Chapter 43: Resignation letter

Xena

Inayos ko ang pagkakatapat ng telepono sa tenga ko. "Maayos na ako. Huwag ka nang masyadong mag-alala sa akin. I'm really fine."

Narinig ko ang pagpalatak ng pinsan ko dahil sa sagot ko, na alam kong hindi naniniwala sa sinabi ko.

"Puwede naman kasing ipagpaliban mo muna ang pagpasok, ba't ba atat kang bumalik sa trabaho? Saka siguradong ayos lang naman kay Hero na mag-leave ka muna dahil alam naman no'n ang nangyari," dada nito mula sa kabilang linya.

Totoo naman iyon, pero kahit na kasi magkaibigan pa kami at malapit sa isa't isa ay boss ko pa rin ito, nahihiya na talaga ako rito at kay Mathos dahil ilang araw na rin ang lumipas pero hindi pa rin ako bumabalik sa trabaho.

Kinagat ko ang labi ko habang nakatingin sa nakapatay pang computer ko. "Nahihiya na ako. Tambak na 'yong trabaho ko na alam kong si Mathos ang sumasalo. Unfair 'yon sa tao," katwiran ko.

Narinig ko ang pagpalatak nito. "Nahihiya ba talaga? Baka naman hindi lang iyon? 'Langya ka, itinaon mo talaga na natutulog pa ako saka ka umalis," paninita nito.

Ang lakas talaga ng radar nito kahit kailan.

Totoo kasi iyon, itinaon ko talaga na mahimbing pa ang tulog nito at saka ako maagang nag-ayos para umalis, pero hindi ko iyon aaminin dito dahil lalo lamang itong maiirita sa akin.

Bumaba ang tingin ko sa bahagi ng sobre na sumisilip na naroon sa ilalim ng keyboard ko.

Inabot ko iyon at pinagmasdan bago napangiti nang maliit.

Alam kong nag-aalala sa akin ang pinsan ko. Pero kaya lamang ako pumasok ay para kausapin nang personal si Hero at iabot dito ang resignation letter na inihanda at ginawa ko. Ayoko namang ipaabot o i-send through online. I don't think na appropriate ang gano'n at ang unprofessional kasi ng dating when I can hand it personally naman kay Hero bilang respeto na rin rito at sa kompanya na naging halos tahanan ko na sa nakalipas na mga taon. Malaki ang pasasalamat ko at naging bahagi ako nito sa ilang taon na pamamalagi ko rito, sa totoo lang ay ang dami ko ritong natutunan at masasabi kong nag-grow ako as a person pero wala, e. Kailangan kong gawin 'yong bagay na kailanman ay hindi pumasok sa isip ko na kakailanganin kong gawin-ang iwanan ang kompanya at mag-resign.

Sa mga araw na hindi ako pumasok ay talagang pinag-isipan ko ang naging desisyon kong ito.

My heart is already breaking with the mess that I am in, and it's breaking me more that I have to lose my job and walk out of the company this way.

But this decision is for the best. Ito ang nakikita kong way na makakabuti para sa lahat.

Masyado na kasing maliit ang mundo para sa amin ni Mikey. Imposible kasing hindi kami magkita rito lalo pa at may project itong inaasikaso kasama si Hero.

Sa nakita at narinig ko rito noong huli kaming nagkausap at nagkaaminan, alam ko na masyado ko na itong nasaktan kaya tama na. Tigil na. I don't want to cause him more pain. Ayoko no'n. 'Yong sa tuwing makikita ako nito ay sakit lamang ang kaya kong ipadama rito at ang dala ko.

God knows how much I wanted to be with him, to give him the love that he deserved to receive, not this kind of feeling-not pain.

Tumawa ako nang bahagya upang pagaanin ang loob nito. "'Di naman. Ikaw naman, masyadong mapagduda, nagkataon lang."

"Nagkataon? Paanong nagkataon? E, hindi mo nga sinabi sa akin ang plano mo kagabi na papasok ka pala ngayon."

"Biglaan lang kasi," tugon ko.

"Biglaan daw, puwede mo naman sana akong gisingin."

Ang hirap talagang mag-isip ng isasagot kapag ito ang kausap ko. Hays.

