Chapter 67: Kabanata 67
"Tama ka. Ni hindi ko nga tinikman ang aking linuto, takot akong malaman ang totoong lasa nito. Ngunit sinabi mong natikman mo hindi ba?" Tumango lamang siya. Hindi ko batid kung talagang natikman niya ang aking linuto, o sabihin na lang nating linuto ni Inay. "Ano sa tingin mo? Masarap ba ang aking tinapay? Hindi ba masyadong matamis? Naibigan kaya ito ni Prinsipe Aelino?!" sunod-sunod kong tanong. Napatakip ako sa aking bibig nang mapagtanto kong sumisigaw na pala ako sa loob dahilan upang mapatingin ang iba, ngunit mas nangingibabaw pa rin ang malakas na bugso ng ulan sa labas. Tanghaling-tapat na ngunit napakalas pa rin ng ulan, ni hindi ko na nga matukoy kung tanghali pa ba o hapon na.
"Sa palagay ko? Uhm. . . hindi."
"Masyado bang matamis?" tanong ko. Para bang nandidilim ang paningin ko sa kanya. Totoo naman talagang hindi nagustuhan ni Prinsipe Aelino ang aking luto, ngunit maaari naman niyang pagandahin nang kaunti ang kanyang sagot upang kumalma na ako. Hindi 'yung diretsohang 'Hindi'!
"Oo, hindi masarap," deretso na naman nitong sagot at lumagok ng itim na inumin sa isang baso. Kumuha rin siya ng kubyertos at sunod-sunod na itinusok sa ilang piraso ng karne, pagkatapos ay agad na isinubo sa kanyang bibig. Ayaw niyang tumingin sa akin. "Maniwala ka man o hindi, hindi iyon tunay na kaibig-ibig. Sige, umiyak ka na mamaya sa inyong tahanan."
"Napakamapanghusga mong tao, akala mo'y may alam sa buhay. Ang umasa lamang sa mga alipin ang inyong ginagawa." Nagulat ako nang ibagsak niya ang hawak niyang kubyertos sa pinggan dahilan upang umalingawngaw ito sa paligid. Napatingin rin ang musikero sa kanya na animo'y kanina pa namin naiistorbo, kulang na lang ay kaladkarin niya kami palabas. Diretsong nakatingin si Prinsipe Jobel sa akin, hindi rin ako makagalaw dahil sa kanyang nagiging reaksyon. Hindi ko naman inaasahang hindi niya magugustuhan ang aking sasabihin!
"Iyan ba talaga ang tingin mo sa amin?" walang tonong tanong ni Prinsipe Jobel. "Tama nga ang mga sabi-sabi, mga walang alam sa buhay ang mga mapanghusga. Ang mga taong hindi nakaiintindi ang siyang mabilis magsalita lingid sa katotohanan." Napakagat ako sa aking bibig, nais ko nang lumabas. Ngunit hindi ko naman nais isipan ng mga tao na para bang hindi ko tinanggap ang anumang alok ni Prinsipe Jobel. Hindi ko nais magmukhang babaeng tumanggi at linayasan ang isang manliligaw. Natitiyak na akong ganoon ang tatatak sa kanilang isipan.
"Uhm. . . hindi naman. May iba lamang na ginagamit ang kanilang yaman at kapangyarihan sa kanilang sariling ikabubuti. Nakokontrol nila ang hustisya, ang buhay, ang pera, at ang templo," pagpapakalma ko. Hindi ko naman nais sirain ang araw niya ngayon pagkatapos ang pagsasakripisyo niya para sa akin kahapon sa hukuman.
"Sa tingin ko, ito na ang huling magkakausap tayo sa harapan ng hapag. Ito na ang huling araw na tayo'y mag-uusap," walang emosyon niyang wika. "Batid mo na ba na babalik na kami sa Hirsea bukas?"
"Oo naman. "
"Mabuti." Tumango-tango siya at uminom sa alabastro. Kumuha naman ako ng isa pang tinapay at naglagay ng inumin sa isang baso. Ilang minuto kaming natahimik, ni wala isa sa amin ang nagsalita. Pakiramdam ko tuloy ay mas tumahimik sa paligid, ganito ito katahimik nang hindi pa kami pumasok. Siya rin ang bumasag ng katahimikan, " Magkikita tayong muli paglipas ng ilang taon." Hindi ko maintindihan kung bakit niya iyon sinasabi. Muli akong kumagat sa tinapay.
