Chapter 41: Kabanata 40

"MATTHEAUS!" sambit ko kasabay ng aking pagsinghap.

Nasapo ko ang aking noo at ang aking dibdib. Tila yata ang sama ng tulog ko. Bumaba ako sa kama at laking gulat ko nang mapuna kong nakahubad pala ako. Napahawak ako sa aking tiyan. May malaking pilat ako sa tiyan. 'Di ko naman matandaang nagkasugat ako sa tiyan. Kinuha ko ang kumot at itinakip sa katawan ko. Napamasid ako sa aking buong paligid. Nasa isang malaking silid ako.

Nahinto ako sa harapan ng salamin. Agad akong napalapit at pinagmasdan ang sarili kong replika. Bukod sa dati nang nagbago ng tuluyan ang buhok ko ngunit ang mas ikinagulat ko ay ang mga mata ko. Kulay pula na ito, maging ang mga kuko ko ay humaba rin ng konti.

"Mattheaus!" Dali-dali akong lumabas ng silid.

Naniningkit pa ang mga mata ko nang tumama sa akin ang sikat ng araw. Isang malakas na hangin din ang sumalubong sa akin at ang... Dagat!?

"Matt—" 'Di ko na natapos pa ang sasabihin ko dahil bigla na lamang lumitaw si Mattheaus sa aking harapan.

Ang kanyang mga labi agad ang pumigil sa akin. Hinapit niya ang aking baywang at pinalalim pa ang pagkakahalik sa akin. Dalang-dala ako sa halik niya kaya napakapit na rin ako sa batok niya. Napuna ko pang muntik nang malaglag ang kumot na nakatapi sa katawan aking ngunit maagap ito at itinaas muli.

Nang maghiwalay ang aming mga labi ay takang-taka ako na 'di man lang ako kinapos ng hininga.

"Bakit ganito ang kulay ng mga mata ko?" tanong ko agad. Kinulong naman niya ako sa mga bisig niya.

"Isa lang ang sagot sa tanong mo, Yana. Pag-ibig na walang kamatayan," aniya.

"Gusto mo na ba siyang makita?" tanong niya.

"Sino?" wika ko ngunit agad din naman akong natigilan.

"Ang anak natin!? Nasaan siya?" kinakabahan ko pang tanong.

Bigla namang nawala si Mattheaus sa harapan ko at nang magbalik ito'y may dala na itong kulay pulang bestida. Hinila niya ako papasok ng konti sa silid at inalis ang kumot na nakatakip sa akin. Siya na mismo ang nagdamit sa akin at ibig ko yatang mahiya dahil pati ang pang-ibabang panloob ko'y siya na rin mismo ang nagpasuot sa akin.

"Sobrang ganda mo Yana," aniya.

Isang matamis na ngiti lamang ang itinugon ko sa kanya.

HINDI naman nagtagal ay inakay na niya ako palabas. Pinaakyat niya ako sa hagdan at ngayon ko lang napuna na nasa isang malaking barko kami. Magtatanong pa sana ako ngunit may biglang gumapang sa isang sulok. Hindi ko ito makita nang malapitan dahil natatabunan ito ng kuna. Humakbang ako palapit at laking tuwa ko nang makita ang anak ko. Dali-dali ko siya kinuha at hinagkan. Hindi ko na rin napigilan ang sarili ko na maiyak dahil sa sobrang galak.

"Arthyseuos Ynue Zoldic." Napabaling ako kay Mattheaus.

"Ano?"

"Ang pangalan ng anak natin," sagot naman nito. Napangiwi ako.

"Nakakasamid sa dila pero bagay sa kanya," natutuwa ko pang wika.

Ang guwapo niyang bata, halatang nagmana sa ama niya. Ngunit isa lang ang 'di ko maipagkakaila, isa rin siyang bampira. Mukhang dadami yata ang papakainin ng Mattheaus ko. Panay ang yakap at halik ko kay Arthyseuos. Talagang nakakagiliw ito.

"Aalis ba tayo?" tanong ko nang mapuna ako ang mga kalalakihan na naghahakot ng mga gamit.

Ngunit mas marami yata ang mga kahon at 'di ko alam kung ano ang mga laman nito. Hinagkan naman ni Mattheaus ang aking noo.

"Kailangan nating ilayo si Arthyseuos sa islang 'to Yana," sagot niya.

'Di na ako kumibo pa. Alam ko naman ang rason kung bakit. Ang anak ko ang tutupad sa propesiyang sinimulan ko. Hinahabol pa rin kami ng mga taong lobo at kailangan nga talagang ilayo namin si Arthyseuos sa isla Bakunawa.

"Ang mga gamit ko? Nasaan?" Kinuha naman niya ang bata sa akin.

"Nasa silid natin." Agad kong tinungo ang silid at hinanap ang mga gamit ko.

Nang makita ko ang bayong ay agad kong kinuha ang maliit na kahon. Kinuha ko ang pera at sumulat sa maliit na papel. Sinulatan ko si Jeorgie. Nang matapos ko ito ay agad din naman akong lumabas ng silid. Diretso ako sa pagtakbo at ewan ko ba dahil bigla ko na lamang tinalon pababa si ate Catherine na abala sa pagmamando ng mga kargador.

"Ang taas no'n ha!?" Napabungisngis pa ito at agad na lumapit sa akin.

"Pasensya po ate, 'di ko nga po alam kung bakit nagawa ko 'yon," sabi ko pa. Nailing naman ito.

"Isa ka ng ganap na kapamilya ng Zoldic, natural lang na maging ganyan ka. Hayaan mo't masasanay ka rin," ani ate Catherine. Kinuha ko ang kamay nito at ibinigay sa kanya ang hawak ko.

