Chapter 63: Kabanata 63
"Ang ibig ko pong sabihin ay. . . Nagtungo sila ng aking kapatid---" Napatigil ako nang siya'y bigla-biglang sumingit.
"Kumain ka na ba?" Nagtaka ako sa kanyang tanong, nakaramdam ako ng kaunting kaba dahil sa tono ng kanyang pananalita. Umayos siya ng pagkakatayo at umupo sa isang upuang malapit sa kanya. "Hindi nga ako nagkamali, kawangis mo ang iyong kapatid."
"Ano po ang ibig ninyong sabihin?" Nagtataka ako kung bakit niya ako papaunlakan ng pagkain. Pagkatapos ng malagim kong pinagdaanan sa Kastilyo ilang araw na ang nakakalipas ay tila ba nawala na nang biglaan ang tiwala ko sa mga taong aking nakakasalamuha sa paligid. Normal lang kaya ito?
"Kapatid mo si Saira hindi ba? Hindi nga ako nagkamali nang una pa lamang kitang nakita, mabait ang iyong kapa---" Napatigil siya nang makarinig kami nang nahulog na bagay sa loob ng silid. Hindi ako makapaniwala na ginagawa nila iyon ngayon! O tama ba ang aking iniisip? Tumingin siya sa akin nang mayroong pagtataka. "Sinong nasa imbakan?" Mas kinabahan ako nang magsimula siyang humakbang papalapit sa silid. Dali-dali akong napatayo.
"May nais po akong sabihin sa iyo!" Napakalakas ng sigaw ko na umalingawngaw pa sa paligid, halos lamunin na ako ng lupa dahil sa kahihiyan. Napaubo ako ng kaunti at siya nama'y nakatingin lamang sa akin nang may kuriyosidad. "N-nais po kayong makilala ni Ina, maging si Mikael."
Napansin kong nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa aking sinabi, hindi ko inaasahang magkakaroon iyon ng epekto sa kanya. Ngunit resulta ng aking sinabi ay tila mas naunahan ko na ang mga magiging desisyon ng dalawang nag-iibigan.
"T-totoo ba iyon?" Hinding-hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig, nagmistula siyang isang bagong silang na sanggol na natatakam sa gatas ng kanyang Ina. Tila ba sinundan niya lamang ang kanyang mga paang dahan-dahang naglalakbay patungo sa kanyang pinagmulan. "T-totoo bang nais akong makausap ng inyong Inay?"
"O-opo? Opo." Pilit akong ngumiti, nagmumukha na akong isang huwad sa kanyang harapan. "Nais nga po kayong makausap ni Ina."
"Kung gayon, maghanda na tayo ng kasalan!" sigaw ng matandang lalaki. Inilahad pa niya ang kanyang kamay na para bang kanyang tinutukoy ang malaki at isang prestihiyosong kasal. Ngunit mayroon naman siyang punto, wala nang oras upang patagalin pa ang kasal kung tunay namang nagmamahalan ang dalawa. "Ikaw ba? Mayroon ka na rin bang naiibigang lalaki?"
Napaubo ako sa kanyang tanong, hindi ko ito inaasahan. Napakamot pa ako sa aking lalamunan upang mawala ang hindi ko komportableng sagot. "W-wala pa po sa isip ko ang mga bagay na iyan! Aking lulubus-lubusin na muna ang pagiging dalaga. Nais ko pang magawa ang mga bagay na hindi ko na magagawa sa panahong mayroon na akong pamilya. At sa tingin ko'y hindi pa po ako handa para riyan," sagot ko.
"Ang tinatanong ko ay kung mayroon ka na bang naiibigang lalaki, hindi kung handa ka na bang magkaroon ng pamilya," napailing-iling pa siya habang nakahawak sa kanyang noo.
"Hindi ba't magkatulad lang naman po iyon? Kung mayroon kang maiibigang lalaki, tiyak na nanaisin mong magkaroon ng pamilya kasama siya," pangangatwiran ko. Tunay nga ang sabi nila, hindi mauubusan ng mga gabay at sabi-sabi ang mga matatanda. "Sino naman ang taong hindi nais maikasal sa lalaking kanyang iniibig, hindi po ba?"
"Tama ang iyong sinabi. Ngunit hindi lahat ng nais maikasal ay hinahangad ring magkaroon ng isang pamilya," depensa niya. "Gaya ng iyong kapatid." Nagulat ako sa kanyang sinabi.
