Chapter 59: Kabanata 59
Para bang umaapoy ang aking puso sa hulin salitang kanyang binanggit. Napabuntong hininga akong muli at naglakad papalapit sa kanya, pagkatapos ay dahan-dahang umupo sa kanyang tabi. Ang tilaok ng mga manok, halinghing ng kabayo, at huni ng mga iba't ibang hayop sa aming paligid ang siyang tanging naririnig. Para bang wala silang pakialam sa magiging tahimik naming pag-uusap.
"Paano mo po nasabi?" tanong ko. Hindi naman masasabi ni Inay ang mga salitang iyon kung wala siyang anumang karanasan sa buhay. "Mayroon po ba kayong mga kapatid? Nasaan po sina Lolo't Lola?" Batid ko naman na nagmula sila sa Kaharian ng Badoc ngunit ni isang beses ay hindi naikwento ni Inay ang tungkol sa kanilang pamilya. Sa tingin ko ay ngayon na ang tamang panahon upang siya'y aking matanong.
"Matagal na rin ang nakalilipas..." panimula ni Inay at napatingala sa mga nagdaraang mga ulap sa kalangitan. "Walang almusal na iniisip kong kasalo ko sila sa hapag-kainan. Walang araw na hindi sila sumagi sa aking isipan. Walang linggong hindi sila sumagi sa aking panaginip. Walang buwang hindi ko sila isinasama sa aking mga panalangin tuwing pag-aalay. At walang taong hindi ko ninanais na mahanap silang muli."
"Nasaan po ba sila, Inay? Wala ba kayong planong sila'y hanapin?" tanong ko muli.
"Sinabi ko nga diba? Walang taong hindi ko ninais na mahanap silang muli." Para bang nabulunan ako sa kanyang sinabi, dapat na nga talaga akong makinig nang mabuti. Tumango tango nalang ako bilang pagsang-ayon.
Napapadaan rin ang ilang mga karwahe sa kalayuan, rinig na rinig ang huni ng nga gulong nito na tumatama sa mabatong lupa. May ilan ring mga batang nagsisiakyatan sa mga puno upang mamitas ng mga bunga nito, habang ang mga magulang nila'y halos himatayin sa kanilang pagiging pilyo. Napansin kong nakatingin si Inay sa kanila, tila malalim ang iniisip.
"Nasaan sila?" tanong ni Ina sa akin, tumango akong muli bilang pagsang-ayon. "Hindi ko alam. Mas pinili kong sumama sa iyong Ama upang tumakas sa Imperyo, iyon ang aking pagkakamali. Habang buhay ko iyong pagsisisihan." Nagtaka ako sa kanyang winika, napakunot pa ang aking noo.
"Ano, Inay?! Nagsisisi ka ba naging anak mo kami?! Ang sama mo naman." Nagkunwari akong nagtatampo ngunit napatawa lamang siya nang mahina. "Kung hindi kayo nagsama ni Itay, tiyak na walang magpapainit ng ulo mo araw-araw!"
"Hindi naman sa gano'n, ngunit hindi mo naman maiiwasang mapaisip minsan, diba? Kung anong posibleng nangyari kung sinunod ko sila? Kung anong nangyari kung mas pinili ko sila kaysa aking sariling kagustuhan? Marami, maraming katanungan ang patuloy na gumugulo kay sa akin."
Napatigil si Inay at tiningnan ako. Hindi ko alam kung kailangan kong malaman ang mga nangyari sa kanyang nakaraan, ngunit tila kinakain ako ng kuriyosidad tungkol sa kanyang pamilya. Napapaisip tuloy ako minsan kung mayroon ba kaming mga kamag-anak. "Maiintindihan mo rin anak."
"Hindi ba't nagkaroon ng kaguluhan sa Badoc noon, Inay? Posible kayang nagkahiwa-hiwalay kayo? Posible kayang nahiwalay ka sa kanila?" tanong ko. Naikwento ni Inay ang digmaan sa Badoc noong kami'y mga bata pa, ngunit mga walang katotohanang mga tao ang kanyang ginamit na mga tauhan, mga taong lumilipad. Napatawa ako nang lihim, nais lang niya kaming matulog nang maaga noong mga gabing iyon.
"Sa tingin mo ba nandito sila ngayon kung hindi kami nagkahiwa-hiwalay?" Pakiramdam ko talaga ay wala nang saysay ang mga pinagsasabi ko kay Inay, kailangan ko nang manahimik. "Hindi sang-ayon ang aking buong pamilya sa pagsasama namin ng iyong Ama, si Lerid."
"Ay! Tama lang na ipinaglaban niyo ang pag-ibig ninyo, Inay! Kung ako'y ikaw? Gagawin ko rin ang inyong ginawa!" pagsang-ayon ko sa kanya. Hindi niya alam ay iba na pala ang nais kong iparating. Kung hindi siya sang-ayon sa Prinsipe, tiyak na lilipad rin ako sa malayong lugar.
"Anong ibig mong sabihin?" Kinunotan niya ako ng noo, para bang nakuha niya ang nais kong iparating.
