Chapter 28: Ang pag-amin ng Bestfriend ni Lance
SINIKAP ni Lance na maging kalmante para hindi magbago ang isip ni Franco na harapin siya. Talaga naman kasing nakakainit ng ulo na malamang may kinalaman ito sa hiwalayan nila ni Jillian. Ang tanong lang, paanong nangyari iyon?
Malinaw kasi sa isipan niya ang sinabi ni Jillian sa kanya na kaya siya nito iniwan ay dahil na-realize nitong si Mark Wayne lang ang kaya nitong mahalin. Masyado siyang nasaktan sa mga sinabi ng ex-girlfriend kaya hindi na niya nagawang makapag-isip pa.
Dahil sa gusto na niyang marinig ang sasabihin ni Franco, umalis na siya sa opisina kahit marami pa siyang dapat na asikasuhin. Mabuti na lang at wala namang meeting o anumang event na dapat niyang puntahan.
Napabuntunghininga lang siya nang maisip niya si Jillian na parang pikon na pikon sa kanya. Kung tapunan siya nito ng tingin ay para bang may kasalanan siyang nagawa rito. Sa kaisipang iyon, hindi niya napigilang pagtawanan ang sarili. Kung umasta kasi siya'y parang hindi niya ito bina-blackmail.
Iyon nga lang ba ang dahilan? tanong niya sa sarili.
Parang gusto niyang sumagot ng 'hindi' dahil talagang may iba siyang nararamdaman. Kung titingnan niya kasi ng husto si Jillian ay parang hindi ito mapakali kapag nasa paligid siya.
Apektado pa rin ba ito sa kanya?
Sa kaisipang iyon ay gusto niyang matuwa pero ayaw niyang umasa. Tiyak niyang masasaktan lang kasi siya. Ngunit, talagang buwisit na buwisit siya kapag may nakakausap itong empleyado niya lalo na't lalaki pa. Kaya naman, isang araw ay hindi niya napigilang ibulgar sa kanyang mga tauhan na ex-girlfriend niya si Jillian.
Sa pamamagitan nu'n wala ng empleyado niyang mga lalaki ang makikipag-usap kay Jillian. Kung sa tingin ng mga ito na OA siya sa pagbabantay gayung hindi naman siya ang asawa, wala siyang pakialam. Ang mahalaga sa kanya, sa kanya si Jillian kapag nasa Channel 26 na sila.
Hininto na niya ang kotse nang makahanap ng mapa-parking-an sa tapat ng isang bar. Ang Franco's. Ewan nga lang niya kung pag-aari iyon ng bestfriend niya na matagal ding hindi nagparamdam sa kanya. Kung noon ay nagtataka siya, ngayon ay naiintindihan na niya. May kasalanan itong nagawa sa kanya kaya nakokonsensiya itong harapin siya.
"Nandito na ako," wika niya nang tumawag siya sa number ni Franco.
"Sabihin mo na lang sa guard na ikaw si bestfriend ni Franco para papasukin ka. Ibinilin na rin kita sa tauhan ko para samahan ka rito. See you, bestfriend."
Kumunot ang noo niya dahil may nahihimigan siyang iba sa tono nito. Hindi nga lang niya matukoy kung ano pero parang nang-aakit ang tono ni Fanco. May babae ba itong kasama at ipapakilala sa kanya?
Dahil inasistehan pa siya ng tauhan ng Franco's hindi na siya nagulat ng dalhin siya nito sa isang private room ni Franco. Naroroon ang opisina nito, lobby para sa bisita nito at mayroon ding mini bar.
"Long time no see," ngiting-ngiting sabi nito.
"Matagal ka kasing nagtago," aniyang matalim na matalim ang tingin dito. Hindi pa man niya naririnig ang sasabihin nito'y umiinit na ang ulo niya.
"I'm sorry," wika nito.
"Ano ang sinasabi mong ikaw ang naging dahilan kaya naghiwalay kami ni Jillian?" diretsahan niyang tanong dito.
Kahit naman malaman niya ang sagot ay huli na ang lahat, hiwalay na sila ni Jillian kaya lang gusto pa rin niyang malaman ang sasabihin ni Franco at ang dahilan kung bakit nito ginawa iyon. Hindi nga lang niya magagawang ipangako sa sarili na hindi niya ito magagawang saktan dahil parang napakaimposible. Ngayon pa nga lang ay tumitikom na ang kamao niya para suntukin si Franco.
"Habang nag-uusap tayo nu'n sa condo mo ay nakita ko ng papasok si Jillian at ipinarinig ko sa kanyang niligawan mo lang siya dahil gusto mo lang siyang maagaw kay Mark Wayne," mahinang sabi nito pero malinaw niya iyong narinig.
Hindi siya agad nakapagsalita dahil sobra niyang ikinamangha ang nalaman. May eksena ngang pumasok sa kanyang isipan nang sabihin iyon ni Franco at nagalit pa nga siya rito dahil talaga namang kahit kailan ay hindi niya naisip na kunin ang loob ni Jillian dahil lang gusto niyang matalo si Mark Wayne.
Kung hindi na narinig ni Jillian ang kanyang sinabi ay talaga ngang magagalit ito sa kanya at iisipin na manloloko siya. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit kahit sinasabi nito na hindi siya mahal ay may sakit pa rin siyang nakikita sa mga mata nito na para bang hirap na hirap sabihin ang mga salitang iyon. Dahil mahal siya nitong talaga at inakala lang ni Jillian na niloko niya ito.
Nang mga panahon din na iyon ay ipinaramdam niya kay Jillian ang kanyang panlalamig. Dahil lang nakita niya itong nakayakap kay Mark Wayne. Inakala din kasi niya na napagtanto nito na mas mahal pa rin nito si Mark Wayne kahit paulit-ulit ng sinabi nito sa kanya na wala na itong ibang mahal kundi siya. Kaya nga buong buo nitong isinuko ang sarili sa kanya.
"Damn," bulalas niya nang maalala din niyang habang nag-uusap din sila noon ni Franco at sinabi niyang wala siyang balak na magpakasal. At kung narinig din iyon ni Jillian ay pinatunayan lang nu'n na wala siyang balak seryosohin ito.
"At nu'ng magkahiwalay na kayo, sinabi ko sa kanya na nakalimutan mo na siya kaya kaliwa't kanan na ang pambababae mo. Hindi ma nagsalita nu'n si Jillian, alam kong naniwala siya."
"Itinuring kitang matalik na kaibigan," buwisit niyang sabi kay Franco.
"Matagal ko ng gustong sabihin ang ginawa..." hindi na nito nagawang ituloy ang sarili dahil hindi niya napigilang sapakin si Franco.
"At ano pang silbing sabihin mo sa akin 'yan, kasal na sina Jillian at Mark Wayne. May anak na sila."
"Anak?" manghang bulalas nito na parang hindi alintana ang nagdurugong nguso.
"Oh my God!" bulalas ng ibang boses.
Kumunot ang noo niya nang makita ang isang lalaking natatarantang lumapit kay Franco. Buong pag-aalala pa itong tumingin sa nagdurugong nguso ng kaibigan na parang maiiyak pa. Kahit tuloy nagagalit siya ay parang unti-unti rin siyang kumakalma habang pinagmamasdan ang mga ito.
"Selos ang dahilan kaya nagawa ko iyon," wika ni Franco ng tumingin sa kanya.
"Ano?"
"Mahal na mahal kasi kita that time," wika nitong mababang-mababa ang tono. Parang ipit ang pagsasalita nito.
"Anong sabi mo?"
"I'm gay."