Kabanata 1: Panaginip

Erika's POV

[Taong 2020]

Ramdam ko ang paghinto ng sasakyan. Half asleep lang ako at rinig ko na ang sasaya na nila. Nakarating na siguro kami ng Vigan.

"Oy panget, nandito na tayo," rinig kong sabi ng panget kong katabi.

Nagtaas-baba lang ako ng kilay habang nakapikit pa rin. Bigla na lang ay hinawakan nya ako sa baywang at parang nakaramdam ako ng kuryente sa buong katawan. Napalundag ako dahil sa ginawa nya. Siraulo! Malakas ang kiliti ko roon eh!

"Round 2?"

"Bwisit ka talaga kahit kailan." Sinuntok ko sya pero swerte namang nasalo ng kamay nya ang kamao ko.

"Magkasakitan pa kayo dyan ah," nakangiting suway ni Kuya Vincent habang itinutupi ang upuan sa harap para makababa kami ni Rhys, yung panget dito sa tabi ko.

Naunang bumaba ng sasakyan si Rhys pagkatapos ay inilahad nya ang palad nya para alalayan ako sa pagbaba. Tinanggap ko naman ang kamay nya. Mabuti at bumalik na sa katinuan ang boyfriend ko.

Sya ang nagbitbit ng mga gamit namin at gitara nya lang ang ipinahawak nya sa akin. Pumasok na kami sa hotel na tutuluyan. Tanghaling tapat pa. Mamayang hapon pa siguro kami makakapaglibot. Sa ngayon ay gusto ko munang kumain at matulog. Pagod pa rin kasi ako mula sa paglilibot namin sa Ilocos Norte.

Kasabay namin sa elevator sina Kuya Vincent at Ate Sam. Si Ate Sam ay nakatatandang kapatid ni Rhys at boyfriend naman nya si Kuya Vincent. Anniversary nina Tito Miguel at Tita Ingrid kahapon. It's actually a family outing... with the jowas haha!

"Gusto nyo ba ng empanada?" tanong ni Ate Sam habang umaangat ang elevator.

Kagyat na nabuhay ang dugo ko at nag-angat ng tingin. Waaah! Empanada!

"Sige, Ate," sagot ni Rhys.

Tumango na lang ako habang nakangiti ng maluwang bilang tugon. Naglalaway na ako.

"Bili tayo mamaya, hon," sabi ni Ate Sam at tumango naman si Kuya Vincent.

Kumain na kami ng tanghalian at pagkatapos ay salitang nag-shower. Kasama ko sa room si Ate Sam. Sa katabing room naman yung kina Rhys at Kuya Vincent. Katatapos ko lang maligo. Naisipan kong manood muna ng YouTube habang nagpapatuyo ng buhok.

Nakita ko sa trending videos ang episode ng sikat na show sa tv na Kababalaghan sa bilog na Buwan ang title. Matawa-tawa ko itong pinindot at pinanood.

.

Reporter: Buwan. Isang magandang tanawin sa langit pagsapit ng gabi. Nakatutuwa talaga itong pagmasdan lalo na tuwing kabilugan kung saan ang liwanag nito ay nagniningning sa buong kalawakan. Ngunit nakarating sa aming team ang kwento ng isang pamilya na dumanas daw ng kakila-kilabot na kababalaghan noong gabi na bilog ang buwan.

.

Ipinakita ng camera ang likod ng isang babae habang kaharap ang reporter. Hindi nila ipinapakita ang mukha nito.

.

Reporter: Sya si alyas Lisa. Kwarentay singko anyos. Ilalahad nya sa atin ang mga nangyari.

Lisa: Alas siyete po ng gabi iyon. Tinatawag ko ang anak kong babae na naglalaro pa sa labas ng bahay, pero hindi sya pumapasok kaya pinuntahan ko na sya. Naabutan kong nakatayo lang sya at tulala habang nakatingin sa malayo. Parang wala sya sa sarili. Nang lapitan ko sya at tanungin ay bigla na lang syang umiyak. Sabi nya ay tulungan ko raw sya na mahanap ang pumatay sa kanya.

.

Ramdam ko ang unti-unting pamamanhid ng mukha ko habang pinapanood ang dula. Ni hindi ko na maialis ang mga mata ko sa screen.

.

