Chapter 27: Leandro Is Saved, Tiffany Is Missing
Nakalas na ni Leandro ang tali sa mga kamay nila ni Anton. May tatlong bodyguards sa basement kasama na si Leo. Hindi niya alam kung paano ito patutumbahin dahil malaking lalaki ito at parang kabilang sa tropahan ni Arnold Schwarzenegger. Katulad niya ay eksperto rin ito sa martial arts. Maya-maya’y nagreklamo siyang naiihi na. Lumapit naman si Leo at inobserbahan marahil para matiyak kung nagsasabi siya ng totoo.
“Hindi ko na kayo kakalagan. Bahala kayong gumawa ng paraan pang-aasar nito.” Nang makalapit ito ay naging mabilis ang kilos niya. Tinadyakan niya ito sa pagkalalaki at mabilis na tumayo para agawin ang baril nito. Nang magpaputok ang isa ay mabilis siyang nakaiwas at ipinansalag ang katawan ni Leo na siyang tinamaan ng baril. Bago pa makakasa ito ay nabigyan na niya ito ng flying kick habang si Anton ay dinaluhong ang isa pang bodyguard.
Nang balingan niya si Leo ay duguan na ito. Si Anton naman ay patuloy na nakikipagpambuno sa isang bodyguard para agawin ang baril. Nilapitan na niya ang mga ito at pinaulanan ng suntok bago binigyan ng malakas na sipa sa sikmura kaya nawalan din ito ng malay. Dahan-dahan pa nilang binuksan ang pinto at nang makitang walang bantay ay mabagal pa silang umakyat. Nasa huling baitang na sila nang may tumutok sa kanyang baril. “Huwag ka nang gagalaw kung ayaw mong pasabugin ko ang bungo mo.”
Hindi niya mapigilang lumingon kaya gulat na gulat siya nang makitang masama ang tingin sa kanya ni Isaac. “'Tol, b-bakit?”
“‘Langya ka naman ‘tol. Putsa kung anu-anong pinagdaanan ko rito,” anitong buwisit na buwisit at ibinaba ang baril. Wala itong suot na pang-itaas.
“Ano’ng nangyari sa ‘yo?” Nagtataka siya kung bakit ganoon ang hitsura nito.
“What?”
Bago pa siya nakasagot ay may mga nagkislapang ilaw. Paglingon nila ay mga reporter pala ito at nakikipag-unahan pa sa mga pulis na rumesponde sa kanila. Nakaposas na ang mga bodyguard na inaakay palabas. May mga pulis na bumaba na sa basement para hulihin ang iba pa. “‘Tol,” aniya kay Lucas na palapit sa kanila.
“Fuck, ‘tol. Sawayin niyo nga iyang mga reporter. Paano nakapunta iyang mga iyan dito?” Inis na inis si Isaac na hinarap ang mga reporter at pilit na pinaalis.
“‘Tol, magbihis ka muna,” saway ni Lucas dito. Tila noon lang nito na-realize na wala itong pang-itaas at tarantang nagtago sa likod nila. “Loko ka. May libreng topless photo ang buong Santiago kinabukasan. Mag-model ka na lang ‘tol.”
Noon na siya natawa at nang mapatingin sa hagdan ay nakita nilang hawak na ng mga pulis si vice governor kasunod ang ilang bodyguards na nakaposas din. Hawak pa nito ang isang kulay puting long-sleeved polo. “‘Tol, sa iyo yata iyon.” Pinuntahan nga ito ni Isaac at inagaw ang polo bago inambahan ng suntok si vice governor. “I never knew you’d go as far as that," tawa nang tawang sabi ni Leandro.
Pikon na pikon si Isaac at pinaulanan sila ng mura ng machine gun nitong bibig habang nagmamadaling isuot ang polo. “You owe me big time, ‘tol.”
“Sa akin din,” hirit ni Lucas.
