Chapter 39: Miss

Xena

"Aalis muna ako, Babe. I'll call you later na lang, okay?" kaswal na paalam ni Hero.

Pinagmasdan ko muna ito bago tumugon. "Okay. Pero teka, huwag mong sabihing aalis na kayo para i-meet sina Mr. Fulgencio?" nagtataka kong tanong dahil kapansin-pansin na nagsuot ito ngayon ng coat na madalas talaga ay palamuti lang at swivel chair lang nito ang nakikinabang kapag hindi ito lumalabas ng opisina.

Pero dahil bihis na bihis ito, it means lang talaga na aalis ito at may kakatagpuing tao.

Tumango ito. "Yeah."

Kumunot ang noo ko bago binuklat ang schedule nito na nasa ibabaw lang ng lamesa ko, ang alam ko kasi ay mamaya pang after lunch iyon.

Ibinalik ko agad ang tingin dito noong makumpirma na tama ang naalala ko. "Ang aga pa, ah? Mamaya pa ang meeting ninyo," pagbibigay alam ko rito, just in case lang na baka nalimutan nito.

Kumamot ito sa pisngi. "Dapat, kaso may aasikasuhin daw kasi si Mr. Fulgencio mamaya. Emergency raw, kaya nakiusap na ipa-move na lang 'yong oras na mas maaga sa naging usapan. Since nataon na free pa naman ako, pumayag na ako," paliwanag nito.

Napatango-tango ako. "Oh, okay. So, doon ka na rin magla-lunch?"

"Yeah. Doon na lang kami kakain ni Mathos."

"Okay," sagot ko habang nakangiti.

Ngunit napasimangot din ako kaagad noong pinisil nitong bigla ang ilong ko nang madiin.

"Aw! Masakit!" daing ko na iba ang tunog ng boses sabay tampal sa kamay nito.

Bumitaw naman ito at naaaliw na lang akong pinagmasdan. "Mukha ka kasing okay. Kanina ka pa okay nang okay. But, will you be okay here while I'm away?"

Lalo akong napasimangot. "Oo naman 'no!"

"Sure?

Iniikot ko ang mata ko na ikinatawa naman nito.

"Since, hindi mo ako makakasabay na kumain, baka hindi ka kumain, ha?"

Humalukipkip ako bago ito tinaasan ng kilay. "Bakit naman ako hindi kakain, aber? Dala mo ba ang kutsara, tinidor, plato, baso, tubig, kanin at uulamin ko? Saka, excuse me lang, ha? You don't have to worry about me, food ang usapan. Kahit hindi mo sabihin at ibilin, kakain talaga ako. Hindi ko 'yon kakalimutan. Ako pa ba?"

Napailing-iling ito at natawa na naman. "Oh, I forgot. Oo nga pala. Ba't ko ba nakalimutan? Makakalimutan mo ang lahat puwera lang ang pagkain."

Umingos ako. "Grabe ka. 'Di naman," defensive kong sagot.

Nagulat ako noong magaan na ipinatong nitong bigla ang kamay sa ulo ko kaya napatingala ako rito.

Ngumisi ito. "Biro lang. Pero ano ba ang gusto mo pagbalik namin ni Mathos, hmm?" biglang tanong nito.

Kaagad na nagningning ang mata ko.

Nangangamoy libre kasi!

"Naks, papasalubungan mo ako? Gusto ko 'yan!" excited kong bulalas.

Nailing-iling na naman ito at naaaliw akong pinagmasdan. "Ano ngang gusto mo? Bibilhin namin 'pag pabalik na kami rito," untag nito sa akin.

Lumunok ako habang ini-imagine ang all-time favorite ko.

Wala pa man ay parang gusto ko nang maglaway.

"Siyempre, alam mo na 'yon. Mga dalawang large o kaya... tatluhin mo na! Para solve ako!"

"Fries na naman? Fries na walang kamatayan? Wala man lang bang iba?" hindi makapaniwalang tanong nito.