"Dahil nakita kong masyadong masarap ang tulog mo. Nahiya naman akong manggising at putulin ang pamamahinga mo, may puso naman ako 'no," palusot ko.

"Puso? Mayroon talaga. Pusong hanggang ngayon ay nasasaktan," sarkastikong sabi nito sa akin.

Napalabi ako at natahimik.

Grabe talaga itong mamersonal.

Narinig ko ang pagbuga nito ng hangin. "Hay. Ewan ko sa iyo, Alexena," tanging nasabi na lang nito, halatang hindi na natutuwa sa akin.

"Sorry na... uuwi rin naman ako nang maaga, e."

Nagbuga na naman ito ng hangin.

"Huwag mong ubusin 'yong pagkain na iluluto mo, ha? Diyan na lang ako kakain, for sure masarap 'yan. After lunch siguro nariyan na ako," pagpa-pacify ko sa inis nito sa akin.

"Huwag mo akong inuuto, Xena," panonopla nito sa akin.

"Grabe siya. 'Di naman ako nang-uuto. Masarap naman talaga 'yong luto mo," pangungumbinsi ko.

"Sus. Sige na lang. Siguraduhin mo lang talaga na ayos ka na, ah? Naku ka talagang babae ka, masasabunutan kita."

Natawa ako nang bahagya. "Opo, masyado ka namang gigil sa akin."

Pumalatak ito. "Ang tigas kasi ng ulo mo."

"Okay lang 'yan. Mahal mo naman ako, e," biro ko.

Pumalatak ulit ito. "Ewan ko sa iyo. Paano? Tawagan o i-text mo ako kaagad kapag may problema o may nangyari, maliwanag ba?" bilin nito.

Tumango-tango ako. "Opo."

"Okay. Mag-ingat ka riyan, ha?" halata ang pag-aalala sa tinig na turan nito.

"Yes po."

"Okay. Bye."

"Bye."

Nang matapos ang pag-uusap namin ay itinabi ko na lang muna ang sobreng hawak ko.

Pinagmasdan ko muna ang paligid bago inumpisahan ang nakasanayan ko nang gawin sa araw-araw tuwing darating ako sa umaga, ang pagpupunas ng table at pag-aayos ng mga gamit ko.

Pero hindi pa man ako umaalis ay ang bigat na ng pakiramdam ko at nakakaramdam na kaagad ako ng lungkot.

Hindi lang kasi ang mga tao rito ang mami-miss ko kundi pati itong lugar na ito mismo, ang opisina, bawat palapag na pinupuntahan ko sa tuwing may inuutos sa akin si Hero at ang mismong trabaho ko.

Kahit na nalulungkot ay ipinagpatuloy ko pa rin ang ginagawa ko.

Pilit na kinukumbinsi ko na lang ang sarili ko na ito ang dapat na mangyari at ito ang dapat na gawin para maiayos na ang mga bagay na nagulo at nasira ko, para na rin maitama 'yong mga naging desisyon ko noon.

Huminga ako nang malalim at pilit na ngumiti.

Wala pang dumarating kahit isa sa mga kasama ko kaya mag-isa pa rin ako at kung anu-ano tuloy ang naiisip ko.

Patamad akong umupo nang matapos ko nang linisan ang lamesa at ang upuan ko.

Nagbuga ako ng hangin noong maisip ko si Mikey.

Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko hanggang ngayon kapag nagkaharap na kami nito at nagkitang muli, alam ko naman kasi na nasagad ko ang galit nito sa mga inamin ko.

Umasa ako kahit na papaano na magiging maayos na ang mga bagay kapag nalaman nito ang lahat pero sa halip na gano'n ang mangyari ay iba ang kinalabasan, lalo lamang gumulo at lumala pa ang lahat.

Hindi ko na alam kung ano pa ang iisipin.

Mahal pa raw ako nito, pero hindi na ako magtataka pa kung burado na 'yon ngayon dahil sa mga pinagsasabi ko, malamang ay natakpan na ngayon ng galit nito para sa akin ang pagmamahal na sinasabi nito.

Kaya paano pa nito iyon mararamdaman? Gayong sakit ang nangungunang nadarama nito?

