Chapter 34: The Second Victim
TRIGGER WARNING:
This CHAPTER may contain explicit depictions such as death, killing, self harm or suicide, sexual assault or harassment, vulgar words, swearing, and many disturbing gestures or depictions. TRIGGER WARNING shall be taken into consideration.
°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*°*
JAMMY
Maaga pa lang ay nagtungo na ako sa Mystique Club upang i-check kung naroon si Denver. Pero wala ito sa club room. Malamang ay lumabas ito ng campus at pinuntahan si Sam.
Ito na siguro ang pinakamasakit na punto ng buhay nilang magkakaibigan. Dalawa sa kanila ang nawala. Si Sam at Eloise. What will happen to the Owl Group matapos ang nangyari?
Umalis rin ako agad dahil wala naman akong gagawin dito. Minabuti ko na lamang na daanan si Sheila sa unit nila Hermione, para na rin makamusta ko ang kaniyang kalagayan. Matapos ang nangyari kay Eloise, malamang ay matinding lungkot ang dumalaw sa kaniya magpahanggang sa ngayon.
“Huh, kaaalis lang niya? Kasama si Hermione?” tanong ko sa roommate nila. Wala raw sina Hermione at Sheila ngayon. Hindi pa rin bumabalik.
“Oo, eh. Madalas naman silang dumating dito nang mga alas nuebe na ng gabi kaya hindi na kami nagtataka roon,” sagot nito sa'kin. Tumango-tango naman ako sa sinabi niya.
Magpapaalam na sana 'ko nang dumating si Hermione.
“Oh, ayan na pala si Hermione, eh.” wika ng roommate nila. Ngumiti muna ito sa akin bago pumasok muli sa kaniyang silid.
“Hi, Hermione,” nakangiti kong bati sa babaeng lumapit sa aking gawi. May mga bitbit itong plastic na may lamang goods at kung ano-ano pa. Tila galing ito sa Mnemosyne market.
“Hello, Jammy. Napadalaw ka?” wika nito na gaya ko'y nakangiti rin sa'kin.
“Dadalawin ko lang sana si Sheila. Magkasama ba kayo kanina? Ba't 'di mo siya kasama?” tanong ko rito.
“Ayyy, nagpaalam sa'kin. May kailangan daw siyang gawin.”
Matapos niyon ay nagpasalamat na 'ko sa kaniya at tuluyan nang umalis sa kanilang dorm.
It's already 6:30 pm nang makalabas ako sa dormitory building nila Hermione. Saan naman kaya nagpunta 'yong si Sheila. Naglakad na 'ko pabalik sa dorm nila Andy nang mapansin kong may nagkukumpulang estudyante sa harap ng cafeteria.
At ano namang meron doon? Bagong tsismis?
Lumapit ako sa gawi roon upang makiusyoso. Habang papalapit ay dinig ko ang mga pambubuyo ng mga estudyante. Nang makita ko kung anong nagaganap doon ay tumambad sa akin ang dalawang babaeng estudyante na nagsasabunutan.
Teka! Ba't walang umaawat?
Pahakbang na sana ako sa gitna nang makarinig kami ng pito mula sa 'di kalayuan.
Si manong guard at ilang taga faculty ang papalapit dito.
Nagpulasan naman ang ilan dahil doon. Inawat nila ang dalawang nag-aaway na ngayo'y pareho nang nakahiga sa sahig. Pilit silang pinaghiwalay nina manong guard at isang taga faculty.
“Ano bang nangyayari sa inyong mga bata kayo? Sunod-sunod na nga ang mga nangyayaring patayan dito, dadagdag pa kayo!” sermon ni sir na taga faculty. Maririnig sa kaniyang boses ang malalim na pagkadismaya sa dalawang estudyanteng pinagagalitan. Base rin sa pinta ng kaniyang mukha, tila stress na stress na rin ito sa nagaganap na patayan nitong mga nagdaang araw sa campus.
“Ewan ko po riyan kay Kristine. Bigla na lang akong hinila palabas ng cafeteria at sinabunutan ako. Pinagtanggol ko lang ang sarili ko,” sagot ng isa sa mga babaeng nakipagsabunutan. Rinig na rinig sa mga kataga nito ang madalas na paghingal.
Bumaling naman ng tingin ang lalaki sa babaeng pinangalanang Kristine. “Ipaliwanag mo 'to Kristine,” mariing tanong ni sir na taga-faculty.
