Chapter 2: Kabanata 2
Dalawampu't Isang Taon Ang Nakalipas (8 CE)
"MGA anak, nakikita ba ninyo ang maraming bituin sa kalangitan?" tanong ni Ama sa amin. Nakaupo siya sa isang malaking bato hawak ang isang mahabang kahoy ng Olibo (olive). Nakatingala kaming lahat sa kalangitan habang pinapanood ang mga nagkikislapang bituin sa langit at ang maliwanag na buwan.
"Opo Ama," magiliw na sagot ni Kuya Jabar habang hinihimas ng marahan ang balahibo ng tupang nasa kanyang tabi. Nasa tabi ko naman si Ate Jesa na may malaking ngiti sa labi habang hinihintay ang mga susunod na sasabihin ni Ama.
"Kaya niyo bang bilangin ang mga bituin?" tanong ni Ama sabay itinuro ang mga bituin gamit ang kahoy na kanyang hawak kasabay ng malamig na simoy ng hangin na nagpagalaw sa mga damo sa aming paligid.
"Imposible naman pong magawa namin iyon, Ama," sagot ko sabay tawa. Napailing iling naman ng mabagal si Ama na ipinagtaka naming magkakapatid.
"Naikwento sa akin ng inyong Lolo na may nakabilang daw ng lahat ng bituin sa langit. At sa paglipas raw ng panahon ay magiging kasing dami ng bituin sa langit ang maninirahan dito sa lupa," wika ni Ama at kita sa kanyang mukha ang lungkot dahil sa pagkamatay ni Lolo matagal nang panahon na ang lumipas nang ito'y mawala.
"Ang galing naman po niya, sana mabilang ko rin ang mga bituin at tingnan ang mga nakaligtaan niyang bilangin," pagbibiro ni Kuya Jabar, isa siyang masiyahing tao at marami siyang kaibigan dahil rito. Sabay sabay naman kaming nagtawanan at huminto nang magsalita ulit si Ama.
"Batid niyo rin ba na may napakagandang bituin sa langit noong isilang ng inyong Ina ang kapatid niyong si Elersa?" tanong nito sa amin sabay tingin sa akin nang nakangiti. Nagulat naman si Kuya Jabar at Ate Jesa sa kanilang mga narinig, maging ako ay namangha rin.
"Oo totoo iyon, sa tingin namin ng inyong Ina ay doon niya nakuha ang kanyang kagandahan," dagdag ni Ama. Napangiti naman ako hindi dahil sa tinatanggap ko ito, ngunit dahil magawa pang maalala ni Ama ang mga bagay na matagal tagal na ang nakalipas.
"Pagdaan ng mga taon noong isilang si Elersa ay naging matunog ang pangalang 'HESUS' sa kalapit na Judea. Sa pagkakaalam namin ng inyong Ina ay iisang araw naisilang ang batang ito at si Elersa," patuloy ni Ama. Napatango tango naman sina Kuya Jabar at Ate Jesa na mukha nanamang namangha sa sinabi ni Itay.
Napatingin nalang kaming lahat nang dumating si Taniel na halatang pagod at tila naliligo sa kanyang sariling pawis.
"Oh Taniel! Gabi na, saan ka nanggaling?" tanong ni Ama kay Taniel na dumating hawak ang lubid na nakatali sa isang puting tupa. Si Taniel ay ka-edad ko lamang at siya ang palagi kong kalaro tuwing umaga, ngunit nalulungkot ako sa tuwing tumutungo siya kinahapunan sa kaniyang mga tupa.
"Hinanap ko lang po ang isang nawawalang tupa. Limampu't anim po sila ngunit nang bilangin ko ay limamput lima na lamang, kaya't hinanap ko po ito," sagot ni Taniel sabay marahang hinimas ang ulo ng tupa habang ngumingiti na nagpapalalim sa kanyang pisngi.
"Saan mo ito nahanap? Pagod ka yata, halika't saluhan mo kami sa pang-hapunan," singit ni Ina na di inaasahang lumitaw. Napatingin si Taniel sa akin at tumingin ulit kay Ina na para bang nagdadalawang isip na makisalo.
"Nahanap ko po siya sa tabi ng Ilog Paglas. Sige po, gutom na rin po ako," magiliw na sagot ni Taniel kay Ina. Agad namang nagsitawanan ang lahat.
***
Kaharian ng Pinileo (29 CE)
NAKANGITI ako habang pinapanood ang mga kumikinang na bituin sa langit at ang pagbalik ng mga masayang ala-ala namin matagal na panahon na ang nakalilipas. Napahinga ako ng malalim at napatingin sa lampara sa aking harapan na nagbibigay liwanag sa aming bahay kasabay ang pag-ihip ng napakalamig na simoy ng hangin na nagpanginig sa aking katawan.
"Isara mo ang bintana anak, baka pumasok ang mga insekto," wika ni Ina na kadarating lang mula sa Kastilyo."Hindi pa ba umuwi ang iyong Ama?" dagdag niya habang sinusuri ang mga silid. May tatlong silid ang aming munting bahay na gawa sa bato, una ay kung saan kami nagluluto at kumakain, pangalawa ay kung saan kami natutulog, at panghuli ay ang silid kung saan namin hinaharap ang mga panauhin (salaz). Payak lamang ang aming pamumuhay at masaya kami sa mayroon kami.
Naglilingkod si Ina sa Kastilyo araw araw upang maglingkod sa Hari kapalit ang tatlong pilak na salapi.
"Wala pa po Ina, tiyak na gagabihin si Ama ngayon," sagot ko at inisara na ang bintana. Tumango na lamang si Ina kasabay ang paglabas ni Ate Jesa mula sa silid lutuan (kitchen).
"Nagluto po ako ng karne ng usa na inuwi ni Kuya Jabar mula sa pangangaso sa gubat," singit ni Ate Jesa sa usapan namin ni Ina at ipinakita sa amin ang umuusok pang karne sa plato. Tumango tango naman si Ina kasabay ang paglabas ni Nilo sa silid-tulugan at akmang yayakapin si Ina nang iwasan siya nito.
"Madungis pa ang iyong Nanay Bersa, tiyak na madudungisan ka rin kung yayakapin mo ako," tawa ni Ina habang napakamot sa ulo.
"Pinakuluan ko na rin po ang ibang tirang karne ng usa, plano kong ibilad ito sa init para makain natin sa mga susunod na araw," dagdag ni Ate Jesa na siyang tumatayo naming Ina sa tuwing wala si Ina.
"Maganda ang iyong naisip, handa ka nang magkaroon ng nobyo," sagot naman ni Ina sabay ngisi na para bang tinutukso si Jesa na maghanap na ng papakasalan."Siya nga pala, narinig ko ang usap usapan kanina sa Kastilyo na darating daw ang dalawang anak ni Haring Valenzo mula sa Hirsea, kaya't kailangang nandoon ako," dagdag ni Ina sabay tingin sa akin na para bang may ipinapahiwatig sa akin.
Sabay namang dumating si Tatay Lerid at Kuya Jabar na may ngiti sa labi hawak ang mga sanga ng ubas. Sabay sabay kaming kumain at pinagsaluhan ang karne ng usa na pinakuluan ng matagal at tinimplahan ng asin at ibang mga pampalasa kaharap ang isang lampara na nagbibigay liwanang sa aming tahanan