"A-ano po ang ibig mong sabihin?" Gusto kong tawanan ang kanyang sinabi, hindi niya kaya batid na mayroon nang nagaganap sa silid na iyon? Muli siyang tumayo at linapitan ang lamparang malapit nang mamatay. Kinuha niya ang isang lampara mula sa sulok at sa pamamagitan ng apoy nito ay inilipat niya ito rito.
"Hindi nais ng iyong kapatid magkaroon ng pamilya," maalumanay niyang saad. Napahinga siya nang malalim habang hawak-hawak pa rin ang lampara sa kanyang kaliwang kamay. "Naikwento sa akin ng aking anak iyon. Hindi raw nais ni Saira ang magkaroon ng pamilya kasama si Mikael."
"B-bakit po? P-papaaano po?" Nanginginig na ang aking boses dahil sa aking nalaman. Hindi ko batid ang tinatakbo ng isipan ng aking kapatid, kung bakit gayon ang kanyang nagiging pasya. Wala naman siyang anumang himaton na kanyang sinasabi.
"Sabi ng aking anak, mas pipiliin niya raw ang magkupkop ng mga batang walang pamilya sa lansangan. Nais niya raw maging kalinga ng mga taong naaapi, nahihirapan, at mga walang boses sa lipunan. Alam kong mabuti ang kanyang prinsipyo ngunit iyon ang tanging kanilang pinagtatalunan. Hindi ko na nga batid kung mayroon pa bang pag-asang maaaring mabuo sa kanila." Bakas sa kanyang tono ang lungkot para sa kanyang anak. "Nais kong magkaroon ng apo."
"Tiwala lang po. Kakausapin ko ang aking kapatid upang siya'y kumbinsihin, gagawin ko ang aking makakaya," pangako ko sa kanya, ang aking ikalawang pangako. Sumagi sa aking isipan ang hardinerong natagpuang wala nang buhay sa loob ng balon, pinangako ko sa kanyang pamilya ang kanyang hustisya. Ako'y nakokonsesnya sa oras na sumasagi sa isipan ko ang mga pangakong hindi ko natutupad. "Hindi ko man siya makukumbinsi, ngunit gagawin ko ang aking makakaya."
Napalingon ako sa kanyang likuran, naroroon ang mga inukit na bato na malapit nang mabuo.
"Si Mikael ang lumikha at naglilok ng mga 'yan. Ang galing niya hindi ba?" Napatango na lang ako nang bahagya dahil tunay namang maganda ang mga ito. "Ako ang gumagawa ng mga kagamitan niya sa paglililok. Minsan naman ay sinasamahan ko siya sa Valbwe upang magmina ng mga puting batong marmol. Batid mo ba na siya ang naglilok sa estatwang nakatayo sa balkonahe ng Kastilyo?" Ramdam mo ang pagmamalaki niya sa kanyang anak nang walang bahid ng pagmamataas at kahambugan.
"Ngayon ko lang rin po nalaman. Isa po siyang kamangha-manghang alagad ng sining. Ang kanyang mga likha'y makatotohanan. Hindi maitatangging nagmana siya sa kanyang amang bihasa sa pagpapanday." Kahit papaano ay nais ko ring pagaanin ang kanyang kalooban. Hindi sa nais ko lamang siyang pasayahin, ngunit tunay na katangi-tangi ang kanyang mga gawang metal. Mababakas sa katibayan ng kanyang mga gawa ang kanyang pagod at sakripisyo.
"Salamat."
"Sinasamba't rinerespeto niyo rin po ba ang nilililok ng mga tao?" Unang pagkakataon kong magtanong sa ibang tao ang tungkol rito. Kahit batid kong sensitibo itong topikong ito, umaasa ako na bibigyan niya ako ng kasagutan.
"Hindi. Hindi sila ang dapat sinasamba, hindi sila ang karapat-dapat na rinerespeto. Ngunit ang mga taong sumasamba sa kanila ay hindi natin masisisi, wala silang kasalanan." Nakahinga ako nang malalim dahil sa kanyang sagot, maaari itong maging balakid sa pagmamahalan ng dalawa. "Ang mga lider ng mga huwad na relihiyon ang dapat na masisi. Ang tunay na relihiyon ay hindi nakikisangkot sa politiko, digmaan, at mga krimen. At hinding-hindi nangongolekta ng mga salapi mula sa kanilang mga tagasunod para sa kanilang sariling kapakanan."
