Chapter 27: The Truth

Naiilang si Jopay sa mga kaibigan ni Apollo at kanya-kanyang asawa ng mga ito. Bagaman nakangiti ang mga ito at welcome na welcome ang kambal ay hindi niya maiwasang mahiya sa mga ito. Pormal na ipinakilala na siya ni Apollo sa mga ito at ang kambal niya. Hindi naman nagbanggit kahit ano si Apollo tungkol sa relasyon nila pero sa pagkakangisi ng mga ito ay alam na niya ang naglalaro sa isip ng mga ito.

Isa-isang lumapit ang mga lalaki at kinarga ang kambal sa pangunguna ni Donatello kasama ang asawa nitong si Natalia. Naroon na rin ang pinsan ni Alessandro na si Vladimir na pangalawang beses pa lang niyang nakikita. Higante ito. Nakakatakot sa unang tingin. Sabi pa ni Belle ay number two sa pagiging masungit ang binata pagkatapos ni Isaac pero napangiti siya dahil parang maamong tupa ito sa harap ng asawa nitong si Charina. Makulit din ito katulad nila ni Lisa kaya kasundo rin nila sa kalokohan. Si Natalia naman na mukhang istrikta ay ginulat siya sa pagiging masayahin nito katulad ni Donatello. Ayaw nang bitiwan ng mag-asawa ang kambal kaagaw sina Vladimir at Charina. Pareho na kasing buntis ang mga ito kaya lalong nahihilig sa mga bata. Nang magsawa ay nagpababa na ang kambal at nakipaglaro sa kambal na lalaki nina Leandro at Tiffany.

“Kumusta,” sabi niya kay Lucas na kararating lang kasama ang fiancee nitong si Pamela. Palangiti rin ito katulad nilang lahat kaya nagaanan na rin niya ito ng loob.

“I’m great,” exaggerated na sabi nito. “Halika, may announcement ako.” Sumunod na siya at natawa nang kinarga ang babae. “Guys and ladies, we’re going to have babies, too,” anito at ibinaba ang babae saka hinimas ang tiyan nito.

“Maliit pa ang tiyan niya, babies talaga?” Nakangiti lang si Lisa na natatawa sa iniaakto ng pinsan.

Sumimangot si Lucas saka inihilamos ang palad sa pinsan. “Huwag ka nang kumontra, we’re going to have a boy and a girl. Right, love?”

“Oo na lang,” natatawang sabi ni Pamela na yumakap dito.

Pinagmasdan niya muli ang kambal na nakaupo lang sa couch at parang mga mama na habang kausap ang kambal nina Leandro at Tiffany na ganoon din. Maya-maya ay napatingin siya kay Apollo nang umakbay sa kanya. “Gusto ko rin ng kambal, babe,” malambing na sabi nito at yumakap sa kanya.

“Ang hirap manganak, lalaki!”

“Sige na nga. Kahit isang Apollo Matteo junior at Jopay junior lang,” nakangising sabi nito sa kanya.

“Luko-luko, pero malay natin,” sabi niya na ipinagkibit-balikat nito. Masayang-masaya siya habang kapiling ito dahil dama niyang sinsero ang pagmamahal nito sa kambal niya.

ILANG linggo pa ang lumipas, naging mas masaya siya sa piling ng binata na laging gustong makita at isama ang kambal sa mga lakad nila. Nagulat pa siya isang beses dahil nang siya muli nito sa cabin nito kasama ang kambal ay naging nursery na ang isa sa mga guest rooms nito sa ikalawang palapag. May sariling kama pareho ang mga ito. Ang sahig ay nalalatagan ng rubber mat para kapag nagbakasyon daw ang mga ito roon ay may sarili nang kuwarto ang mga ito. Kumpleto rin ang mga laruan doon kaya niyakap niya ito nang mahigpit.

