktan ako at natatakot, kasi kahit na alam kong hindi siya totoo, pakiramdam ko'y nariyan talaga siya.

"Xena, wake up," muli niyang saad na nasundan ng isang malakas na putok ng baril. Napamulat ako at nakita siyang nakaluhod sa harapan ko, kinakalas ang kadena. "Aalis na tayo rito."

"Umalis ka na, please..." bulong ko na may halong pakiusap. "Mamamatay si Kiel kapag umalis ako o sinubukan kong lumaban. Kapag bumalik ako sa impyernong 'yon, mamamatay si Kiel. Kapag tumakas ako at nalaman ni Damian, mamatay si Kiel. Wala na akong ibang tatakbuhan, kailangan kong mamatay sa lugar na ito kaya pakiusap laang, Ace, umalis ka na!"

Nakarinig pa ako ng ilang putok ng baril pero hindi ko na iyon pinansin. Alam kong parte iyon ng halusinasyon ko, pero kagaya ni Ace na nasa harapan ko, mukha itong totoo.

"Xena, ano bang pinagsasasabi mo?"

Kunot ang noo akong tinignan ni Ace at kinapitan sa magkabilang braso. Galit siya, kaya napatitig na lang ako sa mukha niya.

"Natatakot ako, Ace. Bakit walang dumarating para iligtas ako? Nangako si Kiel na hindi niya ako hahayaang mamatay dito..."

Lumambot ang ekspresyon ng mukha ni Ace. Kahit na nababakasan ko ng pagkadismaya, kita ko ang sinseridad sa mga mata niya. Marahan niyang hinawakan ang kaliwang pisngi ko.

"Xena..." pabulong niyang pagtawag sa pangalan ko.

Hindi na ako nakapagsalita nang sa gitna ng malalakas na putok ng baril at kaguluhang nauulinigan ko mula sa kung saan ay lumapit siya at marahang hinalikan ako sa labi. 'Di ko sigurado kung PCP pa rin ba, pero bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ako gumalaw o nagreact. Hindi rin naman kasi siya gumalaw. Sandali lamang nagtagal ang halik ni Ace, pero para akong nagising sa isang panaginip nang bumitaw siya at tuminging muli sa akin.

"L-Leo..." naguguluhan kong utas.

Nagiwas ng tingin si Leo bago bumaling muli sa kadenang nakapulupot sa mga paa ko. "Uuwi na tayo," malamig niyang saad saka tumayo kapit-kapit ang kanang pulsuhan ko pero...

"Sandali," pigil ko bago pa man siya makahakbang.

Tumigil si Leo at lumingon sa akin na kunot na kunot ang noo. Tinitigan ko siya at sinuri kung totoo ba siya o halusinasyon lamang din.

"Xena, tara na," inis niyang saad nang may umalingawngaw na namang putok ng baril.

Totoo siya. Totoo ang mga ingay na naririnig ko. Pero... naguguluhan ako.

"A-anong ginagawa mo rito?"

"Xena wala nang oras para rito--"

"Umalis ka na," putol ko sa kaniya saka iginala ang paningin ko. "Kapag naabutan ka ni Carlos, mamamatay ka rin."

Tumama ang tingin ko sa isang tauhan ni Carlos na nakahandusay sa sahig. Nagkalat ang mga PCP at syringe at may isang baril sa may baywang niya. Naglakad ako palagpas kay Leo para sana lumapit sa bangkay pero mabilis niya akong kinapitan sa braso.

"Anong iniisip mo? Kailangan na nating umalis!" galit niyang sambit, pero tinabig ko lamang ang kamay niya at nagmadaling kinuha ang PCP na nakakalat. "Xena! Xena!"

Galit ko siyang nilingon nang tabigin ni Leo ang PCP at tumilapon iyon sa malayo. Nabasag ang maliit na bote, at nasayang ang laman. "Ano bang problema mo?!"

"Ikaw, ano bang mali sa'yo?! Bakit ayaw mong umalis?"

Nanubig ang mga mata ko sa tanong niyang iyon. Kapag umalis ako rito, alam kong bangkay ni Kiel ang dadatnan ko sa mansyon! Hindi ako tanga para maniwalang ilalabas ako ni Leo sa lugar na ito. Ipinapapatay ako ng ama niya, anong dahilan para magpunta siya rito at ilabas ako? Nagsimula na namang manubig ang mga mata ko.

Buong lakas kong itinulak si Leo palayo at mabilis na kinuha ang baril na nasa baywang ng walang-buhay na tauhan ni Carlos. Itinutok ko iyon sa kaniya at mariin siyang tinitigan.

"Subukan mong lumapit, bangkay nating dalawa ang sasalubungin ni Damian," banta ko na ikinatigil ni Leo. Sunod-sunod na tumakas ang mga luha ko habang nakatingin sa kaniya. "Mga hayop kayo mga Fontanilla... Wala kayong kasing hayop."

"Xena," utas niya na halos bulong na lang. Marahan siyang umiling at humakbang palapit pero ikinasa ko ang baril. "Xena, please. Kung galit ka ibuhos mo paglabas natin dito!"