Kaya kahit na nalaman ko pa ang totoong nararamdaman nito ay wala naman na ring halaga iyon. Nagsisisi nga ito, hindi ba? Masakit siyempre, hanggang ngayon ay parang umaalingawngaw pa rin sa tenga ko 'yong mga sinabi nito nang paulit-ulit. Mahal pala ako no'ng taong mahal ko... pero sinayang ko ang lahat. Dala ng katangahan, maling akala at desisyon ay nagkandagago-gago ang lahat sa pagitan namin.

Tama nga ang sinabi ni Hero sa akin noon, nabubulag ako sa kung ano ang gusto kong paniwalaan.

Muli akong nagbuga ng hangin upang palubagin ang naninikip na dibdib ko.

Hindi ko alam kung pumapasok na si Mikey, pero sigurado akong mas magiging malala ang pagtrato nito sa akin na parang hangin oras na magtagpo ang landas namin. Wala naman akong magagawa ro'n kundi ang tanggapin na lang. Pero kung may pagkakataon pa ako, gusto ko sanang makahingi ng tawad dito, sa lahat-lahat ng nagawa ko at sa sakit na naidulot ko rito na alam kong walang makakagamot at makakaremedyo.

Napangiti ako nang mapait.

Pero malabo na siguro 'yon. Kung dati ay ito pa ang nag-e-effort para makalapit sa akin, malamang ngayon ay ito na ang kusang didistansiya at lalayo sa akin.

Napapitlag ako nang biglang bumukas ang pinto at iniluwa ang taong mismong laman ng isip ko-si Mikey.

Napakapit ako nang mahigpit sa armrest ng inuupuan ko.

Katulad ko ay gulat din ang nakabadhang ekspresyon sa mukha nito nang makitang may tao na pala sa opisina at ako pa talaga ang nadatnan nito.

Malamang ay hindi na nito inaasahan na papasok pa ako rito pagkatapos ng nangyari.

Iniiwas kaagad nito ang tingin sa akin at tiim ang bagang na naupo sa puwesto nito.

Hindi ko alam ang gagawin ko sa totoo lang.

Sobra akong kinakabahan.

Kailangan ko bang lumabas o manahimik na lang rito sa puwesto ko at ipagpatuloy ang pagkukunwari na wala akong ibang nakikitang tao?

Fck. Mukhang tama nga ang pinag-isipan kong desisyon-ang mag-resign para hindi na kami parehong mahirapan ng ganito, lalo na ito.

Hays. Alam ko na parang tinatakbuhan ko na naman ang mga bagay at napakaduwag ko. Pero iyon lang kasi ang kaya kong gawin at naiisip na paraan para pagaanin ang sitwasyon lalo pa at nakikita kong nahihirapan ito, kung gaano ito kagalit sa akin. Mas mainam talaga siguro na mawala na lang ulit ako sa eksena, sa buhay nito ng tuluyan, 'yong totohanan na talaga para sa ikabubuti nito.

Dumaan ang mahabang katahimikan, ngunit hindi pa rin ako mapakali.

Alam ko kasing ayaw nito sa presensiya ko, ramdam ko naman at alam na alam ko.

Nang magtagal ay tumayo na ako nang hindi pa rin dumadating ang mga kasama namin, parang nananadya ang pagkakataon.

Gusto ko tuloy magmura.

Nag-umpisa na akong maglakad at pasimple itong tiningnan.

Kumunot ang noo nito at tiim-bagang na tiningnan ako kaya mabilis na iniiwas ko ang mata ko.

"Pakibilisan ang paglakad kung lalabas ka man, nakakairita ang tunog ng paglakad mo."

Napalunok ako at bahagyang yumuko.

Paglakad? Bakit hindi na lang ako nito diretsahin na sa presensiya ko mismo at sa akin ito naiirita?

Ayoko man ay may kirot akong naramdaman sa dibdib dahil sa sinabi nito.

Hindi ko mapigilan kahit na alam kong deserve ko naman ang ganitong treatment galing rito.

Hindi na ako kumibo bagkus ay binilisan ko na lamang ang paglakad katulad na lamang ng sinabi nito para makalabas na ako dahil iyon naman din ang gusto nito.

