Chapter 62: Kabanata 62
"Dito na kayo!" Malalakas ang sigaw ng mga tindera sa mga iba't-ibang pwesto sa pamilihan na animo'y nagkokompitensya na makahikayat ng mga mamimili. Marami ang mga mamimili ngayon ngunit iilan lamang ang mga bukas na pwesto.
"Saan ba tayo pupunta, Ate?" Laking gulat ko nang agad na hinawakan ng aking kapatid ang aking pulsuhan. Marami pa naman akong bitbit na mga produktong aming binili, kaya't nababahala ako na sila'y aking mabitawan. "Dahan-dahan lang, Ate!"
"Ano ka ba? Malapit na tayo!" Tila ba isa siyang bata na sabik na sabik na makita ang kanyang ina, kumikinang pa ang kanyang mga mata. Hinila niya ako sa isang masikip na eskinita, maraming mga pulubi ang aming nadaraanan. Ang ilang pulubi ay nakayuko lamang na animo'y nawalan na ng pag-asa sa buhay. Maalikabok na ang paligid dahil sa dalawang araw na walang ulan.
"Sa tingin ko ay napakalayo na ng nalakad natin, At-" Napatigil ako nang mapagtanto kong huminto siya sa paglalakad. Nasa harapan namin ang isang pwesto na sa tingin ko ay ngayon ko lang rin nakita. "At kailan mo pa nalaman ang mga lugar na ito, ha?" Nagtataka ako dahil hindi naman siya gano'n lumalabas sa bahay.
"Pumasok na tayo," kinikilig na saad ni Ate Saira ngunit tinaasan ko siya ng kilay. Hinawi niya ang mga tela na nagsisilbing panakip sa pwesto. Pagkapasok ko pa lang ay tanging mga matatalas na patalim na ang bumungad sa amin. Mula sa mahahabang espada hanggang sa maliliit na kutsilyo, kaliwa't kanan ang hile-hilera ng mga ito.
May ilan ring mga mamimili ang naglalakad-lakad at taimtim na nagsusuri ng mga produkto, karamihan sa kanila ay mga kalalakihan.
"S-sino ba siya? Nasaan ang lalaking iyong naiibi-"
"Shhh," pagputol niya sa akin, takot na marinig ng ilang mga mamimili. Tinaasan pa niya ako ng kilay at muling tumingin sa paligid. Hindi ko batid kung matagal na silang magkakilala, bagama't hindi naman ganoon lumalabas si Ate. Napapaisip ako kung minsan ay siya'y tumatakas sa bahay, ngunit hindi ko naman siya nasusumpungan.
Napatingin ang lahat sa isang lalaking matipuno ang pangangatawan, maputi ang balat, at may katangkaran. Maligaya nitong sinalubong ang mga mamimili na animo'y kanina pa siya hinihintay.
"Ano po sa inyo, Lolo?" tanong ng lalaki sa isang matandang lalaking kanyang kausap. Napatingin ako kay Ate Saira at siya naman ang aking tinaasan ng kilay. Ngunit nakatitig lang siya sa lalaking ngiti nang ngiti sa mga tao, para bang nagising ang kanyang kaluluwa nang siya'y aking sinagi.
"Kailan pa kayo magkakilala?" tanong ko, plano kong tanungin ang lahat ng maliliit na detalye kung paano, saan, at kailan sila nagkita. At hindi naman masama sa amin iyon ng aking kapatid, talagang ganito lamang kaming dalawa, kung minsan ay kinikilig sa kwentong pag-ibig ng bawat-isa.
"Nakaraang buwan?"sagot niya habang tila ba naging estatwa kakatitig sa 'kanyang' naiibigan.
"Naiibigan mo siya, ngunit naiibigan ka rin kaya niya?" Napatingin siya sa akin sa dahil sa aking katanungan. Muli ko siyang kinurot sa kanyang baywang, at halos pabulong na simabi, "At bakit hindi mo sinabi sakin, ang tagal na pala!"
Napatingin ang lalaki sa amin nang may ngiti sa labi, nagkatinginan pa sila ni Ate Saira na ngayo'y para bang kumikislap na ang mga mata. Maraming mga mamimili na rin ang natapos nang magbayad ng kanilang mga biniling patalim, pagkatapos, ay nagsilabasan na sa pwesto.
Nanlaki ang aking mga mata at halos mapatakip sa labi dahil agad silang nagyakapan sa isa't isa, hindi ko pa nakita ang mabilis na paglapit ng lalaki. Damang dama nila ang init ng isa't isa at ang matatamis nilang mga ngiti. Halos masuka ako sa aking mga nakikita, nais ko nang lumabas upang mabigyan sila ng panahong mag-usap .
