Chapter 28: Patas na laban

"TAO, po?" Muling tawag ni Cris mula sa labas ng pintuan. Naroon siya ngayon sa isang apartment upang sunduin ang bata at si Ruby sa utos ni Ashton. Nang malaman na nagkaroon ng problema sa laboratory ay agad siyang inutusan ng huli. Alam niyang parating na rin si Jeydon pero inunahan na niya.

"May tao ba sa loob?" Salubong na ang dalawa niyang kilay nang walang sagot na makuha mula sa loob. Bigla siyang yumuko at nagkunwaring may inaayos sa laylayan ng suot na t-shirt nang may mapansing tao sa gilid ng bahay. Nang muli niyang sulyapan ay wala na at alam niyang nagkubli lamang ito.

"Ruby? Gutom na ako, tara nang gumala!" tawag niyang muli at nilakasan ang tinig upang marinig ng taong nakakubli sa likod ng bahay. Nang maulinigan na papalapit na yapak sa pinto ay inihanda niya ang kaniyang sarili.

Abot hanggang langit ang dasal ni Ruby na matulongan siya nang kung sino mang taong nasa labas. Sinundan niya ng tingin ang pagkilos ng babaeng may hawak sa kaniyang pamangkin. Inilapag nito ang natutulog na bata sa malamig na sahig hindi kalayuan sa pintuan.

"Ano po ang kailangan nila?"

Ngumiti si Cris sa hindi kilalang babae na siyang nagbukas ng pintuan. "Nandiyan ba si Ruby?" Tanong niya sa babae, bigla nitong niliitan ang siwang ng pagkabukas ng pintuan nang tangkang sisilipin niya ang nasa loob.

"Wala po dito si Ma'am Ruby, balik ka na lang sa ibang araw."

Mabilis na iniharang ni Cris ang binti sa pinto bago pa maisara ng babae iyon. "Shhhh!" Sinenyasan niya ang babae na huwag maingay.

Nanlaki ang mga mata ng babae habang nakatitig sa hawak ng kaharap at nakatutok iyon sa kaniyang mukha.

"Move!" Paanas niyang utos sa nagulat na babae sabay pasok sa loob at mabilis na isinara ang pintuan. Alam niyang armado din ang babae kaya inunahan na niya ito at ngayon niya lang nagamit ang kaniyang baril. Inutusan niya itong bitawan ang hawak na patalim bago pinataas ang dalawang kamay .

"Lakad!" Muli niya itong inutusan lumalakad papuntang kusina nang mapansin na nakabukas ang pinto palabas sa backyard.

"Ilayo mo iyan sa akin at baka makalabit mo ang gatilyo." Pakiusap ng babae kay Cris habang marahang humahakbang paurong palapit sa kusina. "Baldo!" tawag nito sa isa sa kasama bago pa maitulak pasara ng huli ang pintuan.

Isang sipa sa babae upang mapalayo ito sa pintuan ang ginawa ni Cris.

Tanging ungol ang kumawala sa bibig ni Ruby nang masaksihan ang paglalaban ng dalawa. Nakilala niyang kasamahan ni Jeydon ang babaeng bagong dating.

Mabilis na ni-lock ni Cris ang pintuan at naging pagkakataon iyon ng kalaban upang makaganti sa kaniya. "Arghhh!" Daing niya habang sapo ng isang kamay ang tagiliran na tinamaan ng sipa nito.

"Punyeta ka!" Galit na inamba ng babae ang kamao sa mukha ni Cris.

"Sige, ituloy mo!" Nanlaki pati ang butas ng ilong ni Cris habang nandidilat ang mga mata sa babae. Napangisi siya nang mabilis na itinaas ng babae ang dalawang kamay.

"Sino sa atin ang punyeta ngayon?" Naninindak niyang tanong dito habang idinidiin ang dulo ng baril sa leeg nito. Mataas ito at malaking bulas kung kaya talo siya kung suntokan ang labanan.

"Lumaban ka ng patas sa akin!" Nagmamatapang na ani ng babae at nanatiling nakataas ang dalawang kamay.