Ngumuso ako. "'Yon ang gusto ko, e. Bakit ba kasi? Alam mo naman na fave ko 'yon, wala naman nang bago ro'n. Kaya ba't ka pa ba nagtataka? Saka teka nga, sa pagkakatanda ko kanina ay tinatanong mo ako kung ano ang gusto ko, pero bakit parang ayaw mo naman akong bilhan noong sinabi ko ang gusto ko?"

"'Langya. Oo na, sige na. Fries it is," tila ba napipilitan nitong tugon.

"Napipilitan ka lang yata, e. Huwag mo na akong bilhan. Kung labag sa loob mo, huwag na at baka sumakit pa ang tiyan ko," pangongonsensiya ko.

Napakamot ito sa ulo. "Hanep, nagtampo pa."

"E, napipilitan ka lang naman kasi," patuloy ko at inalis na ang tingin dito.

"Drama ng hanep. Tinatanong lang naman kita at baka may gusto kang ipadagdag, malay ko ba kung gusto mo rin ng burger, spaghetti at chicken," palusot nito.

Lumabi lang ako at hindi ito pinansin.

Narinig ko ang mahina nitong pagtawa. "Bibilhan nga kita. Hindi dalawa, kundi tatlo o kung gusto mo naman ay apat pa. Lima kaya? Okay na ba iyon?"

Mas lalong tumindi ang imagination ko, gusto na tuloy tumulo ng laway ko.

Punyemas.

Napalunok ako bago pailalim itong tiningnan. "Talaga?"

"Oo nga kasi."

Napangiti na ako. "Tatlo lang. Pero sige, dagdagan mo na rin no'ng mga binanggit mo, parang masarap nga rin 'yong mga 'yon," hiling ko.

"Sure, basta ba kaya ka no'n na pasayahin," mahinang turan nito.

Nangalumbaba ako at ngumiti rito.

Kaya napagkakamalan na may something sa pagitan namin, e. 'Yong mga galawan naming dalawa, walang preno.

Pero bahala na ang mga ito sa gusto nilang isipin.

Ayoko nang magpaliwanag pa. Nakakasawa rin kasi at nakakapagod. Isa pa, who cares about what they think? Romantically involve man kami o hindi, that's none of their f*cking business.

"Aray!"

Kaagad na natigil ako sa pagtitig kay Hero nang marinig ang boses ni Miranda.

"Anong nangyari sa iyo?" kunot-noo kong tanong nang malingunan ito na may pinapagpag sa braso.

"Mga langgam, Ma'am. Kinagat ako," tugon nito.

"Mga langgam?" nagtatakang tanong ni Hero.

"Saan naman galing 'yong mga langgam? E, palagi namang nililinis itong opisina natin ng mga utility personnel," nagtataka ko ring turan.

Biglang tumigil si Miranda sa pagpapagpag at ngumisi sa amin na lalong ipinagtaka ko.

Hala, may rabbies pa yata 'yong langgam. Nagiging baliw ang epekto kapag nakagat.

"Galing po sa inyo. Yie. Masyado po kasi kayong sweet sa isa't isa, e. Iba na naman ang tinginan. Yie! Yie! Yie!" biglang pangangantiyaw nito.

Hala, nabaliw na talaga.

Napailing na lang ako kalaunan.

Isa pa 'to sa iba ang tingin sa samahan namin ni Hero, e. Hays.

Natawa si Hero rito at napailing na lang din.

Hindi sinasadya na napatingin ako kay Mikey na tahimik lang, ni hindi ito nag-angat ng tingin sa gawi namin kahit na medyo magulo kami, tila ba napaka-focus nito sa ginagawa, ganito na lang ito palagi.

Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiilang dahil pinanindigan na nito ang hindi pagpansin sa akin.

Pero okay na rin sa akin na ganito kami. We all need to move on.

At sa ginagawa nito? Kung iyon man ang umpisa para makaahon kaming lahat sa nakaraan. Well, gano'n na lang din ang gagawin ko.

Alam kong alam nito na madalas ang paglabas namin ni Hero, pero wala naman akong nakikitang pagtutol na mula rito, hindi katulad noong dati, parang wala nga itong pakialam at hindi ako nag-e-exist.

