Chapter 6
HABANG nasa loob ng silid niya, hindi na siya mapakali, hindi na nawala sa isipan niya ang mga binitiwang salita ng kanyang pinsang si Poul. Si Poul na noon ay palagi niyang napagsasabihan ng mga sekreto niya patungkol sa lihim niyang pagkaka-crush noon kay Jemima.
Labing anim na taong gulang noon si Jemima, nang maramdaman niya ang isang lihim na pagtatangi sa dalaga, kaya lang ay natakot siyang mawala ang kanilang pagkakaibigan kaya naman tinuruan niya ang kanyang sarili na kalimutan ang lihim na damdaming nagsisimulang sumibol sa kanyang puso.
Iyon din ang ipinayo sa kanya noon ni Poul, iyon pala, ngayon ay malalaman niyang ito pala ay may lihim ring pagkakagusto sa babaeng ngayon ay asawa na niya. Hindi niya maunawaan ang kanyang sarili, para biglang-bigla ay nakadama siya ng kabaliwan sa utak niya.
Sinasabunutan at halos iuntog na niya ang sarili dahil sa mga salitang iniwan ni Poul, at dahil din doon ay hindi na niya maunawaan ang kanyang nararamdaman para sa asawa, kung galit pa ba o pagseselos.
NANG umagang iyon ay labis niyang ikinabigla na nakita niyang nakabihis rin si Jemima, maganda ito sa suot na floral off shoulder dress, hindi niya tuloy mapigilan ang pagmasdan nang palihim ang asawang kahit na minsan ay hindi niya hinayaang makatabi niya sa kama. Nasa harapan pa sila ng malawak at mahabang lamesa, upang sabay-sabay na mag-almusal.
“Maganda naman pala talaga siya….” iyon ang ibinubulong ng isang bahagi ng kanyang isipan, habang palihim pa rin ang titig sa dalaga.
“Kuya! Para kang asong naglalaway!” malakas na tawag sa kanya ng kanyang kapatid na si Ronabel. Wala na naman itong nakita kung hindi siya. Natatawa na naman itong may ibinulong pa kay Jemima.
“A-Ano? N-naglalaway?” nauutal niyang tanong sa kapatid, napapahiyang ibinaling niya sa kapatid ang tingin na kaninay kay Jemima niya ipinupukol.
“Oo, bakit kasi hindi mo na lang tabihan si Ate Jemie…. hindi iyong ganyan ka na kanina ka pa nakatitig sa kanya, para kang asong tulo ang laway….” tapos ay sabay pa silang natawa ni Jemima.
“S-Siraulo ka talaga!” nanlilisik na sambit niya sa kapatid na ibinuking siya sa ginawa niyang pagtitig sa asawa.
“Nako kayo talagang magkapatid wala na kayong ginawa kundi mag-asaran,” napapangiti ring salita ni G. Romeo. Ang ama nina Simon at Ronabel.
“Oo nga po, Papa…mukhang masaya po ngayon si Simon, maganda po yata ang gising niya, marahil po nakatulog siya ng mahimbing dahil sa loob po ng anim na buwan ay maari na siyang makalaya sa akin,” malungkot namang salita ni Jemima.
“Anong ibig mong sabihin Iha?” natanong ni G. Romeo.
“Si Poul, nagsalita na handa niyang akuin ang tungkol sa pag-aasawa ng isa sa mga apo, nangako naman siyang hindi na niya babawiin ang anumang napirmahan, binigyan niya ng anim na buwan si Simon, para siguruhing ayaw niya talaga kay Jemie, at kung sigurado na siya, maayos nitong kukunin ang responsibilidad kay Simon, kukunin niya si Jemima at pakakasalan,” paliwanag naman ng kanilang ina.
“Hay nako, mabuti na lang Iha at wala rito ang iyong ina, kung hindi baka magalit iyon, iisiping pinagpapasahan ka, sa isang responsibilidad na dapat ay kay Simon lamang,” nalulungkot na napatingin ang ama ni Simon sa kanya.
“Ayos lang po iyon, Papa. Ang mabuti pa po ay enjoyin ko na lang ang anim na buwang pagtira ko po rito sa inyo, tapos ay lilipat na po ako sa farm sa Batangas. Doon po muna ako habang pinag-iisipan ang lahat, o mas tamang sabihing hinihintay ang bago kong mapapang-asawa,” ngumiti ito ng mapakla, ngunit iniwasang mapatingin sa kanya.