"Eranza. . ."
"Kilala mo ba si Eranza?" tanong ni Prinsipe Jobel. Napatingin na lang ako sa hawak kong tinapay, hindi ko batid kung ano ang kanyang tinutukoy. "Siya ang gumawa ng tinapay na iyan, ngunit hindi siya ang nagbigay ng pangalan nito. Ang nag-iisa niyang anak na babae ay ang asawa ni Lazaro. Naaalala mo pa ba ang dalawang babaeng pumasok sa Basilika?" Tumango ako, naaalala ko nga. Sila ang mag-inang walang takot na naghagis ng rekord ng bahay-inuman sa harap ng mga hukom.
"Oo, naaalala ko sila. Maging si Heron, ang kapitan ng barko," saad ko. May mga bagong tao ang pumpasok sa kainan, mararangya ang kanilang mga kasuotan. Muli kong tinanaw ang kinalulugaran ng ina ni Abela ngunit wala na sila roon. Kaliwa't kanan ang mga empleyadong nagpepresenta sa mga bagong-dating na bisita. Ang karamihan ay nagyayakapan sa isa't isa, kung iisipin mo'y halos magkakakilala ang lahat ng pumapasok rito.
Pagkapasok ng mga bagong bisita ay ang paglabas din ng isang babae sa isang malaking pinto. Nakasuot ito ng pulang kasuotan, simple ngunit kaakit-akit na kolorete, at isang malaking pamaypay na kanyang binuksan kasabay ng pag-agos ng kanyang maikling buhok.
"Eranza!" sigaw ng bagong dating na bisita. Napatingin ang lahat sa babaeng nangangalang Eranza, tila ba nakuha niya ang lahat ng atensyo ng tao. Mas lalong lumakas ang musika na mistulang nakikikompitensya sa bugso ng ulan. Naglilipana rin ang mga kidlat at kulog na animo'y wala nang katapusang naghahari sa kalangitan. Dahan-dahang nagyakapan si Eranza at ang isang babaeng may katabaan ang pangangatawan.
"kumusta ang aking anak, Eranza? Nasaan si Vicente?" tanong ng babae. Sa tingin ko'y ito ang biyenan ni Eranza, dahil sa taas ng respeto niya sa kanya.
"Mayroon pong inasikaso sa Romania, Ina. Natitiyak kong babalik na siya paglipas ng isang buwan. Nakatatanggap naman ako ng mga liham sa kanya, mabuti lamang daw ang kanyang kalagayan," magalang nitong sagot. Inilibot ng kanyang biyenan ang kanyang paningin sa loob at tila ba tinataasan niya ng kilay ang bawat bisita kahit hindi naman.
"Nabalitaan kong nakigulo ka na naman sa Kastilyo kahapon, hindi mo pa ba kinakalimutan si Valenzo?! Naku!" naiirita niyang sigaw. "Ngunit tama lang naman ang iyong ginawa, hindi dapat hinahayaan ang mga taong nakaluklok na gawin ang mga nais nila! Hindi na dapat maulit ang mga nangyari!" Naunang pumasok ang matabang babae sa pinto, at nagtaka naman ako dahil naglakad papalapit sa amin si Eranza. Nang siya'y makalapit, nakita kong palihim niyang inilapag ang isang papel sa aming hapag, sa harapan ni Prinsipe Jobel. Agad rin itong itinago ni Prinsipe Jobel at naglakad naman si Eranza na tila ba walang nangyari.
Nang makalayo na ito, dali-dali akong bumulong kay Prinsipe Jobel, "Ano 'yan? Ano ang kanyang binigay?"
"Ah ito?" tanong niya at inilabas ang piraso ng papel sa bulsa ng kanyang damit. Lumapit siya sa akin at bumulong, "Wala tayong babayaran kaya't damihan mo ang iyong kakainin. Magpakabusog ka na." Natulala ako sa kanyang sinabi, hindi ko alam kung susundin ko ba ang kanyang payo. Handa pa naman sana akong tumakbo nang matulin upang matakasan ang aming mga bayarin. Napatingin ako sa lahat ng mga pagkaing nasa hapag, tila ba nagniningning ang mga ito.