"Ah!?-W-wala po! Si Taniel po? Nakita niyo po ba siya?" sunod sunod kong tanong. Tumayo na ako at tumungo sa harapan ng aking kabayo. Parang ang sarap lang sa pakiramdam na mayroon na akong sariling kabayo. Minsan ay napapaisip ako kung hindi ba siya nanghihinayang na ibinigay niya sa akin si Perlo. Kahit pa man hindi isang tao si Perlo ay mayroon parin silang pinagsamahan nang matagal-tagal.
Tiyak na mamamatay lang si Perlo dito dahil sa kagalakang makita ang kanyang amo. Para bang naaawa ako sa kabayong ito, dapat ko nga siyang ibalik kay Prinsipe Jobel, at upang hindi ako mabisto kay Inay. Pakiramdam ko ay iniirapan pa ako ng kabayo at sinasadyang huwag bumangon.
"Hindi ko rin alam, Anak. Maaga silang nagising ng Itay mo, hindi ko batid kung saan sila nagtungo ng kapatid mong si Taniel," sagot ni Inay. Napatigil ako sa kanyang sinabi, para bang tumanim sa aking isipan ang salitang 'kapatid". Hindi ko alam kung may nalalaman ba si Inay o kung sino man sa aming pamilya sa namamagitan sa amin ni Taniel. Ngunit kahit anong mangyari, pipiilin ko ang tama.
Pipilitin kong pigilan ang aking nararamdaman sa kanya.
Dahil siya'y aking kapatid.
Napatango tango nalang ako. Tumayo na si Inay at binuhat ang basket na kinaroroonan ng balahibo ng tupa. Binuksan ko na rin ang kulungan ng kabayo na nasa aking harapan upang gisingin ang nagtutulog-tulugang kabayo.
"Gising na, kaibigan." May nakita akong isang mansanas sa malapit kaya't kinuha ko ito. "Ayaw mo ba nito? Perlito? P-Perlo?" Kunwaring inaamoy ko pa ang mansanas upang makuha ang atensyon nito. Laking gulat ko nang agad itong bumangon mula sa pagkakahiga. Tila ba hindi nito natiis ang masarap na amoy ng mansanas.
"Magpakabait ka kay Ate, ha?" Hinaplos ko ang balahibo nito sa kanyang ulo na nagpahalinghing rito. Pakiramdam ko tuloy ay naging isang kabayo si Nilo, tintarato ko na bilang kapatid ang kabayo. "Nilo, ayaw mo bang pangalan iyon?"
Humahalinghing ito at napailing iling na para bang maka-totohanang nakakaintindi ito ng aking mga sinasabi. "Damot mo naman. Pwes, kainin mo na ito." Inilahad ko ang pulang mansanas sa harapan nito at agad naman nitong kinain.
Nang matapos, pinakawalan ko na ito sa kanyang kulungan na ikinasaya nito.
"Tayo na." Agad akong sumakay sa likuran ng kabayo at muling hinaplo-haplos ang balahibo nito upang pakalmahin. "Tumigil ka!" Laking gulat ko nang tumaas nang biglaan ang harapang mga binti nito, dali-dali itong tumakbo sa bukirin at umiikot-ikot. Pilit kong kinakapa ang siyahan ng kabayo kahit pa man paikot-ikot ito.
"Perlo!" sigaw ko na ikinagulat rin ni Inay, hindi pa siya nakalalayo. Napatingin siya sa aking gawi ngunit ibinalik rin ang kanyang tingin sa kanyang dinaraanan nang kumalma ang kabayo. Nginitian ko pa si Inay upang ipaalam na mabuti lamang ang lahat, kahit pa man bakas sa mukha ng kabayo na nais na ako nitong ilaglag sa bangin.
Pakiramdam ko tuloy ay nagiging tamad na ako dahil kay Perlo, nakokonsesnya ako. k
Kaya ko namang lakarin ang mga lugar na nais kong puntahan, ngunit mas mabuti ang mas maging mabilis.
"Nais mo bang pumunta sa batis?" pag-papakalma ko kay Perlo. "Maraming mansanas roon. Ayaw mo ba?" Napangiti ako nang kumalma na ito na animo'y naiintindihan niya ang aking sinasabi. Minsan ay sumasagi sa aking isip kung nakakaintindi ba talaga siya at ito'y kanya lamang linilihim. Nakapa ko na rin ang siyahan ng kabayo.
"Hiya!" Hinampas ko ang siyahan ng kabayo dahilan upang mapasigaw ito kasabay ang pagtaas ng dalawang binti nito sa harapan. Nakonsensya tuloy ako kung nasaktan ba siya sa aking ginawa, bahala na. "Patungo ng batis!"
Itinuro ko ang kagubatan mula sa malayo, nagsimula na ring tumakbo ang kabayo sa naararong lupa ng bukirin.
Mukhang napapa-amo ko na ang kabayo, ngunit tatagal pa ito ng ilang taon upang siya'y mapalapit sa akin. Upang makalimutan na rin nito ang dati nitong amo. "Hiya!" muli kong sigaw na ikinatinginan ng mga bata mula sa malayo. Nagsibabaan rin ang ilan sa mga puno at pinanood ang aking pagdaan.
"Ate Elersa!" sigaw ng isa na umaalingawngaw sa nalawak na bukirin. Kumakaway pa sila habang namukhaan ko naman ang isa sa kanila. Kumaway ako pabalik at itinuon na ang aking tingin sa daan.