"ulol!" Sinipa niya ito sa tuhod upang paluhurin. "Hindi ako tanga tulad ng amo mo para pagbigyan ka!"

"Sino ka at ano ang kailangan mo sa amin?"

"Parang ako ang dapat ang magtatanong ng ganiyan sa iyo?" Napaisip na tanong ni Cris sa babae. "Hakbang!" Bahagyang hinampas sa batok ang babae nang tangkang tatayo ito.

"Humakbang ka nang nakaluhod at manatiling nakataas ang mga kamay!" Muli niyang hinampas sa batok ito gamit ang baril nang tangkang ibaba nito ang mga kamay.

"May sinasabi ka?" angil ni Cris dito nang marinig na nagmura ito.

Hindi na sumagot ang babae, nang utusan ito ni Cris na alisin ang pagkagapos sa kamay ni Ruby ay sinunod nito. Nang makakuha ng pagkakataon ay mabilis nitong hinaklit sa leeg ang bihag upang gamiting pananggalang kay Cris.

"Uhmmmp!" Nandidilat ang mga mata ni Ruby at umubo nang humigpit ang pagkasakal ng babae sa kaniyang leeg. Hindi niya magawang tangalin ang tape na nakatakip sa bibig dahil natatakot siyang gumalaw. Hindi siya natatakot sa babaeng sumasakal sa kaniya kundi sa kasama ni Jeydon na sa kaniya na nakatutok ang baril nito ngayon.

"Ibaba mo ang baril na iyan kung ayaw mong tuluyan ko ang babaeng ito!" banta muli ng babae kay Cris.

"Nagpapatawa ka ba o sadyang boba ka lang?" nang iinsulto niyang tanong sa babae. "Bakit ko naman sundin ang gusto mo?" Tumawa si Cris nang makita sa mukha ng babae ang pagkalito.

"Una, bago mo pa mapatay sa sakal iyang bihag mo ay nakalabit ko na ang gatilyo ng hawak kong ito. Ikalawa, hindi ko siya kaano-ano o kahit kaibigan kaya ok lang kung tutuluyan mo siya." Sarkastiko niyang dugtong na ikinangalit ng panga ng babae. Nanatiling nakatutok ang baril dito at ang mga mata habang humahakbang palapit sa kinaruunan ng batang natutulog. Naudlot ang sunod niyang hakbang nang may magsalita mula sa labas ng bahay.

"Gem, okay ka lang diyan?"

Mabilis kinasa ni Cris ang hawak na baril bago pa sumagot ang babaeng may hawak kay Ruby. Seninyasan niya ito na kapag nag ingay ay paputukan niya ito. Mabilis niyang binunot ang dalang cellphone na nasa bulsa ng suot niyang pantalon nang tumunog iyon.

"Nakuha mo na ba ang bata?" tanong ni Ashton kay Cris mula sa kabilang linya.

"Kailangan ko ng back-up!"

"Shit!" Napamura si Ashton nang marinig ang sigaw ng hindi kilalang tao mula sa kabilang linya. Humihingi ito ng tulong sa mga kasama at ang kasunod ay ang pagputok ng baril.

"Bakit?" Napatayo na rin si Jay sa kinaupuan nang makita ang reaksyon sa mukha ni Ashton habang tinatawag ang pangalan ni Cris.

"Tawagan mo ang sino mang nasa pinakamalapit sa lugar ni Ruby, may kalaban!" Utos niya kay jay bago walang paalam na lumabas ng laboratory.

Patakbong sumunod si Jay kay Ashton upang samahan ito. "Kanina pa umalis si Jeydon kung kaya baka matulongan siya!"

Mabilis na dinayal ni Ashton ang numero ni Jeydon upang bigyan ito ng babala. Hinayaan niyang si Jay ang magmaneho ng sasakyan.

"Uhmmmmm!" Nakulong sa lalamunan ni Ruby ang malakas na hiyaw nang pumutok ang hawak na baril ng kasama ni Jeydon. Halos himatayin siya dahil sa takot sa pag akalang tinamaan na siya ng bala.