Nahagip ng aking mga mata ang dala niyang malaking baul, napatitig ako sa mga espadang nainlantad nang matanggal ang nakabalot ditong makapal na tela. Maganda ang pagkakagawa nito, mayroong patalim sa magkabilang gilid, kumikintab sa kinis ang pagkakahasa, at nagbibigay ng kagandahan ang simbulo ng apoy na nakaukit rito. Napansin kong nataranta siya nang makita niya akong nakatingin sa baul.
"Kamangha-mangha," pagpuri ko. Agad niyang inilapag ang hawak niyang lampara at dali-daling binalot ang mga espada ng nasabing tela. Ang kanyang mga inakto ay nag-iwan ng pagtataka at kuriyosidad sa akin. Nang mabalot niya ang mga ito, binuhat niya ito at ipinasok sa isang malaking aparador.
"Gawa niyo po ba ang mga iyon?"
"H-hindi," nauutal niyang wika. Hindi matigil sa paggalaw ang kanyang mga mata na para bang nakita niya na ang bawat sulok ng kanilang pwesto. Dali-dali siyang lumabas pagkatapos ay lumingon sa magkabilang gilid na animo'y nagmamanman kung mayroong tao. Binigyan niya ako ng isang ngiti. "Oo, gawa ito ng aming pamilya."
"Upang ito'y gamitin ng mga guwardiya-sibilsa Kastilyo?" Tumango na lamang siya nang walang imik.
"Kumukuha rin kami ng mga pinakamaiinam na punong-kahoy sa kagubatan upang gawing palaso at kalasag na siyang ginagamit ng mga sandatahan pandigma ng Kastilyo," sagot niya. Muli niyang kinuha ang lampara at nagtungo sa isa pang silid sa sulok kung saan ay napakadilim at maraming sapot ang kisame.
Hindi ko na naiwasang sumunod dahil sa kuryosidad na naglalaro sa aking isipan. Napapakamot ako sa aking binti dahil sa mga sapot na sumasabit, paika-ika akong naglalakad habang iniiwasan ang mga bagay-bagay na nagiging balakid sa aking dinaraanan.
Napakurap ako ng dalawang beses nang napatigil siya sa paglalakad. Nabigyan ng liwanag ang tambak na mga kagamitan na nababalot ng makapal na tela. Hinila niya ang nakabalot na tela na nagbigay ng alikabok sa paligid. Nang itapat niya ang liwanag ng lampara, tumambad ang napakaraming kalasag (shield) at espadang may kalumaan na. Ang karamihang espada ay nababalot na ng kalawang at mga dugong kitang-kita pa rin kahit matagal na panahon na ang lumipas.
Hinugot niya ang isang espada na gumawa ng huni.
"Ilang dekada na rin ang lumipas nang huling dumanak ang dugo sa Kaharian," saad niya na nagbigay na naman ng kuryosidad sa akin. Hindi ko alam ang kanyang winiwika ngunit sigurado akong ang kasaysayan ng Kaharian ang kanyang tinutukoy. "Ang lahat ng mga kwentong-bayan ay isang kasinungalingan. Maraming tao ang nagbuwis ng buhay para sa kanilang mga pamilya. Maraming taon na ang ginugugol ng mga tao upang maituwid ang mga nangyari ilang taon na ang nakalilipas."
"Ano po ba ang naganap noon? Mayroon ho bang mga taong kumakalaban sa Kaharian? Ano ang dahilan? Bakit kailangan nilang idaan sa madugong labanan?" sunod-sunod kong tanong. Napatawa siya nang mahina ngunit sapat upang umaalingawngaw pa rin sa kulob at madilim na silid.
"Tunay ngang walang nalalaman ang tulad mong normal na mamamayan," tawa niya. "Kayo'y nabuhay nga sa mga kwentong kathang-isip lamang. Ang mga naganap noon ay nabaon na sa isip ng mga nakatatanda, maging ako ay wala ring kaaalaman tungkol riyan bagama't hindi pa ako naisisilang noong mga panahong iyon."
"Ano po ang inyong ibig sabihin?"