Ikinurap-kurap ko ang mata ko habang naglalakad. Gustong manubig ng mata ko at sumasabay pa na para ring may nagbabara sa lalamunan ko.

Lumunok ako nang paulit-ulit upang umurong ang luha ko at kinagat ko nang mariin ang labi ko kapagkwan habang patuloy na nakayukong naglalakad.

Nakakahiya kasi kung makikita man ako ng ibang empleyado na umiiyak nang ganito kaaga, siguradong magiging tampulan ako nang usap-usapan. Ayoko na ng isa pang issue at bulat-bulatin pa nang kung sinu-sino ang buhay ko.

Patuloy lamang ako sa paglakad na parang walang direksyon, basta ang gusto ko lang ay makalayo sa lugar kung nasaan si Mikey.

Nabablangko ang isip ko. Hindi ko alam kung saan ako pupuntang lugar dito sa building, 'yong puwede ko sana at malaya kong mailalabas 'yong emosyon ko na wala sa aking makakakita.

Huminto ako sa paglakad bago huminga nang malalim, mula sa puwesto ko ay napatingin ako sa isang pinto na may sign sa itaas na Fire exit.

Walang pagdadalawang-isip na tumuloy ako roon na nagpunta at huminto lamang ako nang maabot ko na ang hagdanan.

Ilang sandali akong nanatiling nakatayo hanggang sa napagpasyahan kong maupo sa pinakadulong baitang ng hagdan habang pilit na pinapakalma ang sarili ko pati na ang nararamdaman ko.

Umaga pa lang at kakapasok ko pa lang pero pakiramdam ko ay pagod na pagod na ako kaagad. Hindi sa trabaho kundi sa mga isipin at sa lahat nang mali-maling nangyari at nangyayari pa sa buhay ko.

Lumunok ako ng ilang beses upang maibsan ang bigat sa dibdib ko pero walang nangyari.

Hindi na ako nakatiis kaya yumuko ako bago sinapo nang magkabila kong kamay ang mukha ko.

Nakaka-frustrate sa pakiramdam. Ang bigat-bigat at nakakapagod.

Gusto nang bumigay ng mga luha ko pero ayokong umiyak dahil alam kong madadagdagan lang ang pagod ko, mas gusto kong sumigaw para maibsan sana ang bigat na nadarama ko rito sa dibdib ko. Pero hindi ito ang tamang lugar para gawin ko iyon.

Kinagat ko na lang nang mariin ang labi ko para pigilan ang emosyon na kumakalat sa dibdib ko, nag-uulap na rin talaga kasi ang mata ko pero pinipigilan ko talagang tumulo ang luha ko na ilang sandali pa ay handa na talagang mahulog at bumuhos.

Hindi ko na alam kung gaano na ako katagal sa ganoong posisyon nang may magsalita sa likod ko.

"Ma'am, ipinahahanap po kayo ni Sir Hero," untag sa akin ng tinig.

Lumingon ako at nabungaran ko ang isa sa mga guard ng gusali.

Ngumiti ako nang pilit bago tumango. "Sige po. Babalik na rin po ako sa office, Kuya," sagot ko bago lumingon muli sa hagdan na nasa harap ko.

Akala ko ay umalis na ang guard dahil sa sinabi ko pero nagulat ako noong nagtanong ito.

"M-Ma'am, okay lang po ba kayo?" alanganin na tanong nito.

Marahil ay nagtataka ito sa inasta ko, dati kasi ay nakikipag-usap pa ako nang matagal sa mga ito at lagi kong nginingitian pero ngayon kasi ay hindi ko iyon magawa.

Huminga ako nang malalim.

Ang simple lang noong tanong pero hindi ko yata kayang sagutin.

Kung magpapakatotoo ako, ang sagot ko ay hindi.

Tumayo na ako at pinilit ang sarili ko na ngitian ito katulad na lang noong dati ko nang ginagawa, pero kahit na may ngiting nakapaskil sa mukha ko ay may kirot pa rin akong nararamdaman sa tapat ng dibdib ko.

Hays. Kailan kaya ito mawawala?

Pinagpag ko ang slacks na suot ko at sinenyasan ang guard na naghihintay pa rin sa akin, may pag-aalala sa mukha nito.