Kinuha niya ang table napkin at mabilis na ipinahid iyon sa kanyang bibig, at pabagsak na inilapag muli, sabay tayo. “I have to go Ma, male-late na ako sa meeting ko together with new investors,” sabi pa niya. Ngunit nagulat siya nang bigla ring tumayo sa kinauupuan si Jemima. “And where are you going?” umaarko ang mga kilay na tanong niya sa dalaga.
“Ah…. k-kase sabi ni Papa, ano---” natitigilan na napatingin siya sa ama ni Simon upang magpasaklolo sa idadahilan sa binata.
“Anak, pinakiusapan ko siyang maging personal secretary mo muna, for the mean time, wala si Sally, nasa bakasyon,” nauutal ring salita ng kanyang ama.
“But, Pa! You know I don’t need a secretary!” usal pa nito sabay lakad nang pasulong sa may main door nila. Ngunit nang maramdaman niyang hindi sumunod ang asawa, napahinto rin siyang muling nilingon ang dalaga.
“Papa, sasamahan ko po ba talaga siya?” tanong naman ni Jemima, na nag-atubili nang sumama sa kanya. Tumango naman ang matanda kay Jemima.
“And what are you waiting for? Pasko?” masungit na hiyaw niya sa asawang si Jemima dahilan para magmadaling mapatakbo ito. Dahil sa kalituhan pumasok ito sa likurang bahagi ng sasakyan. “O bakit andyan ka?” singhal niyang muli.
“B-bakit saan ba ako dapat?”
“You know you’r so stupid! Dito ka! Hindi naman ako driver mo, para diyan ka umupo sa likuran!”
“Ay! Sorry naman, malay ko bang gusto mo naman pala akong katabi! Hindi mo kaagad sinabi!” bumunghalit na naman ito ng tawa na siyang lalong ikinairita niya. Ngunit handi na lamang niya ito pinatulan, tutal sa isang sulok ng puso niya may isang bagay na nagsasabing masaya siya. Hindi nga lang niya iyon masyadong napapansin.
Habang nasa biyahe sila ay narinig niyang pakanta-kanta pa si Jemima, masaya itong palinga-linga sa mga kalsadang nadaraanan nila na para bang nakikipag-joy ride lang sa isang lalaking kabarkada.
“Ganyan ka ba talaga? Pakanta-kanta ka pa kahit na alam mong may naiinis sa iyo?” asar niyang tanong sa dalaga na hindi naman pala siya naririnig dahil sa may suot itong ear phone. Kaya sa inis niya ay iprineno niya ang kanyang sasakyan nang bigla-bigla. Kamuntik pang sumubsob si Jemima sa dashboard ng sasakyan niya.
Nakasimangot nitong napatingin sa kanya, ang mga kilay nitong nakaarko, at ang nguso nitong nagkandahaba dahil sa inis nito sa ginawa niya, siya naman tuloy ang napabunghalit ng tawa dahil sa nakita niyang hilatsya ng mukha nito.
“So may nakakatawa pala?” naiinis na tanong nito sa kanya dahil hindi niya mapigilan ang matawa.
“W-wala, natawa lang kasi ako sa mukha mong iyan… your so funny!” sabay tawa pang muli.
“Ang galing mo rin no! Kapag ikaw iyong may nagagawang kamalian sa kapawa mo, o sa akin, ganyan ka makatawa, pinapatunayan mo lang kung gaano ka ka- selfish! Napaka inconsiderate mong lalake!” sigaw nito sa kanya. Dahilan para mapatigil siya sa pagtatawa sa dalaga.
“Ows, ako pa ngayon ang inconsiderate! Talaga? Baka ikaw iyon?” naiinis niyang pinaandar na muli ang sasakyan.
“O diba, ikaw na nga ang ginawan ng pabor, ikaw pa yong may ganang mag-inarte, ano to?”
“Naiinis lang ako sa iyo, kasi kanina pa kita kinakausap, may nakasalpak naman pala diyan sa tainga mo, kaya inihinto ko muna, o ano naman ang reklamo sa akin? Dahil pinagtawanan ko ang iyang mukha mo, dati ka naman nang nakakatawa e,” bigkas pa niyang muli, ngunit mas lalo lang niyang nainis si Jemima.