Chapter 6: 5: Choices
Pagkatapos ng kanyang kaarawan ay madalas na ang pagdalaw ni Oliver sa kanya. Hindi niya maipaliwanag ang saya kapag kasama at kausap ito. Madalas din itong tumatawag at nagte-text sa kanya at hindi niya maiwasang hindi mapangiti sa tuwing babasahin ang mga mensahe nito. Kahit simpleng pangungumusta lamang ay tila kinikiliti ang puso niya.
“Wow ha? Parang kakaiba iyang ngiti na iyan. Sinong nag-text sa’yo?” Sinilip pa ni Divina ang hawak niyang cell phone at bago pa man niya ito maitago ay nakita na nito ang mensahe na naroon.
“Uy! Napapadalas yata iyang kumustahan ninyo ni Oliver a,” sabi pa nito.
“Talaga? Si Oliver ang ka-text mo?” ngiting-ngiting sambit ni Georgina. Lumapit ito sa kanya at mabilis na kinuha ang kanyang cell phone. Hindi na niya nagawang pigilan ito nang malakas nitong basahin sa harap ng mga kasamahan niya ang message galing kay Oliver. Nasa cantten sila at kumakain ng tanghalian.
“It’s lunch time. Kumain ka na ba?” pagbasa nito sa message na nasa kanyang cell phone. “Wow! Ang sweet naman ni Oliver.”
Siniko-siko pa siya nito nang bahagya sa tagiliran habang ngiting-ngiting sinasambit ang salitang, “ayiiie!”
Nag-init naman ang kanyang mukha at nahihiyang kinuha kay Georgina ang kanyang cell phone.
“Akin na nga iyan,” sabi naman niya saka itinago ang cell phone sa kanyang bulsa.
“Hindi mo man lang ba re-reply-an si Oliver?” tanong pa nito sa kanya na pinapanlakihan pa siya ng mata.
“Hayaan mo na. Alam naman niyang kumakain talaga tayo ng lunch.”
“Kahit na. Dapat sabihin mo pa rin tapos tanungin mo rin siya kung kumain na siya,” sabi pa nito. “Ano ka ba naman? Halata ka talagang wala pang karanasan sa pag-ibig.”
“Oo na. Wala na kung wala. Huwag mo nang ipagdukdukan pa.”
“Chance mo na naman kasi iyan na magka-boyfriend. Ayaw mo pang sunggaban,” giit pa nito.
“Hindi pa naman siya nanliligaw e,” tugon naman niya.
“Anong hindi pa? Manhid ka ba? Iyong mga ganiyang istilo ng mga lalaki, nanliligaw na iyan,” sabi naman ni Divina. “Palibhasa kasi kahit na matagal nang nanliligaw sa’yo si Louie, nagmamanhid-manhidan ka pa rin,” sabi naman ni Kristel.
“Isiningit ninyo na naman si Louie e wala nga siyang appeal kay Jade,” sabi naman ni Georgina na halatang mas pabor at boto kay Oliver at walang amor para dito si Louie.
“Hoy Georgina, manahimik ka nga diyan. Marinig ka noong tao. Nakatingin kaya siya sa atin,” sabi naman ni Kristel na itinuro sa pamamagitan ng nguso ang kinaroroonan ni Louie. Nakaupo ito hindi kalayuan sa kanila at katulad ng dati, nakatingin lang ito sa gawi nila. Ni walang ngiti sa mga labi nito habang nakatitig kay Jade.
Kinabahan siya sa paraan ng pagtitig na iyon ni Louie. Para bang galit ito sa kanya. Umiwas tuloy siya ng tingin sa binata.
“Hay naku, alam mo sa totoo lang, natatakot ako diyan kay Louie,” sambit pa ni Georgina habang nakatingin sa binata.
“Bakit naman?” halos panabay na tanong ng kanyang mga kasamahan. Pati siya ay na-curious kung bakit nasabi iyon ng kanyang kaibigan.
“Alam ninyo kasi mabait naman si Louie pero masyado siyang tahimik. Iyong tipong hindi ka magtatangka na unang lapitan o kausapin siya. Sobrang intimidating ang dating niya sa akin. Hindi ninyo ba napi-feel iyon?” pabulong na sabi pa nito.