"Ate Saira, lalabas na muna a-"
"Ano ka ba? Kaya nga tayo nagtungo rito upang makilala mo siya, hindi ba?" pagputol niya sa akin. Binawi na nila ang kanilang pagkakayakap, at para bang ako ang nakahinga nang maluwag sa hindi malamang dahilan. Muling bumalik ang lalaki sa bayaran ng produkto at nag-ayos-ayos ng mga bagay-bagay.
"Mabuti iyon upang magkamabutihan tayo," singit ng lalaki sabay ngiti. "Hindi ba't nakatutuwang may kilala na akong pamilya ng aking sinisinta?" Umaalingawngaw ang malalim nitong boses sa kulob nitong pwesto, bakas rito ang kanyang kakisigan.
"Isa ka bang panday?"tanong ko. Linapitan koang mga matatalim na patalim sa aking gawi. Kumikinang sila dahil sa liwanag ng lampara sa sulok at gumagawa ng huni dahil sila'y nagkakasagian sa isa't isa. Napahinto ako sa pagsusuri nang maramdaman kong nasugat ang aking hintuturo, hindi ito mahapdi, ngunit ramdam kong ito'y dumurugo.
Muli kong naaala ang huling pagkakataong nasugat ang aking hintuturo. Ito ay ang araw na nabalot ng salamangka ang pamilihan, ang araw na nakipagkita ako sa isang salamangkero. Ngunit napakunot ako ng noo nang mapagtantong walang anumang bakas ng sugat mula sa nauna nitong pagkakasugat. Hindi kaya't kagagawan lang rin ito mg ilusyon at salamangka?
"Isa ka bang panday?" muli kong tanong sa lalaki. Nagtaka rin si Ate Saira sa aking katanungan.
"Oo," sagot ng lalaki.
"Kung gayon, protektahan mo ang aking kapatid mula sa mga may masasamang loob." Agad kong naalala ang ilusyong pagkamatay ni Ate Saira at ng lalaking umiiyak sa kanyang bangkay, mas lalo akong nasasaktan. Sigurado akong siya ang lalaking aking nakita, kailangan niyang maging matapang para sa kanya. "Isa kang hangal na asawa kung hinahayaan mong nasasaktan ang iyong asawa."
"Elersa," tawag sa akin ni Ate Saira.
"Oo naman. Kaya kong ialay ang aking buhay para sa iyong kapatid," singit ng lalaki. Sa tingin ko'y nagtataka na sila sa aking mga winiwika, ngunit kinakailangan ko pa rin magbigay ng mga babala. "Mahal ko ang iyong kapatid, Elersa. Tumango tango na lang ako.
Hindi ko nais guluhin ang kanilang araw!
"Elersa, siya nga pala si Mikael," pakilala ng aking kapatid sa lalaki. Nginitian ako ng lalaking nangangalang Mikael, hindi naman maitatanggi na mayroon siyang magandang mukha kahit pa man isa lang siyang simpleng tindero. At kung tutuusin, hindi ko pa nalamang nagkagusto si Ate sa isang lalaki, kaya't alam kong alam niya ang kanyang ginagawa. "At siya nga pala si Elersa."
"Elersa? Hindi ba't siya 'yung usap-usapan kamakailan?" Napatigil siya at napaubo, tila ba batid niyang hindi ko gusto ang kanyang mga sasabihin. Nagkunwari pa siyang nagliligpit ng mga bagay-bagay kahit man hindi na kinakailangan. "N-nakita niyo ba ang makapal na usok na nagmula sa bukirin kahapon? Grabe, kumalat nang kumalat ang apoy!"
Hindi na lang ako umimik, batid kong wala akong karapatang magmalinis dahil totoo naman ang mga ito. Mas lalo pa akong nangamba sa kadahilanang maaari ngang kumalat na ang aking pangalan kung saan-saan.
"Mikael," paalala ni Ate Saira. "Natapos na ang paglilitis, walang kasalanan ang aking kapatid. Siya ay inosente." Lumingon sa akin ang aking kapatid at ngumiti.
"Maaari na ba akong magpaalam?" tanong ko. Sa tingin ko ay nasisira ko lamang ang kanilang araw, ang araw na dapat sa kanila'y nagpapaligaya. Akmang tatalikod na ako nang marinig kong napaubo si Mikael na animo'y nagkukunwari.