"Walang sinumang tao ang kumakalaban sa kanyang sariling bansa o Kaharian. Ang kanyang kinakalaban ay ang mga namumuno sa mga nasasakupan." Binitawan niya ang espada at humakbang na papalabas. Kinuha niya ang baul na kanyang isinilid sa isang aparador kanina at binuhat paloob sa silid. Binuhat niya ito patungo sa isang tagong sulok at nang matamaan ng liwanag ang kanyang paligid ay nanlaki ang aking mga mata dahil sa gulat.
Marami pang mga baul ang kapareho nitong nakaimbak, nababalot sila ng makakapal na tela na animo'y pribado at walang sinumang tao ang dapat makakita nito. Para saan ang mga sandatang iyon? Ngunit kung ito'y kanyang itinatago, bakit niya ako hinayaang makita ito?
"May tiwala ako sa iyo." Iyon lamang ang kanyang sinabi at nginitian niya ako. "Halika na! Lumabas na tayo." Inaya niya akong lumayo sa silid kahit pa naman nasa labas na ang aking kinalulugaran. Inilapag niya ang lamparang kanyang hawak sa isang lamesa at napabuntong hininga dahil sa pagod.
"Ano po pala ang iyong pangalan?" tanong ko sa kanya. Kanina ko pa siya nakakausap ngunit hindi ko alam ang kanyang pangalan.
"Ako si Ester." Para bang tumindig ang aking balahibo dahil sa kanyang sinabi. Hindi ako makapagsalita na para bang may pumipigil sa aking bibig, nakatitig lamang ako sa kanyang mga mata. "Hango sa pangalan ng aking Ama."
Tila ba pabalik-balik akong nagbabalik-tanaw sa mga kaganapang nangyari ilang araw na ang nakalilipas. Maraming mga katanungan ang nais kong maikubli, mga bagay na gusto kong mahanap ang katotohanan. Hindi ako sigurado kung ang mga bagay-bagay ay nagkataon lamang ngunit napakalakas ng aking kutob.
"Isa rin siyang panday nang mga bata pa ako. Nakakalungkot mang sabihin, ngunit matagal na panahon na siyang nawawala." Hindi ko batid kung paano ko sasabihin, hindi ko kayang maipaliwanag ang mga nangyari. Hindi ko kayang ipagtapat na ako ang naging dahilan ng kanyang pagkasawi. "Siya ang naging inspirasyon ko upang ipagpatuloy ang kanyang nasimulan."
"S-sigurado pong nagagalak ka na rin niyang makita. Sino namang Ama ang hin---" napatigil ako at sabay kaming napatingin sa silid nang narinig ko ang hiyaw ni Ate Saira, bigla akong kinabahan. Dali-dali siyang tumayo at akmang hahakbang na nang nauna nang lumabas si Mikael. Sumunod naman si Ate Saira na agad na yinakap ang kanyang sinta.
Napaubo ako nang mahina dahi wala naman talagang nangyari, ni hindi man lang nagusot ang kanilang mga kasuotan. Ako lamang ang gumagawa ng malisya.
"Napakaganda nito, Mikael!" Nagtatalon-talon pa ang aking kapatid dahil sa lubos na kagalakan. Ipinakita niya sa kanyang palad ang pares ng bakya na gawa sa kahoy ng almug. Muli niyang sinunggaban ng yakap si Mikael na wala man lang magawa kundi ang ngumiti at yakapin pabalik ang aking kapatid. "Susubukan ko."
"Matagal na rin nang huli akong gumawa ng sandalyas, ngunit sana iyong naibigan. N-nagustuhan mo ba?" Napahawak pa siya sa kanyang batok dahil sa hiya. Napatingin lamang ako kay Ate Saira na taimtim na sinusukat ang sandalyas sa kanyang paa.
"Talagang batid mo ang aking sukat! Kasyang-kasya! Talagang kamangha-mangha, hindi ba, Elersa?" Lumingon siya sa akin at ako'y napatango lamang. Sa katotohanan, tunay na kaibig-ibig ang sandalyas na kanyang ginawa, ibang-iba ang disenyo nito na limitadong makikita sa pamilihan. "Oh! Si Itay Ester, Narito na pala siya. Matagal na ho ba kayong dumating? Natitiyak akong nagkamabutihan na ho kayo ni Elersa ha?"
Sabay kaming napatawa ni Mng. Ester. Ganito ang tawang nakikita ko sa kanyang ama noong siya'y aking nakakasama. Nakakalungkot lang sabihin na hindi na niya ito makikita pa. Dahil sa akin.