“Thank you, mga pinsan, babawi ako sa inyo panigurado iyan,” seryosong sabi niya at tinapik ang balikat ng mga ito. Nakahinga siya nang maluwag nang maalala si Tiffany at niyaya na ang mga itong lumabas. Pero bago pa sila makalagpas sa mga reporters ay hinarang na siya ni Stacy.
“Lean, baby, are you okay?” Ininspeksiyon pa nito ang mukha niya at hinawakan ang gilid ng mga labi niyang pumutok.
“Yes, yes,” nagmamadaling sabi niya at pilit na iniiwas ang mukha mula rito. Pero bago pa siya makalayo ay ikinulong nito ang mukha niya at siniil siya ng halik sa mga labi kasabay ng pagkikislapan ng mga camera.
Maya-maya ay lumapit sa kanila ang mga kasamahan ni Lucas at mga pulis at inanyayahan sila para makakuha ng statement. Habang nasa biyahe ay nakahinga na siya nang maluwag dahil nahuli na ang taong nasa likod ng mga pagtatangka sa kanya. Pero ibayong pag-iingat pa rin ang dapat niyang gawin dahil hindi niya naman masiguro kung ito lang bang mag-isa ang may plano niyon. Maaaring may iba pang kasabwat ang corrupt na vice governor. Umaasa na lang din siyang maging maayos na ang lahat. Kailangan niya munang masigurong ligtas na ang paligid lalo na para sa kanyang si Tiffany.
Pagdating nila sa presinto, sunud-sunod na tanong agad ang ibinato sa kanya ng mga pulis. Lahat ng alam niya at ay sinabi na rin niya. Mabuti na lang at hindi nakumpiska ang secret phone niya na nagawa niyang buksan agad ang app na recorder habang nasa kotse siya. Lahat ng mga usapan ay naka-record sa kanya kaya may solid evidence na sila laban sa vice governor. Si Isaac ay tumestigo rin laban sa vice governor at may ibinigay ding ebidensiya. Nairecord din nito ang lahat ng pag-uusap ng mga ito. Ang mga bodyguard nila ay tumestigo rin laban dito kaya patung-patong na kaso ang isinampa rito.
Nahinto lang din muna siya sa kanyang pagsasalita nang tumunog ang kanyang cellphone. Ang girlfriend niya ang tumatawag. Nakangiti niyang sinagot ang tawag. “Hello, Baby.”
“Andoy, I saw the news. What happened, baby? Are you okay now? I’m worried. Where are you?”
“Hi Baby, okay na ako. Listen, Baby, I can’t talk right now. I will call you later. Take care,” sabi niya at pinatay na ang tawag dahil hinihintay siya ng mga pulis.
Pasado alas-kuwatro na ng madaling-araw nang matapos ang pakikipag-usap niya sa mga pulis. Nag-text na rin agad siya sa kanyang nobya pero hindi ito nag-reply. Mukhang tulog na ito dahil malapit nang mag-umaga kaya naunawaan niya ito. Bukas na lang niya ito personal na kakausapin para masabi ang lahat pati ang magagandang plano rin para sa kanilang dalawa.
Natulog muna siya pagkarating niya sa condo unit niya. Pasado alas-diyes na ng umaga nang magising siya. Agad niyang tiningnan ang cellphone pero walang reply si Tiffany na ipinagtaka niya. Tinawagan niya ito pero hindi naman ito sumasagot sa kanya. Mabilis lang din muna siyang nag-almusal, naligo, at nagbihis at naghanda na. Pagkatapos ay pumasok na sa munisipyo kung saan naghihintay ang nag-aalalang mukha ni Belle. Kinumusta na siya nito bago ito mabilis na pumasok sa pantry at ipinagtimpla siya mainit na tsokolate.
Maghapon na siya sa binabasa at pinipirmahang mga dokumento pero hindi pa rin sumasagot si Tiffany. Nang tawagan niya ito ay voicemail lang ang sumagot kaya nag-iwan na lang siya ng mensahe. “Hi Baby ko, where are you? Nag-aalala na ako sa ‘yo. Sagutin mo naman ang text ko o tawagan ako kapag narinig mo ito at nabasa ang mga text ko. Miss na miss na talaga kita, my baby. Let’s meet later.”