"Lumabas ka na lang, Legolas!"

"Xena!"

Mariin akong pumikit at huminga ng malalim bago itinutok sa sintido ko ang baril. .

"Mamatay ako rito pero bubuhayin niyo si Kiel. Kapag sinaktan niyo siya, babangon ako sa hukay at papatayin ko kayong lahat,"

"Xena ano bang sinasabi mo?"

Marahas ang pagtaas-baba ng balikat ni Leo at kitang-kita ko ang gulat niya sa ginawa kong pagtutok ng baril sa ulo ko. Humakbang siya palapit kaya naman...

"Umalis ka na!" sigaw kong muli bago pumikit at kinalabit ang gatilyo ng baril pero imbis na sa ulo ko iyon bumaon ay sa pader dahil mabilis na naibaling ni Leo palayo sa sintido ko ang baril. Natumba kami pareho sa sahig at habang gulat pa ako sa nangyari ay sinamantala niyang agawin sa akin ang baril at itapon sa labas ng bintana.

Tulala. Ganiyan ako nang lumingon muli sa akin si Leo na galit na galit. Sinalubong ko ang nagbabaga niyang mga mata at napaiyak na lang. Naguguluhan ako sa sitwasyon pero hindi ko na talaga kayang intindihin ang bawat detalye. Hindi ko na ulit tinangkang kumilos at umiyak na lang sa tabi ni Leo.

"Xena, uuwi na tayo," mahinahong bulong ni Leo pagkatapos akong kulungin sa isang ligtas na yakap. "Tapos na kaya uuwi ka na,"

Ang sarap pakinggan at ang sarap paniwalaan. Sana totoo. Pero, alam kong hindi.

"Mamamatay si Kiel kapag hindi ko naihatid ang ulo ni Carlos sa ama mo. Mamamatay si Kiel kapag bumalik ako, Leo..." sabi ko sa pagitan ng mga hikbi.

"Hindi mangyayari iyan. Okay si Kiel at naghihintay na siya sa labas,"

Natigilan ako sa sinabi niya kaya nag-angat ako ng tingin. "Nandito si Kiel?"

Bumukas ang pintuan bago pa man makasagot si Leo sa tanong ko. Iniluwa noon si Kiel na hinihingal at may hawak na baril. May sugat siya sa may kaliwang pisngi. Kita ko ang galit niya pero nang dumapo ang paningin niya sa akin at kay Leo ay nawala ang galit sa mga mata niya.

"Kiel!" Kahit nanghihina ay tumayo ako at tumakbo pasalubong sa kaniya na umiiyak. Mahigpit na yakap pabalik ang natanggap ko nang ipulupot ko sa kaniya ang mga bisig ko.

"Sheii," dinig kong bulong niya kasabay ng isang malalim ngunit maluwag na hininga. "Pasensya na, nahuli ako ng dating."

"Kiel..." tangi ko lang nasabi at nagpatuloy sa pagiyak. Mas humigpit ang yakap ko sa kaniya na para bang isang batang matagal na nawalay sa kaniyang ama. "Akala ko hindi ka na darating."

Kiel chuckled. "Hindi pwede 'yun,"

***

Ramdam ko pa rin ang panghihina at pagod kahit pa matagal-tagal na rin akong nakaupo rito sa front seat ng kotse ni Leo at hindi kumikibo. Malayo na ako sa lugar na iyon, pero hindi ko sigurado kung dapat na ba akong magsaya o dapat akong matakot dahil haharapin ko na naman si Damian.

Pinili kong sumabay kay Leo dahil marami akong tanong. Hindi ko pa rin kasi lubos na maintindihan kung paano nangyaring naroroon siya kasama ni Kiel para sunduin ako.

"What happened?"

"I'll take you to the hospital,"

Sabay naming sambit na agad naming ikinatahimik pareho. Never kami nagkasama sa iisang sasakyan na kami lang dalawa na hindi kami nagbangayan. Ang awkward ng sitwasyon, pero wala akong magawa dahil una, may utang pa rin ako sa kaniya.

"Take me back to Oxemburge. I'd rather rest in the dorm," sabi ko pagtapos ng ilang sandali bago dumungaw sa labas ng bintana.

"So tell me, anong nangyari?"

"Saan?" tanong niya na hidi ibinibitaw ang tingin sa kalsada.

"Kay Carlos. Sa ama mo. Bakit ka kasama ni Kiel sa pagsagip sa akin?" sunod-sunod kong tanong.

"Isa-isa lang," reklamo niya naman. Huminga muna siya ng malalim na para bang hindi niya gustong sagutin ang tanong pero,

"Patay na si Carlos. Isinama ako ni Kiel at hindi ko alam na ikaw pala ang pupuntahan. Hindi kita sinagip--"

"Talaga? Bakit mo inagaw sa akin ang baril?" Napapaismid kong putol sa sagot niya.

Tumingin sa akin si Leo pero agad ding nagiwas ng tingin nang mapagtantong nakatingin ako sa kaniya. "H-Hindi ko alam. Dapat ba pinabayaan ko na?"