"Ano ka ba, Mikael. Kahit ilang dekada mo pang ipagpaliban iyan, hinding-hindi mawawala ang abilidad mo!" paalala ng kanyang Ama.
"Alam niyo po, Itay? Tinuruan niya rin akong gawin ito kanina sa imbakan! Hindi ko nga lang masundan ang tamang estilo ng mga talampakan, kaya't nakakailang ulit kami ng pagsisibak ng kahoy." Hindi na ako nakaimik, nagsisibak lang pala sila ng kahoy, kung anu-anong mga bagay na ang pumasok sa aking isipan. Nagtaka ako nang agad na nagbago ang emosyon ng kanyang mukha. "K-kailangan na nating umuwi, Elersa! Kuhanin mo na ang mga pinamili natin!"
"B-bakit, Ate?" Kinabahan ako tuloy sa kanyang sinasabi. Dali-dali niyang kinuha ang supot ng tela sa lamesa sa tabi ng lampara at isinilid ito roon.
"Kailangan ko pang magsibak ng kahoy, hindi pa ako nakapagluluto!" nag-aalalang sigaw ni Ate Saira. Napasampal naman si Mikael dahil sa kanyang narinig. Hinawakan ni Ate Saira ang aking pulsuhan.
"Ihahatid ko na ba kayo?" tanong ni Mikael.
"H-huwag na. Kaya na namin ito," pagtanggi ni Ate Saira. Binitbit ko na ang may kabigatang basket na agad na sinuportahan ng aking baywang. "Paalam na ho, Itay Ester."
"Mag-iingat kayo, ha?" paaalala ni Mng. Ester nang may malaking ngiti. Dali-dali kaming lumabas ni Ate Saira sa pwesto at napansin kong dumami ang mga mamimili.
Masigla pa rin ang mga nagbebenta sa bawat sulok, may ilan ring mga matatandang babae ang nagbebenta sa sahig ng mga pinatuyong mga isda na naipatong lamang sa isang makapal na tela. Agad na hinawak ni Ate Saira ang aking mga kamay dahil sa pagmamadali, at sa hindi inaasahan ay mayroong nakabunggo sa akin.
"P-paumanhin po," patawad ko at dali-daling lumuhod sa lupa upang tulungan siyang pulutin ang mga prutas na nagpagulong-gulong kung saan. Nagpapapadyak naman si Ate na kanina pa naiinip dahil sa aking katagalan. Maraming dumaraang tao kaya't nasisipa nila ang iba, ngunit napatigil ako nang nagkatinginan kami ng matandang babaeng aking kinabunggo. Akmang pupulutin ko na ang mansanas nang maunahan niya ako gamit ang nangungulubot na niyang kamay.
Sabay kaming napatayo nang mapulot na namin ang lahat ng prutas. Nagtaka ako nang ngumiti sa akin ang isang batang dalaga sabay sabi, "Salamat po." Nginitian pa niya ako bago umalis at muling isinuot ang kanyang talukbong. Mayroong misteryosong bagay ang biglang bumalik sa aking isipan dahil sa kanyang ngiti, tumindig ang aking balahibo. Naglakad na ito papalayo habang mayroong hawak na batang lalaki sa kanyang kaliwang kamay.
"N-nilo?" Agad kong pinigalan ang batang dalaga at nagulat siya sa aking ginawa. Napatingin rin sa akin ang batang lalaking kanyang hawak-hawak na mas lalo kong ikinagulat. Napagtanto kong ibang bata pala ang aking napagkamalan, nais ko nang bumiyak ang lupa at lamunin ako nito dahil sa matinding kahihiyan.
"W-wala na si Nilo," paalala ni Ate Saira na mabilis na lumapit sa akin. Tila ba inulit niya ang mga salitang aking sinabi kahapon. Ngunit natitiyak akong si Nilo ang aking nakita kanina, mula sa buhok nito hanggang sa tangkad at pananamit nito. "Tara na, Elersa."
"N-nilo," mahina kong saad bago ako tumalikod at naglakad papalayo.
Sa huling pagkakataon ay muli kong narinig ang kanyang boses na para bang ako'y kanyang tinatawag, "Ate." Muli akong lumingon sa bata na nakatingin sa batang dalaga. "Sino po siya?" tanong nito sabay turo sa akin.