Chapter 13: Unrequited Love
Nang sumapit din ang araw ng laro ng mga ito ay hindi siya mapakali. Pilit niyang pinapakalma ang sarili. Kanina pa siya nagpa-practice ng facial expression at mga linya kapag nagkita sila ni Jaime. Nandoon si Penelope kaya hindi siya dapat magmukhang bitter.
Pagdating sa MOA Arena ay kabadung-kabado siya habang panay kuwento si Doray na halata namang natetensiyon din. Nang makita si Jaime ay awtomatikong nagpaskil siya ng isang palakibigang ngiti rito. Nginitian at tinanguan niya ang mga teammates nito. Si Barbara naman ay agad na lumapit sa kanya bago nakipag-beso at nagdesisyong pumuwesto sa tabi nila.
"Are you sure you're okay, Dora?"
"Of course, Barbs," nakangiti niyang sabi rito. Hindi na ito kumibo at nanood na lang ng warmup. Nang tumigil sa practice ang mga ito at nagpahinga sa bench ay natanawan niyang palapit si Penelope. Todo ito sa pag-aasikaso kay Jaime parang si Barbara kay Jeric. Parang bigla gusto niya nang umuwi at magkulong sa kuwarto pero nagpakatatag siya. Ipinakilala sila ni Jaime rito. Isang genuine na ngiti ang ibinigay nito sa kanya. Lumapit ito sa kanya kaya tumayo rin siya.
"Hi," nakangiting sabi nito.
"Hello," she smiled at her, too.
"Can I talk to you for a second?"
Naguguluhan man siya ay tumango siya. "Sure."
Bahagya silang lumayo sa mga kasama nila at umupo sa ibang benches. Maaga pa kaya wala pang gaanong audience. Nang makaupo sila ay agad na nagsalita ito. "I would like to ask if you're okay?"
Naguluhan siya dito. "Huh? Oo, okay naman ako. Bakit?"
"You know, me, you, and Jaime. Gusto ko sanang mag-apologize," nahihiyang sabi nito. Gulat na gulat pa siya sa ekspresyon nitong parang nahihiya sa kanya.
"Hey, no need to apologize," napangiti siya rito, isang tunay na ngiti. Napakabait pala talaga nito. "We were only dating when you and Jaime met. Saka parang friendly date lang naman iyon kung tutuusin. Okay lang iyon."
"Promise?"
"Promise."
"Thank you, Dorothy," anito at pinisil ang isa niyang kamay.
"Walang problema," nakangiti niyang sabi rito. "Tara na. Dumarami na kasi ang audience eh. Baka madumog tayo," biro niya. Sabay na silang bumaba at bumalik na siya sa puwesto niya. Nanatiling tahimik ang dalawang babae sa magkabilang-tabi niya. Nang magsimula na ang laro ay pinilit niyang doon ibaling ang atensiyon. Kaya lang mukhang maling desisyon iyon dahil si Jaime ang bida sa laro kaya lalo siyang nalululong sa pagmamahal dito. Maya-maya ay nagsalita ang isa sa commentators.
"Pards, Dorothy Herrera is here again."
"Oo nga, pards. After more than a month, she's back. We missed you, Dorothy," masiglang bati ng commentator kaya napangiti siya nang tumutok sa kanya ang camera. Mukhang doon masusubok ang talento niya sa pag-arte. Kailangan niya munang ipakita na wala ring problema sa kanya na iba na ang ka-date ni Jaime. Dapat ding makita ng mga ito na magkaibigan lang sila para matapos na ang magulong isyu sa kanila.
"Pwede ba kaming makahirit ulit ng sample?" Ngumiti lang siya at nag-thumbs up sa camera kaya natuwa ang mga audience.
"Napakasuwerte natin, pards. Parang may concert tuwing nandito si Dorothy."
Pagdating ng halftime ay in-escort na siya ng staff papunta sa gitna. Kinanta niya muna ang Sa Uulitin ng Mojofly kaya naging maingay ang court. Doon niya napagtanto na malaking pagkakamali ang kanta. Malamang na isipin ng audience na para kay Jaime iyon kaya mabilis na idinaan niya iyon sa biro na hindi magmumukhang defensive. Pinagbigyan niya ang isa pang kanta na request ng mga tao. Pinili niyang awitin ang Your Universe ni Rico Blanco at dedicated niya iyon kina Jaime at Penelope at Jeric at Barbara. Natawa pa siya nang mapansin ang bahagyang pagtaas ng kilay ng makulit niyang assistant na si Doray. Nang matapos kumanta ay ngumiti siya at kumaway sa nagtitiliang audience bago nag-bow at bumalik sa upuan niya. Sina Barbara, Jeric, at Doray naman ay tahimik lang at parang pinapakiramdaman lang siya. Hindi na lang niya iyon pinansin at pilit pinasigla ang sarili para hindi siya mahalata pa.