Hindi ito sumagot bagkus ay tumawa lang ito na parang nababaliw saka umalis.
Takhang sinundan ng tingin si Kristine ng lahat.
Anong nangyari dun? Isang show?
Habang tumatagal, mas lalo akong natatakot na manatili rito sa Mnemosyne. Hindi malayong maging katulad ako ng Kristine na yun na parang nababaliw na dahil sa mga kakaibang nangyayari sa loob ng campus na ito.
Ikaw ba naman ang makakita, makarinig, at makasaksi ng mga tagpo na may buhay na kinukuha. Muntik na rin akong pumanaw dahil sa konektadong insidente mula sa Coron, Palawan. Malamang sa malamang ay posibleng bawian ako ng bait at katinuan dahil sa mga kagimbal-gimbal na tagpong ito sa Mnemosyne Academy.
Papasok na sana ako ng room unit nila Andy nang makita ko si Denver sa room 304 kung saan ang dati naming room unit. Kasama nito si Inspector Tan na pumasok sa loob ng silid.
Sumunod ako roon upang alamin kung ano ang balita patungkol sa imbestigasiyon sa pagpatay kay Eloise.
“Denver, Inspector Tan!” bati ko sa dalawa nang makita ang mga ito sa loob.
“Oh, Ms. Fernsby,” pabalik na bati sa'kin ni Inspector.
Si Denver naman ay hindi ako inimik, bagkus ay nakapamulsa lang ito.
“Anong mayroon?” tanong ko rito.
“May kailangan lang kaming hanapin sa kwarto ng biktima,” sagot ni Inspector.
“At ano naman yun?” takha kong tanong.
Lumingon si Denver sa'kin. Pulang-pula ang mga mata nito. Tila kagagaling lang sa pagluha. “Sa tingin ko, naidala nang hindi sinasadya ng culprit ang hikaw ni Eloise. Nawawala ang pares ng hikaw niya na sa tingin ko, may mantsa rin ng dugo. Kung tama ang hula ko, maaring nahulog yun o sumabit kung saan sa damit ng culprit. Kung hindi natin makikita ang pares ng hikaw na yun sa kwarto ni Eloise. Malaking posibilidad na nasa culprit yun at paniguradong hindi pa niya yun napapansin hanggang ngayon,” saad nito.
“May balita na ba sa unidentified finger prints?” tanong ko kay Inspector. Umiling ito bilang sagot.
“S-subukan niyong i-match ang finger print ni Claire sa unidentified fingerprint na nakita niyo,” wika ko. Nabaling ang atensiyon nila sa'kin mula sa paghahanap sa kwarto ni Eloise.
“Subukan niyo lang,” wika kong muli. Hindi ko intensiyong pagbintangan si Claire o dahil sa naiirita ako, pero, bukod kay Sheila, si Claire lang ang nakaaway ni Eloise ayon sa mga babaeng nakasagutan ni Claire kahapon. Kung wala sa kanilang dalawa, ibig sabihin lang nito ay kagagawan ito ni Jewel.
Agad na sumenyas si Inspector Tan kay officer Evans. Madali itong lumabas ng unit.
Inabot din kami ng isang oras sa pag-aalungkat ng mga gamit ni Eloise sa loob ngunit wala kaming nakita ni isang hikaw tulad ng nasa picture nito sa crime scene.
“Subukan din nating magpasa ng search warrant sa room ni Claire,” panukala ko na agad namang tinanguhan ng dalawa.
Palabas na kami ng room unit nang may dumating na isang police officer na kumakaripas ng takbo papalapit sa'min.
“Inspector, may bagong report sa kabilang building na may pinatay!” wika nito na naghahabol pa ng hininga.
Nagulat kaming lahat sa narinig. Nagkatinginan pa kami ni Denver bago kami sabay na tumakbo papunta roon.
Sa harap ng Arachne's building ay nakita namin si Hermione at isa pa nitong roommate na nakikiusyoso roon.
Bakit hindi nila kasama si Sheila? Nasan na ba yun!? Kinakabahan ako sa nangyayari. Ayokong maniwala sa naiisip ko. Hindi pwedeng maging siya'y naging biktima na rin!
Hindi na namin ito pinansin nina Denver, bagkus ay tuloy-tuloy lang kaming nagtungo sa second floor kung saan natagpuan ang bangkay.
