Chapter 23: Tawag
“Ano? Nandito si Brayden? Sila ni Tyke? Dito natulog?” alunignig ni Gianna sa sinabi ng ina habang kumakain siya ng brunch sa kusina. Namilog pa ang mga mata niya.
Hindi man sumagot ang ina ay mabilis na siyang nagtungo sa banyo at inayos ang sarili. Tinakbo na niya ang guest room at nakasalubong si Ezra sa pasilyo.
“Hey, what’s the fuss all about, gurl?” nagtatakang tanong nito dahil sa pagmamadali niya.
Napangiti siya nang pilya nang hindi man lang sinagot ang kaibigan. Kinatok na lang niya ang pinto sa guest room na napagitnaan ng silid nina Ezra at Naomi.
Si Brayden ang nagbukas ng pinto at binati niya ito nang pagkatamis-tamis. Si Ezra naman ay namangha nang makita ang binata, pati na si Tyke. Walang suot na pang-itaas ang huli, siguro ay dahil sa init ng panahon lalo na’t ang daming nainom nito kagabi. Doon na napatitig nang husto ang bakla, sabay kagat ng labi.
“We’re about to leave,” turan ni Brayden.
Wala talagang nakitang ekspresyon sa mukha ng binata. It was blank as a bond paper.
‘Kairita! How can he be so stoic right now?’
“Ah, gano’n ba? Ayos lang ba kayo rito?” naitanong na lang niya. Nakangiti pa rin siya sa lalaki. Bumaba ang paningin niya sa mga labi nito na hinalikan niya kagabi. Hindi niya nakalimutan iyon kahit na nalasing siya pagkatapos. Parang gusto na naman niyang ulitin iyon ngayon at namnamin ito. Hindi lang nito alam kung gaano siya kasaya nang maramdaman ang pagsukli nito ng halik sa kanya. Kaso nga lang, binitin niya ito nang sadya.
“Inasikaso kami ng nanay mo,” sabat ni Tyke. Isinuot na nito ang T-shirt, tinakpan ang abs. Hindi nito alintana ang nasasayangang tingin ni Ezra.
“Buti naman. Salamat sa paghatid sa ‘kin, ah,” nakangiting aniya kay Brayden. “Tyke, kita na lang tayo mamaya,” dagdag niyang bumaling sa makisig na lalaki.
Moreno at guwapo rin itong katulad ni Brayden pero iyon ay dahil sa palaging nasa labas si Tyke dahil sporty ito. Kung hindi man golf ay nagsu-swimming ito, samantalang si Brayden ay mahilig sa pagpunta ng gym, maglaro ng lawn tennis, at nakikipag-golf din sa kaibigan.
Naalala pa niyang tinuruan siya noon ng dalawa sa paggo-golf kaya kahit paano ay marunong naman siya. Kaya nga proud sa kanya si Pierre dahil kapag kailangan nito ang presensiya niya para makipag-usap sa kliyente ay dinadala ito ng French na amo sa isang golf club at siya ang pambato nito upang kunin ang isang deal.
Napansin niyang napasimangot si Brayden dahil sa sinabi niya kay Tyke pero bahala na nga ito kung magseselos ito. Iyon pa ba ang aayawan niya? Ang makita niyang nagseselos ito? Ibig lang sabihin kasi niyon ay may damdamin pa rin talaga ito para sa kanya.
‘Sure, Gianna. Umasa pa tayo, ha?’ anang isip niya.
Gusto naman talaga ni Gianna na magselos si Brayden. Siguro kung makikipaglapit siya sa ibang mga lalaki ay hindi nito iyon makakayanan at aamin din ito sa kanya sa bandang huli.
“Sure, sure!” nakangising anang Tyke sa kanya.
Kumaway siya nang papalabas na ang mga ito sa gate, sakay sa kotse ni Tyke.
“Hmm… too bad. Ang lasing mo kagabi, gurl. Sana nagapang mo siya at mapikot pa,” kantiyaw ni Ezra na inikot ang mga mata.
Napatawa siya rito pero napasimangot siya nang tumunog ang kanyang cell phone. Nang makitang numero lang ang nakita sa LCD ng kanyang cell phone nang hugutin niya ito sa bulsa ng suot na maikling shorts, napatanong siya sa sarili kung sino iyon.
Sumilip si Ezra sa kanyang phone at napataas rin ng kilay. “I don’t think it’s Pierre,” saad nito.
“Sigurado ka?”
Tumango ang bakla.
“Hello?” sagot na niya sa cell phone nang may alinlangan sa kanyang boses. Ewan ba niya. Bigla na lang siyang kinabahan kasi.
“I’ll see you at the hotel’s coffee shop at 3 p. m., sharp,” sabi ng pamilyar na boses ng may edad na babae. Magaling talaga itong kumuha ng kanyang numero. Parang noong tatlong taong nakalipas lang. Ito rin ang sinabi nito noon.
Napalunok siya. Parang biglang sumikip ang kanyang lalamunan at dibdib.
Naging kuryuso si Ezra nang sumeryoso siyang bigla. Agad namang nag-end call ang tumawag sa kanya nang hindi man lang nagpaalam o pinakinggan ang anumang sagot niya.
“Sino ‘yon at ganyan na lang ang hitsura mo?” usisa ng baklitang kaibigan.
Pinilit niyang lumunok ulit. “Brayden’s… you know.” Para siyang naging papel sa sobrang putla.
“Oh, no! Not again!”
“Gano’n na nga, Ezra.” Napakurap-kurap siya at napasapo sa kanyang dibdib. Magkakaroon yata siya ng sakit sa puso ng dahil sa babaeng tumawag.
“Okay ka lang ba?” alalang tanong ng kaibigan. Seryoso itong tingnan.
Tumango siya nang pilit bilang pagtugon sa tanong nito.
“Kalurkey ‘yang babaeng ‘yan, ah!” Nandilat ang mga mata ni Ezra at saka ang mga kamay ay parang kinalmot ang hangin.
“Sinong babae?” sabat ni Naomi na nakabihis na para pumasok sa trabaho.
Sinagot naman iyon ni Ezra at nag-aalalang napatingin sa kanya ang pinsan.
“Sasamahan na kita, gusto mo?” boluntaryong ani Naomi. “Nagtitimpi rin ako sa babaeng iyan, eh!”
“Huwag na. Kaya ko naman ‘to,” sansala niya.
“Pero tinapak-tapakan ka niya three years ago, remember?” paalala ng pinsan sa kanya. “I can’t let her do that to you again. Nagsakripisyo ka na nang dahil sa bruhang ‘yon. Urgh! Parang gusto kong… Huwag na nga lang. Baka graphic pa ang masasabi ko at magagalit ka sa ‘kin.”
“Really. I can manage this time. Hindi na ako kagaya ng dati,” giit niya sa pinsan at hinalikan ito sa pisngi. “Thanks sa concern, Naomi. I appreciate it much.”
Napabuga ito ng hangin at napasulyap kay Ezra. Makahulugan iyon pero hindi na niya pinansin. Nagpaalam na sa kanila ang pinsan na aalis kaya napasunod na lang siya rito ng tingin nang lumabas ng bahay.