Hindi nagtagal ay nag-iwas na ako ng tingin.

Siguro kailangan ko na talagang masanay na ganito kami. Sana dumating din 'yong araw na kapag nakikita ko ito, dapat ay cool lang ako. 'Yong hindi na ako naiilang. Hindi ako kinakabahan. Hindi ako naaapektuhan. At higit sa lahat, 'yong hindi na ako nasasaktan.

Pero sa ngayon, ang pag-aaralan ko muna at sasanayin ang sarili ko ay kung paano iignorahin ang presensiya nito. Ituturing ko na rin na hindi ko ito nakikita o hindi ito nag-e-exist. Kapag nasanay na ako, maybe... that's the time na makasalubong ko man ito o makausap ay wala na itong epekto sa akin.

Dumating na si Mathos at nagpaalam na si Hero para sa pupuntahang meeting, kaming tatlo na lamang nina Mikey at Miranda ang natira sa opisina.

Bandang hapon na ay hindi pa rin nakakabalik sina Hero.

Tahimik lang tuloy ako since wala naman akong makakausap. Mukhang may dini-discuss si Mikey kay Miranda sa mga papeles na hawak nito, masinsinan ang usapan ng mga ito tungkol sa trabaho. Hindi na ako nag-abala pang makinig at inabala ko na lang ang sarili ko, gumawa ako ng sarili kong mundo upang malibang ang isipan.

"Ma'am, gusto mo bang sumama? Magmimeryenda kami ni Sir sa baba," biglang yaya ni Miranda nang makalapit sa akin.

Napatingin ako sa boss nito na abala pa rin at walang pakialam sa paligid. "Naku. Hindi na, may ginagawa pa ako," tanggi ko.

Alam ko naman kasing ayaw akong tingnan kahit sulyapan man lang ng boss nito, makasama pa kaya? Siguradong 'di lang din ako mapapakali kaya huwag na lang. Less hassle para sa amin pareho. Hindi na namin kailangan pang mag-iwasan ng tingin at mailang sa presensiya nang isa't isa.

"Puwede namang balikan mo 'yan, Ma'am. Hindi naman aalis ang trabaho o urgent po 'yan?"

"Uh, o-oo, e. Urgent," pagsisinungaling ko.

Huminga ito nang malalim bago ngumiti rin kapagkwan. "Hmm, sige na nga. Ganito na lang, bibilhan na lang kita? Ano ang gusto mo?"

Umiling ako at iminuwestra ang bandang tiyan ko. "Busog pa ako, e. Saka kakakape ko lang, nakailang kape na ako. Salamat na lang."

"Sige, Ma'am. Paano? Aalis muna kami?" pagpapaalam nito.

"Sige, enjoy."

Ibinaling ko na ulit ang paningin ko sa ginagawa ko.

Nag-angat lang ako ng tingin nang marinig na sumarado na ang pinto sa pag-aakalang umalis na ang mga ito, pero nagulat ako nang makitang naiwan din si Mikey at si Miranda lamang ang umalis.

Akala ko ba ay magkasamang magmimeryenda ang mga ito? At maiiwan akong mag-isa?

Anong ibig sabihin nito? Bakit naiwan din si Mikey? Bakit nagbago ang isip nito?

Mahigpit kong kinapitan ang ballpen na hawak ko.

Pumikit ako nang mariin at huminga nang malalim.

Hindi na dapat pa akong nag-iisip ng kung anu-anong tanong.

Lumunok ako at niluwagan ang pagkakahawak sa ballpen.

D*mn.

Pero kahit hindi dapat ay naiilang pa rin ako sa kaalamang kaming dalawa lamang ang nandito, kahit pa nga parang hindi naman ako nito nakikita.

Kumirot ang dibdib ko sa isiping iyon.

Napaguhot ako ng hangin kapagkwan.

Tss. Ito naman ang gusto ko, e. Pero heto na naman ako. Nakakainis, ang arte ko!