“Alam niyo, mga pinsan, ang suwerte ko talaga kay Apollo,” malakas na sabi niya. Silang tatlo lang nina Nadia at Liberty lang ang naroon. Ang huli ay engaged na kay Dominic matapos ang ilang ulit na panghaharana ng binata at madramang paghahayag nito ng pagmamahal sa pinsan niya sa gitna ng ulan. Masayang-masaya siya para sa dalawa. Ang hiling lang niya ay makatagpo na rin si Nadia ng tunay na pag-ibig katulad ng sa kanila ni Liberty. “Itigil mo nga ang pagbi-video, babae ka talaga!” Pinandilatan niya pa ito ng mga mata ngunit lumayo ito sa kanya habang nakatutok sa kanya ang camera ng cellphone nito.

“Pogi na, mayaman na, yummy pa!” Tumitili pa sa kilig si Nadia.

“To be fair, mabait talaga siya,” sabi ni Liberty.

“Hindi ka na man-hater?” Asar sila nang asar dito ni Nadia.

“Magkaiba ang man-hater sa feminismo! Maraming jerk sa paligid, hindi kasama doon si Dominic ko noh,” anito pagkatapos ay umingos pero hindi maitago ang kilig.

“Pero paano mo nakuha ang loob ni Apollo? Akala ko ba parang iba na siya nang magkita kayo ulit.”

“Charming ako eh,” kinikilig na sabi niya. “Mabuti nga nadaan ko sa charm si Mat-Mat ko eh. Hayun deds na deds sa ganda ko,” pagbibiro niya.

“At kapag ikinasal na kayo ay magbubuhay-donya ka na?”

“Gaga! Magtatrabaho pa rin ako noh!”

“Pero kapag nagkaananak pa kayo, magbubuhay-donya ka lalo.”

“Aba dapat lang,” biro niya. “He said I got him around my finger. Feeling ko rin. Sweet siya sa totoo lang. Love na love niya ang kambal ko eh.” Nag-inarte pa siyang parang donya na nag-uutos sa kawaksi. Ginaya rin niya ang mga maaarteng kontrabida. “At iyang mga iyan, kapag napangasawa ko na si Apollo, sasampalin ko sila ng limang libo. Limang libo lang buhay mo!” Nanlalaki pa ang mga mata niya sa dalawang pinsan na kunwari ay kaaway siya kaya lalong nagtawanan ang mga ito.

“High five! Mission Apollo, accomplished,” sigaw ni Nadia.

“Accomplished na accomplished,” kinikilig na sabi niya at pinaghahampas ng unan ang dalawang pinsan.

ARAW ng Sabado. Nang nagdaang gabi pa nakauwi sa probinsiya si Jopay. Nasasanay na siya sa buhay probinsiya kaya tuwing kailangan na lang siya sa office bumabalik sa Metro Manila. Lunes hanggang Miyerkules ay naroon siya. Huwebes hanggang Linggo ay nagbabakasyon siya. Pero okay lang dahil si Apollo ay naroon din. Doon na siya umuuwi sa condo nito at gabi-gabing nangangalabit. Nagtataka lang siya dahil nagsusuot na ito ng kapote o kung hindi man ay nagwi-withdrawal method na ito. Wala namang problema sa kanya kung hindi pa ito ready makabuo sila ng babies. Medyo nagtataka lang siya dahil kung dati ay eager na eager ito, nitong mga nakaraang araw ay parang ingat na ingat ito.

Pagkauwi niya sa condo ng Biyernes ng hapon ay may nabasa lang siyang note na inilagay nito sa fridge. Nauna na raw itong umuwi sa San Jose dahil may kailangang asikasuhin. Ipinagkibit na lang niya iyon ng balikat bagaman nagtampo siya na hindi man lang nito naisip na mag-text. Hindi niya maipaliwanag ang sariling emosyon dahil medyo moody siya sa loob ng dalawang linggo at napansin iyon ng pamilya at mga kaopisina niya. Naisip niyang stressed na stressed lang siya sa trabaho.