"Kayo ba'y nananghalian na?" Tinaasan ko siya ng kilay, napayuko lamang siya at para bang abalang-abala sa kanyang mga kinakalikot. May kinuha siyang isang maliit na patalim sa isang aparador at ikinuskos sa isang magaspang na bato. Nang tumagal ay hinipan niya ang patalim na nagpalipad sa alikabok nito.
Napabuntong hininga si Ate Saira at napahalukipkip, Umupo siya sa isang maliit na bloke ng kahoy at nagmuni-muni. "Kami'y natapos na. Hindi ba Elersa?" Linakihan at namiloy ang kanyang mga mata na para bang mayroong ipinapahiwatig.
"Ah? T-tapos na nga kami," sagot ko. Kanina pa kumakalam ang aking tiyan, nakakapagod mamalengke dahil naglipana ang maraming mamimili na sumasabay sa malamlam na tirik ng araw. Napatingin ako sa mga basket na aking bitbit, kanina ko pa pala ito hinahawakan. Lumapit ako sa isang lamesa at doon inilapag ang aming pinamili.
"Marami bang mamimili ngayon?" tanong ni Mikael. Napahawak siya sa kanyang baba at tiningnan si Ate Saira nang may pagkabagot. Hindi ko alam kung ako ang dahilan ng kanilang pagkakatamlay, siguro kung wala ako ngayon dito ay kanina pa sila nagpalitan ng mga yakap.
"Oo, pahirapan nga ang pagpili ng ilang produkto, kung iisipin mo ay may sakunang pinaghahandaan," reklamo ni Ate. Siya pa ang nagrereklamo ay 'di naman siya ang nahirapang magbitbit ng mga mabibigat na produktong aming pinamili. "Nakakapagod. Hindi ba, Elersa?" Bahagya na lamang akong tumango, tinatamad akong magsalita. Para bang nagtungo lamang ako sa pamilihan upang magpakapagod..
"M-magandang Umaga po!" Dali-daling lumayo si Ate Saira kay Mikael nang may pumasok na isang matandang babaeng mamimili. Ang kanilang pagkakahiya ay bakas na bakas sa kanilang mga mukha, pansin rin ang pamumula ng kanilang mga pisngi. "A-ano pong bibilhin niyo?'
"Naghahanap ako ng payneta, mayroon ba kayo nito, Anak?" Paika-ika itong naglakad at linibot ang loob. May hawak itong mahabang kahoy na nagbibigay suporta sa kanyang paglalakad. Agad na linapitan ni Mikael ang matandang babae at inabot ang isang paynetang nakalaagy sa isang aparador.
Tumindig ang aking balahibo nang ngumiti sa akin ang matandang babae. Isang pamilyar na ngiti na para bang nasilayan ko na noon pa man. Hindi ko na lamang ito pinansin, baka wala lamang ito. Hindi ko nais magisip ng mga kababalagjang bagay ngayon!
Nang maiabot ito ni Mikael ay dahan-dahang nagbilang ang matandang babae ng kanyang salapi at inilapag sa mesa. Paika ika itong naglakad palabas ng pwesto at muli akong nginitian.
Muli niya akong nginitian! Nakakatakot!
"Ah, Mahal." Para bang tumindig ang aking balahibo dahil sa aking narinig, o talagang wala pa sa kanya ang buo kong suporta. Hindi pa rin mawala sa aking isipan ang kanyang mga sinabi kanina. "May surpresa ako sa iyo."
"Ano iyon?!" biglang kinilig si Ate. Nagtatalon-talon pa siya na animo'y isang bata, napailing-iling naman si Mikael dahil sa hindi inaasahang reaksyon ng kanyang mahal. Napakagat ako sa loob ng aking pisngi, hinihintay ko lamang ang susunod na mangyayari sa dalawang taong nag-iibigan.
Surpresa? Matatawag pa bang isang surpresa ang isang bagay kung iyo nang binunyag pago mo pa ito naipakita? Hindi ko na alam ang aking iniisip, napabuntong hininga na lang ako at umupo sa isang bloke ng kahoy.
"Ano naman iyan ha? Ikaw talaga!" Napataas ang aking kaliwang kilay nang agad na sinunggaban ng yakap ni Ate Saira si Mikael kahit pa man madungis ito. Hindi ko tuloy maintindihan kung talagang wala akong suporta sa kanilang dalawa, o talagang hindi lamang ako nakakaugnay sa pag-ibig na kanilang tinatamasa. Pakiramdam ko ay sinisira ko ang kanilang araw, napag-iisipan ko tuloy na lumabas na ng pwesto.