Lisa: Maria raw ang kanyang pangalan at pinatay sya ng lalaki na nagngangalang Paco. Mukha syang sinasapian kaya tinawag ko na ang aking asawa para dalhin sya sa espiritista. Napansin ko na bilog ang buwan noong gabing iyon. Mayamaya ay natakpan ito ng ulap ay bigla nang nawala ang sapi sa anak ko. Wala raw syang maalala sa mga nangyari.

.

Bigla kong nabitawan ang cellphone nang bumukas ang pinto ng banyo at lumabas si Ate Sam. Napahawak tuloy ako sa dibdib. Shuta nakakagulat!

"Oh, anong nangyari sa'yo?" tanong nya nang makita ang reaksyon ko.

"W-Wala, teh." Kinuha ko ang phone ko at nag-out na sa YT.

Natawa sya nang marinig mula sa video na tungkol ito sa kababalaghan at inasar akong matatakutin. Okay, I'm guilty. Mayamaya ay pumasok sila Rhys at Kuya Vincent sa kwarto at mukhang tapos na rin silang maligo. Unti-unti na akong kumalma.

"Bili na tayo ng empanada, hon," pag-aya ni Kuya Vincent habang nakaunan sa mga hita ni Ate Sam.

"Naligo ka lang, nagutom ka na agad?" natatawa namang pambabara nito.

Napangiti ako. Ang cute kasi talaga nilang tignan. Imposible na magkahiwalay pa silang dalawa. Siguradong sila na ang magkakatuluyan.

Tuwang-tuwa akong nanunuod sa asaran nila habang ang isang panget na nilalang ay ginapang na ang bawat kanto ng higaan ko. Sa huli ay napagod na sya sa kalikutan kaya humiga na lang ng maayos.

Hinila-hila nya ang laylayan ng damit ko at inaaya akong humiga sa tabi nya. Pinandilatan ko sya ng mata tapos nag-pout naman sya. Hindi ko tuloy napigilang mapangiti. Mukha syang bisugo.

"Ehem ehem!" Napatingin kami kay Ate Sam. "Sumama na kayong dalawa sa amin ni Vincent. Natatakot akong iwan kayong dalawa rito," sabay tingin sa amin ng nakakaloko.

"Si Ate, parang timang." Ipinatong ni Rhys ang ulo nya sa hita ko saka kumindat nang tumingala sa akin. Tinaasan ko naman siya ng kilay habang tinitiis din ang pag-iinit ng mga pisngi. Nakikiliti kasi ako sa buhok nya dahil kalahati ng mga hita lang ang sakop ng shorts ko.

"Abay bahala kayo. Hindi ko kayo papasalubungan ng empanada aba."

Sa huli ay sumama na kami sa kanila at baka totohanin talaga na hindi kami ipag-uwi ng empanada. Kasalukuyang natutulog naman sila Tito at Tita kaya hindi na kami nakapagpaalam sa pag-alis namin. Nakarating kami sa Calle Crisologo. Sobrang pangarap kong makarating ng Ilocos. Nakakalungkot lang dahil hindi sarili kong pamilya ang kasama ko.

Namatay si Mama 2 years ago because of Fibrosarcoma Cancer. Si Papa naman, hindi ko na alam kung nasaan sya. Simula nang ubusin nya ang pera namin dahil sa pagsusugal ay nawalan na ako ng pakialam sa kanya. Ang alam ko lang ay nag-work sya sa Manila and that's all. Nakatira ako ngayon kasama ang pamilya ng Tita ko na kapatid ni Mama. Kung iba lang sana ang naging sitwasyon ng buhay ko.

Habang bumibili sila ng empanada, nagpunta muna kami ni Rhys sa bilihan ng souvenirs. Nakabili sya ng keychain na gitara at bracelet naman ang sa akin. Umupo muna kami sa bench na parang seat ng kalesa na nasa gilid ng mga tindahan pagkatapos. Mukhang matagal-tagal pa ang empanada dahil may mga nauuna pang bumibili.

"Umm, kumusta na pala kayo ni Tito Leo?" biglang wika ni panget. Tumaas ang kilay ko dahil sa tanong nya.

"Anong pakialam ko?"

Nagulat ako nang bigla nyang tapikin ng mahina ang bibig ko. Hinampas ko naman sya sa braso bilang ganti.

"Raulo ka. Tatay mo pa rin sya."

"Alam ko! Ang sa akin lang naman, bakit kailangan mo pang itanong?"

"Ilang beses ka na nyang kino-contact. Bakit 'di ka pa makipag-ayos?"