“Para sa akin, okay lang naman. Mysterious nga ang dating niya e,” sabi naman ni Kristel.
“Pero scary,” dugtong pa ni Georgina.
“Alam mo ikaw, ang bad mo,” saway naman ni Divina. “Porke boto ka sa nirereto mo, sisiraan mo si Louie. Ikaw ha?”
“Oo nga. Huwag naman natin husgahan ang tao. Matagal ko na namang kilala si Louie at talagang ganyan lang siya. Tahimik lang talaga siyang tao,” depensa rin niya. Naaawa naman kasi siya sa sinasabi ni Georgina tungkol dito.
“Kung ganyan din pala ang pananaw mo, bakit hindi mo pa rin siya sinasagot hanggang ngayon? Bakit hindi mo na lang aminin na natatakot ka rin sa sobrang misteryoso niya?”
“Georgina, hindi sa ganoon. Talaga lang kaibigan ang tingin ko kay Oliver at hindi pa rin iyon nagbabago hanggang ngayon.”
“Kung kaibigan ang turing mo sa kanya, bakit parang hindi naman kayo close? Bakit naiilang ka sa kanya?”
“E kasi nga, kaibigan ko siya tapos nanliligaw siya. Naiilang ako kapag ganoon. Kapag kaibigan, kaibigan lang talaga at ayoko nang lumampas pa roon.”
“Poor, Louie,” naiiling sa sambit naman ni Kristel. “Masyado ka niyang mahal para i-reject mo siya.”
“Hindi ko naman kasi matuturuan ang puso ko na mahalin siya,” depensa pa niya.
“Naku, hindi ganoon iyon. Talaga lang pinipigilan mo ang nararamdaman mo para sa kanya. Nakatatak na kasi sa’yo na kaibigan lang ang turing mo sa kanya. Ayaw mong buksan ang puso mo para sa kanya,” saad pa ni Kristel. Ito talaga ang numero unong taga-depensa ni Louie.
“Isa ka pa rin naman sa nagpipilit sa taong inirereto mo kay Jade e,” nakasimangot na sabi ni Georgina.
“Atleast iyong inirereto ko sa kanya ay kilalang-kilala na niya at for sure na wala siyang pagsisisihan.”
“Paano mo naman nasabi? Gaano ka kasigurado na hindi sasaktan ni Louie si Jade?”
“Alam ko dahil mahal na mahal talaga niya si Jade mula pa noon,” giit pa ni Kristel.
“Ayan na naman kayong dalawa e.”
“E sino ba kasing pipiliin mo sa dalawa? Para matigil na kami sa pagrereto sa’yo,” sabi pa ni Georgina.
Hindi naman siya nakasagot sa tanong nito. Ang totoo, kahit na may kaunti siyang nararamdaman para kay Oliver ay hindi pa rin siya sigurado sa damdamin niya para dito at nangangamba pa rin siya na baka magkamali siya ng pagpili.
Pasado ala-sais na pero hindi pa siya nag-aayos para umuwi. May overtime siya sa araw na iyon dahil cut off ngayon at kailangan niyang ayusin ang bawat payroll. Kailangan niya ring ikumpara kung tama ba ang time in and out ng mga empleyado lalo na pagdating sa overtime. Mahirap na kasi na kapag dumating ang sahuran ay may magko-complain na kulang ang sahod. Mas doble trabaho iyon para sa kanya.
“Hindi ka pa ba uuwi?” tanong sa kanya ni Daisy na nag-extend lang din para tapusin ang ginagawang report.
“Maya-maya rin ay uuwi na ako,” sagot naman niya rito.
“Sige, mauuna na ako sa’yo.” Inayos nito ang shoulder bag at naglakad na palabas ng pinto ng opisinang iyon. Inihatid lamang niya ito ng tingin saka ipinagpatuloy na ang kanyang ginagawa. Malapit-lapit na rin naman siyang matapos kaya minadali na rin niya iyon. Napansin naman niyang siya na lang ang natitira roon.