"Busog naman na ako." Kung may lakas ng loob lang sana akong iuwi ang lahat ng ito ay gagawin ko na, nakakahiya lamang sa kanya at sa mga taong nasa aming paligid. Sa huling pagkakataon ay kinuha ko ang basong naglalaman ng inumin at dahan-dahan itong linagok. Napahinto at nanlaki ang aking mga mata nang makaramdam ako ng matapang na sensasyon sa aking lalamunan, ngunit huli na upang bawiin ko ito.
"May problema ba? Masarap ba ang alak?" tanong ni Prinsipe Jobel. Gulat akong napatingin sa kanya at agad na ibinaba sa hapag ang baso. "Akala mo naman ay hindi nalasing noon." Para bang nanlamig ang aking katawan at hindi makagalaw nang maalala ko ang mga ganap noong gabing iyon. Halos lumabas na sa aking lalamunan ang mga pagkaing aking kinain dahil sa kahihiyan. Mas dumagdag pa ang nangyari sa amin ni Inay kaninang umaga, nagtalo kami dahil sa pagpunta ko sa bahay inuman.
"Kailangan ko nang umuwi." Agad akong tumayo mula sa pagkakaupo ngunit mabilis niya akong pinigilan at hinawakan ang aking pulsuhan. "Ano?"
"Uuwi ka na? Malakas pa ang ulan oh?" nababahalang aniya. Napalingon ako sa labas at tama nga siya, napakalakas pa rin ang bugso ng ulan. Wala ring masakyang karwahe sa lansangan na maaari kong masakyan, maging ang salapi na aking magiging pambayad. "Umupo ka muna. Ihahatid na lamang kita sa inyong tahanan."
"Huwag," deretso kong sagot. Hindi ako sigurado kung anong maaaring mangyari sa kanya sa oras na siya'y makita ng aking pamilya. Maaari siyang mapahamak dahil pinilit niya akong sumama sa isang inuman, o maaari siyang irespeto dahil siya ang naging tulay upang malutas ang aking kaso sa hukuman. "Ako na lang." Umupo akong muli at napabuntong-hininga. Hindi ko alam kung ano na ang gagawin ko ngayon. Makikipagtinginan na lamang ba ako sa kanya habang hinihintay na tumila ang ulan?
"Hintayin na lang natin na tumila ang ulan." Napatingin ang lahat sa paligid nang mas lumakas ang musika sa loob, tatlong musikero na ang tumutugtog. Kahit pa man malakas ito ay hindi ito nakabibingi, napakatahimik nito sa aking pandinig. Nagsimulang magsitayuan ang karamihang mga kalalakihang bisita sa loob at pinaunlakan ng sayaw ang mga kababaihan. Dahan-dahan silang pumagitna at marahang sumayaw.
"Nais mo rin bang sumayaw?" tanong ni Prinsipe Jobel. Tumayo siya at inayos ang kanyang kasuotan, hindi ako natitiyak kung bakit hindi man lang siya makilala ng ibang tao. O dahil ba hindi pa siya gaanonong kilala ng sambayanan? Inilahad niya ang kanyang palad sa akin, napatitig lamang ako rito. Hindi ko alam kung pagbibigyan ko siya ngayon, hindi ko maintindihan ang mga bagay na naglalaro sa aking isipan. "Maaari ba tayong sumayaw, Elersa?"
Dahan-dahan kong hinawakan ang kanyang mainit at malambot na palad at siya ay marahang napangiti. Ginabayan niya ako sa aking paglalakad hanggang sa makapunta na kami sa gitna. Nagsimula na ang napakatahimik at kahali-halinang musika na kumawala sa paligid, at ang lahat ng mga bisita ay nagsisimula na ring magsayawan. Napatingin ako sa kanyang bughaw na matang puno ng kagalakan, natatamaan ito ng liwanag ng lampara dahilan upang ito'y mas magningning. Hindi ko pa nabibitawan ang kanyang palad at naramdaman kong mas hinigpitan niya ito.
"Masaya ka ba, Elersa?" tanong niya. Laking gulat ko nang marahan niya akong inalapit sa kanya at hinawakan ang aking baywang. Nagsimula na kaming sumayaw na nakikiayon sa katahimikan ng paligid at ang kaaya-ayang musika. Ramdam ko ang init ng kanyang mga kamay, ang kanyang samyo, at ang katahimikang naghahari sa aming paligid. Ang anino ng lahat ay tila ba nakikisabay sa bawat galaw na aming ginagawa.