Nang magsimula ang third quarter ay nakipalakpak na siya. Si Barbara naman ay tili nang tili sa pag-cheer kay Jeric kaya tawa siya nang tawa rito dahil talagang gigil ito sa panonood. Maya-maya'y para siyang pagkaasiwa nang maramdamang parang may nakatingin sa kanya. Hindi nga siya nagkamali dahil paglingon niya ay nakita niya si Jaime na titig na titig sa kanya. Nailang siya sa paraan ng pagkakatitig nito kaya nagbaling siya ulit ng tingin sa court. Pero ayaw siya nitong tantanan dahil tuwing mapapatingin siya rito, hayun ito at nakatitig pa rin sa kanya kaya hindi niya naiwasang tanungin ito. "Bakit, Jaime? Haggard ba ang hitsura ko?" Pinilit niyang magbiro dito.
Noon ito biglang natauhan "Huh? Nothing." Humarap na ito sa court at hindi na siya nilingon. Mabuti na lang at abala sina Barbara at Doray sa pagpalakpak at pagtili pero ang ibang teammates nito ay napansin ito kaya napapalatak ang mga ito. Ang iba pa ay napapailing naman. Pero bakit ba siya ang kailangang mailang? Wala naman siyang ginagawa kundi ang manood. Si Jaime lang naman ang may kasalanan, hindi siya. Nang matapos ang laro ay ang team nina Jaime ang panalo. Pero hindi katulad sa mga nakaraang laro, mababa ang points at rebound nito. Ilang beses pa itong na-foul.
Bumaba na sila ni Doray sa Bench at binati ang mga ito. "Congrats, Jeric. Congrats, Jaime. Thank you pala doon ulit sa ticket ha. Sige lilipat na kami doon. Nandoon na sina George San Juan, my crushie number two eh," biro niya kaya nagprotesta ang mga kasama nito.
"Taksil ka," kunwaring nagtatampong sabi ng isa.
"Paano kapag championship kalaban namin si George mo, kanino ka susuporta?"
"Siyempre dito noh kahit bet na bet ko rin si George. Nakakahiya na ako. Si Jaime ang sponsor namin ni Doray ng ticket saka sasabunutan ako ng girlfriend ni Jeric," natatawang sabi niya sabay turo kina Barbara at Jeric na parang mga teenager na naglalambingan. Pagbaling niya kay Jaime ay nakasimangot pa ito at biglang umismid nang magtama ang paningin nila.
"Lagot ka, Princess Dorothy. Nagseselos ang Mythical Prince mo."
"Shut up," pikon na sabi ni Jaime at umupo na lang sa bench malayo sa kanila.
"Mga loko kayo. Alam niyo namang may isyu na ako kesyo bitter ako. Grabe talaga sa industriya ng showbiz, walang patawad," natatawang sabi niya. "Mamaya may makarinig, iba pa ang isipin sa akin. Saka bagay sila ni Penelope na girl crush ko na rin ngayon." Nagpaalam na sila sa mga ito at lumipat sa kabilang bench.
Pagkatapos ng second game ay dumiretso na sila ng uwi ni Doray at sa bahay na kumain. Nang makahiga siya ay saka biglang nag-ring ang cellphone niya. Antok na antok na siya sa pagod kaya hindi niya pinansin iyon hanggang sa tumigil at makatulog siya. Maya-maya ay naalimpungatan siya dahil nag-ring na naman ang cellphone niya kaya nagdesisyon na siyang bumangon at i-check iyon.
Alas dos na ng madaling-araw kaya nagtaka siya nang mabasa sa screen ang pangalan ni Jaime. "Jaime, bakit?"
"Ahm j-just wanna check on you."
"Ahh ito, nakatulog na."
"Nagising pala kita. Pasensya na."
"It's okay. Salamat pala ulit sa tickets ha. Pakikumusta na lang ako kay Penelope. Suwerte mo sa girlfriend mo sobrang ganda at bait." Parang may batong bumara sa lalamunan niya.
"Ahh yes. About the k-kiss, p-pasensya na."
"Okay na nga iyon. Basta huwag mo na ngang ipaalala dahil may kapalit na ticket iyon. Oh sige. Matutulog na ako ha. May rehearsal pa kasi ako bukas."