Doon ay nakita namin sa labas ng isang room ang isang babae. Umiiyak ito at tila takot na takot.
“Anong pangalan mo?” tanong rito ni Inspector Tan.
“Hannah po,” saad nito sa gitna ng mga hagulhol.
“Anong nangyari?” tanong naman ni Denver.
“Nasa clinic ako kanina para manghingi ng gamot para sa lagnat ni Isay. Kaso natagalan ako sa pagbalik dahil nakiusyoso pa ko kanina sa eksenang nangyari kanina sa tapat ng cafeteria,” sagot nito.
“Anong eksena?” tanong ni Denver.
“May dalawang babae na nagsabunutan kanina sa tapat ng cafeteria. Nababaliw ata yung isa na natatawa pang umalis nang mapag-alaman na siya ang nagpasimula ng away,” ako ang sumagot.
“Tapos pagdating ko, hindi sumasagot si Isay. Nakalock ang pinto. Akala ko lang tulog pa siya kaya nagluto muna 'ko. Pero anong oras na 'di pa rin siya bumabangon. Nagsimula siyang matulog kanina pang tanghali kaya't nag-alala na 'ko. Nang gamitin ko ang duplicate key niya, yan na ang nakita ko,” pagpapatuloy nito.
May nakabaon na kitchen knife sa bandang dibdib nito. Ngunit hindi lamang iyon ang saksak na tinamo niya. Meron sa tagiliran at ilan pa sa dibdib at tiyan.
Ayon sa report na ginawa ni officer Evans. Labing-dalawang stab wound ang nakita sa katawan ng biktima.
Nakahilata ito sa kama nito habang nakataklob ang kumot nang sinaksak. Ibig sabihin lang nito, tulog ang biktima nang inatake ito ng culprit.
Malamang ay gawa ito ng taong may malalim na galit sa biktima. Hindi man lang ito nakuntento sa iisang saksak. Bagkus ay labindalawa!
Napuno ng dugo ang kama na hinihigan ng biktima.
Tulad ng report sa murder case ni Eloise. May unidentified fingerprints din ito sa door knob ng pinto sa labas at sa kwarto ng biktima, ngunit wala sa murder weapon at katawan ng biktima. Lahat rin ng cctv cameras ay sinira't pinutol ng culprit.
Irereview pa nina Inspector Tan ang last footage taken ng cctv camera sa Arachne's building.
Mas lalong nagiging magulo ang mga nangyayari. Konektado ba 'to sa kaso ni Eloise? O may kung sinong ginamit ang parehong paraan kung paano isinagawa ang pagpatay kay Eloise?
“Paki-match din ang nakitang unidentified fingerprints dito sa fingerprints ni Claire at sa finger prints na nakita sa room unit namin,” saad ko kay officer Evans.
Tumango ito sa sinabi ko at agad na umalis.
“May nakaaway ba ang biktima nitong mga nakalipas na araw?” tanong ni Inspector Tan kay Hannah.
“Si Claire! Huli niyang nakaaway si Claire!” tugon nito na nanlaki pa ang mata sa'min. “Nahuli kasi ni Claire na nagpiprint si Isay last 2 weeks ng mga test papers para sa 3rd quarter,” Nagpunta ito sa display cabinet sa sala at may kinuha sa isang drawer.
Iniabot niya sa'min ang ilang piraso ng printed paper. Mga copies nga 'yon ng test papers para sa third quarter.
“Binantaan ni Isay si Claire na wag na wag daw niyang isusumbong si Isay. Dahil kung hindi, ipapakalat daw niya ang tsismis na inaagaw ni Claire si Denver mula kay Eloise. Sinimulan niya ang pagkakalat ng tsismis last week lang kasi nakatanggap ng warning letter si Isay at pinatawag ni ma'am Jade,” patuloy nito.
Kung ganun, hindi malayong maging primary suspect si Claire sa dalawang pagpatay.
Nang dalhin na sa ambulansiya ang katawan ni Isay, nagpaalam na rin kami kay Hannah. Gaya namin, sinabihan rin itong makituloy muna sa ibang unit dahil magiging restricted area rin ito tulad sa unit namin.
Matapos niyon ay sabay kaming bumalik ni Denver sa Athena's building matapos magpaalam sa'min sina Inspector Tan.
These two consecutive killings were really odd, o sadyang kay hirap lang paniwalaan na si Claire ang primary suspect?
<<<~*•*~>>>