Hindi ko alam kung ano ba ang hitsura ko at para bang alalang-alala ito.

Inayos ko tuloy ang ekspresyon sa mukha ko at pinasigla ang ngiti bago niyaya ito na bumalik na kami sa opisina.

Wala kami parehong kibo, inihatid pa ako nito hanggang sa tapat ng pinto ng opisina at nagpasalamat naman ako rito.

Huminga muna ako nang malalim noong maiwan na ako habang nakatitig sa nakasaradong pinto.

Gusto kong i-ready ang sarili ko kapag nakita ko ulit si Mikey sa loob.

Makailang beses akong nagbuga muna ng hangin at iwinagwag ang mga kamay ko bago hinawakan ang seradura ng pinto.

Tuloy-tuloy na akong pumasok at napansin ko kaagad na wala si Mikey sa puwesto nito, pero naroon na sina Hero at Miranda.

Nakahinga ako nang maluwag at nakadama ng kapanatagan pagkakita sa mga ito.

"Saan ka nanggaling? Ba't pumasok ka na?" nag-aalalang tanong kaagad ni Hero sa akin.

Ngumiti ako nang bahagya pero naramdaman ko na naman ang kirot.

Dmn.

Paano ako magmo-move on kung sa simpleng mga bagay na ginagawa ko ay nakakaramdam ako ng kirot? Pilit nitong ipinapaalala ang lahat, na tila ba ayaw akong hayaang maging masaya?

"Diyan-diyan lang," tugon ko na nakangiti.

Tinitigan ako nito nang nag-aalala kaya nag-iwas tuloy ako ng tingin.

Sobrang nakakahiya na. Ayoko na lalong dumagdag pa ang pag-aalalang nararamdaman nito para sa akin.

"Ma'am, kumusta ka na po? Nagkasakit po kayo, pero hindi man lang kita nadalaw. Pasensiya ka na po, ang dami po kasi naming ginagawa nitong mga nakaraang araw," singit bigla ni Miranda.

Nagkasakit?

Nilingon ko kaagad si Hero na patuloy lang ang paninitig sa akin.

Pinagtakpan siguro ako nito sa mga nakakapansin kung bakit wala ako.

Ibinalik ko ang tingin ko kay Miranda. "O-Okay lang iyon, Miranda," sagot ko bago ito nginitian.

Ngumiti naman din ito sa akin nang matamis.

Ngunit natigilan ako nang mapagmasdan ito.

Gusto kong maluhang bigla, hindi ko kasi mapigilang maging emosyonal at mainggit sa paraan ng pagngiti nito, ang genuine kasi at ang saya-sayang pagmasdan.

Ako kaya? Kailan kaya ako makakangiti ng gano'n? 'Yong wala na akong mararamdamang kirot sa dibdib ko? 'Yong malaya na ako sa sakit at wala na akong taong nasasaktan?

"Pero okay ka na, Ma'am?" sunod na tanong nito.

Napakurap akong bigla mula sa pagkakatitig dito. "O-Oo. I'm fine na."

"Miranda, puwede bang makisuyo na pakipadala sana ito saglit sa finance? Wala pa kasi si Mathos, e. Siya dapat ang pagdadalhin ko nito. May pag-uusapan lang sana kami at may idi-discuss lang kasi ako kay babe kaya hindi siya puwede," pagsingit naman bigla ni Hero.

"Okay po, Sir. No problem po," sagot ni Miranda at lumabas na.

"So, bakit pumasok ka na?" panimula ni Hero.

Huminga ako nang malalim bago kinuha ang sobreng itinago ko kanina.

There's no sense na patagalin ko pa. Kailangan ko na talagang gawin ito.

May pagtataka ako nitong pinagmamasdan.

Saktong pagkalapit ko sa puwesto nito ay iniabot ko nang walang ligoy ang sobre. "Pumasok ako para ibigay 'to sa iyo nang personal."

Bumaba ang mata nito mula sa mukha ko papunta sa sobreng nakaumang dito.

Nakita ko ang paglunok nito bago tinanggap ang inaabot ko rito. "W-What's this?"

"Resignation letter."