"Rehearsal? May concert ka pala."
"Ay hindi. Sa TV show iyon. Live performance kasi kaya mas tutok ako sa rehearsal ng members ko."
"I see."
"Goodnight na muna Jaime and sleep tight." Pinatay na niya ang tawag. Nagtataka siya kung bakit napatawag ito. Bigla siyang kinabahan dahil baka may problema ito at kailangan ng kausap. Tinawagan niya ulit ito kinumusta. “Huy, Jaime. Sorry na naalimpungatan lang din ako. Bakit ka pala tumawag?”
“Wala iyon kasi nagbabaka-sakali lang akong makausap ka eh.”
“Sure ka ba? Okay ka lang ba?” Nang tumawa pa ito at sabihing nagpapaantok lang at gustong makipagkuwentuhan ay gusto niyang mabuwisit. Mukhang bored lang talaga ito kaya ginawa pa siyang pampalipas-oras. Ayaw na niyang alalahanin pa ito dahil may girlfriend na ito at baka pagselosan pa siya kahit mabait ito. May issue na nga siya na bitter, mamaya madagdagan pa. Sasabihin pa muna ng mga tsismosa na desperada at mang-aagaw siya. Inabala lang pala nito ang pagtulog niya. Mabuti na lang at mabilis siyang hinilang muli ng antok.
"IN your eyes, I can see my dream's reflections. In your eyes, I found the answers to my questions. In your eyes, I can see the reasons why our love's alive. In your eyes, we're drifting safely back to shore. I think I've finally learned to love you more." Madamdamin ang naging pag-awit ni Dorothy habang naglalakad si Barbara sa aisle. Iyon ang kasal nito at ni Jeric. Hayun at sobrang ganda nito sa suot nitong wedding gown. Muntik pang mabasag ang boses niya nang kunin na ni Jeric ang kamay nito at maluha-luhang nagyakapan ang mga ito bago pumunta sa altar.
Napaka-solemn talaga ng kasal ng mga ito kaya maging siya ay naapektuhan at tila tumagos ang pagkanta niya sa mga tao sa Simbahan. Nang magsimula na ang seremonya ay napalingon siya kay Jaime na best man ni Jeric na nakatitig na naman sa kanya. Nailang na naman siya kaya nag-focus siya sa altar. Nang muli siyang magbaling ng tingin dito ay abala na ito at ang maid of honor na si Fiona sa pag-aasikaso sa mga ikinakasal.
Pagdating nila sa reception sa hacienda ng mga Tanjuanco ay mayroong live band doon at kasama rin siya sa mga kumanta. Maya-maya ay nagulat pa siya nang hatakin siya ni Fiona papunta sa kumpol ng kababaihan. Maghahagis na pala ng bouquet. Panay ang pagdadahilan niya kaya lang ay hindi siya nakatakas. Nang ihagis ni Barbara ang bouquet ay mabilis siyang tumalikod pero parang may isip sariling ito dahil sa likod niya tumama. Pagharap niya ay nasa paanan niya na ito. Ayaw niyang damputin iyon at kung sinu-sino ang itinuro niya kaya nagtawanan ang mga bisita. Nang ang garter naman ang ihagis, gulat na gulat siya dahil parang bolang i-re-rebound na tinalon iyon ni Jaime. Nagtawanan lang lalo ang mga bisita at panay ang tukso sa kanila. Tila balewala naman iyon dito at agad na isinuot ang garter. Nang matapos, kinalansing ng mga tao ang mga baso at tinidor nila, tanda na naghihintay ang mga ito ng kiss. Ang iba pa ay isinisigaw ang mga trending na hashtag sa kanila ni Jaime.
"Kiss daw," pambubuyo ng emcee.
Nang mahagip ng tingin niya si Penelope ay may ideyang pumasok sa isip niya. "Substitute po."
"Wow, parang basketball lang," natatawang sabi ng host. "Sino naman?"
"Iyon pong pretty girl sa dulo. Girlfriend iyon ni Jaime," pilit na ngiti niya sa emcee. Nang tawagin si Penelope ay lumapit ito sa kanila. Nakipagbeso siya dito at agad na bumalik sa puwesto ng banda. Nang halikan ni Jaime si Penelope ay parang dinurog nang pino ang puso niya. The way they looked at each other, she knew it was more than lust or liking. And it was painful to know that Jaime would never love her. She realized he liked her, but it was too little to outcompare his love for Penelope. Hindi siya iiyak, pangako niya sa sarili. Pumunta siya sa buffet table at inabala ang sarili sa pagkain.