Tumayo na siya matapos ang ilang minuto pang pagtatrabaho at natapos na rin naman niya ang kanyang ginagawa. Inayos na niya ang kanyang mesa at ang kanyang mga gamit pagkatapos ay pinatay na ang mga ilaw. Ini-lock na niya ang pinto at lumabas na ng opisinang iyon. Naglakad pa siya pababa ng hagdan bago nakarating sa locker area.
Medyo hinapo rin siya sa tagal niyang nakaupo sa harap ng computer kaya naman tumigil muna siya sa kanyang locker area at huminga nang malalim bago buksan iyon. Kinuha pa niya roon ang ilang mga gamit bago nagpasyang magtungo na sa guard house.
Halos mapasigaw siya nang biglang sumulpot sa harapan niya siya si Louie. Nakapamulsa ito at nakatingin sa kanya. Nasapo niya ang kanyang dibdib dahil halos tumalon ang puso niya sa tindi ng pagkabigla.
“Hi,” nakangiting bati nito sa kanya.
“Diyos ko, Louie. Nakakagulat ka naman.”
“Sorry. Nagulat ba kita?” tanong pa nito na tila nag-aalala.
“Obvious ba? Bigla ka na lang kasing sumusulpot. Bakit ba nandito ka pa?”
“Six pm ang out ko kaya hinintay na kita. Nasabi ng guwardiya na hindi ka pa raw lumalabas e,” tugon naman nito.
“Sabay na tayo umuwi?” alok pa nito.
Hindi na siya nakatanggi kaya naman tumango na lamang siya. Pinauna na siya nitong pinasakay sa tricycle na nakaparada sa harap ng kanilang kompanya. Diretso na ang tricycle na iyon hanggang sa kanilang bahay na malapit lang din naman sa kanyang pinagtatrabahuhan. Tumabi si Louie sa kanya.
Halos hindi siya makahinga sa sobrang bilis ng tibok ng puso niya. Hindi niya rin maipaliwanag kung bakit ganoon na lamang ang kaba niya. Hindi siya komportable na magkadikit ang mga braso nila ni Louie. Walang nagsasalita ni isa sa kanila kaya naman mas lalong tumitindi ang tensiyon na nararamdaman niya.
“Ayos ka lang ba?” basag nito sa katahimikang namamagitan sa kanila.
Napabuga naman siya ng hangin bago nagsalita.
“Ang totoo, naiilang ako,” tapat niyang sabi.
“Pansin ko nga na matagal ka nang naiilang sa akin. Hindi ka naman dating ganyan noong high school tayo,” tipid ang ngiting sabi nito.
Yumuko naman siya. Hindi niya kayang salubungin ang tingin nito sa kanya. Lalo siyang nahiya sa sinabi nito dahil matagal na nga niyang iniiwasan ito dahil sa nararamdamang pagkailang.
“Pasensiya ka na,” tanging nasambit niya.
“Bakit nga ba kasi iniiwasan mo ako? May nagawa na ako sa’yo na hindi mo nagustuhan?” malungkot na saad nito.
“Wala naman kaya lang kasi bigla akong nailang sa’yo noong manligaw ka sa’kin,” nahihiyang sambit niya.
“Bakit ka naman maiilang sa akin kung nanliligaw lang naman ako sa’yo?”
“Magkaibigan tayo e.”
“Iyon naman pala, magkaibigan tayo kaya mas lalong hindi ka dapat mailang sa akin, ‘di ba?”
Tumawa naman siya nang bahagya.
“Iyon na nga. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit ako nailang ako. Siguro kasi, hindi ako sanay na nagiging extra sweet ka sa akin. Saka alam mo iyon, iniisip kong manliligaw kita kaysa sa kaibigan kita kaya naiilang ako.”
“E ‘di ituring mo ulit akong kaibigan mo,” nakangiting tugon naman nito. “Isipin mo na hindi ako nanliligaw sa’yo para hindi ka na mailang sa akin.”
Tumango naman siya. “Sige. Pasensiya ka na talaga ha?”
“Ayos lang. Siguro kasalanan ko rin. Naging makulit yata ako sa’yo.”
“Hindi naman.”