Hindi ako sumagot. Ibinaling ko na lang ang tingin ko sa unahan.

Sa totoo lang, thankful ako na dumating sila ni Kiel. Kung alam niya lang kung gaano ako ka natakot nung sinabi sa akin ni Carlos na ipinapapapatay ako ni Damian... Pero, anak siya ni Damian, kaya nahihirapan pa rin akong paniwalaan ang lahat.

"Pwede ko bang itanong kung bakit mo sinubukang saktan ang sarili mo?"

Dapat ko bang sabihin? Napaismid ako.

"Ipinapapatay ako ng ama mo,"

Hindi umimik si Leo pero rinig ko ang pag-igting ng panga niya. Para bang tinapos ng naging sagot ko ang kauna-unahan naming mahinahong usapan. Hindi ko na rin piniling dugtungan ang usapan dahil gusto ko na lang magpahinga. Sumandal ako at pumikit, pero naramdaman ko ang pagsagi ni Leo ng mahina sa braso ko. At ang tokwa, tumama pa sa sugat ko!

"Aray!" daing ko at agad na napamulat.

Tumingin naman siya sabay irap at lahad sa akin ng isang aliit na bote. Nakasimangot ko iyong tinanggap at tinignan. It's a sedative medication na sa tingin ko'y para sa PCP na naconsume ko.

"Hindi na ako high," sabi ko.

"Alam ko. Ibinigay ko sayo para ikaw na ang magtapon. Nabigyan na kita kanina, hindi mo alam dahil kinakausap mo ako at tinatawag mo akong Ace,"

Napakunot ang noo ko sa sinabi niya at napatakip sa bibig ko nang maalala ang huling halusinasyon ko kay Ace.

"Teka..." sambit ko nang tumingin sa kaniya. "Wag mong sabihing..."

Napaiwas ako ng tingin kay Leo nang gumuhit ang isang pilyong ngiti sa mga labi niya. Tumawa siya saka umiling. Marahas kong naipikit ang mga mata ko at sinuklay ang buhok ko. Hindi totoo ang sinabi niya. Halusinasyon ko lang iyon at nangaasar lang siya.

Hindi na ako umimik pa dahil naiinis ako. Pero ang hayop na si Legolas, muling nagsalita.

"May relasyon ba kayo ni Ace?"

"Wala," mabilis kong sagot na mababakasan ng iritasyon. "Sa laki ng galit ko sa pamilya mo, hindi ko kayang sikmurain na makarelasyon ang isa sa inyo."

Bumuntong hininga si Leo. "Bakit?..."

Napaismid ako. "Ilang dahilan ba ang kailangan mong marinig--"

"Bakit palagi mo akong tinatawag na Ace?" Natigilan ako sa hindi inaasahang kadugtong ng tanong na 'bakit?' "Wala akong pakialam kung galit ka kay Dad. Gusto kong malaman kung bakit palagi mong tinatawag ang kapatid ko gabi-gabi? Bakit mo ako napagkakamalang si Ace sa tuwing wala ka sa sarili mo? Bakit... hindi mo ako nakikita bilang ako sa mga ganung pagkakataon?"

Napakunot ang noo ko. Hindi ko alam na tinatawag ko siyang Ace ng ganun kadalas. Hindi ko rin alam ang isasagot kung bakit. Wala akong matandaan.

"Anong-- ibig mong s-sabihin?" nagiwas ako ng tingin. "Ikaw na ang nagsabi, wala ako sa sarili ko. Paano ko sasagutin ang tanong mo?"

Narinig ko ang paglagutok ng mga buto ni Leo sa kamay, marahil dahil sa mahigpit niyang kapit sa manibela. Hindi na siya sumagot o umimik pa pagtapos 'nun bagskus ay tahimik na lang na nagmaneho papuntang Oxemburge. Ipinarada niya ang kotse sa may parking lot at dere-deretsong bumaba. Agad din naman akong bumaba pero nahihirapan pa rin akong gumalaw dahil sa mga sugat kong sariwa pa.

Tinignan ako ni Leo sandali bago walang imik na naglakad paalis. Sandali ko pa siyang pinagmasdan dahil sa pagbabago ng ekspresyon ng mukha niya pero napailing na lang ako. Hirap mang maglakad ay pinilit ko hanggang sa makarating ako sa dorm building. Paakyat na sana ako ng hagdan nang may kumapit sa kamay ko. Nilingon ko si Leo na nakatayo at may bitbit na plastic bag. Blanko pa rin ang mukha niya.

"Kaya naman na sigurong gamutin ng isang assassin ang sarili niya, hindi ba?" malamig niyang sabi sabay abot sa akin ng plastic bag.

Hindi na ako nakasagot dahil umalis na rin siya kaagad. Sinilip ko sandali ang laman at nakitang medical kit na mukhang kinuha niya pa sa clinic.

"Anong nakain nun?" bulong ko sa sarili ko bago naiiling na ipinagpatuloy ang pagakyat sa hagdanan papuntang drom room.