Walang nagsasalita sa amin, hanggang sa hindi na ako nakatiis pa kaya tumayo na ako at walang kibong nilagpasan ito.

Lumabas ako at nagtuloy sa pantry, nagtimpla ulit ako ng kape at naupo roon para mag-isip.

Hindi ko alam kung gaano na ako katagal doon, lumamig na ang kape at hindi ko na nauubos, itinapon ko na lang at hinugasan ang tasa, pagkatapos ko ay nagpasya na rin akong bumalik sa opisina namin.

Siguro naman ay nakabalik na si Miranda. Sana.

Ngunit sa halip na si Miranda, pagbukas ko ng pintuan ay si Lucy kaagad ang nakita kong naroon.

Kumunot ang noo ko at sinulyapan nang mabilis si Mikey.

Kaya pala ito nagpaiwan, may bisita pala kasing inaasahan.

Mahinang nagbuga ako ng hangin at maingat na isinarado ang pinto.

Pagdaan ko sa tapat ng mga ito ay katulad na nang inaasahan ko ay para lamang akong hangin.

Tsk. Ano pa ba ang aasahan ko?

E, nandito si Lucy.

Parang biglang bumagal ang oras, pilit na inabala ko na lang ang sarili ko sa trabaho at hindi na pinansin pa ang mga ito kahit na nakaka-bother ang mga tinig, tunog ng tawa ng babae at presensiya ng mga ito.

Hindi ko alam kung minamalas ako o sadyang hindi lang kampi sa akin ang pagkakataon pero hindi na nakabalik pa ang nag-iisa kong kakampi sa opisina—si Hero.

Hindi ko na ito hinintay pa pagdating ng uwian dahil nagpadala ito ng mensahe na may biglaang party pa raw itong dadaluhan ngayong gabi kasama si Mathos.

Umuwi na akong mag-isa at nagtuloy na lang sa kuwarto dahil sa sobrang pagod na nararamdaman ko.

Nakaka-drain. Ang hirap na ginagamit mo na nga ang utak mo sa trabaho pero sumesegway pa rin at iba-iba ang pinupuntahan ng isip kahit na pinipigilan mo pa.

Pumikit ako at namahinga saglit pagkatapos ay bumangon din ako at kumain ng noodles bago naglinis ng katawan at nagbihis.

Hindi ko na na-check kung nasa kabilang kuwarto ba ang pinsan ko.

Pinatay ko na ang ilaw, tumuloy ulit ako sa kama at nahiga. Pumikit ako ngunit kahit na pagod ay hindi ako tinatamaan ng antok. Ganunpaman ay nanatili ako sa posisyon ko. Matagal na akong nakapikit nang tumunog ang telepono ko.

Kinapa ko iyon sa ulunan ko na nagbigay ng liwanag sa kuwarto ko dahil sa patuloy na pagtawag ng kung sino.

Kumunot ang noo ko at napalunok nang makita kung sino iyon.

Si Mikey.

Teka, wrong number ba ito? O baka hindi sinasadyang napindot lang?

Pero paano kung hindi pala?

Kumabog na parang tanga ang dibdib ko.

Patuloy ako sa pagtitig sa screen at naghihintay na mamatay iyon, baka kasi namali lang talaga ito, pero ang tagal na ay hindi pa rin. Hanggang sa tuluyan nang mamatay marahil siguro ay sa tagal ng pagsagot ko.

Hindi ako bumangat.

D*mn. Nananaginip ba ako?

Hinintay ko ang text nito para kumpirmahin na namali lamang ito pero wala, sa halip ay umilaw at tumunog muli ang telepono ko.

Tumatawag na naman ito!

Sh*t. Is this for real?

Lumunok ako.

Sasagutin ko ba? Bakit kaya ito tumatawag?

Kalaunan ay nagdesisyon ako, kagat-labi kong sinagot ang tawag.

"I miss you. M-Miss na miss na kita," sambit nito sa mga katagang hindi ko inaasahan na marinig mula rito, ngunit may kakayahang magpanindig ng mga balahibo ko at magpabilis ng tibok ng puso ko.