“Huwag kang mag-aalala, simula ngayon hindi na ako mangungulit sa’yo. Hindi na rin ako palaging magpapadala ng flowers sa’yo. Aakto akong normal na kaibigang lalaki para sa’yo.”
“Salamat, Louie.”
“Wala iyon basta para sa’yo at sa pagkakaibigan natin.”
“Tinatanggap mo na ba na hanggang kaibigan lang talaga ang turing ko sa’yo?” tanong pa niya.
Hindi naman agad ito umimik. Napawi rin ang tipid nitong ngiti sa labi at umiwas nang tingin sa kanya.
“Ang totoo, hindi ko iyon tanggap. Gusto ko pa ring maging higit doon ang turing mo sa akin pero kung hindi mo pa kayang tumbasan ang pag-ibig ko sa’yo, handa pa rin naman akong maghintay. May napupusuan ka na bang iba?”
Siya naman ang hindi nakasagot. Hanggang sa tumigil ang sasakyan at makababa sila ay wala siyang naging imik. Nasa tapat na sila ng kanilang bahay nang tumunog ang kanyang cell phone. Kinuha niya iyon mula sa kanyang bag at nakita niyang nakarehistro doon ang pangalan ni Oliver.
Tiningnan niya si Louie bago sinagot ang tawag ni Oliver. Nakita niya ang kirot sa mga mata ni Louie habang nakatingin sa kanya. Umiwas na lamang ulit siya nang tingin at bahagyang lumayo bago nakipag-usap sa kabilang linya.
“Hello, Oliver,” bungad na bati niya.
“How are you? Nakauwi ka na ba?”
“Oo, nakauwi na ako. Kadarating ko lang dito sa bahay.”
“Oh, really? Bakit gabi ka na umuwi?” tanong pa ng nasa kabilang linya.
“Nag-overtime kasi ako,” sagot naman niya.
“Sana sinabi mo sa akin agad para naman nasundo kita.”
“Naku, hindi na kailangan. May kasabay naman akong umuwi.” Tumingin siya kay Louie na nakatayo pa rin at nakatingin sa kanya na para bang hinihintay siyang matapos sa pakikipag-usap.
“Sino?”
“Ah… si L-Louie.” Halos hindi pa niya mabigkas ang pangalan nito.
“Ah ganoon ba? Buti at hinintay ka niyang makauwi. Atleast, I know you are safe,” sabi pa nito na ipinagtaka niya. Ang akala niya ay iba ang magiging reaksiyon nito. Magagalit o dili kaya ay magtatampo dahil sumama siya sa kanyang manliligaw at parang karibal na rin nito.
“Hindi ka ba nagagalit?” tanong pa niya.
“Bakit naman ako magagalit? Wala pa naman akong karapatan. Unless, maging girlfriend na talaga kita.”
Nag-init naman ang kanyang pisngi dahil sa sinabi nito. Napahagikhik siya nang mahina.
“Hindi ka pa nga nanliligaw, girlfriend agad?”
“Hindi pa ba panliligaw para sa’yo ang mga palipad-hangin ko at mga sweet messages at tawag ko sa’yo?”
“Panliligaw na ba iyon?”
Tumawa naman ito sa kabilang linya. “You are still innocent in your age.”
“Pinapaalala mo na namang matanda na ako at wala pang alam pagdating sa pag-ibig,” nakasimangot na sambit niya.
“Totoo naman kasi. You should try to commit to a relationship.”
“Subukan? Ano iyon? Testing lang?”
“Why not? Para naman malaman mo iyong feelings na may boyfriend.”
“Hay naku, puro ka kalokohan.”
“Anong kalokohan? I am serious.”
“Isa ka pang nakaka-pressure. Mabuti sana kung madali lang din mag-reject ng isang manliligaw.”
“Who should you reject if ever?” tanong nito na hindi rin niya nasagot. Napatingin siya sa gawi ni Louie na hindi pa rin maipinta ang mukha habang nakikinig lang sa mga sinasabi niya. Para bang iniisip na nito na siya ang maliligwak sa oras na mamili na siya. Nakagat tuloy niya ang kanyang labi at napangiwi.
“Ang hirap mamili,” naisaloob niya.