Hindi na ako sumagot pa. Tumingin na lang ako sa paligid at pinanood ang dumadaang mga tao at kalesa. Bakit ba gustung-gusto nyang ayusin ko ang relasyon kay Papa? Hindi ko naman iyon kailangan at mas lalong hindi ako naghahanap ng aruga ng Ama.

"Pakuluan mo nga iyang puso mo, ang tigas eh," sabi nya sabay akbay sa'kin.

"Namu."

Ginulo nya tuloy ang buhok ko. Pareho na lang kaming natawa.

"Sinabing 'wag kang nagmumura eh. Parang hindi dalagang pilipina ay."

"I love you."

Agad syang umiwas ng tingin at napakagat sa ibabang labi. Hindi pa rin panis ang pamatay kong linyahan. Minsan lang naman kasi ako maging sweet sa kanya kaya todo kilig sya.

"Hala, ano 'yon?"

Bigla akong napalingon sa tinitignan nya sa malayo. Napasinghal ako nang matantong iniechos nya lang ako dahil wala naman akong nakitang kakaiba.

Ibabalik ko na ang tingin sa kanya nang bigla kong madama ang pagdampi ng mga labi nya sa pisngi ko, sa gilid na ng lips. Nanlisik ang mga mata ko at nanggigigil syang sinakal gamit ang braso. Nakakahiya! May nakakita kasi sa ginawa nya. At inilapit nya pa talaga ang halik sa restricted area. Kainis.

"Bwisit!" saka sya patulak na binitawan.

"Sorry!" Tawa siya ng tawa sabay peace sign ng dalawang kamay.

"'Wag mo nang uulitin 'yon lalo na sa public." Pinahid ko ang gilid ng mga labi. "Kadiri! Basa pa."

"Paano sa kasal natin? Ayaw mo ring may makakita sa kissing scene?"

Napangiwi na lang ako. Iba rin talaga ang imagination nito eh. Seventeen pa lang kami pero naiisip na agad ang kasal. Hindi sa nagdo-doubt ako kung ganoon na sya kaseryoso sa relasyon namin. Sa kanya lang ako nagtitiwala sa lahat ng lalaki, at kahit kailan lang naging kami ay matagal na kaming magkaibigan. Napakabata pa kasi namin para isipin ang marriage thing. May rule na ako sa kanya dahil madalas nya itong buksan na topic.

Sa totoo lang, natatakot din kasi ako. Isama pa ang nangyari sa pamilya ko. Na kahit gaano pa namin kakilala at kamahal ang isa't isa, may posibilidad na sa huli ay magawa nya pa rin akong iwan at saktan. Natatakot akong mahalin sya ng todo at sa huli'y maiwang mag-isa.

"Parang uulan ah."

Napatingala ako sa langit. Makulimlim na nga. Dahan-dahan akong pumikit habang dinarama ang lumalakas na hangin. Bigla naman akong napadilat nang maramdamang may nahulog sa hita ko. Pagtingin ko ay isa lang palang baraha na kulay brown. Kinuha ko yung card saka inilibot ang paningin. Kanino kaya ito galing?

"Ano 'yan?"

"H-Hindi ko alam. May nakahulog yata."

Sabay namin itong sinuri. Sa likod ng card ay may nakasulat na pangalan, Alejandro y Ysabella. Pag-flip ko ay isa namang tula ang nakalagay. Pareho kaming na-curious sa laman ng tula at magkasabay itong binasa.

"Pag-ibig na hinadlangan noon,

Maging malaya na kaya ngayon.

Isang pagkakataon para ibangon,

Buhay ng kanilang panahon.

Kapalit nito ay ang dalawang tao,

Katulad nila, may iisa ring puso.

Ako, handang maging instrumento,

Baguhin, takbo ng kanilang mundo.

Sa sandaling humimlay ang katawan,

Makatahan sa kanilang katauhan.

Kung misyon ay mapagtagumpayan,

Isang gantimpala ang makakamtan.

Labing-apat na araw at gabi,

Pagkakataon ay huwag isantabi,

Pagka't mahalaga ang bawat sandali.

Ang sa akin ay babalik din sa huli.

A Vivir Mi Vida Contigo"

Biglang humampas ang malakas na hangin. Kasunod ay unti-unti nang bumagsak ang ulan. Agad kaming tumayo para sumilong sa souvenir store sa likuran namin.

