Chapter 22: Lying
“Kung ayaw mong malaman ni Gianna, gigisingin kita nang maaga bago pa siya magising. Tutal naman, eh, sigurado akong mataas na ang araw bago siya magising dahil sa kalasingan at bakasyon niya naman. Baka kasi madisgrasya ka pa sa daan kung hahayaan kitang umalis ngayon. Kargo de konsensiya pa kita,” pahayag ng ginang.
Hindi na siya nakatanggi pa rito. Pinatulog sila nito sa isang guest room. Nalaman niyang si Ezra pala ang nasa isang silid sa kaliwa at si Naomi naman ang nasa isa pa. Pinagitnaan iyon. Kulay puti ang pintura ng silid at may abstract na painting na nakasabit sa isang dingding.
‘What am I doing here?’
Pinakawalan niya ang isang mabigat na hininga bago pumikit ng mga mata nang makahiga na siya sa kama.
***
Halos tanghali na nang magising si Brayden nang masulyapan ang suot na smartwatch. Napabalikwas siya at nakitang nasa tabi pa niya si Tyke na marahang dumilat. Nagulat ito nang makita siyang katabi sa kama na queen size. Para itong singbilis ng bampira nang bumangon.
“N-nasaan tayo? May ginawa ba tayo kagabi? Seriously, bud?” tarantang anito.
Tinapunan niya ito ng unan na sinalo naman nito. “Gago!” aniya. “Ang lasing mo kaya kagabi. At ano’ng tingin mo sa ‘kin? Gago ka talaga, Tyke!”
May kumatok sa pinto bago pa man siya makapagpaliwanag pa nang todo.
“Pasensiya ka na, Brayden, at hindi kita ginising nang maaga. Naisip ko kasing baka pagod ka rin kaya hindi ko na inistorbo ang tulog n’yo ni Tyke,” hinging-despensa ng pumasok na ina ni Gianna dala ang isang tray ng almusal. Laman niyon ay dalawang plato ng homemade tocino, piniritong talong, sinangag na kanin, at hotdogs.
Sumunod rito ang pamangking si Naomi na may matipid na ngiti at nakasuot lang ng pambahay na shorts at T-shirt. Binati sila nito. May dala itong dalawang tasa ng mainit na kape para sa kanila ni Tyke. Kita niyang umuusok pa ang mga ito.
Nagulat si Tyke nang makita ang pinsan ni Gianna. Tumalikod ito kaagad dahil naalala nitong hindi pa ito nakapagmumog o nakapaghilamos man lang. Napahiya pa ang gago niyang kaibigan.
“May banyo diyan, o, kung kailangan n’yo,” sabay nguso ni Naomi sa kanang banda nila.
Sinulyapan ng binata ang kanyang kaibigan saka ibinalik sa pinsan ng ex niya. Halos kahawig ito ni Gianna, hindi lang kasing-tangkad ng modelo at maikli ang buhok na hanggang balikat.
Iniwan na sila ng dalawang babae pagkalapag ng dala-dala ng mga ito sa ibabaw ng bedside table. Napakamot-kamot ng batok si Tyke at pabagsak itong napadapa sa kama.
“Ba’t hindi mo sinabing nandito si Naomi?”
Bigla siyang napatawa rito at binatukan ito. “Ano? Malay ko ba, ha? Dito ba ako nakatira? Bumangon ka na nga at nang makapag-almusal na tayo at saka makaalis na rin.”
Sinamaan siya ng tingin ng kaibigan. “Takot ka bang makita ni Gianna pagkatapos ng nangyari kagabi? Ayaw mo ba siyang harapin?”
“Dami mong satsat! Kumilos ka na nga!” nababanas na aniya. “Bilisan mo, ah!”
“Wala akong hangover pero parang gusto kong magka-hangover para dito na lang muna ako. Magpapaalaga ako kay Naomi!” Ipinihit nito ang mukha para tingnan siya. Ngumisi itong parang asong ulol.
Ang alam niya noon pa ay may pagtingin ito kay Gianna pero dahil halos kamukha ng dalaga ang pinsan nito kaya hindi nakapagtataka para kay Brayden na may pagtingin din ito kay Naomi. Iyon nga lang ay hindi ito tipo ng pinsan ni Gianna. O, hindi nga ba?
“Ang corny mo, bud!” Sinipa-sipa niya ito sa paa upang kikilos na.
Nakabusangot ang mukha ng kaibigan na bumangon. Nauna na siyang pumunta sa banyo bago kumain. Pagkatapos niya roon ay sumunod si Tyke para ito naman ang may gagawing ritwal sa loob.
Ilang minuto pa ang nakalipas ay nakapagkape na rin sila pagkakain ng agahan. Wala silang gaanong imikan ng kaibigan habang nag-aagahan.
Naalala pa niya ang picture frame sa silid ng dalaga.
“Oy, Bray! Sagutin mo nga ang cell phone mo. Hindi mo ba narinig ang tunog, ha?” untag sa kanya ng kaibigan.
Muntik na siyang mapalundag sa boses nito. Hinugot niya ang cell phone sa bulsa ng kanyang suot na pantalon.
Si Kelly.
Bigla siyang kinabahan.
“Where are you, babe?” bungad ng katipan. “Sa condo pa ba ni Alex? Your mom told me that you did not go home last night.”
“Um… oo, eh,” pagsinungaling niya.
Alam niyang mali pero sa tingin niya ay mas maiging hindi nito alam kung nasaan talaga siya ngayon. Kahit na wala siyang ginawang kababalaghan ay baka mag-isip ng masama ang babae at ayaw niyang mag-aalala ito. Good boy naman siya.
‘Talaga ba? ‘Di ba hinalikan mo si Gianna kagabi?’
Pilit niyang iwaksi iyong muli sa kanyang isipan. He should stop thinking about that kiss. Inunahan siya ni Gianna.
‘Reflex lang ang nangyari.’
Minura niya ang sarili sa isip. He already cheated on his soon-to-be wife in this case. And he did not feel good about it.
Nakonsensiya siya.
“Sige, dadaanan na lang kita riyan sa condo ni Alex at nang maibigay ko ang regalo ko para sa kanya. Malapit naman na ako.”
Narinig niyang wika ng katipan. “N-no. No. Wait! Alex is really wasted. So, hindi ka niya mahaharap. Sa susunod mo na lang ibigay ‘yan sa kanya, babe. Dumiretso ka na lang sa ospital at sasabay lang ako kay Tyke.”
“Are you sure?” atubiling anito.
“Yeah, yeah! I’m sure. I’ll see you later, babe.”
“Okay. I love you, babe!” Nagpaalam na ang babae.
Napasulyap siya kay Tyke pagkatapos ng tawag na iyon. Tinatantiya siya nito.
“You… just lied to her,” saad ng kaibigan sa mababang tono.
“At ano’ng dapat na sasabihin ko? ‘By the way, babe, nandito ako sa bahay ng ex-girlfriend ko. Dito ako nakatulog kagabi. Pero ‘wag kang mag-alala dahil walang nangyari sa ‘min.’ Gano’n ba? Maniniwala ba siya kung sinabi ko ‘yon sa kanya, ha?”
Napailing-iling ang kaibigan. “I’d hate being you, buddy. Buti na lang hindi kasing complicated ang buhay ko katulad ng buhay mo.” Binigyan siya nito ng naaawang tingin. Napa-tsk pa ito pagkatapos.
Siya naman ay napahilamos ng palad sa kanyang mukha.