"Kayo na po sana ang magpadala nito para sa akin. 'Di namin alam ni Mattheaus kung kailan kami babalik dito." Napangiti naman ang ate Catherine.

"Ako na ang bahala rito." Niyakap naman niya ako bigla.

"Hindi man tayo magkadugo Yana ngunit pinsan pa rin ang turing ko sa iyo. Alagaan mo ang mag-ama mo, lalo na ang anak mo," aniya at kinalas na ang pagkakayakap sa akin.

"Salamat ate, sa lahat," tugon ko. Sa isang talon ko muli ay agad akong nakabalik sa barko.

"Diyos ko Yana!" sambit pa ng aking ina. Nagulat ko yata ito dahil sa biglaan kong paglitaw.

"Inay? Bakit kayo narito?" nagtataka ko pang tanong.

"Pababayaan ko ba naman ang anak ko?" anito at lumapit sa akin.

"Paano si Alyana, 'nay? Ang alaga niyong si Cereina Erine?" wika ko. Hinawakan nito ang magkabilang braso ko.

"Huwag ka ng mag-alala Yana, nariyan si Aranaya para alagaan si Cereina Erine. At kung tungkol naman kay Alyana, nasa husgado siya ngayon." Nakahinga ako ng maluwag. Sana naman ay magbago na ang kapatid ko.

"Yana..." tawag sa akin ni Mattheaus. Agad akong lumapit sa kanya.

"Bakit?" taka kong tanong.

"Maayos na ba ang lahat?" aniya. Isang tango ang itinugon ko kay Mattheaus.

"Itaas ang angkla!"

Pareho kaming napalingon ni Mattheaus sa mga tauhan namin na makakasama sa aming paglalayag. Kinuha ko si Arthyseuos sa kanya. Kumilos din naman agad si Mattheaus at inangat ang angkla ng mag-isa. Hindi na nagtaka ang mga tauhan namin dahil lahat naman sila ay kapwa mga bampira.

"Inay, kayo po muna ang bahala kay Arthyseuos," wika ko at ibinigay kay inay Nely ang bata.

Pinagmasdan ko muli ang isla Bakunawa. Ito na ang huling beses na masisilayan ko ang islang 'to. Sa konting panahon na pananatili ko sa isla ay nakumpleto ang pagkatao ko; bonus pa at nakilala ko ang nobyo kong si Mattheaus. Kung 'di ako dinala ng kuryusidad ko sa lugar na ito'y 'di ko makikilala ang ama ng anak ko. Lalo na si Egoy, na naging malapit sa akin, si ate Catherine at ang asawa niyang si kuya Steffano, si Zsakae, si ate Mocha, si Mang Dhelfin at lahat nang nakilala ko. Sila ang mas lalong kumumpleto ng buhay ko. Lalo na ngayon na nakilala ko na ang tunay kong ina at ang kakambal kong si Alyana. Nawala man ang alaala ko ngunit sapat na ang mga nalaman ko upang maging buo ako. Narinig ko naman ang pag-ugong ng barko, hudyat na aalis na kami.

"Yana..." bulong ni Mattheaus sa akin nang makalapit ito sa akin. Nasa likuran ko siya habang nakayakap sa akin.

"Ano ba ang ginawa ni Alyana sa 'yo't 'di mo ako maalala? Hmm..." natanong ko bigla at napaharap sa kanya. Ipinulupot ko ang aking mga bisig sa kanyang leeg.

"Hindi ko matandaan, caritas mea..." sagot niya.

"Talaga? Ngunit paano mo rin ba ako naalala?" Dinampian niya ng halik ang tungki ng aking ilong.

"Simple lang, Yana. Wagas ang pagmamahal ko para sa iyo. Kahit pa mawala nang tuluyan itong alaala ko sa iyo'y 'di maitatanggi ng puso ko na ikaw ang laman at tinitibok nito." Matamis akong napangiti sa naging sagot niya. Hinagkan ko siya sa labi at kinagat ito.

"Pakakagat ka na naman ba Yana?" pilyong tanong sa akin ni Mattheaus.

"Pakakagat ako sa iyo buong maghapon at magdamag. 'Di ba nga ang sabi ko sa iyo? 'Di bale na ang mabaliw, makagat mo lang Mattheaus." Napahagikhik ako at muli siyang hinagkan sa kanyang labi.

"Pilya..." aniya at tumugon sa halik ko.

"Caritas mea, pakasalan mo na ako." Napatawa pa ito ng konti. Tinalon ko siya, na siya ring pagbuhat nito sa akin.

"Oo naman, kahit paulit-ulit pa." Kumindat pa ako. Isang malutong na pagtawa lamang ang nagawa niya.

"Te amo, caritas mea Yana."

"Ikaw ang minamahal kong galing sa nagdaang taon," sagot ko.

Kumalas ako sa yakap sa akin ni Mattheaus at binalingan ang anak kong si Arthyseuos. Sobrang saya ang aking nadarama at nag-uumapaw pa ito. Ngayon ay maglalayag kami sa malayong lugar upang takasan ang mga panganib na nakahintay lamang sa aming paligid. Kailangan naming ilayo si Arthyseuos sa isla Bakunawa upang matupad ang propesiya sa oras na tumuntong ang anak ko sa tamang edad nito. Mahirap man na malayo sa mga nakasanayan ko na ngunit kailangan kong isa alang-alang ang kaligtasan ng anak ko.

“Kailan ba tayo babalik?” baling ko kay Mattheaus.

“Kapag maayos na ang lahat at kapag kaya na ni Arthyseuos na tumayo sa sarili niyang mga paa.”

Matamis na ngiti naman ang aking tugon sa kanya.