Pagdating ng alas-singko ng hapon ay nagmamadali na siyang lumabas ng munisipyo at nag-drive papunta sa Rosario. Pagdating niya sa building ng family business ng mga ito ay hindi rin daw pumasok ang babae.
Nagdesisyon siyang pumunta na sa bahay ng mga ito. Kinakabahan na siya dahil alam niyang galit sa kanya ang daddy at mga kuya nito. Pero kailangan niyang makita ang babaeng mahalaga sa kanya. Pagdating niya sa mansiyon ng mga ito ay agad siyang nagpakilala sa guard na idolo pala siya at nagpa-autograph pa. Natawa na siya sa kuwelang mga kuwento nito habang hinihintay ang paglabas ni Tiffany. Maya-maya ay natanawan niyang palapit ang daddy, mommy, at mga kuya nito kasama ang mga asawa ng mga ito.
“G-good evening po.”
“Walang maganda ngayon sa gabi. Bakit ka nandito Lagdameo?”
“H-hinahanap ko kasi ang girlfriend ko, Mr. Tercero.”
“Bullshit,” galit agad na sabi nito at sinuntok siya. Sapul siya sa gilid ng mga labi na pumutok agad.
“D-daddy,” awat ng isang manugang nito.
“Ikaw, ano bang plano mo sa anak ko ha? Ilang beses mo nang pinapaiyak ha. Wala ka bang pagbabago? Hindi ka ba nagsawa. Ayokong pumayag na maging nobyo ka niya pero mapilit ang anak ko at ang asawa ko. Sinasabi ko na nga ba, wala kang mabuting maidudulot sa anak ko. Umalis ka na ngayon din!”
“B-but, sir, you don’t understand. Ma’am-”
“I hate you,” sabi nito nang masampal siya. “Pinayagan ko pa ang anak kong balikan ka tapos lolokohin mo na naman!”
“Ma’am and sir, hindi ko po niloloko si Tiffany at hindi ko po siya lolokohin. Kung nagkamali man po ako dati ay ipinapangako ko pong hindi na iyon mauulit. Mahalagang-mahalaga pong makausap ko siya dahil may sasabihin po ako sa kanya.”
“Ano bang sasabihin mo? Ipasabi mo na lang sa amin. Sana hindi ka na nag-abala.”
“But, this is important.”
“Sabihin mo na kasi,” sabad ng isa sa mga kuya nito.
“Okay,” aniya at huminga ng malalim. Ilang na ilang na siya habang nagsasalita dahil parang nasa thesis defense na siya base sa mga tingin nito. Nang matapos siya sa pagsasalita ay nag-iba ang ekpresyon ng mga ito. “Sir, nakikiusap po ako na payagang makausap ang anak niyo.”
“Payag naman ako pero umalis na siya.”
Para siyang pangangapusan ng hininga. Bakit ba umalis ito nang hindi nagpapaalam. “Saan po siya nagpunta?”
“Hindi naman siya nag-abroad kung iyon ang ipinagtataka mo,” sagot ng isa sa mga hipag ni Tiffany.
“Wife!” Agad itong sinaway ng kuya ni Tiffany.
“Bakit? Noong ikaw ang naging nobyo ko, nag-aaway din naman tayo pero hindi kita pinahirapan nang ganyan!”
“Oo na,” lukot ang mukhang sabi nito pero halatang wala itong palag sa asawa nito. Napangiti na siya dahil naiisip niyang magiging ganoon sila ni Tiffany.
“Nandito pa rin naman siya sa Pilipinas, hijo,” kalmadong sabi ng daddy nito at tinapik siya sa balikat bago tumalikod.
“Nasaan po siya?”
“Secret,” sabay-sabay na sabi ng mga ito at tumalikod na.
“Pero kailangan ko po siyang makausap.” Naiinis na umalis na lang siya ng mansiyon dahil tinawanan lang siya ng mga ito.