"Anak ng kalabaw!" naibulalas ni Cris dahil maging siya ay nagulat nang pumutok ang hawak na baril. Mabuti na lang at sa pader tumama ang bala, hindi pa naman siya handang makapatay ng tao.

"Boba ka ba? Bakit mo pinaputok? Paano na lang kung sa amin tumama ang bala?" Bulyaw ng babae kay Cris at maging ito ay nanginig sa takot.

"Tarantado ka pala eh!" Mabilis na nilapitan ito ni Cris at sinipa sa binti. "Huwag mo akong gulatin kung ayaw mong sa mukha mo na tatama ang susunod na bala! Sinabi ko nang huwag maingay!" Muli niya itong sinipa sa binti dahil sa inis ngunit gumanti ito kung kaya nabitiwan niya ang hawak na baril. Tumilapon iyon sa ilalim ng lamesa.

Lalong lumakas ang kaba sa dibdib ni Ruby nang binabalya na ng dalawang lalaki ang pinto sa kusina. Nang mabitawan siya ng babae dahil nabaling ang atensyon sa kalaban nito ay pagapang siyang lumapit sa pamangking umiiyak na ngayon dahil nagulat at nagising din sa putok ng baril.

"Ngayon mo ipakita ang tapang mo!" Nang uuyam na hamon ng babae kay Cris habang hawak sa isang kamay ito at pinipilipit.

"Jusko San Pedro, tabangi ko!" P

piping dasal ni Cris gamit ang visaya language habang nakipag tikisan ng lakas sa kalaban. Malaki ang kalaban at sanay din sa basagan ng mukha kaya kahit marami siyang alam sa self defense ay hindi tumatalab. Nang mahawakan siya nito sa leeg upang sakalin ay ibinunggo niya ang likod ng ulo sa dibdib nito.

"Ahhhh!" Napahiyaw ang babae sa sakit at nabitiwan si Cris.

Sunod-sunod na ubo ang pinakawalan ni Cris at umurong upang dumistansya sa babae. Tila slow motion nang makabawi pareho ng lakas at sabay na napatingin sa baril na nasa ilalim ng lamesa.

"Hiyahhhhh!" Sumakay siya sa likod ng babae bago pa ito makapasok sa ilalim ng lamesa. Parang kabayong hinawakan niya ito sa buhok at sunod-sunod na inalog ang ulo nito upang mahilo.

"Tara na!" Bulyaw ng lalaki sa kasamang si Baldo nang maulinigan ang alingaw-ngaw ng serena ng sasakyan ng police. Marami na rin ang lumabas na tao dahil narinig ang putok ng baril.

"Paano si Gem?" May pag-aalinlangan na tanong ni Baldo sa kasama. Ang tinutukoy ay ang kasama na nasa loob pa ng bahay. Hindi nila nagawang makapasok sa loob dahil naka lock ang pintuan.

"Mahirapan tayo makalusot kung pati tayo ay mahuli ng police!"

Walang nagawa si Baldo kundi ang tumakbo na rin paalis palayo sa lugar na iyon.

Walang ibang nasa isip ni Ruby nang mga oras na iyon kundi ang makatakas sila ng kaniyang pamangkin. Iniwan niya ang dalawa na naglalaban at siya ay nagmamadaling binuksan ang pintuan kasama ang bata.

"Ahhhh!" Napahiyaw sa gulat si Ruby nang mabungaran ang hinihingal na mukha ni Jeydon sa labas ng pintuan.

"Nasaan si Cris?" Mabilis niyang hinila si Ruby palabas ng pintuan. Kasunod niyang dumating ang ilan sa tanod sa lugar na iyon upang tignan ang gulong nagaganap doon.

Hindi na nagawang sumagot ni Ruby at nanginginig sa takot habang yakap ang batang nanatiling umiiyak. Inalalayan siya ng ilan sa mga taong naroon upang hindi matumba.

"Fuck! Back off!" Hinaklit ni Jeyson sa balikat ang babaeng nakapaimbabaw na ngayon kay Cris at sinasakal ang huli. Halos wala ng malay si Cris at namumutla na kung kaya nasuntok niya sa mukha ang hindi kilalang babae.