Nang maasikaso ang kambal ay nagpasya siyang pumunta ng Santuario de Santiago at sorpresahin ang binata ng niluto niyang spaghetti para dito. Excited siyang pumasok doon pero ang mga security guard sa Pueblo de Propietarios ay kakatwang tila ayaw siyang papasukin pero walang nagawa ang mga ito dahil dumating din si Leandro kasama ang pamilya nito. Naghiwalay lang sila nang huminto na ang mga ito sa tapat ng bahay nito.

Inihinto niya ang kotse sa tapat ng gate nito. Pinindot niya ang remote na mayroon ding automatic access sa gate nito na bigay ng binata. Pagpasok niya sa bahay ay nagtaka siya dahil nagkalat ang mga sigarilyo nito sa sahig at dalawang baso na may natira pang alak. Marami ring bote ng alak. Nagpasya siyang maglinis nang mailapag ang spaghetti roon. Pag-akyat niya sa kuwarto nila ni Apollo ay wala ito roon kaya inisa-isa niya ang mga guest room. Nang makarating sa isang silid doon ay malakas na ang kabog ng dibdib niya dahil nakaawang iyon. Pagbukas niya ng pinto ay nakita niya ang nobyo na tulog na tulog at walang kahit anong saplot. Nakayakap dito ang babaeng wala ring saplot. Marahil ay naramdaman nito ang presensiya niya at ngumisi nang makita siya. Walang pakialam na bumangon ito at nagbihis.

“Bakit ka nandito?” Pinanatili na lang niyang kalmado ang boses kahit ibig niyang magwala.

“Ano pa ba sa tingin mo? Didn’t he tell you? I am his constant fuck buddy.”

“Dati, oo, pero hindi na.”

“Wrong, girl! Apollo is a very sexual man. He is a man with insatiable sexual needs so I’m here! Wanna join?”

“Ang baboy niyo!”

“I admit nagselos ako. Akala ko demoted na ako. Sabi niya nothing serious naman daw. So naisip ko pantay lang tayo. Naiinis ako pero pwede naman tayong mag-share. MWF sa ‘yo, akin siya TTHSS, okay?” Nakangisi pa ito. “Alam mo kung ako sa ‘yo, hayaan mo na lang itong setup na ito. Ilang buwan na ba kayong sex buddies? I heard may mga anak ka na. Nahihiya siguro siya. Baka naisip niya willing na willing ka.”

“Alam mo huwag mo akong igaya sa ‘yong parang nilalagyan ng sili sa kalandian. Isaksak mo siya sa baga mo, malanding haliparot,” sabi niyang salat na salat sa emosyon

“Iyon na iyon?”

“Anong gusto mo, magwala ako? Edukada naman ako. I’m sure edukada ka rin. Ngayon narealize ko, hindi lahat ng natututunan sa school ay naia-apply sa totoong buhay. Go ahead, screw him, do him all you want for all I care.” Dahan-dahan pa siyang naglakad para mapanatili ang poise pero ang totoo ay gusto niya nang maglupasay. Paano iyon nagawa sa kanya ng binata? Ibinigay na niya ang lahat dito. Pero siguro may point si Imee na dahil single mom siya. Iniisip siguro nito na willing siya at kailangan ng sex kaya nagpasilo siya sa binata. Nang makalabas ng gate ay hilam na ng luha ang mga mata niya. Panay punas siya ng luha sa buong mukha. “Shit na kotse ito,” aniya dahil nalito siya sa pipindutin kung ang automatic remote sa gate ng bahay ng binata o sa kotse niya.

“Jopay?”

“What happened?”

Paglingon niya ay nakita niya ang mag-pinsang sina Isaac at Lucas iyon kasama ang mga asawa ng mga ito. Ngumiti siya. “Ay wala naman. Masama lang talaga ang pakiramdam ko. Sige na,” aniya at nagmamadaling sumakay sa kotse at pinasibad iyon.