Napatigil ako sa paglakad nang may maramdaman akong kakaiba. Paglingon ko ay may nakita akong isang matandang babae 'di kalayuan. Hindi ko makita ang kabuuan nya dahil nakatago ang kalahati ng katawan sa pader. Pero nasisiguro ko na nakatingin sya sa akin at tila ba may ipinaparating sya. Tapos bigla syang ngumiti na nagpalaki ng mga mata ko.

"Panget!"

Nawala ang paningin ko sa kanya nang bigla akong hilahin ni Rhys papunta sa silong. Doon ko lang napansin ang panginginig ko sa ginaw.

"Bakit ka ba huminto? Nabasa ka na tuloy," inis na sabi nya habang ipinupunas ang damit nya sa mukha ko.

Hindi ko siya magawang suwayin sa ginagawa dahil naguguluhan pa rin ako sa nangyari. Ibinalik ko ang tingin sa matandang babae pero nawala na ito.

Halos thirty minutes kaming naghintay na tumila ang ulan. Hindi pa rin mawala sa isip ko yung lola pagbalik namin sa hotel. Nakahiga ako ngayon sa kama ko at tinititigan yung card. Naiuwi ko pala ito.

"Ano 'yan?" tanong ni Ate Sam sabay lahad ng palad nya.

Ibinigay ko naman ito sa kanya saka bumangon paupo. Binasa nya yung tula at mayamaya ay kumunot ang noo nya. Biglang pumasok si Rhys sa kwarto tapos umupo sa tabi ko.

"S-Saan nyo ito nakuha?"

"Sa Calle Crisologo. Inuwi mo pala 'yan," pagsiko nya sa akin. Tumingin lang ako sa kanya at hindi nagawang tumugon.

"Geez! Para itong... spell? Baka galing ito sa mangkukulam ah!"

"Wews. Binasa mo kaya kumapit na sa'yo ang spell."

Naihagis ni Ate Sam ang card dahil sa biro ni Rhys. Pero sa totoo lang, para nga iyong spell, parang isang orasyon. Saka yung matandang babae, feeling ko sa kanya galing yung card. Hays! Parang kinikilabutan tuloy ako.

Bumalik kami sa Calle Crisologo kinagabihan. Mas maganda ngayon dahil nakasindi na ang mga ilaw. Pero walang buwan sa langit dahil new moon ngayon. Sumakay kami ng kalesa at nilibot ang iba't ibang shop. And guess what? Kumain ulit kami ng empanada.

Pagbalik namin sa hotel ay tumambay kaming lahat sa kwarto nina Tito at Tita. Extended ang kanilang anniversary. Lahat kami ay nakasalampak sa sahig at nagkukwentuhan. Hinainan din namin sila ng kanta. Si panget ang naggigitara habang mga bokalista naman kami nina Ate Sam at Kuya Vincent.

Inabot kami ng 12 midnight na puro tawanan, sayawan, at kantahan. Ramdam na ramdam ko talaga na part ako ng pamilya nila.

Naunang makatulog si Ate Sam pagbalik namin sa kwarto. Ako naman ay binabalikan ang masasayang litrato namin kanina. Mayamaya ay kinailangan ko na ring matulog dahil bukas ay babalik na kami sa Nueva Ecija.

* * *

Nakaramdam ako ng malamig na simoy ng hangin. Pagdilat ko ay nasa isa akong... gubat? Inilibot ko ang paningin. Teka, nasaan ako? Panaginip ba 'to?

Tumingala ako at nakitang tirik na tirik ang araw. Tahimik din ang paligid, at tanging marahan na kaluskos ng mga puno at huni ng mga ibon ang maririnig. Hindi ko maiwasang mapanganga. Anong gagawin ko rito sa gubat?

"Erika!"

Bigla akong napalingon sa sumigaw at nakita si Rhys na tumatakbo papalapit sa akin. Lumilikha ng ingay ang bawat paghakbang nya dahil sa natatapakang mga tuyong dahon sa lupa. Lalo akong naguluhan sa nangyayari.

"Bakit ka nandito? N-Nasaan ba tayo?" tanong ko pagkalapit nya. Hinihingal sya.

"H-Hindi ko alam. Akala ko mag-isa lang ako rito." Umupo sya sa lupa para makapagpahinga. Doon ko lang napansin na suot pa rin namin ang mga damit namin kagabi.

"Kanina ka pa ba?"