"Oo." Nagpatuloy kami sa aming sayaw, ang lamig ng hangin dulot ng ulan ay tila ba nakikibaka sa aming mga mainit na palad. Walang tigil ang bugso ng ulan mula sa labas ngunit hindi ito naging hadlang upang maging masaya ang lahat ng tao sa loob. Nagmitawi rin ang ilang kulog sa kalangitan ngunit ang musika ay tunay na mas nangingibabaw. "Oo, masaya ako. Salamat. . . Kamahalan."
Dahan-dahan siyang napangiti at kanyang binasa ang kanyang nakakaakit na mga labi. Ipinikit niya ang kanyang mga mata sabay sabi, "Walang anuman, Elersa." Hindi ko inaasahan na sa patuloy naming pagsayaw ay kami na ang pumagitna, tila ba lumalangoy sa karagatan ang aking kasuotan kasabay ang huni ng aming mga sandalyas sa sahig. Ang ilan ay nagsibalikan na sa kani-kanilang mga hapag, ngunit marami pa rin ang sumasayaw. Hindi ko matandaan nang lubos ang huling sandaling kami'y sumayaw, wala ako noon sa katinuan.
Napansin kong mas humihina na ang bugso ng ulan mula sa labas, maliliit na butil na lamang ng patak ng ulan ang siyang tumatama sa lupa. Ang bawat galaw na aming ginagawa ay nagpapagalaw sa aking simpleng kasuotang napapaligiran ng mga makukulay at magagarbong mga kasuotan. Natulala ako nang ilagay sa akin ni Prinsipe Jobel ang gintong payneta sa ibabaw ng aking ulo, siya ang pangatlong taong gumawa sa akin nito. Muli siyang pumikit at napakagat sa kanyang ibabang labi.
Naramdaman kong para bang nagbago ang emosyon ng kanyang mukha habang nakapikit, natulala ako sa kanya nang mapansin ko ang butil ng luhang lumabas sa kanyang mga mata. Agad niya itong pinunasan sabay sabi, "Nangungulila ako sayo." Nagtaka ako sa kanyang sinabi, ngunit ipinagpatuloy pa rin namin ang aming sayaw. Mas hinigpitan niya ang paghawak sa aking palad at baywang na lalo kong ikagulat.
"S-salamat nga pala," saad ko.
"Walang anuman. Nawa'y magkita tayong muli," saad niya habang nakapikit. Napangiti ako dahil sa kanyang sinabi. "Hinding-hindi kita malilimutan, Elena."
Agad akong napabitaw sa kanya dahil sa aking narinig. Naghari ang malakas na palakpakan sa paligid, maging ang musika ay huminto na rin. Napahawak ako nang mahigpit sa aking palda, tila ba mayroong bagay na nagpapabigat sa aking dibdib. Napahakbang ako papalayo sa kanya ngunit mayroon akong nabunggo dahilan upang ito'y magalit, "Tingnan mo ang iyong dinaraanan." Maraming sa mga sumayaw ang nagsibalikan sa kani-kanilang mga kinalulugaran kasabay ang walang tigil na palalpakan.
"Elersa?" Napagtanto ni Prinsipe Jobel na wala na ako sa kanyang harapan at napalingon sa akin. "S-saan ka tutungo?" Napailing-iling lang ako ng ilang beses habang nakatingin sa kanya. Inayos ko ang aking sarili at maging ang aking kasuotan pagkatapos ay natagpuan ko ang aking sariling lumabas ng nasabing kainan. Muli kong narinig ang kanyang sigaw mula sa loob, "Elersa!"
Tinaggal ko ang kanyang damit na nakabalot sa aking katawan at isinabit sa isang kahoy upang ito'y iwan. Nakita ko pa siyang nakatingin sa akin mula sa loob, mabilis siyang naglakad palabas ng kainan at ako'y hinarap.
"Saan ka pupunta?!" nababahalang wika ni Prinsipe Jobel. Iniiwas ko ang tingin ko sa kanya at ibinabaling sa lansangan. Basang-basa ang lupa at animo'y nagmistulang mga tsokolate. "Bakit naman pabigla-bigla?"