"Kailangan ko na bang lumabas?" tanong ko. Itinuro ko ang pinto sabay tingin sa kanilang dalawa. Sa tingin ko'y mas magiging mabuti kung lalabas na muna ako, at kung natapos na ang surpresa ay doon na ako papasok muli. Perpekto ang oras ngayon upang makagawa sila ng magandang mga ala-ala. Hindi natin alam kung isa na bang singsing ang kanyang ibibigay!
"Ate?" muli kong tanong. Napabuntong hininga na lang ako dahil kanina pa pala sila naguusap habang nagtatawanan. Hindi ko batid kung narinig ba niya ang aking tanong, ngunit kailangan ko na talagang lumabas!
Hindi ko nais masira ang araw nila ngayon!
Muli silang nagtawanan sa hindi malamang dahilan at namilog na lang ang aking bibig nang biglang hinatak ni Mikeal papasok sa isang silid ang aking kapatid. Hindi ko alam ang kanilang mga sunod na gagawin, hindi ko na talaga pinagkakatiwalaan ang aking isipan!
Nakarinig rin ako ng malakas na pagyugyog ng isang kahoy sa sahig sa loob ng silid na animo'y may mabigat na bagay ang gumamit nito.
Rinig ko pa rin ang kanilang tawanan na napuputol at unti-unting nang tumatahimik. Maraming mga masasamang mga bagay ang pumapasok sa aking isipan kaya't napahilamos na lamang ako. Hindi ko nais pag-isipan ng masamang bagay ang aking kapatid, hindi siya tulad ko na pinag-ilusyonan ang Prinsipe sa una kong araw.
"Pagbutihin ninyo," bulong ko sa aking sarili. Paano na kaya kung may pumasok muling mamimili?! Ako na lang kaya ang magpe-presentang magtinda at magsilbi sa mga mamimili? Hindi iyon mangyayari.
Tumayo na lamang ako at nagmanman sa paligid, tunay ngang magaganda ang kalidad ng mga produkto ng pamilya ni Mikael. Mula sa maliliit na kutsilyo hanggang sa malalaki'y malalapad na espada, mahahanap mo ito dito. Naglakad-lakad ako sa habang nasa aking likuran ang magkahawak kong kamay, talagang nakakamangha ang pagkakagawa nila. Napahinto ako nang bahagya nang mapansin ko ang hindi pa natatapos na nililok na bato sa isang sulok.
Marami ang hindi ko matukoy na kagamitan ang nakakalat sa kinalulugaran nito. May ilan ring gawang sining ang nakaagaw ng atensyon sa akin, tunay na nakamamangha. Tumindig ang aking balahibo nang makarinig ako ng mga dagang kumakaluskos sa hindi ko matukoy na lugar, para bang nagbalik-tanaw ako sa mga nangyari sa piitan isang araw pala'ng ang nakalilipas.
Naulinigan ko ang papalapit na mga yapak mula sa labas, dahan-dahan akong bumalik sa kinalulugaran ko kanina. Hapong-hapong pumasok ang may katandaan nang lalaki, inilibot pa niya ang kanyang tingin sa paligid pagkatapos ay inilapag sa sahig ang kanyang mabigat na baul. Nakabalot ito ng makapal na tela ngunit nakasisigurado akong mga metal ito dahil sa huning nalikha nito nang mailapag sa sahig.
Dahil na lamang sa init ng panahon, kinuha niya ang kanyang sumbrerong gawa sa pinagtagpi-tagping dahon upang pamawi ng lamig. May katandaan na ito ngunit may pagkahubog pa rin ang katawan dahil na rin sa pagtatrabaho.
"M-magandang tanghali po," bati ko sa bagong dating na mamimili. Napatingin ako sa silid kung saan pumasok ang dalawa, tahimik na roon. "Ano po ang kailangan niyo nanh matulungan ko po kayo?"
"Nasaan si Mikael? Bakit ikaw ang nagbabantay rito?" Natahimik ako sa kanyang tanong, hindi ako sigurado kung sino ang matandang lalaking kausap ko ngayon. Posible kayang ito ay kanyang ama? Sa tono ng kanyang pananalita ay maaari nga. "Mikael!" sigaw nito. Nataranta ako nang nagsimula siyang maglakad papasok sa loob.
"W-wala po sila. N-nagtungo ho sila sa pamilihan," pagpigil ko sa matandang lalaki. Tinaasan niya ako ng kilay at bakas sa kanyang mga mata ang pagtataka.
"Hindi ba't pamilihan naman na ang kanyang kinalulugaran?" Namilog ang aking bibig dahil sa kanyang sinabi. Nagkatitigan lamang kami habang ako'y nag-iisip ng taimtim ng maidadahilan. Bakit ba kasi hindi ko iyon naisip?! "At sino ka?"