"Hindi naman. Pero may nakita kasi akong ahas doon kaya napatakbo ako." Pikit-mata nyang tinuro ang pinanggalingan nya dahil sa pagod.

Nanlaki naman ang mga mata ko sa gulat. Shuta! Anong klaseng panaginip ba 'to? Bakit kami mapupunta sa gubat na may ahas?!

Tumalikod ako sa kanya at naglakad-lakad para makahanap ng daan paalis dito. Hindi ako masyadong lumayo dahil baka mamaya ay may makita rin akong ahas o dagang bukid.

Panaginip lang naman ito, at alam ko na makakaalis din kami oras na magising pero ayaw ko namang umupo lang at maghintay sa umaga. Mukhang masayang activity din naman ito. Baka may clues na nakatago sa mga puno na magtuturo sa daan o kaya ay kailangan naming maghanap ng golden treasures.

"Panget!" Tumakbo ulit sya. Gusto ko syang suwayin sa pag-iingay, marinig pa kami ng kung anong mabangis na hayop eh. "Parang may bahay doon. Tara, puntahan natin." Hinawakan nya ang kamay ko at pareho pa kaming natigilan nang maramdaman ang init ng isa't isa.

"R-Rhys..." Natatakot ako.

"Okay lang 'yan." Ginulo nya ang buhok ko at hinila na ako para maglakad.

Pinuntahan namin ang nakita nya at may bahay nga, isang maliit na bahay-kubo. Nagkatinginan kami bago sabay na tumango at nagpatuloy sa paglapit sa pinto. Pagkarating ay nagsagian pa kami kung sino ang kakatok.

"Tuloy kayo," nagulat kami nang may nagsalita sa loob, boses ng isang matandang babae. Dali-dali akong nagtago sa likod nya at pinagtulakan sya sa pagbukas ng pinto.

"Buksan mo na!" mahina kong sigaw nang hindi pa rin sya kumilos. Bigla naman siyang humarap sa akin saka ngumuso. "Ano 'yan?"

"Good luck kiss."

"Rhys!"

"Panaginip lang naman ito. Sige na. Hindi ko bubuksan yung pinto, sige."

Napaangil na lang ako. Hanggang sa panaginip ko ay ang harot nya. Kinamot ko ang noo ko saka mabilis na nagdampi ng halik sa kanyang pisngi. Hindi pa nasiyahan ang walang hiya, bigla rin akong hinalikan sa pisngi.

"Dali na." Pinihit ko na ang balikat nya patalikod ulit sa akin. Kilig na kilig naman ang loko. Mabuti na lang talaga dahil panaginip lang ito. Pero sobrang realistic ng pakiramdam. Nabasa na naman ang pisngi ko dahil sa laway nya.

Unti-unti na ulit kaming naging seryoso nang hawakan na nya ang pinto at dahan-dahan itong itulak. Nakasilip lang kami sa unti-unting paglaki ng awang ng pinto. Sa huli ay nakita namin ang isang Lola.

Nakaupo sya sa tapat ng isang kwadradong lamesa at para bang nasa interview kami. Nakakapit lang ako sa braso ni Rhys habang pumapasok sa loob. Ang weird kasi ng ngiti ni Lola. Wala naman akong kilalang Lola na kamukha nya, pero bakit napapanaginipan ko sya?

Maliit lang ang bahay nya. Gawa sa kawayan ang mga dingding at sa nipa naman ang bubong. Sa kabilang bahagi ng kubo ay may pugon na gawa sa putik at maliit na dining area. May isang kwarto at isang banyo.

Mukhang mag-isa lang syang nakatira rito at nasa gitna pa talaga ng gubat. Hindi kaya isang engkanto si Lola?

"Kumusta kayo, Alejandro at Ysabella?" bati nya pagkalapit namin.

Napanganga kami. Ano?! Alejandro at Ysabella? Hindi ba sila yung... sila yung nasa card! Paano nya nalaman iyon at bakit kami ang tinatawag nya sa ganoong pangalan?

"Hindi po Alejandro at Ysabella ang pangalan namin. Ako po si Rhys at sya naman po si Erika."

"Talaga? Pero iba ang nakikita ko."

Nagkatinginan kami ni Rhys at bigla na lang ay ibang lalaki na ang katabi ko. Agad akong napabitaw sa lalaking iyon. Gulat na gulat din sya, hanggang sa umalingawngaw sa apat na sulok ng bahay ang mga sigaw namin.